KAHON 16A
Ang Sangkakristiyanuhan Ba ay ang Antitipiko ng Jerusalem?
Sinasabi noon sa mga publikasyon natin na ang Sangkakristiyanuhan ay ang antitipiko ng apostatang Jerusalem. Ang mga nangyari sa Jerusalem—gaya ng idolatriya at laganap na kasamaan—ay tiyak na nagpapaalaala sa atin ng nangyayari sa Sangkakristiyanuhan. Pero nitong nakaraang mga taon, hindi na ginagamit sa mga publikasyon natin—kasama na ang aklat na binabasa mo ngayon—ang tipiko at antitipikong paraan ng pagpapaliwanag sa mga hula, maliban kung may malinaw itong batayan sa Bibliya. May matibay bang batayan sa Kasulatan para sabihing ang Sangkakristiyanuhan ay ang antitipiko ng Jerusalem? Wala.
Pag-isipan ito: Ang Jerusalem ay sentro noon ng dalisay na pagsamba; nang maglaon, naging apostata ang mga tagarito. Pero ang Sangkakristiyanuhan ay hindi kailanman nagsagawa ng dalisay na pagsamba. Mula nang magsimula ito noong ikaapat na siglo C.E., lagi nang huwad ang mga turo nito.
Isa pa, nang wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, muling pinagpala ni Jehova ang lunsod at naging sentro uli ito ng tunay na pagsamba. Pero ang Sangkakristiyanuhan ay hindi kailanman sinang-ayunan ng Diyos, at kapag pinuksa ito sa malaking kapighatian, hindi na ito muling iiral.
Batay rito, ano ang konklusyon natin? Kapag sinusuri natin ang mga hula ng Bibliya na natupad sa di-tapat na Jerusalem, baka masabi natin, ‘Gaya ito ng nakikita natin sa Sangkakristiyanuhan ngayon.’ Pero lumilitaw na walang batayan sa Kasulatan para sabihing ang Sangkakristiyanuhan ay ang antitipiko ng Jerusalem.