LEKSIYON 4
Pinasaya Niya ang Kaniyang Tatay at si Jehova
Nakikita mo ba ang batang babae sa larawan?— Siya ang anak ng lalaking si Jepte. Hindi sinasabi ng Bibliya ang pangalan niya, pero alam nating pinasaya niya ang kaniyang tatay at si Jehova. Alamin natin ang kuwento niya at ng kaniyang tatay na si Jepte.
Mabuting tao si Jepte at lagi niyang tinuturuan ang anak niya tungkol kay Jehova. Malakas din siya at isang magaling na lider. Kaya pinili siya ng mga Israelita para maging lider nila sa pakikipaglaban sa mga kaaway.
Nanalangin si Jepte kay Jehova na tulungan silang manalo. Nangako si Jepte na kapag nanalo sila, ibibigay niya kay Jehova ang unang taong lalabas sa kaniyang bahay para salubungin siya. Ang taong ito ay titira at magtatrabaho habang buhay sa tabernakulo ng Diyos. Ang tabernakulo ay ang lugar na pinupuntahan noon ng mga tao para sambahin ang Diyos. Aba, nanalo si Jepte sa labanan! Pag-uwi niya, alam mo ba kung sino ang unang lumabas ng bahay para salubungin siya?—
Oo, ang anak na babae ni Jepte! Nag-iisa lang siyang anak, at ngayon, magkakahiwalay silang mag-ama. Lungkot na lungkot si Jepte. Pero nangako siya, ’di ba? Kaya sinabi ng anak niya: ‘’Tay, nangako po kayo kay Jehova kaya dapat n’yo pong tuparin iyon.’
Nalungkot din ang anak ni Jepte. Kasi sa tabernakulo, hindi siya puwedeng mag-asawa at magkaanak. Pero gustong-gusto niyang tuparin ang ipinangako ng kaniyang tatay at pasayahin si Jehova. Para sa kaniya, mas mahalaga iyon kaysa mag-asawa at magkaanak. Kaya iniwan niya ang kaniyang pamilya at tumira sa tabernakulo nang buong buhay niya.
Sa tingin mo, napasaya kaya niya ang kaniyang tatay at si Jehova sa ginawa niya?— Oo! Kung masunurin ka at mahal mo si Jehova gaya ng anak ni Jepte, magiging masayang-masaya din ang iyong mga magulang at si Jehova.