BARZILAI
[Yari sa Bakal].
1. Isang Meholatita na ang anak na si Adriel ay napangasawa ng anak ni Saul na si Merab.—1Sa 18:19; 2Sa 21:8.
2. Isang mayamang Gileadita, “isang lubhang dakilang tao,” mula sa bayan ng Rogelim. Si Barzilai ay isa sa tatlong lalaking tumulong kay David at sa hukbo nito sa pamamagitan ng paglalaan ng pagkain at mga higaan noong panahong maghimagsik si Absalom. (2Sa 17:27-29) Noong pabalik na si David sa Jerusalem, inihatid ni Barzilai sa Jordan ang kanilang pangkat, ngunit dahil sa siya’y may-edad na (“Ako ay walumpung taóng gulang na ngayon”), tinanggihan niya ang alok ni David na maging bahagi ng maharlikang korte, at sa halip ay ipinasama niya si Kimham bilang kaniyang kapalit. Sa pamamaalam, hinalikan at pinagpala siya ni David. (2Sa 19:31-40) Nang malapit nang mamatay si David, naalaala niya si Barzilai at hiniling niya kay Solomon na magpakita ng kabaitan sa mga anak nito sa pamamagitan ng pagsasaayos na ang mga ito ay ‘maging kabilang sa mga kumakain sa kaniyang mesa.’—1Ha 2:7.
3. Isang saserdote na nakapangasawa ng isang anak ni Barzilai na Gileadita (malamang na ang Blg. 2); tinawag siya sa pangalan ng kaniyang biyenan. Nang magbalik ang kaniyang mga inapo mula sa pagkatapon sa Babilonya, hindi nila masumpungan ang kanilang pagkakarehistro sa mga rekord ng talaangkanan kung kaya hindi sila naging kuwalipikado sa pagkasaserdote.—Ezr 2:61, 62; Ne 7:63, 64.