Umuunlad sa Espirituwal sa Panahon ng Pagiging May-uban
‘Yaong mga nakatanim sa bahay ni Jehova ay uunlad pa rin sa panahon ng kanilang pagiging may-uban.’—AWIT 92:13, 14.
1, 2. (a) Paano kadalasang inilalarawan ang pagtanda? (b) Ano ang ipinangangako ng Kasulatan na mangyayari sa epekto ng kasalanang minana natin kay Adan?
PAGTANDA—ano ang sumasagi sa isip mo kapag naririnig mo ang salitang iyan? Kulubot na balat? Mahinang pandinig? Nangangatog na tuhod? O alinman sa kalagayang mararanasan sa “kapaha-pahamak na mga araw” na binabanggit sa Eclesiastes 12:1-7? Kung gayon, mahalagang tandaan na ang paglalarawan sa pagtanda sa Eclesiastes kabanata 12 ay epekto sa tao ng kasalanang minana natin kay Adan, at hindi ang orihinal na layunin ng Maylalang, ang Diyos na Jehova.—Roma 5:12.
2 Ang pagtanda sa ganang sarili ay hindi naman isang sumpa, sapagkat kasabay ng pag-iral ang pagtakbo ng panahon. Sa katunayan, ang paglaki at paggulang ay magandang mga katangian ng lahat ng bagay na may buhay. Malapit nang mapawi ang pinsalang naidulot ng anim na libong taon ng kasalanan at di-kasakdalan na nakikita natin sa ating paligid, at mabubuhay ang lahat ng masunuring tao gaya ng nilayon para sa kanila, wala nang kirot na dala ng pagtanda at kamatayan. (Genesis 1:28; Apocalipsis 21:4, 5) Sa panahong iyon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Babalik ang mga may-edad na sa mga araw ng “lakas ng [kanilang] kabataan,” at ang kanilang laman ay ‘magiging higit na sariwa pa kaysa noong kabataan.’ (Job 33:25) Pero sa ngayon, ang lahat ay pinahihirapan ng kasalanang minana kay Adan. Ngunit ang mga lingkod ni Jehova ay may espesyal na pagpapala sa kanilang pagtanda.
3. Sa anu-anong paraan maaaring ‘umunlad pa rin ang isa sa panahon ng pagiging may-uban’?
3 Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na ‘yaong mga nakatanim sa bahay ni Jehova ay uunlad pa rin sa panahon ng kanilang pagiging may-uban.’ (Awit 92:13, 14) Sa makasagisag na pananalita, binanggit ng salmista ang napakahalagang katotohanan na ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay maaaring patuloy na sumulong, lumago, at lumakas sa espirituwal, kahit na humihina na sila sa pisikal. Maraming halimbawa sa Bibliya at sa modernong panahon ang nagpapatunay nito.
“Hindi Kailanman Lumiliban”
4. Paano ipinakita ng may-edad nang propetisa na si Ana ang kaniyang debosyon sa Diyos, at ano ang naging gantimpala niya?
4 Isaalang-alang ang propetisang si Ana. Kahit 84 anyos na, “hindi [siya] kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” Yamang hindi Levita ang kaniyang ama kundi “mula sa tribo ni Aser,” hindi maaaring tumira sa templo si Anna. Isipin na lamang ang kinailangan niyang gawin para makapunta sa templo araw-araw at manatili roon para sa paglilingkod mula umaga hanggang gabi! Pero malaki ang naging gantimpala ni Ana dahil sa kaniyang debosyon. Naroon siya nang dalhin nina Jose at Maria sa templo ang sanggol na si Jesus para iharap kay Jehova ayon sa Kautusan. Nang makita ni Ana ang sanggol na si Jesus, siya ay “nagsimulang mag-ukol ng pasasalamat sa Diyos at nagsalita tungkol sa bata sa lahat ng mga naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.”—Lucas 2:22-24, 36-38; Bilang 18:6, 7.
5, 6. Sa anu-anong paraan nagpapakita ang mga may-edad na sa ngayon ng kasigasigan na tulad ng kay Ana?
5 Marami sa mga may-edad nang kasama natin ngayon ang gaya ni Ana na regular na dumadalo sa mga pulong, taimtim na nagsusumamo para sa ikasusulong ng tunay na pagsamba, at may marubdob na pagnanais na ipangaral ang mabuting balita. Ganito ang sinabi ng isang kapatid na lalaking mahigit 80 anyos na at regular na dumadalo sa mga pulong Kristiyano kasama ng kaniyang kabiyak: “Kinaugalian na naming dumalo sa mga pulong. Wala kaming ibang gustong puntahan. Kung saan naroroon ang bayan ng Diyos, gusto naming naroroon din kami. Palagay ang loob namin doon.” Talagang nakapagpapatibay na halimbawa nga para sa lahat!—Hebreo 10:24, 25.
6 “Gusto kong maging bahagi hangga’t maaari ng anumang bagay na may kinalaman sa tunay na pagsamba.” Iyan ang prinsipyo ni Jean sa buhay, isang Kristiyanong biyuda na mahigit 80 anyos na. “Siyempre, may mga panahong nalulungkot din ako,” ang dagdag pa niya, “pero hindi naman kailangang malungkot din ang iba kapag malungkot ako, ‘di ba?” Nagniningning ang kaniyang mga mata habang ikinukuwento ang kaligayahang nadarama niya kapag dumadalaw siya sa ibang lupain para makipagpatibayan sa mga kapatid. Nang maglakbay siya kamakailan, sinabi niya sa kaniyang mga kasama, “Sawa na ako sa kapapasyal sa mga kastilyo; gusto ko namang lumabas sa larangan!” Bagaman hindi nakapagsasalita si Jean ng wika roon, napukaw niya ang interes ng mga tao sa mensahe ng Bibliya. Bukod dito, ilang taon na siyang naglilingkod sa isang kongregasyon na nangangailangan ng tulong, bagaman kinailangan niyang matuto ng bagong wika at magbiyahe ng tig-isang oras papunta’t pabalik sa mga pulong.
Panatilihing Matalas ang Isip
7. Noong may-edad na si Moises, paano niya ipinakita ang kaniyang paghahangad na tumibay pa ang kaugnayan niya sa Diyos?
7 Habang nagkakaedad tayo, lalong dumarami ang ating karanasan sa buhay. (Job 12:12) Pero hindi awtomatikong sumusulong tayo sa espirituwal habang nagkakaedad. Kung gayon, sa halip na umasa na lamang sa nakaimbak na kaalaman, sinisikap ng tapat na mga lingkod ng Diyos na ‘lumago sa pagkatuto’ sa paglipas ng mga taon. (Kawikaan 9:9) Walumpung taóng gulang noon si Moises nang atasan siya ni Jehova. (Exodo 7:7) Nang panahong iyon, maliwanag na madalang na ang umaabot sa gayong edad dahil isinulat niya: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at . . . dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon.” (Awit 90:10) Sa kabila nito, hindi kailanman inisip ni Moises na matanda na siya para matuto pa. Pagkalipas ng maraming dekada ng paglilingkod sa Diyos, pagkakaroon ng maraming pribilehiyo, at pagbalikat ng mabibigat na pananagutan, nagsumamo si Moises kay Jehova: “Pakisuyong ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, upang makilala kita.” (Exodo 33:13) Laging hangad ni Moises na tumibay pa ang kaniyang kaugnayan kay Jehova.
8. Paano pinanatili ni Daniel na matalas ang kaniyang isip kahit mahigit 90 anyos na siya, at ano ang naging resulta?
8 Ang propetang si Daniel, na malamang na mahigit 90 anyos na, ay nagbubulay-bulay pa rin sa banal na kasulatan. Dahil sa naunawaan niya sa pag-aaral ng “mga aklat”—malamang kasama na ang Levitico, Isaias, Jeremias, Oseas, at Amos—marubdob siyang nanalangin upang humingi ng tulong kay Jehova. (Daniel 9:1, 2) Sinagot ng Diyos ang kaniyang panalangin at ipinaalam sa kaniya ang tungkol sa pagdating ng Mesiyas at ang mangyayari sa tunay na pagsamba.—Daniel 9:20-27.
9, 10. Ano ang ginagawa ng ilan para manatiling matalas ang kanilang isip?
9 Tulad nina Moises at Daniel, maaari din nating panatilihing matalas ang ating isip sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay hangga’t kaya natin. Ito mismo ang ginagawa ng marami. Ang Kristiyanong elder na si Worth, mahigit 80 anyos na, ay nagsisikap na umalinsabay sa pinakabagong espirituwal na pagkaing inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Sinabi niya, “Mahal na mahal ko ang katotohanan, at nasasabik akong makita kung paano lumiliwanag nang lumiliwanag ang liwanag ng katotohanan.” (Kawikaan 4:18) Lalo namang napatitibay ang pananampalataya ni Fred, mahigit 60 taon na sa buong-panahong ministeryo, kapag nakikipag-usap siya sa mga kapananampalataya tungkol sa Bibliya. “Kailangan kong panatilihing buháy sa isip ko ang Bibliya,” ang sabi niya. “Kung magagawa mong buháy ang Bibliya sa iyong isip—gawin itong makabuluhan—at kung maiuugnay mo ang natututuhan mo sa buong ‘parisan ng nakapagpapalusog na mga salita,’ mauunawaan mo ang kabuuan ng mga ito. Makikita mo kung paanong lumiliwanag ang bawat detalye sa tamang konteksto nito.”—2 Timoteo 1:13.
10 Hindi nangangahulugan na kapag may-edad na ang isa, hindi na siya matututo ng bago at mahihirap na konsepto. May mga taong mahigit 60, 70, at 80 taóng gulang na ngunit natuto pa ring bumasa’t sumulat o natuto pa nga ng bagong mga wika. Ginawa ito ng ilang Saksi ni Jehova sa layuning ipangaral ang mabuting balita sa mga tao na iba’t iba ang nasyonalidad. (Marcos 13:10) Mahigit 60 anyos na si Harry at ang kaniyang asawa nang ipasiya nilang tumulong sa teritoryong nagsasalita ng Portuges. “Aminin na natin,” ang sabi ni Harry, “habang nagkakaedad tayo, pahirap nang pahirap ang anumang gawain.” Ngunit dahil sa sikap at tiyaga, nakapagdaos sila ng pag-aaral sa Bibliya sa wikang Portuges. Maraming taon na ngayong nagpapahayag si Harry sa wikang iyon sa mga pandistritong kombensiyon.
11. Bakit pa natin pinag-uusapan ang nagagawa ng tapat na mga may-edad na?
11 Siyempre, hindi ipinahihintulot ng kalusugan o kalagayan ng bawat isa na magawa ang mga bagay na ito. Kung gayon, bakit pa natin pinag-uusapan ang nagagawa ng ilang may-edad na? Tiyak na hindi naman ipinahihiwatig nito na obligado ang lahat na gawin ang kayang gawin ng iba. Sa halip, kaayon ito ng isinulat ni apostol Pablo sa mga Hebreong Kristiyano tungkol sa tapat na mga elder sa kongregasyon: “Habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” (Hebreo 13:7) Kapag binubulay-bulay natin ang gayong mga halimbawa ng kasigasigan, mapasisigla tayong tularan ang matibay na pananampalataya na nag-uudyok sa mga may-edad nang ito na maglingkod sa Diyos. Ipinaliwanag ni Harry, edad 87, kung ano ang nagpapakilos sa kaniya, “Gusto kong gamitin sa matalinong paraan ang natitirang mga taon ng aking buhay at maging kapaki-pakinabang hangga’t maaari sa paglilingkod kay Jehova.” Maligayang-maligaya si Fred, nabanggit kanina, sa paglilingkod sa Bethel. Sinabi niya, “Kailangang pag-isipan mo kung paano mo mapaglilingkuran si Jehova sa abot ng iyong makakaya at kapag nasimulan mo na ito, huwag kang hihinto.”
Tapat Pa Rin sa Kabila ng Nagbabagong mga Kalagayan
12, 13. Paano nagpakita ng makadiyos na debosyon si Barzilai bagaman hindi na gaya ng dati ang kaniyang pangangatawan?
12 Mahirap tanggapin ang paghina ng pangangatawan. Pero posible pa ring magpakita ng makadiyos na debosyon sa kabila nito. Magandang halimbawa si Barzilai na Gileadita sa bagay na ito. Sa edad na 80, nagpakita siya ng pambihirang kabaitan kay David at sa hukbo nito nang paglaanan niya sila ng pagkain at matutuluyan noong magrebelde si Absalom. Nang bumalik si David sa Jerusalem, inihatid ni Barzilai ang grupo sa Ilog Jordan. Inalok ni David si Barzilai na maging bahagi ng kaniyang maharlikang korte. Ang sagot ni Barzilai? “Ako ay walumpung taóng gulang na ngayon. . . . Malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kinain ko at ang ininom ko, o maririnig ko pa ba ang tinig ng mga mang-aawit na lalaki at babae? . . . Narito ang iyong lingkod na si Kimham. Hayaan siyang tumawid na kasama ng panginoon kong hari; at gawin mo sa kaniya kung ano ang mabuti sa iyong paningin.”—2 Samuel 17:27-29; 19:31-40.
13 Bagaman hindi na gaya ng dati ang pangangatawan ni Barzilai, ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang suportahan ang haring pinahiran ni Jehova. Bagaman aminado siya na mahina na ang kaniyang panlasa at pandinig, hindi siya naghinanakit. Sa halip na isipin ang kaniyang sarili, inirekomenda ni Barzilai si Kimham para tumanggap ng pribilehiyo anupat naipakita ni Barzilai ang kaniyang tunay na pagkatao. Tulad ni Barzilai, iniisip ng maraming may-edad na ang kapakanan ng iba at nagpapakita sila ng pagkabukas-palad. Ginagawa nila ang kanilang buong makakaya upang suportahan ang tunay na pagsamba, yamang alam nila na “sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” Malaking pagpapala ngang makasama ang mga tapat na ito!—Hebreo 13:16.
14. Bakit lalong naging makabagbag-damdamin ang mga salita ni David sa Awit 37:23-25 dahil sa edad niya?
14 Bagaman maraming beses nang nagbago ang kalagayan ni David sa paglipas ng mga taon, kumbinsido pa rin siya na hindi nagbabago ang pagmamalasakit ni Jehova para sa kaniyang tapat na mga lingkod. Sa huling mga taon ng kaniyang buhay, kinatha ni David ang awit na kilala bilang Awit 37 sa ngayon. Isip-isipin na nagmumuni-muni si David habang tumutugtog ng alpa at inaawit niya ang mga salitang ito: “Dahil kay Jehova ay naihahanda ang mga hakbang ng matipunong lalaki, at ang kaniyang lakad ay kinalulugdan Niya. Bagaman siya ay mabuwal, hindi siya babagsak, sapagkat inaalalayan ni Jehova ang kaniyang kamay. Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Awit 37:23-25) Sa awit na ito, inudyukan ng banal na espiritu ni Jehova si David na banggiting matanda na ito. Talagang makabagbag-damdamin nga para kay David ang mga pananalitang ito!
15. Paano nagpakita ng magandang halimbawa ng katapatan si apostol Juan sa kabila ng katandaan at nagbagong mga kalagayan?
15 Si apostol Juan ay isa pang mainam na halimbawa ng katapatan sa kabila ng katandaan at nagbagong mga kalagayan. Halos 70 taon nang naglilingkod sa Diyos si Juan nang ipatapon siya sa isla ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) Pero hindi pa tapos ang kaniyang gawain. Sa katunayan, ang lahat ng bahagi ng Bibliya na isinulat ni Juan ay isinulat niya noong huling mga taon ng kaniyang buhay. Habang nasa Patmos, binigyan siya ng kagila-gilalas na pangitaing nasa Apocalipsis, na maingat niyang isinulat. (Apocalipsis 1:1, 2) Ipinalalagay na pinalaya siya mula sa pagkakatapon noong paghahari ng Romanong emperador na si Nerva. Noong mga 90 o 100 taóng gulang na siya pagsapit ng mga 98 C.E., isinulat ni Juan ang Ebanghelyo at ang tatlong liham na ipinangalan sa kaniya.
Walang-Kupas na Rekord ng Pagbabata
16. Paano naipahahayag ng mga taong hindi na gaanong makapagsalita ang kanilang debosyon kay Jehova?
16 Nalilimitahan sa iba’t ibang paraan at antas ang mga tao. Halimbawa, may ilan na nahihirapan nang makipag-usap. Gayunman, sariwa pa rin sa kanilang alaala ang pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Bagaman hindi na sila gaanong makapagsalita, sinasabi naman nila kay Jehova sa kanilang puso: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.” (Awit 119:97) Kilala ni Jehova ang mga “palaisip sa kaniyang pangalan,” at alam niya na lubha silang naiiba kaysa sa karamihan ng sangkatauhang hindi nagbibigay-pansin sa kaniyang mga daan. (Malakias 3:16; Awit 10:4) Nakaaaliw ngang malaman na nalulugod si Jehova sa pagbubulay-bulay ng ating puso!—1 Cronica 28:9; Awit 19:14.
17. Ano ang pambihirang nagawa ng matatagal nang lingkod ni Jehova?
17 Hindi rin dapat kaligtaan na ang mga indibiduwal na maraming dekada nang tapat na naglilingkod kay Jehova ay may pambihirang nagawa na hindi nila magagawa sa anumang iba pang paraan—ang kanilang walang-kupas na rekord ng pagbabata. Sinabi ni Jesus: “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.” (Lucas 21:19) Kailangan ang pagbabata para magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kayo na ‘gumawa ng kalooban ng Diyos’ at namuhay nang tapat ay makaaasang tumanggap ng “katuparan ng pangako.”—Hebreo 10:36.
18. (a) Ano ang ikinatutuwang makita ni Jehova sa mga may-edad na? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
18 Pinahahalagahan ni Jehova ang iyong buong-kaluluwang paglilingkod gaanuman ang iyong nagagawa. Sa kabila ng panghihina ng ‘pagkatao sa labas’ ng isa habang siya ay nagkakaedad, ang ‘pagkatao naman niya sa loob’ ay maaaring lumakas sa araw-araw. (2 Corinto 4:16) Walang alinlangan na pinahahalagahan ni Jehova ang iyong nagawa noon, ngunit maliwanag na pinahahalagahan din niya ang ginagawa mo ngayon alang-alang sa kaniyang pangalan. (Hebreo 6:10) Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang napakalaking impluwensiya ng gayong katapatan.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Ana para sa mga may-edad nang Kristiyano sa ngayon?
• Bakit hindi naman laging hadlang ang edad sa puwedeng magawa ng isa?
• Paano patuloy na makapagpapakita ng makadiyos na debosyon ang mga may-edad na?
• Ano ang tingin ni Jehova sa paglilingkod sa kaniya ng mga may-edad na?
[Larawan sa pahina 23]
Naunawaan ng may-edad nang si Daniel mula sa “mga aklat” kung gaano katagal magiging tapon ang Juda
[Mga larawan sa pahina 25]
Maraming may-edad na ang huwaran sa regular na pagdalo sa pulong, masigasig na pangangaral, at pananabik na matuto