ARAL 19
Ang Unang Tatlong Salot
Ang mga Israelita ay pinagtrabaho bilang mga alipin. Inutusan ni Jehova sina Moises at Aaron na sabihin kay Paraon: ‘Palayain mo ang aking bayan para makasamba sila sa akin sa ilang.’ Sumagot ang mayabang na si Paraon: ‘Wala akong pakialam kay Jehova. Hindi ko palalayain ang mga Israelita.’ At lalo pang pinahirapan ni Paraon ang mga Israelita. Tuturuan ni Jehova ng leksiyon si Paraon. Alam mo ba kung ano ang ginawa ni Jehova? Ipinadala niya sa Ehipto ang Sampung Salot. Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Ayaw makinig ni Paraon sa akin. Bukas ng umaga, pupunta siya sa Ilog Nilo. Sundan mo siya doon at sabihin sa kaniya na dahil ayaw niyang palayain ang aking bayan, magiging dugo ang tubig sa Nilo.’ Pinuntahan ni Moises si Paraon. Kitang-kita ni Paraon nang hampasin ni Aaron ng tungkod ang Nilo, at ang ilog ay naging dugo. Bumaho ang ilog, namatay ang mga isda, at hindi na puwedeng inumin ang tubig ng Nilo. Pero ayaw pa ring palayain ni Paraon ang mga Israelita.
Pagkaraan ng pitong araw, pinabalik ni Jehova si Moises para sabihin kay Paraon: ‘Kapag hindi mo pinalaya ang aking bayan, mapupuno ng palaka ang buong Ehipto.’ Itinaas ni Aaron ang tungkod niya at napuno nga ng palaka ang buong lupain. Nagkaroon ng mga palaka sa kanilang bahay, higaan, at kainán. May mga palaka sa lahat ng lugar! Sinabi ni Paraon kay Moises na pakiusapan si Jehova na itigil na ang salot. Nangako si Paraon na palalayain na niya ang mga Israelita. Kaya pinatigil ni Jehova ang salot. Tinipon ng mga Ehipsiyo ang mga patay na palaka, at napakarami nito. Bumaho ang buong lupain. Pero ayaw pa ring palayain ni Paraon ang mga Israelita.
’Tapos, sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Dapat ihampas ni Aaron ang tungkod niya sa lupa, at ang alikabok ay magiging niknik, o maliliit na insektong nangangagat.’ Bigla ngang nagkaroon ng niknik sa lahat ng lugar. Sinabi ng ilang Ehipsiyo kay Paraon: ‘Galing sa Diyos ang salot na ito.’ Pero ayaw pa ring palayain ni Paraon ang mga Israelita.
“Ipapakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan at kalakasan, at malalaman nila na ang pangalan ko ay Jehova.”—Jeremias 16:21