ARAL 85
Nagpagaling si Jesus sa Araw ng Sabbath
Galít kay Jesus ang mga Pariseo kaya naghahanap sila ng dahilan para arestuhin siya. Sinabi nilang hindi siya dapat magpagaling ng maysakit kapag Sabbath. Isang araw ng Sabbath, nakita ni Jesus ang isang lalaking bulag na namamalimos. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Tingnan n’yo kung paano tutulungan ng kapangyarihan ng Diyos ang lalaking ito.’ Dumura si Jesus sa lupa para gumawa ng putik at ipinahid ito sa mga mata ng lalaki. Sinabi ni Jesus: ‘Pumunta ka sa imbakan ng tubig ng Siloam at maghilamos ka.’ Ginawa iyon ng lalaki, at sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya, nakakita siya.
Hindi makapaniwala ang mga tao. Sinabi nila: ‘Siya ba y’ong dating nakaupo at namamalimos, o kamukha lang niya?’ Sinabi ng lalaki: ‘Ako y’ong ipinanganak na bulag!’ Tinanong siya ng mga tao: ‘E, bakit hindi ka na bulag?’ Nang ikuwento niya ang nangyari, isinama nila siya sa mga Pariseo.
Sinabi ng lalaki sa mga Pariseo: ‘May ipinahid si Jesus sa mga mata ko, ’tapos pinaghilamos niya ako. Ginawa ko naman, at nakakakita na ako ngayon.’ Sinabi ng mga Pariseo: ‘Kung araw ng Sabbath nagpapagaling si Jesus, hindi sa Diyos galing ang kapangyarihan niya.’ Pero sabi naman ng iba: ‘Kung hindi sa Diyos galing ang kapangyarihan niya, hindi siya makapagpapagaling.’
Ipinatawag ng mga Pariseo ang mga magulang ng lalaki at tinanong: ‘Bakit nakakakita na ngayon ang anak n’yo?’ Natakot ang mga magulang ng lalaki dahil sinabi ng mga Pariseo na ang sinumang manampalataya kay Jesus ay hindi na tatanggapin sa sinagoga. Kaya sumagot sila: ‘Hindi namin alam. Siya ang tanungin n’yo.’ Paulit-ulit na tinanong ng mga Pariseo ang lalaki hanggang sa sabihin nito: ‘Nasabi ko na sa inyo ang lahat. Bakit tanong pa kayo nang tanong?’ Nagalit sa kaniya ang mga Pariseo at pinalayas siya.
Hinanap ni Jesus ang lalaki, at tinanong: ‘Naniniwala ka ba sa Mesiyas?’ Sinabi ng lalaki: ‘Oo, kung makikilala ko siya.’ Sinabi ni Jesus: ‘Ako ang Mesiyas.’ Ang bait ni Jesus, ’di ba? Hindi lang niya pinagaling ang lalaki, tinulungan din niya itong magkaroon ng pananampalataya.
“Mali ang iniisip ninyo, dahil hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos.”—Mateo 22:29