ARAL 36
Ang Pangako ni Jepte
Iniwan na naman ng mga Israelita si Jehova at sumamba sila sa mga diyos-diyusan. Noong salakayin ng mga Ammonita ang mga Israelita, hindi sila natulungan ng mga diyos-diyusang iyon. Matagal na naghirap ang mga Israelita. Nang bandang huli, sinabi nila kay Jehova: ‘Nagkasala kami. Iligtas n’yo po kami sa aming mga kaaway.’ Sinira ng mga Israelita ang mga idolo nila at sinamba uli si Jehova. Ayaw ni Jehova na magpatuloy ang paghihirap nila.
Ang mandirigmang si Jepte ang napiling maging lider sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Sinabi niya kay Jehova: ‘Kung tutulungan n’yo po kaming manalo sa labanang ito, ipinapangako kong pag-uwi ko, ibibigay ko sa inyo ang unang taong sasalubong sa akin.’ Pinakinggan ni Jehova ang panalangin ni Jepte at tinulungan nga silang manalo.
Pag-uwi ni Jepte, ang unang sumalubong sa kaniya ay ang anak niyang babae, ang kaisa-isa niyang anak, habang sumasayaw at tumutugtog ng tamburin. Ano ang gagawin ni Jepte? Naalaala niya ang pangako niya at sinabi: ‘Naku, anak ko! Dinurog mo ang puso ko. Nangako ako kay Jehova. Para matupad ko iyon, dapat kitang ipadala sa Shilo para maglingkod sa tabernakulo.’ Pero sinabi ng anak niya: ‘Itay, kung nangako po kayo kay Jehova, dapat n’yo pong tuparin ’yon. Pero sana po makapagbakasyon muna ako nang dalawang buwan sa bundok kasama ang mga kaibigan kong babae. ’Tapos, pupunta na ako sa Shilo.’ Ang anak ni Jepte ay tapat na naglingkod sa tabernakulo nang buong buhay niya. Taon-taon, binibisita siya doon ng mga kaibigan niya.
“Kung mas mahal ng isa ang kaniyang anak na lalaki o anak na babae kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin.”—Mateo 10:37