Sino Si Jehova?
“SINO si Jehova?” Ang tanong na iyan ay iniharap 3,500 taon na ngayon ang nakalipas ng hambog na si Paraon, hari ng Ehipto. Ang pagsuway ang maliwanag na nag-udyok sa kaniya na isusog: “Hindi ko nakikilala si Jehova.” Dalawang lalaki na noo’y nakatayo sa harap ni Paraon ang nakakakilala kung sino si Jehova. Sila ang likas na magkapatid na sina Moises at Aaron, ng tribo ni Levi ng Israel. Sila’y isinugo ni Jehova upang hilingin na payagan ng hari ng Ehipto ang mga Israelita upang makapagdaos sa ilang ng isang relihiyosong kapistahan.—Exodo 5:1, 2.
Hindi ibig ni Paraon na sagutin ang kaniyang katanungan. Sa ilalim ng kaniyang kapamahalaan, nagtataguyod ang mga saserdote ng pagsamba sa daan-daang huwad na mga diyos. Aba, si Paraon mismo ay itinuring na isang diyos! Sang-ayon sa mitolohiya ng mga Ehipsiyo, siya ang anak ng diyos ng araw na si Ra at isang pag-aanyong-laman ng diyos na si Horus na may ulo ng isang ibon. Si Paraon ay tinatawag sa mga titulong gaya ng “ang makapangyarihang diyos” at “ang walang-hanggan.” Kaya hindi kataka-taka na pakutyang itatanong niya: “Sino si Jehova, upang sundin ko ang kaniyang tinig?”
Hindi naman kailangang sagutin pa nina Moises at Aaron ang tanong na iyan. Batid ni Paraon na si Jehova ang Diyos na sinasamba ng mga Israelita, na noon ay mga alipin ng mga Ehipsiyo. Subalit hindi magtatagal at makikilala ni Paraon at ng buong Ehipto na si Jehova ang tunay na Diyos. Gayundin sa ngayon, ang kaniyang pangalan at pagka-Diyos ay ipakikilala ni Jehova sa lahat ng narito sa lupa. (Ezekiel 36:23) Kaya makikinabang tayo sa pagtalakay kung papaano pinadakila ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangalan sa sinaunang Ehipto.
Higit na Makapangyarihan Kaysa mga Diyos ng Ehipto
Nang buong pagsalansang na itinanong ni Paraon kung sino si Jehova, hindi niya inaasahang magdaranas siya ng bunga ng kaniyang pagsalansang. Si Jehova mismo ang tumugon, dinalhan niya ng sampung salot ang Ehipto. Ang mga salot na ito ay hindi lamang mga dagok laban sa bansa. Ang mga ito ay mga dagok laban sa mga diyos ng Ehipto.
Ipinakita ng mga salot ang kahigitan ni Jehova sa mga diyos ng Ehipto. (Exodo 12:12; Bilang 33:4) Gunigunihin ang pagkakaingay nang ang Ilog Nilo at ang lahat ng mga ilog ng Ehipto ay gawin ni Jehova na dugo! Dahilan sa himalang ito, nakita ni Paraon at ng kaniyang bayan na si Jehova ay nakahihigit sa diyos ng Nilo, si Hapi. Ang pagkamatay ng mga isda sa Nilo ay isa ring dagok sa relihiyong Ehipsiyo, sapagkat may mga uri ng isda na sinasamba.—Exodo 7:19-21.
Pagkatapos, si Jehova ay nagpadala ng salot ng mga palaka sa Ehipto. Nagdulot ito ng kasiraang-puri sa diyosa ng mga palaka ng mga Ehipsiyo, si Heqt. (Exodo 8:5-14) Ang ikatlong salot ay nagdala ng kalituhan sa mga paring mahiko, na hindi kayang tularan ang himala ni Jehova na gawing mga kuto ang alabok. “Iyan ang daliri ng Diyos!” ang kanilang inihiyaw. (Exodo 8:16-19) Ang diyos ng Ehipto na si Thoth, na itinuturing na umimbento ng mahika, ay hindi nakatulong sa mga manlilinlang na iyon.
Noon ay nakilala ni Paraon kung sino si Jehova. Si Jehova ang Diyos na nakapaghahayag ng kaniyang layunin sa pamamagitan ni Moises at pagkatapos ay naisasagawa iyon sa pamamagitan ng pagdadala ng kahima-himalang mga salot sa mga Ehipsiyo. Nagagawa rin ni Jehova na pasimulan at tapusin ang mga salot ayon sa kaniyang kalooban. Gayunman, ang kaalamang ito ay hindi nagpakilos kay Paraon upang magpasakop kay Jehova. Sa halip, ang hambog na hari ng Ehipto ay may katigasang nagpatuloy na labanan si Jehova.
Nang ikaapat na salot, mga bangaw ang nagpahamak sa lupain, pumasok sa mga bahay, at marahil nagkalipumpon sa himpapawid, na sa ganang sarili ay sinasamba sa katauhan ng diyos na si Shu o ng diyosang si Isis, reyna ng kalangitan. Ang salitang Hebreo para sa insektong ito ay isinalin sa Ingles na “gadfly,” “dog fly,” at “beetle.” (New World Translation; Septuagint; Young) Kung ang scarab beetle ang tinutukoy, ang mga Ehipsiyo ay sinalot ng mga insekto na itinuring nilang sagrado, at ang mga tao ay hindi makapaglakad maliban sa durugin ang mga ito sa ilalim ng kanilang mga paa. Kahit papaano, ang salot na ito ay nagturo kay Paraon ng isang bagay na bago tungkol kay Jehova. Bagaman ang mga diyos ng Ehipto ay hindi makapagligtas buhat sa mga langaw sa kanilang mga mananamba, si Jehova ay nakapagbibigay ng proteksiyon sa kaniyang bayan. Ang salot na ito at lahat ng kasunod na mga salot ay naminsala sa mga Ehipsiyo ngunit hindi sa mga Israelita.—Exodo 8:20-24.
Ang ikalimang salot ay isang peste sa mga hayupan ng mga Ehipsiyo. Ang dagok na ito ay naglagay sa kahihiyan kina Hathor, Apis, at sa may katawang-bakang diyosa ng langit na si Nut. (Exodo 9:1-7) Ang ikaanim na salot ay nagdala ng malalaking bukol sa tao at sa hayop, anupat napahiya ang mga diyos na sina Thoth, Isis, at Ptah, na may kamaliang itinuring na mayroong mga kakayahang magpagaling.—Exodo 9:8-11.
Ang ikapitong salot ay malakas na pag-ulan ng graniso, na may kasamang apoy na lumagpak sa lupa. Napahiya sa dagok na ito ang diyos na si Reshpu, ipinagpapalagay na panginoon ng kidlat, at si Thoth, na sinasabing nagpapadala ng ulan at kulog. (Exodo 9:22-26) Ang ikawalong dagok, isang salot ng mga balang, ay nagtanghal ng kahigitan ni Jehova sa diyos ng pag-aanak na si Min, ipinalalagay na tagapagsanggalang ng mga pananim. (Exodo 10:12-15) Ang ikasiyam na dagok, na tatlong-araw na kadiliman sa Ehipto, ay nagbuhos ng paghamak sa mga diyos ng Ehipto gaya ng mga diyos ng araw na si Ra at si Horus.—Exodo 10:21-23.
Sa kabila ng siyam na mapaminsalang mga salot, tumanggi pa rin si Paraon na palayain ang mga Israelita. Pinagbayaran ng Ehipto ang katigasan ng kaniyang loob nang pangyarihin ng Diyos ang ikasampu at pangwakas na salot—ang pagkamatay ng panganay ng tao at ng hayop. Maging ang panganay na anak na lalaki ni Paraon ay pumanaw, bagaman siya’y itinuring na isang diyos. Sa gayon, ‘nilipol [ni Jehova] ang lahat ng diyos ng Ehipto.’—Exodo 12:12, 29.
Ngayon ay ipinatawag ni Paraon sina Moises at Aaron at sinabi: “Kayo’y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at sampu ng iba pang mga anak ni Israel, at kayo’y yumaon, maglingkod kay Jehova, gaya ng inyong sinabi. Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo’y yumaon. At, pagpalain din naman ninyo ako.”—Exodo 12:31, 32.
Tagapagligtas ng Kaniyang Bayan
Ang mga Israelita ay yumaon, subalit hindi nagtagal at inakala ni Paraon na sila’y gumagala sa ilang nang walang pakay. Siya at ang kaniyang mga lingkod ay nagtanong ngayon: “Ano ba itong nagawa natin, na ating pinayaon ang Israel buhat sa pagkaalipin sa atin?” (Exodo 14:3-5) Ang pagkawala ng aliping bansa na ito ay isang mabigat na dagok sa kabuhayan ng Ehipto.
Tinipon ni Paraon ang kaniyang hukbo at tinugis ang Israel hanggang sa Pihahiroth. (Exodo 14:6-9) Kung sa pangyayaring iyon, tila mabuti ang situwasyon para sa mga Ehipsiyo sapagkat ang mga Israelita ay naipit sa pagitan ng dagat at ng kabundukan. Ngunit si Jehova ay kumilos upang mailigtas ang mga Israelita sa pamamagitan ng paglalagay ng isang alapaap sa pagitan nila at ng mga Ehipsiyo. Sa panig ng mga Ehipsiyo, “iyon ay nagsilbing isang alapaap na may kasamang kadiliman,” sa gayo’y nakahahadlang sa isang pagsalakay. Sa kabilang panig naman, ang alapaap ay maningas, “nagbibigay ng liwanag sa gabi” para sa Israel.—Exodo 14:10-20.
Ang mga Ehipsiyo ay desididong magnakaw at magwasak subalit hinadlangan ng alapaap. (Exodo 15:9) Nang iyon ay pumaitaas, anong laking kababalaghan! Ang tubig ng Mapulang Dagat ay nahati, at ang mga Israelita ay tumatawid sa kabilang ibayo sa tuyong lupa! Si Paraon at ang kaniyang hukbo ay mistulang kulog na rumagasa sa tuyong lupa sa gitna ng dagat, desididong bihagin at nakawan ang kanilang dating mga alipin. Gayunman, ang Diyos ng mga Hebreo ay hindi inasahan ng hambog na hari ng Ehipto. Pinangyari ni Jehova na malito ang mga Ehipsiyo, hanggang sa ang kanilang mga karo ay matanggalan ng mga gulong.—Exodo 14:21-25a.
“Tayo nang tumakas at huwag magkaroon ng anumang kinalaman sa Israel!” ang inihiyaw ng makapangyarihang mga lalaki ng Ehipto, “sapagkat tunay na si Jehova ang nakikipagbaka para sa kanila laban sa mga Ehipsiyo.” Huling-huli na nang matanto ito ni Paraon at ng kaniyang mga tauhan. Ligtas sa kabilang ibayo, ang kaniyang kamay ay iniunat ni Moises sa dagat, at ang tubig ay nagsauli, hanggang sa malunod si Paraon at ang kaniyang mga kawal.—Exodo 14:25b-28.
Mga Aral na Natutuhan sa Pamamagitan ng Karanasan
Kung gayon, sino si Jehova? Natamo ng hambog na si Paraon ang kasagutan sa tanong na iyan. Ang mga pangyayari sa Ehipto ay nagpatunay na si Jehova ang tanging tunay na Diyos, na bahagya man ay hindi maitutulad sa “walang kabuluhang mga diyos” ng mga bansa. (Awit 96:4, 5) Sa pamamagitan ng kaniyang kasindak-sindak na kapangyarihan, “ginawa [ni Jehova] ang langit at ang lupa.” Siya rin ang Dakilang Tagapagligtas, ang Isa na ‘naglabas sa kaniyang bayang Israel mula sa lupain ng Ehipto, sa pamamagitan ng mga tanda, himala, isang malakas na kamay, at malaking kakilabutan.’ (Jeremias 32:17-21) Anong inam na patotoo ito na maililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan!
Natuto si Paraon ng mga aral na ito sa pamamagitan ng masaklap na karanasan. Sa katunayan, sa huling aral ay ibinuwis niya ang kaniyang buhay. (Awit 136:1, 15) Mas mabuti pa marahil kung siya’y nagpakita ng kapakumbabaan nang itanong niya, “Sino si Jehova?” Kung magkagayon disin sana ang haring iyan ay nakakilos na kaayon ng sagot na kaniyang tinanggap. Nakatutuwa naman, maraming mapagpakumbabang mga tao ngayon ang natututo kung sino nga si Jehova. At anong uri ng personalidad ang taglay Niya? Ano ba ang kaniyang hinihiling sa atin? Harinawang ang susunod na artikulo ay lalo pang magpalaki ng iyong pagpapahalaga sa tanging Isa na ang pangalan ay Jehova.—Awit 83:18.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.