KALOOB MULA SA DIYOS
Ang mga kaloob na ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay kapahayagan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. Ang salitang khaʹri·sma (sa literal, kaloob ng kagandahang-loob), na lumilitaw nang 17 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay nagpapahiwatig ng isang kaloob dahil sa “di-sana-nararapat na kabaitan” (khaʹris) ng Diyos. (Ro 6:23, tlb sa Rbi8; 1Co 12:4; 2Ti 1:6; 1Pe 4:10) Kaya naman, wasto lamang na ang mga kaloob na natanggap mula kay Jehova ay gamitin para sa kapakinabangan ng kapuwa at sa ikaluluwalhati ng Diyos na tagapagbigay. (1Pe 4:10, 11) Ang mga kaloob na ito ay hindi dapat gamitin sa sakim na pakinabang ng tumanggap. Yamang ang taong iyon ay ‘tumanggap nang walang bayad,’ obligado rin naman siyang ‘magbigay nang walang bayad.’—Mat 10:8.
“Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas.” (San 1:17) Si Jehova ay bukas-palad sa pagbibigay, anupat pinahihintulutan niyang makinabang sa sikat ng araw at sa ulan kapuwa ang mga matuwid at ang mga balakyot. Sa katunayan, siya ang “nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” Ang mga kaloob ng Diyos, kabilang na ang pagkain at inumin at pagtatamasa ng kabutihan mula sa pagpapagal ng isa, ay para sa kasiyahan ng tao. (Mat 5:45; Gaw 17:24, 25; Ec 3:12, 13; 5:19; 1Ti 6:17) Ang pagkawalang-asawa at ang pag-aasawa ay kapuwa mga kaloob mula sa Diyos, anupat dapat tamasahin kasuwato ng kaniyang mga kahilingan. Sa dalawang kaloob na ito, mas mabuti ang pagkawalang-asawa yamang ang taong walang asawa ay mas malayang makapag-uukol ng kaniyang sarili sa paglilingkod kay Jehova nang walang abala.—Kaw 18:22; Mat 19:11, 12; 1Co 7:7, 17, 32-38; Heb 13:4.
Ang Kaloob ng Diyos sa Pamamagitan ng Hain ni Jesus. Isang kaloob na walang kasinghalaga ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa paglalaan niya ng kaniyang Anak bilang isang haing pantubos, at dahil dito, yaong mga nananampalataya sa hain ni Jesu-Kristo ay maaaring magtamo ng kaloob na buhay na walang hanggan. (Ro 6:23; Ju 3:16) Maliwanag na kasama sa “di-mailarawang kaloob na walang bayad” ng Diyos ang lahat ng kabutihan at maibiging-kabaitan na ipinakikita ng Diyos sa kaniyang bayan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—2Co 9:15; ihambing ang Ro 5:15-17.
Banal na Espiritu. Ibinibigay ng Diyos ang kaniyang espiritu bilang isang kaloob sa kaniyang bayan, anupat tinutulungan silang umiwas sa karumal-dumal na mga gawa ng laman at sa halip ay maglinang ng mga bunga ng espiritu, samakatuwid nga, pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Gaw 2:38; Ro 8:2-10; Gal 5:16-25) Ang espiritu ni Jehova ay isang maaasahang patnubay at naglalaan ng lakas na higit sa karaniwan, anupat tumutulong sa isang Kristiyano na tuparin ang kaniyang bigay-Diyos na mga atas sa kabila ng mga panggigipit sa kaniya. (Ju 16:13; 2Co 4:7-10) Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ituturo sa kanila ng espiritu ng Diyos ang lahat ng bagay, ibabalik nito sa kanilang mga pag-iisip ang mga bagay na itinuro niya sa kanila, at tutulungan sila nitong gumawa ng pagtatanggol kahit sa harap ng mga tagapamahala.—Ju 14:26; Mar 13:9-11.
Karunungan at Kaalaman. Ang tunay na karunungan at kaalaman ay mga kaloob mula sa Diyos. Inaanyayahan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na manalangin ukol sa karunungan at kaalaman, gaya ng ginawa ni Solomon. (San 1:5; 2Cr 1:8-12) Gayunpaman, para matamo ang kaalaman, kailangan ang pagsisikap upang mapag-aralan ang inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kaloob na Salita. (Kaw 2:1-6; 2Ti 2:15; 3:15) Subalit ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, sa ganang sarili nito, ay hindi garantiya na ang isa ay tatanggap ng mga kaloob na kaalaman at karunungan. Makakamit lamang ang tunay na kaalaman at karunungan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at sa tulong ng espiritu ng Diyos.—1Co 2:10-16; Col 2:3.
Ang makadiyos na karunungan ay nagsisilbing proteksiyon at patnubay sa mga landas ng buhay. (Ec 7:12; Kaw 4:5-7) Ang karunungang nagmumula sa Diyos ay ibang-iba sa makasanlibutang karunungan, na kamangmangan sa pangmalas ni Jehova at nakapipinsala rin sapagkat ipinagwawalang-bahala nito ang Diyos. (1Co 1:18-21) “Ngunit ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi, hindi mapagpaimbabaw.”—San 3:17.
Ang tumpak na kaalaman hinggil sa kalooban ni Jehova ay tumutulong sa nagtataglay nito na ‘tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga,’ na hindi makatisod sa iba, at “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Fil 1:9-11; Col 1:9, 10) Karagdagan pa, ang kaalaman ay isa sa mga bagay na tumutulong sa isang Kristiyano upang siya’y maging aktibo at mabunga sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. (2Pe 1:5-8) Ang kaloob na ito mula sa Diyos ay hindi lamang basta ang pagkakaroon ng kabatiran sa mga bagay na totoo. Saklaw nito ang pag-unawa sa mga katotohanang iyon at ang pagkaalam kung paano gagamitin ang mga iyon sa pagbibigay ng “sagot sa bawat isa.”—Col 4:6.
Mga Kaloob na Paglilingkod at “Mga Kaloob na mga Tao.” Sa totoo, ang mga atas ng paglilingkod sa makalupang kaayusan ng Diyos ay mga kaloob mula kay Jehova. (Bil 18:7; Ro 12:6-8; Efe 3:2, 7) Yaong mga pinagkalooban ng mga atas ng paglilingkod sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay tinatawag ding “mga kaloob na mga tao,” at si Jesu-Kristo, bilang kinatawan ng Diyos at ulo ng kongregasyon, ang nagbigay ng mga ito sa kongregasyon upang ang indibiduwal na mga miyembro niyaon ay mapatibay at magtamo ng pagkamaygulang. (Efe 4:8, 11, 12) Upang magampanan niya nang may katapatan ang kaniyang mga pananagutan ukol sa ikapagpapala ng iba, ang isa na may kaloob ay dapat na patuloy na maglinang niyaon, anupat hindi iyon pinababayaan. (1Ti 4:14; 2Ti 1:6) Sa tulong ni Jehova, kahit sino ay makapaglilinang ng kakayahang magsagawa ng anumang paglilingkod na iniatas ng Diyos, kung magsusumikap siya na lubusang gamitin ang kaniyang mga kakayahan at pagtagumpayan ang mga hadlang na maaaring bumangon.—Fil 4:13.
Mga Kaloob ng Espiritu. Noong unang siglo C.E., yaong mga binabautismuhan sa banal na espiritu ay tumatanggap ng makahimalang mga kaloob. Ang mga ito’y nagsilbing mga tanda na hindi na ginagamit ng Diyos ang kongregasyong Judio at na ang pagsang-ayon niya ay nasa kongregasyong Kristiyano na itinatag ng kaniyang Anak. (Heb 2:2-4) Noong araw ng Pentecostes, ang pagbubuhos ng banal na espiritu ay may kasamang makahimalang mga kaloob. Mula noon, sa tuwing binabanggit ng Kasulatan na ibinigay ang makahimalang mga kaloob ng espiritu, isa sa 12 apostol o si Pablo, na tuwirang pinili ni Jesus, ang naroroon. (Gaw 2:1, 4, 14; 8:9-20; 10:44-46; 19:6) Nang mamatay ang mga apostol, maliwanag na nagwakas ang pagbibigay ng mga kaloob ng espiritu, at tuluyang naglaho ang makahimalang mga kaloob ng espiritu nang pumanaw na yaong mga tumanggap ng mga kaloob na ito.
Ang basta pagsasagawa ng tila makahimalang mga gawa ay hindi nagpapatunay na ang isa ay may awtorisasyon mula sa Diyos, ni dapat mang pag-alinlanganan kung ginagamit nga ng Diyos ang kaniyang mga lingkod dahil lamang sa hindi sila makapagsagawa ng mga himala sa tulong ng espiritu ng Diyos. (Mat 7:21-23) Hindi lahat ng unang-siglong mga Kristiyano ay nakapagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa, nakapagpapagaling, nakapagsasalita ng mga wika, at nakapagsasalin. Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, si Pablo, at walang alinlangang pati ang iba pa, ay pinagkalooban ng marami sa mga kaloob na ito ng espiritu. Gayunman, ang makahimalang mga kaloob na ito ay palatandaan na sanggol pa ang kongregasyong Kristiyano, at inihula rin na magwawakas ang mga ito. Sa katunayan, sinabi mismo ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay makikilala, hindi dahil sa pagsasagawa nila ng makapangyarihang mga gawa, kundi dahil sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa.—1Co 12:29, 30; 13:2, 8-13; Ju 13:35.
Isa-isang binanggit ni Pablo ang siyam na iba’t ibang paghahayag o gawain ng espiritu: (1) pagsasalita ng karunungan, (2) pagsasalita ng kaalaman, (3) pananampalataya, (4) mga kaloob na pagpapagaling, (5) makapangyarihang mga gawa, (6) panghuhula, (7) kaunawaan sa kinasihang mga pananalita, (8) iba’t ibang wika, at (9) pagpapakahulugan sa mga wika. Ang lahat ng mga kaloob na ito ng espiritu ay nakatulong, hindi lamang sa paglago ng bilang ng kongregasyon kundi sa pagpapatibay rin nito sa espirituwal.—1Co 12:7-11; 14:24-26.
“Pagsasalita ng karunungan.” Bagaman maaaring matamo ang karunungan sa pamamagitan ng pag-aaral, pagkakapit, at karanasan, lumilitaw na ang “pagsasalita ng karunungan” na binanggit dito ay isang makahimalang kakayahan na ikapit ang kaalaman sa isang matagumpay na paraan upang lutasin ang mga suliraning bumabangon sa kongregasyon. (1Co 12:8) “Ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya” kung kaya naisulat ni Pablo ang mga liham na naging bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. (2Pe 3:15, 16) Lumilitaw na nahayag din ang kaloob na ito sa kakayahang gumawa ng pagtatanggol na hindi matututulan ng mga sumasalansang.—Gaw 6:9, 10.
“Pagsasalita ng kaalaman” at “pananampalataya.” Lahat ng kabilang sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano ay may saligang kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak at gayundin sa kalooban ng Diyos at sa kaniyang mga kahilingan para magtamo ng buhay. Samakatuwid, ang “pagsasalita ng kaalaman” ay nakatataas at nakahihigit sa kaalamang taglay ng mga Kristiyano sa pangkalahatan; ito ay isang makahimalang kaalaman. Sa katulad na paraan, ang “pananampalataya” bilang isang kaloob ng espiritu ay maliwanag na isang makahimalang pananampalataya na tumutulong sa indibiduwal upang mapagtagumpayan ang gabundok na mga hadlang na maaaring makasagabal sa kaniyang paglilingkod sa Diyos.—1Co 12:8, 9; 13:2.
“Pagpapagaling.” Ang kaloob na ito ay nahahayag noon sa kakayahang lubusang magpagaling ng mga sakit, anuman ang uri ng karamdaman. (Gaw 5:15, 16; 9:33, 34; 28:8, 9) Bago ang Pentecostes, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ang nagsasagawa ng pagpapagaling. Bagaman nagpamalas ng pananampalataya ang ilan sa mga taong pinagaling, ang taong may sakit ay hindi hinihilingang magpakita ng pananampalataya bago siya pagalingin. (Ihambing ang Ju 5:5-9, 13.) Noong isang pagkakataon, sinabi ni Jesus na kaya hindi napagaling ng kaniyang mga alagad ang isang epileptiko ay dahil sa kakaunting pananampalataya ng kaniyang mga alagad, hindi dahil sa kawalan ng pananampalataya ng taong humiling na pagalingin ang kaniyang anak. (Mat 17:14-16, 18-20) Kahit isang insidente ay walang iniulat ang Kasulatan na hindi nakapagpagaling si Jesus o ang kaniyang mga apostol dahil sa kawalan ng pananampalataya niyaong mga humihiling ng pagpapagaling. Karagdagan pa, sa halip na gamitin ng apostol na si Pablo ang kaloob na pagpapagaling upang gamutin ang problema sa sikmura ni Timoteo o sabihin na ang dahilan ng malimit nitong pagkakasakit ay ang kawalan ng pananampalataya, inirekomenda niya kay Timoteo na gumamit ng kaunting alak dahil sa sikmura nito.—1Ti 5:23; tingnan ang PAGPAPAGALING, KAGALINGAN; PANANAMPALATAYA.
“Makapangyarihang mga gawa.” Kabilang sa makapangyarihang mga gawa ang pagbabangon ng mga taong patay, pagpapalayas ng mga demonyo, at maging ang pagbulag sa mga sumasalansang. (1Co 12:10) Dahil sa paghahayag ng gayong makapangyarihang mga gawa, maraming mananampalataya ang naparagdag sa kongregasyon.—Gaw 9:40, 42; 13:8-12; 19:11, 12, 20.
“Panghuhula.” Mas dakilang kaloob ang panghuhula kaysa sa pagsasalita ng mga wika, yamang napatitibay nito ang kongregasyon. Bukod diyan, natutulungan nito ang mga di-sumasampalataya na makilalang ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ng mga Kristiyano. (1Co 14:3-5, 24, 25) Noon, lahat ng kabilang sa kongregasyong Kristiyano ay nagsasalita tungkol sa katuparan ng mga hulang nakaulat sa Salita ng Diyos. (Gaw 2:17, 18) Gayunman, yaong mga nagtataglay ng makahimalang kaloob na panghuhula ay may kakayahang sabihin nang patiuna ang mga bagay na mangyayari sa hinaharap, kagaya ng ginawa ni Agabo.—Gaw 11:27, 28; tingnan ang HULA; PROPETA (Mga Propeta sa Kristiyanong Griegong Kasulatan).
“Kaunawaan sa kinasihang mga pananalita.” Maliwanag na kabilang sa kaunawaan sa kinasihang mga pananalita ang kakayahang unawain kung ang isang kinasihang kapahayagan ay nagmula sa Diyos o hindi. (1Co 12:10) Dahil sa kaloob na ito, ang nagmamay-ari nito ay hindi malilinlang at hindi maitatalikod sa katotohanan, at maipagsasanggalang nito ang kongregasyon laban sa mga bulaang propeta.—1Ju 4:1; ihambing ang 2Co 11:3, 4.
“Mga wika.” Kaakibat ng pagbubuhos ng espiritu ng Diyos noong Pentecostes, 33 C.E., ang makahimalang kaloob na mga wika. Dahil dito, ang humigit-kumulang sa 120 alagad na nagkakatipon sa isang silid sa itaas (posibleng malapit sa templo) ay nakapagsalita tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos” sa mga katutubong wika ng mga Judio at mga proselita na pumaroon sa Jerusalem mula sa malalayong lugar upang mangilin ng kapistahan. Ang katuparang ito ng hula ni Joel ay nagpapatunay na ginagamit na ng Diyos ang bagong kongregasyong Kristiyano at hindi na ang kongregasyong Judio. Upang tumanggap ng walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu, ang mga Judio at mga proselita ay kailangang magsisi at mabautismuhan sa pangalan ni Jesus.—Gaw 1:13-15; 2:1-47.
Malaki ang naitulong ng kaloob na mga wika sa unang-siglong mga Kristiyano sa kanilang pangangaral sa mga nagsasalita ng ibang mga wika. Sa katunayan, iyon ay naging isang tanda sa mga di-sumasampalataya. Gayunman, nang sumulat si Pablo sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto, itinagubilin niya na kapag nagtitipon, hindi lahat ng Kristiyano ay dapat magsalita ng mga wika, yamang may ibang mga tao at mga di-sumasampalataya na pumapasok at kapag hindi sila makaunawa ay baka isipin nilang nababaliw ang mga Kristiyano. Iminungkahi rin niya na “limitahan [ang pagsasalita ng mga wika] sa dalawa o tatlo sa pinakamarami, at halinhinan.” Gayunman, kung walang makapagsasalin, ang taong nagsasalita ng isang wika ay dapat na manatiling tahimik sa kongregasyon at magsalita sa kaniyang sarili at sa Diyos. (1Co 14:22-33) Kung hindi ito maisasalin, ang pagsasalita niya ng isang wika ay hindi makapagpapatibay sa iba, sapagkat walang sinumang makikinig sa kaniyang pagsasalita dahil wala itong kabuluhan sa mga hindi nakauunawa niyaon.—1Co 14:2, 4.
Kung ang taong nagsasalita ng isang wika ay hindi makapagsalin, siya mismo ay hindi nakauunawa sa kaniyang sinasabi ni mauunawaan man iyon ng iba na hindi pamilyar sa wikang iyon. Kaya naman pinasigla ni Pablo yaong mga may kaloob na mga wika na manalangin upang makapagsalin din sila at sa gayo’y mapatibay nila ang lahat ng nakikinig. Batay sa mga nabanggit na, madali nating mauunawaan kung bakit itinuring ni Pablo, sa ilalim ng pagkasi, ang pagsasalita ng mga wika bilang isang nakabababang kaloob at kung bakit niya sinabi na sa isang kongregasyon, mas nanaisin niyang magsalita ng limang salita mula sa kaniyang pag-iisip (unawa) kaysa 10,000 salita sa isang wika.—1Co 14:11, 13-19.
“Pagpapakahulugan sa mga wika.” Noon, ang kaloob na pagpapakahulugan sa mga wika ay nahahayag sa kakayahang magsalin ng isang wika na hindi dating nalalaman ng taong nagtataglay ng kaloob na ito. (1Co 12:10) Sa totoo, pinatingkad ng kaloob na ito ang kaloob na pagsasalita ng mga wika yamang napatitibay ang buong kongregasyon kapag narinig ang pagsasalin.—1Co 14:5.
Iba Pang mga Gawain ng Espiritu. Nang banggitin niya ang ilan sa mga gawain ng espiritu kaugnay ng pagkakasunud-sunod ng indibiduwal na mga miyembro ng katawan ni Kristo, sinabi ni Pablo: “Inilagay ng Diyos ang bawat isa sa mga ito sa kongregasyon, una, mga apostol; ikalawa, mga propeta; ikatlo, mga guro; pagkatapos ay makapangyarihang mga gawa; pagkatapos ay mga kaloob na pagpapagaling; tulong na mga paglilingkod, mga kakayahang manguna, iba’t ibang wika.” (1Co 12:27, 28) Maaaring kasama sa “tulong na mga paglilingkod” ang organisadong mga kaayusan upang mabigyan ng materyal na tulong ang nagdarahop na mga kapatid, gaya ng pamamahagi ng pagkain sa nagdarahop na mga babaing balo. Dahil dito, pitong lalaking “puspos ng espiritu at karunungan” ang inatasan sa kongregasyon sa Jerusalem. (Gaw 6:1-6) Kailangan ang “mga kakayahang manguna” upang magampanan ang atas sa paggawa ng mga alagad, na binalangkas ni Jesus. (Mat 28:19, 20) Kailangan din ang mahusay na pangunguna sa gawaing pagmimisyonero, gayundin sa pagtatatag ng mga bagong kongregasyon at pagkatapos ay pangangasiwa sa mga gawain ng mga kongregasyong ito. Kaya naman, may kinalaman sa kaniyang bahagi sa programa ng Diyos na pagtatayo, tinukoy ni Pablo ang kaniyang sarili bilang “isang marunong na tagapangasiwa [o, tagapanguna].”—1Co 3:10.
Kontrol sa Paggamit sa mga Kaloob ng Espiritu. Lumilitaw na nagagamit lamang ng mga nagtataglay ng mga kaloob ng espiritu ang mga ito kapag kumilos sa kanila ang espiritu ni Jehova. Halimbawa, sa Cesarea, bagaman nakituloy si Pablo sa tahanan ni Felipe, na “may apat na anak na babae, mga dalaga, na nanghuhula,” si Agabo, isang propeta na dumating mula sa Judea, ang humula tungkol sa pag-aresto kay Pablo, at hindi ang isa sa mga anak na babae ni Felipe. (Gaw 21:8-11) Sa isang pulong ng kongregasyon, ang isang propeta ay maaaring tumanggap ng isang pagsisiwalat samantalang may ibang propeta na nagsasalita; ngunit yaong mga nagtataglay ng kaloob ng espiritu ay may kontrol sa mga ito kapag binabalot sila ng espiritu ng Diyos, samakatuwid nga, maaari silang magpigil sa pagsasalita hanggang sa mabigyan sila ng pagkakataon. Kung gayon, maaaring isagawa sa kongregasyon ang panghuhula, pagsasalita ng mga wika, at pagsasalin sa maayos na paraan, ukol sa ikatitibay ng lahat.—1Co 14:26-33.