Unang Liham sa mga Taga-Corinto
14 Patuloy na magpakita ng pag-ibig, pero patuloy rin ninyong sikaping makatanggap ng* espirituwal na mga kaloob, lalo na ang kaloob na humula.+ 2 Dahil ang nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita sa Diyos at hindi sa mga tao, at walang nakikinig+ kahit nagsasalita siya ng mga sagradong lihim+ sa pamamagitan ng espiritu. 3 Pero ang humuhula ay nagpapatibay at nagpapasigla at umaaliw sa mga tao sa pamamagitan ng sinasabi niya. 4 Pinapatibay ng nagsasalita ng ibang wika ang sarili niya, pero pinapatibay ng humuhula ang kongregasyon. 5 Gusto ko sanang makapagsalita kayong lahat ng iba’t ibang wika,+ pero mas gusto kong humula kayo.+ Ang totoo, mas mabuting humula ang isang tao kaysa magsalita ng iba’t ibang wika, maliban na lang kung nagsasalin siya, para mapatibay ang kongregasyon. 6 Mga kapatid, kung pumunta ako sa inyo na nagsasalita ng iba’t ibang wika, may maitutulong ba ako sa inyo? May maitutulong lang ako kung may dala akong pagsisiwalat,+ kaalaman,+ hula, o turo.
7 Gayon din sa walang-buhay na mga bagay na nakalilikha ng tunog, gaya ng plawta o alpa. Kung hindi malinaw ang pagbabago-bago sa nota, paano malalaman kung ano ang tinutugtog sa plawta o sa alpa? 8 Kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda para makipagdigma? 9 Sa katulad na paraan, kung kayo* ay gagamit ng mga salitang mahirap maintindihan, paano malalaman ng iba kung ano ang sinasabi ninyo? Para lang kayong nagsasalita sa hangin. 10 Totoo, maraming wika sa mundo, pero lahat ay puwedeng maintindihan. 11 Kung hindi ko naiintindihan ang wika ng kumakausap sa akin, magiging banyaga ako sa kaniya, at magiging banyaga rin siya sa akin. 12 Gayon din sa inyo. Dahil gustong-gusto ninyo ang mga kaloob ng espiritu, sikapin ninyong managana sa mga kaloob na magpapatibay sa kongregasyon.+
13 Kaya ipanalangin ng nagsasalita ng ibang wika na makapagsalin siya.+ 14 Dahil kapag nananalangin ako sa ibang wika, ang kaloob sa akin ng espiritu ang nananalangin, pero hindi gumagana ang isip ko.+ 15 Kaya ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako gamit ang kaloob ng espiritu, pero mananalangin din ako sa wikang naiintindihan ko. Aawit ako ng papuri gamit ang kaloob ng espiritu, pero aawit din ako sa wikang naiintindihan ko.+ 16 Dahil kapag naghahandog ka ng papuri gamit ang kaloob ng espiritu, paano magsasabi ng “Amen” sa binigkas mong pasasalamat ang karaniwang tao sa gitna ninyo kung hindi niya naintindihan ang sinabi mo? 17 Totoo, nagpapasalamat ka sa mahusay na paraan, pero hindi naman napapatibay ang iba. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagsasalita ako ng mas maraming wika kaysa sa inyong lahat. 19 Gayunman, mas gugustuhin ko pang bumigkas sa kongregasyon ng limang salitang naiintindihan para maturuan ko ang iba, kaysa bumigkas ng sampung libong salita sa ibang wika.+
20 Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata pagdating sa pang-unawa+ kundi maging bata kung tungkol sa kasamaan;+ at maging nasa hustong-gulang pagdating sa pang-unawa.+ 21 Nakasulat sa Kautusan: “‘Makikipag-usap ako sa bayang ito sa mga wikang banyaga at sa mga salita ng estranghero, pero hindi pa rin sila magbibigay-pansin sa akin,’ sabi ni Jehova.”+ 22 Kaya ang pagsasalita ng iba’t ibang wika ay isang tanda para sa mga di-sumasampalataya at hindi sa mga mananampalataya,+ samantalang ang panghuhula ay para sa mga mananampalataya at hindi sa mga di-sumasampalataya. 23 Pero kung nagtitipon sa isang lugar ang buong kongregasyon at nagsasalita silang lahat ng iba’t ibang wika, at pumasok ang mga karaniwang tao o di-sumasampalataya, hindi ba sasabihin ng mga ito na baliw kayo? 24 Gayunman, kung nanghuhula kayong lahat at pumasok ang isang di-sumasampalataya o karaniwang tao, siya ay masasaway at maingat na masusuri ng lahat. 25 At magiging malinaw sa kaniya ang laman ng puso niya,+ kaya susubsob siya at sasamba sa Diyos at sasabihin niya: “Talagang nasa gitna ninyo ang Diyos.”+
26 Kaya ano ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag nagtitipon kayo, may umaawit, may nagtuturo, may nagsisiwalat, may nagsasalita ng ibang wika, at may nagsasalin.+ Gawin ninyo ang lahat ng bagay para mapatibay ang isa’t isa.+ 27 At kung may nagsasalita ng ibang wika, limitahan ito sa dalawa o tatlo at dapat na maghalinhinan sila; dapat na may tagapagsalin din.+ 28 Pero kung walang tagapagsalin, mas mabuti pang huwag siyang magsalita sa kongregasyon kundi makipag-usap nang tahimik sa Diyos. 29 Hayaang dalawa o tatlong propeta+ ang magsalita, at uunawain naman ng iba ang kahulugan. 30 Pero kung may isang nakaupo roon na tumanggap ng pagsisiwalat, tumahimik muna ang nagsasalita. 31 Sa ganitong paraan, makapanghuhula kayong lahat nang isa-isa at matututo at mapapatibay ang lahat.+ 32 At ang kaloob ng espiritu sa* mga propeta ay dapat nilang gamitin sa maayos na paraan. 33 Dahil ang Diyos ay Diyos ng kapayapaan at hindi ng kaguluhan.+
Gaya ng sa lahat ng kongregasyon ng mga banal, 34 ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon, dahil hindi sila pinapahintulutang magsalita.+ Dapat silang magpasakop,+ gaya rin ng sinasabi sa Kautusan. 35 Kung may gusto silang matutuhan, sa bahay sila magtanong sa kanilang asawa, dahil kahiya-hiya para sa isang babae na magsalita sa kongregasyon.
36 Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos, o sa inyo lang ba ito nakaabot?
37 Kung may nag-iisip na propeta siya o na may kaloob siya ng espiritu, dapat niyang kilalanin na ang mga isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Pero ang hindi kikilala rito ay hindi rin kikilalanin.* 39 Kaya, mga kapatid ko, patuloy ninyong sikaping matanggap ang kaloob na humula,+ pero huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng iba’t ibang wika.+ 40 Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.+