OLIBANO
[sa Ingles, frankincense].
Isang produkto ng ilang partikular na uri ng mga puno at palumpong na insenso na kabilang sa genus ng Boswellia, kamag-anak ng punong agwaras, o terebinth, at gayundin ng mga punungkahoy na pinagkukunan ng balsamo at mira. Ang mga ito ay katutubo sa ilang bahagi ng Aprika at Asia. Ang terminong Hebreo para sa olibano (levoh·nahʹ o levo·nahʹ) ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “maging puti” at maliwanag na hinango ito mula sa malagatas na kulay nito. Ang Griegong liʹba·nos ay hinalaw sa Hebreo.
Binabanggit ng Awit ni Solomon ang “burol ng olibano,” lumilitaw na sa makasagisag na paraan, ngunit maaaring ipinahihiwatig nito ang pagtatanim ng mga punong insenso sa maharlikang mga parke ni Solomon. (Sol 4:6, 12-16; Ec 2:5) Ang olibano ay isang pangunahing paninda na dinala ng mga pulutong ng mga negosyanteng taga-Silangan na naglakbay sa mga ruta ng espesya mula sa T Arabia paahon sa Gaza malapit sa Mediteraneo at patungong Damasco. Ipinahihiwatig ng mga pagtukoy ng Kasulatan na sa ganitong paraan ito inangkat papasók sa Palestina mula sa Sheba.—Isa 60:6; Jer 6:20.
Ang olibano ay nakukuha sa pamamagitan ng paggawa ng sunud-sunod na hiwa sa talob o sa pamamagitan ng pagtuklap sa talob nang may pagi-pagitan, anupat pinatutulo ang maputing katas (pagkatapos hiwain nang ilang ulit ay nagkakabahid ito nang dilaw o pula) at pinamumuo bilang mga patak na mga 2.5 sentimetro (1 pulgada) ang haba. Kapag natipon na, ang olibano ay binubuo ng maliliit na piraso, o butil, ng mabangong sahing na dagta na mapait ang lasa at naglalabas ng aromatikong amoy kapag sinunog.—Sol 3:6.
Bukod pa sa mga pagtukoy sa Awit ni Solomon, ang olibano ay palagiang binabanggit sa Hebreong Kasulatan may kaugnayan sa pagsamba. (Ihambing ang 2Co 2:14-16.) Isa itong sangkap ng banal na insenso na ginamit sa santuwaryo (Exo 30:34-38) at ginamit sa mga handog na mga butil (Lev 2:1, 2, 15, 16; 6:15; Jer 17:26; 41:4, 5) at sa bawat hanay ng tinapay na pantanghal ng santuwaryo (Lev 24:7). Ngunit hindi ito dapat ilakip sa mga handog ukol sa kasalanan (Lev 5:11) o sa “handog na mga butil ukol sa paninibugho.” (Bil 5:15) Walang alinlangan na ito ay dahil ang huling nabanggit na mga handog ay may kaugnayan sa kasalanan, o pagkakamali, at hindi inihahandog bilang hain ng papuri o pasasalamat kay Jehova.
Binabanggit na nag-imbak ng olibano sa mga gusali ng muling-itinayong templo, kasunod ng pagbabalik mula sa pagkatapon sa Babilonya. (1Cr 9:29; Ne 13:5, 9) Ang mga astrologong taga-Silangan na dumalaw sa batang si Jesus ay nagdala ng olibano (Mat 2:11), at binabanggit ito bilang isa sa mga kalakal na ipinagbili sa Babilonyang Dakila bago ito mapuksa. (Apo 18:8-13) Ang terminong Griego para sa makalangit na sisidlan ng insenso, sa Apocalipsis 8:3, 5, ay li·ba·no·tosʹ at hinalaw sa salitang Hebreo para sa “olibano.”
Itinatala ng propetang si Isaias na hindi kinalulugdan at hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang mga kaloob na insenso at ang paggamit nito kapag ang mga iyon ay inihahandog niyaong mga nagtatakwil sa kaniyang Salita.—Isa 66:3.