Seksiyon 4
Itinakwil ng Sangkakristiyanuhan ang Diyos at ang Bibliya
1, 2. Bakit ang ilang tao ay walang paggalang sa Bibliya, ngunit ano ang sinasabi ng Bibliya?
1 Iniwasan ng mga tao sa maraming bansa ang Bibliya at hindi ito iginalang dahil sa masamang asal niyaong nag-aangking sumusunod dito. Sa ilang bansa sinasabing ang Bibliya ay isang aklat na umaakay sa digmaan, na ito ay aklat ng mga puti, at na ito ay isang aklat na nagtataguyod ng kolonyalismo. Subalit ang mga iyon ay maling mga palagay.
2 Ang Bibliya, isinulat sa Gitnang Silangan, ay hindi nagtataguyod sa kolonyal na mga digmaan at masakim na pagsasamantala na isinagawa sa ngalan ng Kristiyanismo sa loob ng mahabang panahon. Sa kabaligtaran, sa pagbabasa ng Bibliya at pag-alam sa mga turo ng tunay na Kristiyanismo na itinuro ni Jesus, makikita mo na matinding hinahatulan ng Bibliya ang pagdidigmaan, imoralidad, at ang pagsasamantala sa iba. Ang kamalian ay nasa masasakim na tao, hindi sa Bibliya. (1 Corinto 13:1-6; Santiago 4:1-3; 5:1-6; 1 Juan 4:7, 8) Kaya huwag hayaang ang maling paggawi ng masakim na mga taong namumuhay na salungat sa mabuting payo ng Bibliya ang humadlang sa iyo na makinabang mula sa mga kayamanan nito.
3. Ano ang ipinakikita ng mga katotohanan ng kasaysayan tungkol sa Sangkakristiyanuhan?
3 Kabilang sa mga hindi namumuhay ayon sa Bibliya ay ang mga tao at mga bansa ng Sangkakristiyanuhan. Ang “Sangkakristiyanuhan” ay binibigyan-kahulugan bilang ang bahagi ng daigdig kung saan ang Kristiyanismo ay umiiral. Ito higit sa lahat ay sa Kanluraning daigdig taglay ang mga sistema ng relihiyon nito, na mula noong mga bandang ikaapat na siglo C.E. ay naging kilala. Taglay ng Sangkakristiyanuhan ang Bibliya sa loob ng mga dantaon, at ang mga klero nito ay nag-aangking itinuturo ito at sila umano’y mga kinatawan ng Diyos. Subalit itinuturo ba ng klero at ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang katotohanan? Ang kanila bang mga kilos ay talagang kumakatawan sa Diyos at sa Bibliya? Talaga bang umiiral ang Kristiyanismo sa Sangkakristiyanuhan? Hindi. Sapol nang ang relihiyon nito ay mapatanyag noong ikaapat na siglo, ang Sangkakristiyanuhan ay naging isang kaaway ng Diyos at ng Bibliya. Oo, ipinakikita ng mga katotohanan ng kasaysayan na itinakwil ng Sangkakristiyanuhan ang Diyos at ang Bibliya.
Mga Doktrinang Hindi Maka-Kasulatan
4, 5. Anong hindi maka-Kasulatang mga doktrina ang itinuturo ng mga relihiyon?
4 Ang pangunahing mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan ay salig hindi sa Bibliya kundi sa sinaunang mga alamat—yaong sa Gresya, Ehipto, Babilonya, at iba pa. Ang mga turo na gaya ng likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, walang-hanggang pagpapahirap sa impiyernong apoy, purgatoryo, at ang Trinidad (tatlong persona sa isang Diyos) ay hindi masusumpungan sa Bibliya.
5 Halimbawa, isaalang-alang ang turo na ang masasamang tao ay pahihirapan magpakailanman sa isang maapoy na impiyerno. Ano ang palagay mo sa ideang ito? Marami ang nasusuklam dito. Inaakala nilang hindi makatuwiran na parurusahan ng Diyos magpakailanman ang mga tao, pinananatili sila sa napakasakit na kirot. Ang gayong napakalupit na idea ay salungat sa Diyos ng Bibliya, sapagkat ang “Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang Bibliya ay maliwanag na ang gayong turo ay ‘hindi pumasok sa puso’ ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Jeremias 7:31; 19:5; 32:35.
6. Paano pinabubulaanan ng Bibliya ang turo tungkol sa kaluluwang hindi namamatay?
6 Maraming relihiyon sa ngayon, pati na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ay nagtuturo na ang mga tao ay may isang kaluluwang hindi namamatay, na sa kamatayan ay nagtutungo sa langit o sa impiyerno. Hindi ito turo ng Bibliya. Sa halip, maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman, . . . sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [libingan], ang dakong iyong pinaparunan.” (Eclesiastes 9:5, 10) At ang salmista ay nagsasabi na sa kamatayan ang tao “ay nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.”—Awit 146:4.
7. Ano ang parusa kina Adan at Eva dahil sa pagsuway sa kautusan ng Diyos?
7 Gunitain din, na nang suwayin nina Adan at Eva ang kautusan ng Diyos, ang parusa ay hindi pagkawalang-kamatayan. Iyan ay magiging isang gantimpala, hindi isang parusa! Sa halip, sila ay sinabihan na sila ay “mauuwi sa lupa, sapagkat diyan [kayo] kinuha.” Idiniin ng Diyos kay Adan: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) Kaya, ang turo ng likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay wala sa Bibliya kundi hiniram ng Sangkakristiyanuhan sa mga taong di-Kristiyano na nabuhay nang una sa kanila.
8. Paano pinabubulaanan ng Bibliya ang turo ng Sangkakristiyanuhan na doktrina ng Trinidad?
8 Gayundin, inilalarawan ng doktrina ng Sangkakristiyanuhan na Trinidad ang Diyos na para bang misteryosong tatlo-sa-isang Diyos. Subalit ang turong iyan ay hindi rin masusumpungan sa Bibliya. Halimbawa, sa Isaias 40:25, maliwanag na sinasabi ng Diyos: “Kanino ninyo ako itutulad upang ako’y makatumbas niya?” Ang sagot ay maliwanag: Walang katulad niya. At, ang Awit 83:18 ay maliwanag na nagsasabi: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Tingnan din ang Isaias 45:5; 46:9; Juan 5:19; 6:38; 7:16.
9. Ano ang masasabi natin tungkol sa mga turo ng Bibliya at tungkol sa mga turo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?
9 Ang mga turo ng Bibliya tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin ay maliwanag, madaling unawain, at makatuwiran. Subalit ang mga turo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi. Masahol pa, sinasalungat nito ang Bibliya.
Hindi Maka-Diyos na mga Kilos
10, 11. Sa anu-anong paraan ang mga turo ng Bibliya ay salungat sa mga turo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?
10 Karagdagan pa sa pagtuturo ng huwad na mga doktrina, itinakwil ng Sangkakristiyanuhan ang Diyos at ang Bibliya sa pamamagitan ng kaniyang mga kilos. Ang ginawa ng klero at ng mga relihiyon noong nakalipas na mga dantaon, at patuloy na ginagawa sa ating panahon, ay salungat sa kung ano ang hinihiling ng Diyos ng Bibliya, at salungat sa kung ano ang itinuro at ginawa ng Nagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo.
11 Halimbawa, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na huwag makialam sa pulitikal na mga gawain ng sanlibutang ito ni masangkot man sa mga digmaan nito. Itinuro rin niya sa kanila na maging maibigin sa kapayapaan, maging masunurin sa batas, ibigin ang kanilang kapuwa nang walang anumang pagtatangi, handa pa ngang isakripisyo ang kanila mismong buhay sa halip na kunin ang buhay ng iba.—Juan 15:13; Gawa 10:34, 35; 1 Juan 4:20, 21.
12. Ano ang sinabi ni Jesus na pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano?
12 Oo, itinuro ni Jesus na ang pag-ibig sa ibang tao ay magiging tanda ng pagkakakilanlan sa tunay na mga Kristiyano mula sa huwad na mga Kristiyano, mga mapagkunwari. Sinabi niya sa mga susunod sa kaniya: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35; 15:12.
13, 14. Ano ang nagpapakita na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi kumakatawan sa Diyos?
13 Gayunman, sa loob ng mga dantaon, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nakialam sa pulitika at itinaguyod ang mga digmaan ng kanilang mga bansa. Itinaguyod pa nga nila ang magkalabang mga panig sa mga digmaan sa loob ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng dalawang digmaang pandaigdig ng siglong ito. Sa mga digmaang iyon ang klero sa magkabilang panig ay nanalangin para sa tagumpay, at ang mga miyembro ng isang relihiyon sa isang bansa ay pumapatay ng mga miyembro ng relihiyon ding iyon sa ibang bansa. Ngunit ganiyan nga ang sinasabi ng Bibliya na kumikilos ang mga anak ni Satanas, hindi ng Diyos. (1 Juan 3:10-12, 15) Sa gayon, bagaman ang klero at ang kanilang mga tagasunod ay nag-aangking Kristiyano, sinalungat nila ang mga turo ni Jesu-Kristo, na nagsabi sa kaniyang mga tagasunod na ‘itabi ang tabak.’—Mateo 26:51, 52.
14 Sa loob ng mga dantaon ang mga relihiyon ay nakipagtulungan sa pulitikal na mga kapangyarihan ng Sangkakristiyanuhan nang sakupin, alipinin, at hamakin ng mga bansang iyon ang ibang mga tao noong panahon ng imperyalismo. Iyan ang kalagayan sa loob ng mga dantaon sa Aprika. Naranasan din ito ng Tsina, nang ang Kanluraning mga bansa ay lumikha ng mga sakop ng impluwensiya sa pamamagitan ng dahas, gaya noong mga Opium War at Boxer Rebellion.
15. Anong mga kasamaan ang ginawa ng Sangkakristiyanuhan?
15 Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nanguna rin sa pag-uusig, pagpapahirap, at pagpatay pa nga sa mga hindi sumasang-ayon sa kanila noong mga dantaon sa kasaysayan na tinatawag na Dark Ages. Noong panahon ng Inkisisyon, na tumagal nang daan-daang taon, ang malulupit na gawain, gaya ng pagpapahirap at pagpatay, ay ipinahintulot at isinagawa laban sa desente, walang kasalanang mga tao. Ang mga maygawa ng masama ay ang klero at ang kanilang mga tagasunod, pawang nag-aangking Kristiyano. Sinikap pa nga nilang alisin ang Bibliya upang hindi ito mabasa ng karaniwang mga tao.
Hindi Kristiyano
16, 17. Bakit masasabi natin na ang mga relihiyon ay hindi Kristiyano?
16 Hindi, ang mga bansa at mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi Kristiyano noon, at sa ngayon. Hindi sila mga lingkod ng Diyos. Ang kaniyang kinasihang Salita ay nagsasabi tungkol sa kanila: “Kanilang ipinamamalita sa madla na kilala nila ang Diyos, ngunit ikinakaila naman siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, sapagkat sila’y kasuklam-suklam at masuwayin at itinakwil sa ano mang uri ng mabuting gawa.”—Tito 1:16.
17 Sinabi ni Jesus na ang huwad na relihiyon ay makikilala sa pamamagitan ng kung ano ang nagawa nito, ang bunga nito. Sabi niya: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa, datapuwat sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. . . . Ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama; hindi maaari na ang mabuting punungkahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punungkahoy ay magbunga ng mabuti. Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon [mga bulaang propeta].”—Mateo 7:15-20.
18.Ano ang naging bunga ng mga turo at mga kilos ng Sangkakristiyanuhan?
18 Samakatuwid, sa pamamagitan ng kanilang itinuro at ng kanilang ginawa, ipinakita ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na ang kanilang pag-aangkin na paniniwala sa Bibliya at ng pagiging may-takot sa Diyos at Kristiyano ay isang kasinungalingan. Itinakwil nila ang Diyos at ang Bibliya. Sa paggawa nito, ininis nila ang angaw-angaw na mga tao at itinalikod sila na maniwala sa isang Kataas-taasang Persona.
19. Ang kabiguan ba ng Sangkakristiyanuhan ay nangangahulugan na ang Diyos at ang Bibliya ay nabigo?
19 Gayunpaman, ang kabiguan ng klero at ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, gayundin ang kabiguan ng iba pang relihiyon sa labas ng Sangkakristiyanuhan, ay hindi nangangahulugan ng kabiguan ng Bibliya. Ni ito man ay nangangahulugan na ang Diyos ay nabigo. Bagkus, sinasabi sa atin ng Bibliya ang tungkol sa isang Kataas-taasang Persona na umiiral at na nagmamalasakit sa atin at sa ating kinabukasan. Ipinakikita nito kung paano niya gagantimpalaan ang tapat-pusong mga tao na nagnanais gawin ang tama, na nagnanais makita ang katarungan at kapayapaan ay lumaganap sa buong lupa. Ipinakikita rin nito kung bakit pinapayagan ng Diyos na umiral ang kabalakyutan at ang paghihirap at kung paano niya aalisin sa lupa yaong mga nananakit sa kanilang kapuwa, gayundin yaong nag-aangking naglilingkod sa kaniya ngunit hindi naman naglilingkod sa kaniya.
[Larawan sa pahina 17]
“Inferno” ni Dante
[Credit Line]
Ilustrasyon ni Doré ng Barrators—Giampolo para sa Divine Comedy ni Dante
[Larawan sa pahina 17]
Trinidad ng Sangkakristiyanuhan
[Larawan sa pahina 17]
Trinidad ng Hindu
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng The British Museum
[Larawan sa pahina 17]
Trinidad ng Ehipsiyo
[Credit Line]
Museo Egizio, Turin
[Mga larawan sa pahina 18]
Salungat sa mga turo ni Jesus, itinaguyod ng klero sa magkabilang panig ang mga digmaan
[Credit Line]
U.S. Army photo