CAPTOR, MGA CAPTORIM
Ang mga Captorim ay kabilang sa mga inapo ni Ham sa pamamagitan ni Mizraim. (Gen 10:6, 13, 14; 1Cr 1:12) Noong isang di-tiyak na panahon bago ang Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto (1513 B.C.E.), sinakop ng mga Captorim ang lupain sa TK bahagi ng Canaan, at itinaboy ang isang grupo ng mga tao na kilalá bilang mga Avim. (Deu 2:23) Sa ibang talata, ang pangalang Captor (gayundin ang Creta, NW) ay itinawag sa “pulo” o “baybaying lupain” (RS, AT, at iba pa) na pinanggalingan ng mga Filisteong nandayuhan sa Canaan.—Jer 47:4; Am 9:7.
Lubhang pinagtatalunan ang pagkakakilanlan ng Captor. Ang ilan sa mga lugar na iminumungkahi ay ang rehiyon ng Delta ng Ehipto, ang timog-silangang baybayin ng Asia Minor (lakip na ang Cilicia), ang Capadocia, at ang Creta. Sa ngayon, mas pabor ang karamihan sa mga iskolar na tukuyin ito bilang ang pulo ng Creta, na malapit sa TS baybayin ng Gresya. Inilalakip din ng ilan sa ilalim ng pangalang Captor ang kalapit na mga pulo at mga baybaying lupain. Ang pangalang Kaptara, na natagpuan sa mga tekstong Asiro-Babilonyo, at ang Kfty(w) sa mga inskripsiyong Ehipsiyo, ay ipinapalagay na kumakatawan sa Captor. Ipinahihiwatig ng ilang katibayan na nakipagkalakalan ang mga Ehipsiyo (gayundin ang mga inapo ni Mizraim) sa mga Cretense mula noong unang mga panahon, marahil ay noong panahon ni Abraham.
Itinuturing ng maraming iskolar na ang “mga Captorim” sa Deuteronomio 2:23 ay aktuwal na tumutukoy sa mga Filisteo. Gayunman, yamang ang mga Filisteo ay ipinakikitang nanggaling sa mga Casluhim (isa pang sanga ng mga inapo ni Mizraim), ang mga Filisteo ay matatawag lamang na Captorim sa heograpikong diwa (at hindi ayon sa talaangkanan o lahi), samakatuwid nga, dahil naninirahan sila sa teritoryo ng Captor bago sila pumaroon sa Canaan. Kung gayon, matatawag silang Captorim kung paanong ang Hebreong si Jacob ay tinawag na isang Siryano (o Arameano). (Deu 26:5) Kung hindi naman, mangangahulugan ito na hindi mga Filisteo ang tinutukoy sa Deuteronomio 2:23 at na iba pa ang liping pambansa ng mga Captorim na nandayuhan sa Canaan.