KABANATA 7
Paraan ng Pangangaral—Paggamit ng Iba’t Ibang Paraan Para Maabot ang mga Tao
1, 2. (a) Ano ang ginawa ni Jesus para marinig siya ng maraming tao? (b) Paano tinularan si Kristo ng kaniyang tapat na mga alagad, at bakit?
PINALIBUTAN si Jesus ng mga tao sa isang baybayin, pero sumakay siya sa bangka at lumayo nang kaunti. Bakit? Alam niyang lalakas ang tinig niya sa ibabaw ng tubig at mas malinaw na maririnig ng mga tao ang kaniyang mensahe.—Basahin ang Marcos 4:1, 2.
2 Sa mga dekada bago at pagkatapos ng pagsilang ng Kaharian, tinularan si Kristo ng kaniyang tapat na mga alagad. Gumamit sila ng bago at naiibang mga paraan para mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian sa maraming tao. Sa pangunguna ng Hari, ang bayan ng Diyos ay patuloy na umaalinsabay sa pagbabago ng mga kalagayan at pagsulong sa teknolohiya. Gusto nating maabot ang pinakamaraming tao hangga’t maaari bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Tingnan ang ilan sa mga paraang ginamit natin para maabot ang mga tao, saanman sila nakatira. Isipin din kung paano mo matutularan ang pananampalataya ng mga nagpalaganap noon ng mabuting balita.
Pag-abot sa Maraming Tao
3. Bakit ikinagalit ng mga kalaban ng katotohanan ang paggamit natin ng pahayagan?
3 Pahayagan. Simula pa noong 1879, inilalathala na ni Brother Russell at ng kaniyang mga kasamahan ang Watch Tower para maihatid sa maraming tao ang mensahe ng Kaharian. Pero noong dekada bago 1914, mukhang minaniobra ni Kristo ang mga bagay-bagay para mas marami pang tao ang mapaabutan ng mabuting balita. Nagsimula ang sunod-sunod na pangyayari noong 1903. Nang taóng iyon, si Charles Taze Russell ay hinamon ni Dr. E. L. Eaton, tagapagsalita ng isang grupo ng mga ministrong Protestante sa Pennsylvania, para sa isang serye ng debate tungkol sa doktrina ng Bibliya. Sa isang liham kay Russell, sinabi ni Eaton: “Sa tingin ko, ang isang pangmadlang debate tungkol sa ilang paksa na magkaiba ang opinyon natin . . . ay pupukaw sa interes ng publiko.” Sang-ayon dito si Russell at ang kaniyang mga kasamahan, kaya isinaayos nila na mailathala ang mga debate sa isang nangungunang pahayagan, ang The Pittsburgh Gazette. Dahil tinangkilik ng mga tao ang mga artikulong iyon at talagang nakakakumbinsi ang malinaw na paliwanag ni Russell sa katotohanan sa Bibliya, nagprisinta ang pahayagan na ilathala ang mga pahayag ni Russell linggo-linggo. Tiyak na ikinagalit ito ng mga kalaban ng katotohanan!
Pagsapit ng 1914, mahigit nang 2,000 pahayagan ang naglalathala ng mga sermon ni Russell
4, 5. Anong katangian ang ipinakita ni Russell? Paano siya matutularan ng mga may responsibilidad sa organisasyon?
4 Di-nagtagal, mas marami pang pahayagan ang gustong maglathala ng mga pahayag ni Russell. Pagsapit ng 1908, iniulat ng Watch Tower na ang mga sermon ay inilalathala na “nang regular ng labing-isang pahayagan.” Pero pinayuhan si Russell ng mga kapatid na may alam sa industriya ng pahayagan na kung ililipat niya sa mas kilalang lunsod ang mga opisina ng Samahan na nasa Pittsburgh, mas maraming pahayagan ang maglalathala ng mga salig-Bibliyang artikulo. Matapos pag-isipan ang mungkahi at iba pang bagay, inilipat ni Russell sa Brooklyn, New York, ang mga opisina noong 1909. Ang resulta? Pagkaraan lang ng ilang buwan, mga 400 pahayagan na ang naglalathala ng mga pahayag, at patuloy pa itong dumami. Nang maitatag ang Kaharian noong 1914, mahigit nang 2,000 pahayagan sa apat na wika ang naglalathala ng mga sermon at artikulo ni Russell!
5 Anong mahalagang aral ang itinuturo nito? Magandang tularan ng mga may responsibilidad sa organisasyon ng Diyos ang kapakumbabaan ni Russell. Paano? Kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon, isaalang-alang ang payo ng iba.—Basahin ang Kawikaan 15:22.
6. Paano nakaapekto sa isang tao ang mga katotohanang inilathala sa pahayagan?
6 Ang mga katotohanan tungkol sa Kaharian na inilathala sa pahayagan ay nakapagpabago sa buhay ng mga tao. (Heb. 4:12) Halimbawa, si Ora Hetzel, na nabautismuhan noong 1917, ay isa sa marami na nakaalam ng katotohanan mula sa mga artikulo sa pahayagan. “Matapos akong ikasal,” ang sabi ni Ora, “dinalaw ko si Nanay sa Rochester, Minnesota. Naabutan ko siyang naggugupit ng mga artikulo sa isang pahayagan. Mga sermon iyon ni Russell. Ipinaliwanag ni Nanay ang mga natutuhan niya roon.” Tinanggap ni Ora ang katotohanan at naging tapat na tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos sa loob ng mga anim na dekada.
7. Bakit pinag-isipan ng mga nangunguna sa organisasyon kung itutuloy pa ang paggamit ng pahayagan?
7 Dahil sa dalawang matinding pangyayari, pinag-isipan ng mga nangunguna sa organisasyon noong 1916 kung itutuloy pa ang paggamit ng pahayagan sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Una, kasagsagan noon ng Malaking Digmaan kaya mahirap makakuha ng materyales sa pag-iimprenta. Noong 1916, binanggit ng isang ulat mula sa ating tanggapan sa Britanya ang problema: “Mahigit 30 pahayagan na lang ang naglalathala ng mga Sermon sa ngayon. Di-magtatagal, malamang na bababa pa ito dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng papel.” Ang ikalawang pangyayari ay ang kamatayan ni Brother Russell noong Oktubre 31, 1916. Kaya ipinatalastas sa Disyembre 15, 1916, ng The Watch Tower: “Ngayong wala na si Brother Russell, tuluyan nang ititigil ang paglalathala ng mga sermon [sa pahayagan].” Bagaman itinigil ito, patuloy namang nagtagumpay ang iba pang paraan, gaya ng “Photo-Drama of Creation.”
8. Ano ang mga kinailangan para mabuo ang “Photo-Drama of Creation”?
8 Slide at pelikula. Mga tatlong taon ang ginugol ni Russell at ng kaniyang mga kasamahan para mabuo ang “Photo-Drama of Creation,” na inilabas noong 1914. (Kaw. 21:5) Ang Drama, gaya ng tawag dito, ay kombinasyon ng mga pelikula, nakarekord na pahayag at musika, at may-kulay na mga glass slide. Daan-daan ang gumanap sa pagsasadula ng mga pangyayari sa Bibliya na kinunan ng kamera, at may mga hayop ding kasali. “Ginamit ang karamihan ng mga hayop sa isa sa malalaking zoo para maisapelikula ang naging bahagi ni Noe sa kasaysayan ng mundo,” ang sabi sa isang ulat noong 1913. Ang daan-daang glass slide naman ay mano-manong pinintahan ng mga dalubhasa sa sining mula sa London, New York, Paris, at Philadelphia.
9. Bakit gumugol ng malaking oras at salapi para magawa ang “Photo-Drama”?
9 Bakit gumugol ng malaking oras at salapi para magawa ang “Photo-Drama”? Ganito ang paliwanag sa isang resolusyon na pinagtibay sa mga serye ng kombensiyon noong 1913: “Ang matagumpay na paggamit ng iginuhit na mga larawan sa . . . mga pahayagan sa Amerika para hubugin ang opinyon ng publiko, pati na ang popularidad . . . ng pelikula, ay patunay na epektibo ang mga ito. Kaya naman naniniwala kami na, bilang sumusulong na mga mángangarál at mga guro sa mga klase sa Bibliya, makatuwiran na suportahan nang lubusan ang paggamit ng mga pelikula at mga stereopticon slide bilang isang maganda at epektibong paraan ng pagtuturo ng mga ebanghelisador at guro.”
10. Gaano kalawak ang naabot ng “Photo-Drama”?
10 Noong 1914, araw-araw na ipinalalabas ang “Photo-Drama” sa 80 lunsod. Halos walong milyon sa Estados Unidos at Canada ang nakapanood nito. Nang taóng iyon, ipinalabas din ito sa Australia, Britanya, Denmark, Finland, Germany, New Zealand, Norway, Sweden, at Switzerland. Gumawa rin ng pinasimpleng bersiyon nito na walang kasamang mga pelikula para sa mas maliliit na nayon. Ang bersiyong iyon—ang “Eureka Drama”—ay mas murang gawin at mas madaling ibiyahe. Pagsapit ng 1916, ang alinman sa “Photo-Drama” o “Eureka Drama” ay naisalin na sa mga wikang Armenian, Dano-Norwegian, French, German, Greek, Italian, Polish, Spanish, at Swedish.
Noong 1914, ang “Photo-Drama” ay ipinalalabas sa punong-punong mga awditoryum
11, 12. Ano ang naging epekto ng “Photo-Drama” sa isang kabataan? Paano siya naging mabuting halimbawa?
11 Ang “Photo-Drama” na isinalin sa wikang French ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa 18-anyos na si Charles Rohner. “Ipinalabas iyon sa nayon namin sa Colmar, Alsace, Pransiya,” ang sabi ni Charles. “Sa simula pa lang, humanga na ako sa malinaw na paghaharap nito ng katotohanan sa Bibliya.”
12 Bilang resulta, nabautismuhan si Charles at noong 1922, pumasok siya sa buong-panahong paglilingkod. Isa sa mga unang atas niya ay tumulong sa pagpapalabas ng “Photo-Drama” sa Pransiya. Ikinuwento ni Charles: “Iba-iba ang atas ko—tumugtog ng biyolin, mangasiwa sa pananalapi, at mangasiwa sa literatura. Naatasan din akong magpatahimik ng mga manonood bago magsimula ang programa. Kapag intermisyon, nag-aalok kami ng mga literatura. Bawat kapatid ay inaatasan ng isang seksiyon sa bulwagan. May dala-dala silang mga literatura at lumalapit sa bawat tao. May mga mesa rin kami na punô ng literatura sa pasukan ng bulwagan.” Noong 1925, inanyayahan si Charles na maglingkod sa Bethel sa Brooklyn, New York. Naatasan siya roon bilang konduktor ng orkestra para sa bagong istasyon ng radyo na WBBR. Sa halimbawang ito ni Brother Rohner, puwede nating itanong sa sarili, ‘Handa ko bang tanggapin ang anumang atas para makatulong sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian?’—Basahin ang Isaias 6:8.
13, 14. Paano ginamit ang radyo para mapalaganap ang mabuting balita? (Tingnan din ang mga kahong “Mga Programa sa WBBR” at “Isang Makasaysayang Kombensiyon.”)
13 Radyo. Noong dekada ng 1920, unti-unti nang nabawasan ang pagpapalabas sa “Photo-Drama,” pero nakilala ang radyo bilang isang epektibong paraan ng pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian. Noong Abril 16, 1922, isinahimpapawid ang makasaysayang pahayag ni Brother Rutherford sa Metropolitan Opera House sa Philadelphia, Pennsylvania. Tinatayang 50,000 ang nakapakinig sa pahayag na “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay.” Pagkatapos, noong 1923, isinahimpapawid sa unang pagkakataon ang isang sesyon ng kombensiyon. Bukod sa pagbobrodkast sa komersiyal na mga istasyon, napagpasiyahan ng mga nangunguna sa organisasyon na makabubuting magkaroon ng sariling istasyon. Itinayo ito sa Staten Island, New York, at inirehistro bilang WBBR. Ang unang brodkast nito ay noong Pebrero 24, 1924.
Noong 1922, tinatayang 50,000 ang nakapakinig sa radyo ng pahayag na “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay”
14 Ipinaliwanag sa Disyembre 1, 1924, ng The Watch Tower ang layunin ng WBBR: “Sa lahat ng paraang ginamit sa pagpapalaganap ng mensahe ng katotohanan, naniniwala kaming ang radyo ang pinakamatipid at pinakaepektibo.” Idinagdag pa nito: “Kung mamarapatin ng Panginoon na magtayo ng iba pang istasyon ng radyo para mapalaganap ang katotohanan, gagawa siya ng paraan para mailaan ang salapi.” (Awit 127:1) Noong 1926, anim na ang istasyon ng radyo ng bayan ni Jehova. Ang dalawa ay nasa Estados Unidos—ang WBBR sa New York at ang WORD na malapit sa Chicago. Ang apat ay nasa Canada—sa Alberta, British Columbia, Ontario, at Saskatchewan.
15, 16. (a) Ano ang reaksiyon ng mga klero sa Canada sa paggamit natin ng radyo? (b) Bakit magandang tambalan ang mga pahayag sa radyo at ang pagbabahay-bahay?
15 Hindi pinalampas ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan ang malawakang pagbobrodkast natin ng katotohanan sa Bibliya. Si Albert Hoffman, na pamilyar sa gawain sa istasyon ng radyo sa Saskatchewan, Canada, ay nagsabi: “Parami nang parami ang nakakilala sa mga Estudyante ng Bibliya [ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova]. Isang mainam na patotoo ang naibigay hanggang noong 1928, nang gipitin ng mga klero ang mga opisyal at nawalan ng lisensiya ang lahat ng istasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Canada.”
16 Kahit isinara na ang mga istasyon natin sa Canada, patuloy namang naisahimpapawid sa mga komersiyal na istasyon ang mga pahayag sa Bibliya. (Mat. 10:23) Para maging mas epektibo ang mga programang iyon, inilalathala sa The Watch Tower at The Golden Age (Gumising! ngayon) ang listahan ng mga komersiyal na istasyon na nagbobrodkast ng mga katotohanan sa Bibliya. Nagagamit ito ng mga mamamahayag sa bahay-bahay para himukin ang mga tao na makinig sa mga pahayag sa kanilang lokal na istasyon. Ano ang resulta? Sinabi sa Enero 1931 ng Bulletin: “Ang paggamit ng radyo ay talagang nagpasigla sa mga kapatid sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay. Maraming dumarating na ulat sa tanggapan ang nagsasabing nakikinig ang mga tao sa programa natin, at dahil napapakinggan nila ang mga pahayag ni Brother Rutherford, tinatanggap agad nila ang mga aklat na iniaalok sa kanila.” Inilarawan ng Bulletin ang pagbobrodkast sa radyo at ang pagbabahay-bahay bilang “ang dalawang epektibong paraan ng pangangaral ng organisasyon ng Panginoon.”
17, 18. Kahit nagbago ang mga kalagayan, paano patuloy na nagamit ang radyo sa pagpapalaganap ng mensahe?
17 Noong dekada ng 1930, sinalansang na rin pati ang pagbobrodkast natin sa mga komersiyal na istasyon ng radyo. Kaya noong huling bahagi ng 1937, nakibagay ang bayan ni Jehova sa nagbagong mga kalagayan. Itinigil nila ang pagbobrodkast sa mga komersiyal na istasyon at higit pang nagpokus sa ministeryo sa bahay-bahay.a Pero may mahalagang papel pa rin ang radyo sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa liblib na mga lugar o sa nakahiwalay na mga lupain dahil sa politika. Halimbawa, mula 1951 hanggang 1991, regular na nagbobrodkast ng mga pahayag sa Bibliya ang isang istasyon sa West Berlin, Germany, kaya ang mga nakatira sa tinatawag noon na East Germany ay napaaabutan din ng mensahe ng Kaharian. Sa loob ng mahigit tatlong dekada mula 1961, isang pambansang istasyon ng radyo sa Suriname, Timog Amerika, ang nagbobrodkast linggo-linggo ng 15-minutong programa tungkol sa Bibliya. Mula 1969 hanggang 1977, ang organisasyon ay nakapagrekord ng mahigit 350 programa sa radyo para sa seryeng “Ang Lahat ng Kasulatan ay Kapaki-pakinabang.” Sa Estados Unidos, 291 istasyon ng radyo sa 48 estado ang nagbrodkast ng mga programang iyon. Noong 1996, linggo-linggo namang isinahimpapawid ng isang istasyon ng radyo sa Apia, ang kabisera ng Samoa sa Timog Pasipiko, ang programang “Sagot sa mga Tanong Mo Tungkol sa Bibliya.”
18 Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, hindi na gaanong nagagamit ang radyo sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Pero sa tulong ng isang bagong teknolohiya, naging posibleng maabot ang mas marami pang tao.
19, 20. Bakit ginawa ng bayan ni Jehova ang jw.org? Gaano ito kaepektibo? (Tingnan din ang kahong “JW.ORG.”)
19 Internet. Noong 2013, mahigit 2.7 bilyong tao, o halos 40 porsiyento ng populasyon ng mundo, ang may access sa Internet. Ayon sa ilang pagtaya, mga dalawang bilyon ang nag-i-Internet gamit ang kanilang mobile device, gaya ng smartphone at tablet. Patuloy sa pagtaas ang bilang na iyan sa buong mundo. Pero pinakamabilis ang pagdami ng mga gumagamit ng mobile Internet sa Aprika kung saan mahigit 90 milyon na ang subscriber nito. Dahil sa mga pagsulong na iyan, talagang nabago ang paraan kung paano nakakarating sa maraming tao ang impormasyon.
20 Simula 1997, ginamit na ng bayan ni Jehova ang paraang ito para maabot ang mas maraming tao. Noong 2013, ang website na jw.org ay available na sa mga 300 wika, at ang salig-Bibliyang impormasyon ay mada-download sa mahigit 520 wika. Araw-araw, may mahigit 750,000 pagbisita sa site. Buwan-buwan, bukod sa panonood ng video, ang mga bumibisita ay nagda-download ng mahigit 3 milyong kumpletong aklat, 4 na milyong kumpletong magasin, at 22 milyong audio track.
21. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Sina?
21 Napakaepektibo ng website sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kahit sa mga lupain kung saan hinihigpitan ang ating gawaing pangangaral. Halimbawa, noong unang bahagi ng 2013, nakita ng isang lalaking nagngangalang Sina ang jw.org at tumawag siya sa punong-tanggapan na nasa Estados Unidos para humingi ng higit na impormasyon tungkol sa Bibliya. Bakit kakaiba ang tawag na ito? Si Sina ay lumaking Muslim at nakatira sa liblib na nayon sa isang bansa kung saan matindi ang paghihigpit sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa tawag na iyon, isinaayos na maturuan ng Bibliya si Sina ng isang Saksi sa Estados Unidos dalawang beses kada linggo. Idinaraos ang pag-aaral sa tulong ng video service sa Internet.
Pagtuturo sa mga Indibiduwal
22, 23. (a) Naging kapalit ba ng pagbabahay-bahay ang mga paraang ginamit natin para maabot ang maraming tao? (b) Paano pinagpala ng Hari ang ating mga pagsisikap?
22 Ang mga paraang ginamit natin sa pag-abot sa maraming tao, gaya ng pahayagan, “Photo-Drama,” programa sa radyo, at website ay hindi kapalit ng pagbabahay-bahay. Bakit? Dahil tinutularan ng bayan ni Jehova ang halimbawa ni Jesus. Hindi lang siya nangaral sa grupo ng mga tao; nagtuon siya ng pansin sa mga indibiduwal. (Luc. 19:1-5) Sinanay rin ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ganoon din ang gawin, at binigyan niya sila ng mensahe na ipangangaral. (Basahin ang Lucas 10:1, 8-11.) Gaya ng tinalakay sa Kabanata 6, laging pinasisigla ng mga nangunguna sa organisasyon ang bawat lingkod ni Jehova na personal na kausapin ang mga tao.—Gawa 5:42; 20:20.
23 Makalipas ang 100 taon mula nang isilang ang Kaharian, mahigit nang 7.9 milyong mamamahayag ang aktibong nakikibahagi sa pagtuturo sa iba tungkol sa mga layunin ng Diyos. Walang dudang pinagpala ng Hari ang mga paraang ginamit natin sa paghahayag ng Kaharian. Gaya ng ipakikita sa susunod na kabanata, naglaan din siya ng mga pantulong na kailangan natin sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa bawat bansa, tribo, at wika.—Apoc. 14:6.
a Noong 1957, ipinasiya ng mga nangunguna sa organisasyon na isara na ang pinakahuling istasyon natin ng radyo, ang WBBR sa New York.