TORO
[sa Heb., shohr (Exo 21:28), par (Exo 29:10), ba·qarʹ (1Ha 7:25), ʽagha·limʹ (“mga guyang toro”; Am 6:4), reʼemʹ (“torong gubat”; Bil 23:22); sa Aramaiko, tohr (Dan 5:21); sa Gr., tauʹros (Mat 22:4), bous (1Co 9:9), moʹskhos (“guyang toro”; Luc 15:23)].
Ang mga salitang ito sa orihinal na wika para sa lalaking baka ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “toro,” “batang toro,” “guya,” “barakong baka.” Sa ilang lugar, pagkapon ang karaniwang pamamaraan upang mapaamo ang mga toro para sa pagtatrabaho bilang mga hayop na panghila, ngunit lumilitaw na hindi ito ginawa ng mga Israelita, sapagkat ang hayop na pinutulan ng isang sangkap nito ay hindi angkop na ihain. (Lev 22:23, 24; Deu 17:1; ihambing ang 1Ha 19:21.) Dahil dito, ipinapalagay ng ilan na mas maamo ang lahi ng toro na ginamit ng mga Israelita.
Ang lalaking alagang baka ay may prominenteng dako sa mga relihiyon ng maraming paganong bayan. Maaaring dahil napakalakas nito o may kakayahan itong magkaanak ng maraming supling, pinarangalan ito at sinamba pa nga. Ginamit ng mga Babilonyo ang toro bilang sagisag ng kanilang pangunahing diyos na si Marduk. Sa Ehipto, ang mga buháy na toro ay sinamba bilang inkarnasyon ng isang diyos—ni Apis ng Memfis at ni Mnevis ng Heliopolis. Ang paggamit ng toro, ang Taurus, bilang isa sa mga pangunahing sagisag ng sodyako ay isa pang katibayan ng importansiyang iniukol sa toro sa mga paganong relihiyon.
Di-nagtagal pagkatapos ng Pag-alis, ipinagpalit ng mga Israelita mismo ang kaluwalhatian ni Jehova sa “isang kawangis ng toro,” malamang na dahil nahawahan sila ng relihiyosong mga konsepto sa Ehipto. (Aw 106:19, 20) Nang maglaon, ang unang hari ng sampung-tribong kaharian, si Jeroboam, ay nagtatag ng pagsamba sa guya sa Dan at Bethel. (1Ha 12:28, 29) Sabihin pa, ayon sa kautusan ng Diyos sa Israel, hindi nila dapat pag-ukulan ng anumang pagsamba ang toro o ang alinmang hayop, kahit bilang sagisag lamang.—Exo 20:4, 5; ihambing ang Exo 32:8.
Ang mga toro ay inihahandog ng mga Israelita bilang hain (Exo 29; Lev 22:27; Bil 7; 1Cr 29:21), at may partikular na mga panahon na espesipikong itinagubilin ng Kautusan na mga toro ang dapat ihain. Kung ang mataas na saserdote ay nakagawa ng kasalanan na nagdala ng pagkakasala sa bayan, siya ay kailangang maghandog ng isang toro, ang pinakamalaki at pinakamahalagang haing hayop, anupat walang alinlangang kaayon ito ng kaniyang mabigat na posisyon bilang lider ng Israel sa tunay na pagsamba. Kailangan ding maghandog ng isang toro kapag ang buong kapulungan ng Israel ay nakagawa ng pagkakamali. (Lev 4:3, 13, 14) Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, isang toro ang dapat ihain para sa makasaserdoteng sambahayan ni Aaron. (Lev 16) Sa ikapitong buwan ng kanilang sagradong kalendaryo, ang mga Israelita ay hinihilingang maghandog ng mahigit sa 70 toro bilang mga handog na sinusunog.—Bil 29.
Ang toro ay ginamit ng mga Israelita sa mga gawaing may kaugnayan sa pagsasaka, gaya ng pag-aararo at paggigiik. (Deu 22:10; 25:4) Ang hayop na ito ay dapat na pakitunguhan nang may kabaitan. Ikinapit ng apostol na si Pablo sa Kristiyanong mga lingkod ng Diyos ang simulain sa Kautusan may kinalaman sa hindi pagbubusal sa toro habang ito ay gumigiik, anupat ipinakikita na kung paanong ang torong nagtatrabaho ay may karapatang kumain ng butil na ginigiik nito, ang isa na nagbabahagi ng espirituwal na mga bagay sa iba ay karapat-dapat ding tumanggap ng materyal na mga paglalaan. (Exo 23:4, 12; Deu 25:4; 1Co 9:7-10) Saklaw ng batas ang mga kaso ng pagnanakaw ng toro at ng pamiminsala ng torong di-binabantayan.—Exo 21:28–22:15.
Ang mga torong inihain ng mga Israelita ay sumagisag sa nag-iisa at walang-dungis na handog ni Kristo bilang ang tanging sapat na hain para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. (Heb 9:12-14) Ang mga haing toro ay kumakatawan din sa isa pang hain, isa na kalugud-lugod kay Jehova sa lahat ng panahon at kalagayan, samakatuwid nga, ang kusang-loob na bunga ng mga labi na, tulad ng malalakas na batang toro, ginagamit upang ‘gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.’—Aw 69:30, 31; Os 14:2; Heb 13:15.
Sa Bibliya, ang toro ay ginagamit bilang sagisag ng kapangyarihan at lakas. Ang binubong dagat sa harap ng templo ni Solomon ay nakapatong sa ibabaw ng mga wangis ng 12 toro, na nakapangkat nang tigtatatlo at nakaharap sa bawat pangunahing direksiyon. (2Cr 4:2, 4) Ang apat na nilalang na buháy na nakita ng propetang si Ezekiel sa pangitain na kasabay ng tulad-karong trono ni Jehova ay may tig-aapat na mukha, anupat isa sa mga ito ay mukha ng toro. (Eze 1:10) Sa pangitain ng apostol na si Juan, ang isa sa apat na nilalang na buháy sa palibot ng trono ay tulad ng guyang toro. (Apo 4:6, 7) Kaya naman ang toro ay angkop na kumakatawan sa isa sa mga pangunahing katangian ni Jehova, samakatuwid ay ang walang-limitasyong kapangyarihan.—Aw 62:11; Isa 40:26.
Sa Kasulatan, ang toro ay ginagamit din bilang sagisag ng agresibong mga kaaway ni Jehova at ng kaniyang mga mananamba, na naghahangad na alipinin o lipulin ang mga lingkod ng Diyos ngunit sila mismo ang mapupuksa sa araw ng paghihiganti ni Jehova.—Aw 22:12; 68:30; Isa 34:7, 8; Eze 39:18; tingnan ang GUYA; HANDOG, MGA.
Tinutukoy sa Kasulatan ang ilang katangian ng “torong gubat” (reʼemʹ): mahirap supilin (Job 39:9-12), matulin at di-malupig (Bil 23:22; 24:8), may malalakas na sungay (Deu 33:17; Aw 22:21; 92:10), at maharot kapag bata pa (Aw 29:6). Ginagamit din ang mga torong gubat upang kumatawan sa suwail na mga kaaway ni Jehova na lalapatan ng kaniyang hatol.—Isa 34:7.