KABANATA 14
“Nagpasiya Kaming Lahat”
Kung paano nakabuo ng pasiya ang lupong tagapamahala na nagdulot ng pagkakaisa sa mga kongregasyon
Batay sa Gawa 15:13-35
1, 2. (a) Anong mabibigat na tanong ang napaharap sa lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo? (b) Anong tulong ang tinanggap ng mga kapatid na iyon upang makabuo ng tamang pasiya?
SABIK na sabik ang lahat. Nagkakatinginan ang mga apostol at matatandang lalaki na nasa isang silid sa Jerusalem. Oras na para magpasiya. Ang isyu ng pagtutuli ay nagbangon ng ilang mahahalagang tanong. Nasa ilalim ba ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano? Dapat bang magkaroon ng pagtatangi sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil?
2 Marami nang naisaalang-alang na katibayan ang mga lalaking ito. Nasa isip nila ang makahulang Salita ng Diyos, pati na ang personal at mapuwersang mga testimonya na nagpapakita ng pagsang-ayon ni Jehova. Nasabi na nila ang lahat ng dapat sabihin. Sa dami ng katibayang naiharap tungkol sa isyu, kitang-kitang pinapatnubayan sila ng espiritu ni Jehova. Susundin kaya ng mga lalaking ito ang patnubay na iyan?
3. Paano tayo makikinabang sa pagsusuri sa ulat ng Gawa kabanata 15?
3 Kailangan ang tunay na pananampalataya at lakas ng loob upang sumunod sa patnubay ng espiritu sa bagay na ito. Maaaring sumidhi ang galit sa kanila ng mga Judiong lider ng relihiyon. At nahaharap sila sa pagsalansang ng mga lalaki sa loob ng kongregasyon na pilit na humihikayat sa bayan ng Diyos na manatili sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Ano kaya ang gagawin ng lupong tagapamahala? Tingnan natin. Habang pinag-aaralan natin ang ulat na ito, makikita natin kung paano nagbigay ng parisan ang mga lalaking iyon na tinutularan sa ngayon ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ito rin ang parisang kailangan nating tularan kapag napapaharap tayo sa mga pagpapasiya at mga hamon sa ating buhay bilang mga Kristiyano.
“Kaayon Ito ng Sinasabi sa Aklat ng mga Propeta” (Gawa 15:13-21)
4, 5. Anong liwanag mula sa makahulang Salita ng Diyos ang ibinangon ni Santiago sa kanilang pag-uusap?
4 Nagsalita ang alagad na si Santiago, ang kapatid ni Jesus sa ina.a Lumilitaw na sa pagkakataong ito, siya ang nangangasiwa sa pulong. Ibinuod ng kaniyang mga pananalita ang waring naging pasiya ng lupon. Ganito ang sinabi ni Santiago sa harap ng nagkakatipong mga lalaki: “Inilahad ni Symeon na binigyang-pansin ngayon ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya. At kaayon ito ng sinasabi sa aklat ng mga Propeta.”—Gawa 15:14, 15.
5 Ang sinabi ni Symeon, o Simon Pedro, at ang mga katibayang ipinakita nina Bernabe at Pablo ay malamang na nagpaalaala kay Santiago ng mahahalagang teksto na nakatulong para malutas ang isyung pinag-uusapan nila. (Juan 14:26) Matapos sabihin ni Santiago na ang “sinasabi sa aklat ng mga Propeta” ay kaayon ng mga katibayang iniharap, sinipi ni Santiago ang mga pananalita sa Amos 9:11, 12. Ang aklat na iyan ay nakatala sa bahagi ng Hebreong Kasulatan na kilala sa tawag na “mga Propeta.” (Mat. 22:40; Gawa 15:16-18) Mapapansin mo na ang mga pananalitang sinipi ni Santiago ay medyo naiiba sa makikita natin sa aklat ng Amos sa ngayon. Malamang na sumipi si Santiago mula sa Septuagint, isang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan.
6. Paano nagbigay-liwanag ang Kasulatan hinggil sa paksang pinag-uusapan ng lupon?
6 Sa pamamagitan ng propetang si Amos, inihula ni Jehova na darating ang panahong itatayo Niya ang “kubol ni David,” samakatuwid nga, ang maharlikang angkan na pagmumulan ng Mesiyanikong Hari. (Ezek. 21:26, 27) Tanging sa mga likas na Judio lang ba, bilang isang bansa, muling makikitungo si Jehova? Hindi. Idinagdag ng hula na ang “mga tao ng lahat ng iba pang bansa” ay titipuning magkakasama bilang “mga taong tinatawag ayon sa pangalan” ng Diyos. Alalahaning kasasabi pa lamang ni Pedro na “pantay ang tingin [ng Diyos] sa atin [sa mga Judiong Kristiyano] at sa kanila [sa mga mananampalatayang Gentil], at dinalisay niya ang mga puso nila dahil sa kanilang pananampalataya.” (Gawa 15:9) Sa madaling salita, kalooban ng Diyos na maging mga tagapagmana ng Kaharian kapuwa ang mga Judio at mga Gentil. (Roma 8:17; Efe. 2:17-19) Hindi kailanman ipinapakita ng mga hula na dapat munang magpatuli o maging proselita ang mga mananampalatayang Gentil.
7, 8. (a) Ano ang iminungkahi ni Santiago? (b) Paano natin dapat unawain ang pananalita ni Santiago?
7 Dahil sa gayong makakasulatang patotoo at sa mapuwersang testimonya na narinig ni Santiago, ganito ang iminungkahi niya para isaalang-alang ng lupon: “Kaya ang pasiya ko ay huwag nang pahirapan ang mga bumabaling sa Diyos na mula sa ibang mga bansa, kundi sulatan sila na umiwas sa mga bagay na narumhan ng mga idolo, sa seksuwal na imoralidad, sa mga binigti, at sa dugo. Dahil noon pa man, mayroon nang nangangaral sa bawat lunsod tungkol sa mga sinabi ni Moises, at ang mga ito ay binabasa nang malakas sa mga sinagoga tuwing sabbath.”—Gawa 15:19-21.
8 Nang sabihin ni Santiago na “kaya ang pasiya ko,” iginigiit ba niya ang kaniyang awtoridad sa ibang mga kapatid—marahil dahil siya ang nangangasiwa sa pulong na iyon? Nagpapasiya ba siya para sa lupon ayon sa gusto niyang mangyari? Hinding-hindi! Ang pananalitang Griego na isinaling “ang pasiya ko” ay maaari ding mangahulugang “ang hatol ko” o “ang opinyon ko.” Hindi nagpapasiya si Santiago para sa buong lupon, kundi nagmumungkahi lang siya ng puwedeng gawin batay sa mga katibayang iniharap at sa sinasabi ng Kasulatan.
9. Anong pakinabang ang idudulot ng iminungkahi ni Santiago?
9 Maganda ba ang iminungkahi ni Santiago? Tiyak na maganda, dahil sumang-ayon dito nang maglaon ang mga apostol at matatandang lalaki. Anong mga pakinabang ang idudulot nito? Sa isang banda, hindi na nito ‘pahihirapan,’ o ‘bibigyan ng pabigat,’ ang mga Kristiyanong Gentil dahil hindi naman sila inuutusang sundin ang mga kahilingan sa Kautusang Mosaiko. (Gawa 15:19; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Sa kabilang banda, isinasaalang-alang nito ang konsensiya ng mga Judiong Kristiyano, na maraming taon nang nakikinig sa “mga sinabi ni Moises [na] binabasa nang malakas sa mga sinagoga tuwing sabbath.”b (Gawa 15:21) Ang mungkahing iyon ay magpapatibay sa ugnayan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil. Higit sa lahat, mapalulugdan nito ang Diyos na Jehova, yamang kaayon ito ng kaniyang layunin. Isa nga itong napakainam na paraan ng paglutas sa isang suliraning muntik nang sumira sa pagkakaisa at kapayapaan ng bayan ng Diyos! At isa nga itong napakahusay na halimbawa para sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon!
10. Paano tinutularan ng Lupong Tagapamahala ang parisang ipinakita noong unang siglo?
10 Tulad ng binanggit sa naunang kabanata, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon, gaya noong unang siglo, ay umaasa kay Jehova, ang Kataas-taasang Tagapamahala, at kay Jesu-Kristo, ang Ulo ng kongregasyon, para sa patnubay sa lahat ng bagay.c (1 Cor. 11:3) Paano ito isinasagawa? Ganito ang paliwanag ni Albert D. Schroeder, na naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala mula 1974 hanggang sa matapos ang kaniyang makalupang landasin noong Marso 2006: “Ang Lupong Tagapamahala ay nagpupulong tuwing Miyerkules. Pinasisimulan nila ito sa pamamagitan ng panalangin at paghingi ng patnubay ng espiritu ni Jehova. Sinisikap nila na anumang bagay at pagpapasiya na kanilang ginagawa ay kasuwato ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.” May kaugnayan dito, sa pagtatapos ng ika-101 klase ng Watchtower Bible School of Gilead, si Milton G. Henschel, isang matagal nang miyembro ng Lupong Tagapamahala na natapos sa kaniyang makalupang landasin noong Marso 2003, ay nagbangon ng mariing tanong: “Mayroon pa bang ibang organisasyon sa lupa na ang lupon ng mga nangangasiwa ay sumasangguni muna sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, bago gumawa ng mahahalagang pasiya?” Kitang-kita naman ang sagot.
‘Pumili ng mga Lalaking Isusugo’ (Gawa 15:22-29)
11. Paano ipinaalám sa mga kongregasyon ang pasiya ng lupong tagapamahala?
11 Nakabuo na ng pasiya ang lupong tagapamahala sa Jerusalem tungkol sa isyu ng pagtutuli. Subalit para magkaisa ang mga kapatid sa mga kongregasyon, kailangang ipaalám sa kanila ang pasiya sa isang malinaw, positibo, at nakakapagpatibay na paraan. Ano kaya ang pinakamainam na paraan para magawa ito? Ipinapaliwanag ng ulat: “Nagpasiya ang mga apostol at matatandang lalaki, kasama ang buong kongregasyon, na pumili mula sa kanila ng mga lalaking isusugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe; isinugo nila si Hudas na tinatawag na Barsabas at si Silas, mga lalaking nangangasiwa sa mga kapatid.” Bukod diyan, isang liham ang inihanda at ipinadala sa mga lalaking ito upang basahin sa lahat ng kongregasyon sa Antioquia, Sirya, at Cilicia.—Gawa 15:22-26.
12, 13. Anong kabutihan ang naidulot ng (a) pagsusugo kina Hudas at Silas? (b) liham mula sa lupong tagapamahala?
12 Bilang “mga lalaking nangangasiwa sa mga kapatid,” sina Hudas at Silas ay lubusang kuwalipikado na maging kinatawan ng lupong tagapamahala. Malinaw na ipinapakita ng pagsusugo sa apat na lalaking iyon na ang mensaheng dala nila ay hindi basta sagot sa isyu ng pagtutuli, kundi isang bagong tagubilin mula sa lupong tagapamahala. Ang pagsusugo kina Hudas at Silas, ‘mga piniling lalaki,’ ay tutulong upang magkaroon ng malapít na ugnayan sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio sa Jerusalem at ng mga Kristiyanong Gentil sa labas ng lunsod na ito. Isa nga itong matalino at maibiging kaayusan! Walang pagsalang nagtaguyod ito ng kapayapaan at pagkakaisa sa bayan ng Diyos.
13 Ang liham ay naglaan ng malinaw na tagubilin sa mga Kristiyanong Gentil hindi lamang sa isyu ng pagtutuli, kundi pati na rin sa dapat nilang gawin upang tumanggap ng pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova. Ito ang mahalagang bahagi ng liham: “Tinulungan kami ng banal na espiritu na magpasiya na huwag nang magdagdag ng higit na pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo, sa dugo, sa mga binigti, at sa seksuwal na imoralidad. Kung patuloy ninyong iiwasan ang mga ito, mapapabuti kayo. Hanggang sa muli!”—Gawa 15:28, 29.
14. Paano nagkakaisa ang bayan ni Jehova sa kabila ng daigdig na punô ng pagkakasalungatan sa ngayon?
14 Sa ngayon, nagkakaisa sa paniniwala at pagkilos ang mga Saksi ni Jehova, na mahigit 8,000,000 na sa kasalukuyan sa mahigit 100,000 kongregasyon sa buong lupa. Paano sila nagkaroon ng gayong pagkakaisa, lalo na’t ang daigdig sa ngayon ay punô ng kaguluhan at pagkakasalungatan? Ang gayong pagkakaisa ay pangunahin nang nagmumula sa tiyak at malinaw na mga tagubiling inilalaan ni Jesu-Kristo, ang Ulo ng kongregasyon, sa pamamagitan ng “tapat at matalinong alipin,” ang Lupong Tagapamahala. (Mat. 24:45-47) Nagdudulot din ng pagkakaisa ang kusang-loob na pagsunod ng mga kapatid sa mga tagubilin ng Lupong Tagapamahala.
“Nagsaya Sila Dahil sa Pampatibay na Tinanggap Nila” (Gawa 15:30-35)
15, 16. Ano ang naging resulta ng paglutas sa isyu ng pagtutuli, at bakit gayon ang naging resulta?
15 Sinasabi ng ulat ng Mga Gawa na nang makarating sa Antioquia ang apat na kapatid na nagmula sa Jerusalem, “tinipon nila ang mga alagad at ibinigay ang liham.” Ano ang naging reaksiyon ng mga kapatid doon sa tagubilin ng lupong tagapamahala? “Pagkabasa [ng liham], nagsaya sila dahil sa pampatibay na tinanggap nila.” (Gawa 15:30, 31) Bukod diyan, “pinatibay at pinalakas nina Hudas at Silas . . . ang mga kapatid sa pamamagitan ng maraming pahayag.” Sa ganitong diwa, masasabing “mga propeta” ang dalawang lalaki, kung paanong sina Bernabe, Pablo, at ang iba pa ay tinawag na mga propeta—isang terminong tumutukoy sa mga naghahayag o nagsisiwalat ng kalooban ng Diyos.—Gawa 13:1; 15:32; Ex. 7:1, 2.
16 Kitang-kita na pinagpala ni Jehova ang lahat ng ginawang pagsisikap para malutas ang isyu. Bakit maganda ang naging resulta? Walang alinlangan, ito ay dahil sa malinaw at napapanahong mga tagubilin ng lupong tagapamahala batay sa Salita ng Diyos at sa patnubay ng banal na espiritu. Bukod diyan, ang mga pasiya ay ipinaalám sa mga kongregasyon sa maibiging paraan.
17. Ano-anong pitak ng pagdalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa ngayon ang nakakatulad ng parisang ibinigay noong unang siglo?
17 Sa ngayon, tinutularan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang parisang iyan sa pamamagitan ng paglalaan ng napapanahong mga tagubilin sa pandaigdig na kapatiran. Kapag may nabubuo silang mga pasiya, ang mga ito ay malinaw at tuwirang ipinaaalam sa mga kongregasyon. Ang isang paraan ay ang pagdalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito. Ang mapagsakripisyong mga kapatid na ito ay dumadalaw sa bawat kongregasyon at naglalaan ng malinaw na tagubilin at maibiging pampatibay. Tulad nina Pablo at Bernabe, gumugugol sila ng maraming oras sa ministeryo, na ‘itinuturo at ipinahahayag ang mabuting balita ng salita ni Jehova kasama ang maraming kapatid.’ (Gawa 15:35) Gaya nina Hudas at Silas, pinapatibay at pinalalakas nila “ang mga kapatid sa pamamagitan ng maraming pahayag.”
18. Paano makakatiyak ang bayan ng Diyos na patuloy silang tatanggap ng pagpapala mula kay Jehova?
18 Kumusta naman ang mga kongregasyon? Ano ang tutulong sa mga kongregasyon sa buong lupa upang manatiling nagkakaisa sa gitna ng daigdig sa ngayon na punô ng pagkakasalungatan? Alalahanin na si Santiago mismo ang sumulat: “Ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod . . . Bukod diyan, ang bunga ng katuwiran ay inihahasik sa mapayapang kalagayan para sa mga nakikipagpayapaan.” (Sant. 3:17, 18) Hindi natin alam kung ang pulong sa Jerusalem ang nasa isip ni Santiago. Pero batay sa isinaalang-alang nating mga pangyayaring nasa Gawa kabanata 15, tiyak na magkakaroon lamang ng pagpapala mula kay Jehova kung may pagkakaisa at pagtutulungan.
19, 20. (a) Bakit natin masasabing nagkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa ang kongregasyon ng Antioquia? (b) Sa anong gawain na ngayon maitutuon nina Pablo at Bernabe ang kanilang mga pagsisikap?
19 Maliwanag na nagkaroon na ngayon ng kapayapaan at pagkakaisa ang kongregasyon ng Antioquia. Sa halip na makipagtalo sa mga kapatid na nanggaling sa Jerusalem, pinahalagahan ng mga kapatid sa Antioquia ang pagdalaw nina Hudas at Silas. Sinasabi ng ulat: “Nanatili sila roon nang ilang panahon, at noong paalis na sila, sinabi sa kanila ng mga kapatid na makabalik sana sila nang payapa sa mga nagsugo sa kanila,” samakatuwid nga, pabalik sa Jerusalem.d (Gawa 15:33) Makakatiyak tayo na natuwa rin ang mga kapatid sa Jerusalem nang marinig nila ang iniulat ng dalawang lalaking ito tungkol sa kanilang paglalakbay. Sa tulong ng walang-kapantay na kabaitan ni Jehova, masaya nilang naisakatuparan ang kanilang misyon!
20 Maitutuon na ngayon nina Pablo at Bernabe, na nanatili sa Antioquia, ang kanilang mga pagsisikap sa masigasig na pangunguna sa gawaing pag-eebanghelyo, na siya ring ginagawa ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa ngayon kapag dumadalaw sa mga kongregasyong nasa kanilang pangangalaga. (Gawa 13:2, 3) Isa nga itong pagpapala para sa bayan ni Jehova! Pero paano pa kaya ginamit at pinagpala ni Jehova ang dalawang masisigasig na ebanghelisador na ito? Makikita natin ang sagot sa susunod na kabanata.
a Tingnan ang kahong “Si Santiago—Ang ‘Kapatid ng Panginoon.’”
b May katalinuhang tinukoy ni Santiago ang mga sinabi ni Moises, na binubuo hindi lang ng Kautusan, kundi pati na ng ulat tungkol sa pakikitungo ng Diyos at sa iba pang bagay na nagpapakita ng kalooban ng Diyos bago pa ibigay ang Kautusan. Halimbawa, malinaw na makikita sa Genesis ang pananaw ng Diyos tungkol sa dugo, pangangalunya, at idolatriya. (Gen. 9:3, 4; 20:2-9; 35:2, 4) Sa ganitong paraan, nakapagbigay si Jehova ng mga prinsipyo na dapat sundin ng lahat ng tao, Judio man o Gentil.
c Tingnan ang kahong “Kung Paano Inoorganisa ang Lupong Tagapamahala sa Ngayon.”
d Sa talata 34, nagsingit ng mga salita ang ilang salin ng Bibliya anupat lumalabas na nagpasiya si Silas na manatili sa Antioquia. (Biblia ng Sambayanang Pilipino) Gayunman, lumilitaw na idinagdag na lamang ang mga salitang iyon nang maglaon.