HABAS, MGA
[sa Heb., pohl; sa Ingles, broad beans].
Ang terminong Hebreo nito ay katumbas ng Arabeng ful at iniuugnay sa habas, Vicia faba, isang taunang halaman na malawakang itinatanim sa Sirya at Palestina. Ang ganitong uri ng bean ay nasumpungan sa mga kabaong ng mga momyang Ehipsiyo, anupat nagpapahiwatig na ginagamit ito sa Ehipto mula pa noong sinaunang mga panahon.
Ang halaman ay matibay at tuwid, tumataas nang mga 1 m (3 piye), at naglalabas ng matamis na amoy kapag namumulaklak. Ang mga hinog na bunga nito ay malalaki at makakapal, at ang beans naman ay kulay kayumanggi o kulay itim. Palibhasa’y itinatanim pagkatapos ng maagang ulan sa taglagas, kadalasang inaani ang mga ito sa huling bahagi ng tagsibol sa pagtatapos ng pag-aani ng sebada at trigo. Ang mga halamang ito ay tinatahip tulad ng halamang butil. Bilang pagkain, ang luntian at di-pa-magulang na mga bunga ay maaaring pakuluan nang buo bilang gulay, samantalang ang mga hinog na beans ay madalas ilutong may langis at karne.
Nang umalis si David sa Jerusalem at tumawid ng Jordan dahil sa paghihimagsik ni Absalom, siya at ang kaniyang mga kasama ay sinalubong sa Mahanaim ng isang delegasyon na kusang-loob na naghandog ng mga kagamitan at pagkain, kabilang na ang mga habas. (2Sa 17:24-29) Si Ezekiel ay tinagubilinan na pagsamahin ang mga habas, ang mga lentehas at mga butil upang makagawa ng magaspang na tinapay na kakainin ayon sa timbang, anupat nagpapahiwatig ng mga kalagayan ng taggutom.—Eze 4:9, 10.