HINOM, LIBIS NG
Isang libis na nasa T at TK ng Jerusalem; bumabagtas ito patungong T mula sa kapaligiran ng makabagong Pintuang-daan ng Jaffa, biglang lumiliko patungong S sa TK sulok ng lunsod, at bumabagtas sa kahabaan ng T hanggang sa makatagpo nito ang mga libis ng Tyropoeon at ng Kidron sa isang dako na malapit sa TS sulok ng lunsod. Kilala rin ito bilang “libis ng (mga) anak ni Hinom”; ang “Libis,” gaya ng sa pananalitang “Pintuang-daan ng Libis” (Jos 15:8; 2Ha 23:10; Ne 3:13); posibleng ito ang “mababang kapatagan ng mga bangkay at ng abo ng taba” sa Jeremias 31:40. Hindi alam kung kanino ipinangalan ang libis, gayundin ang kahulugan ng pangalang Hinom.—LARAWAN, Tomo 2, p. 949.
Papalapad ang Hinom sa dako na nasa itaas lamang ng pinagsasalubungan nito at ng mga libis ng Tyropoeon at ng Kidron. Malamang na dito ang lokasyon ng Topet. (2Ha 23:10) Sa T na panig ng libis malapit sa silanganing dulo nito ay naroon ang kinikilalang lugar ng Akeldama, ang “Parang ng Dugo,” ang parang ng magpapalayok na binili kapalit ng 30 pirasong pilak ni Hudas. (Mat 27:3-10; Gaw 1:18, 19) Sa mas dako pang itaas, ang libis ay makitid at malalim, anupat maraming silid na puntod sa hagdan-hagdang mga dalisdis nito.
Ang Libis ng Hinom ay isang bahagi ng hangganan sa pagitan ng mga tribo ni Juda at ni Benjamin, anupat ang teritoryo ng Juda ay nasa dakong T, sa gayon ay inilalagay ang Jerusalem sa teritoryo ng Benjamin, gaya ng nakabalangkas sa Josue 15:1, 8; 18:11, 16. Ang libis ay kilala ngayon bilang ang Wadi er-Rababi (Ge Ben Hinnom).
Ang apostatang si Haring Ahaz ng Juda ay gumawa ng haing usok sa libis na ito at dito rin niya sinunog sa apoy ang kaniyang (mga) anak. (2Cr 28:1-3) Nahigitan pa si Ahaz ng kaniyang apo na si Haring Manases, na malawakang nagtaguyod ng kabalakyutan, anupat kaniya ring ‘pinaraan sa apoy ang sarili niyang mga anak sa libis ng anak ni Hinom.’ (2Cr 33:1, 6, 9) Winakasan ni Haring Josias, apo ni Manases, ang karima-rimarim na gawaing ito sa Topet sa pamamagitan ng pagpaparungis sa lugar na iyon, anupat nilapastangan niya iyon, sa gayon ay ginawa niya itong di-karapat-dapat sa pagsamba, posibleng sa pamamagitan ng pagkakalat doon ng mga buto o basura.—2Ha 23:10.
Si Jeremias, na humula noong mga araw ng mga haring sina Josias, Jehoahaz, Jehoiakim, Jehoiakin, at Zedekias, ay nagpahayag ng kahatulan ni Jehova dahil sa mga kasalanan ng bansa, na isa sa mga pangunahin ay ang kasuklam-suklam na paghahain ng kanilang mga anak kay Molec. Inutusan siyang dalhin ang ilan sa matatandang lalaki ng bayan at mga saserdote sa labas ng Pintuang-daan ng mga Basag na Palayok (Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo), nasa TS sulok ng Jerusalem, sa Libis ng Hinom sa lugar ng Topet. Doon ay sinabi niya ang kapahayagan ni Jehova: “Narito! dumarating ang mga araw . . . kapag ang dakong ito ay hindi na tatawaging Topet at ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng pagpatay.” Pagkatapos niyang basagin sa kanilang paningin ang isang luwad na prasko, nagpatuloy siya sa pagbigkas ng kahatulan ni Jehova: “Sa gayunding paraan ay babasagin ko ang bayang ito at ang lunsod na ito . . . at maglilibing sila sa Topet hanggang sa wala nang dakong mapaglilibingan.” (Jer 19:1, 2, 6, 10, 11) Sa ibang pananalita, ang pagpatay, hindi sa mga ihahain kay Molec, kundi sa mga balakyot sa pamamagitan ng kahatulan ng Diyos, ay magiging lubhang lansakan anupat ang ilang bangkay ay hindi na ililibing at pababayaang nakahantad sa libis na ito. Durumhan nito ang libis nang lalong higit kaysa sa ginawa ni Josias.
Ang makahulang mga salita ni Jeremias ay hindi naman nangangahulugan na nagpapatuloy pa ang gayong mga paghahain kay Molec noong panahon ni Jeremias, kundi nangangahulugan ito na parurusahan ni Jehova ang bansa dahil sa kanilang mga gawain, noong nakaraan at sa kasalukuyan, at dahil sa pagbububo nila ng dugong walang-sala, partikular na ang paghahain ng tao noong panahon ng paghahari ni Manases. Sa isa pang kapahayagan, sinabihan ng propeta ang bansa na parurusahan sila dahil sa ginawa ni Manases. (Jer 15:4; ihambing ang 2Ha 23:26; Jer 32:30-35.) Gayundin, ang kapahayagan ni Jeremias sa kabanata 19, talata 3, ay katulad ng pananalita sa 2 Hari 21:12. Gayunman, noong mga araw ni Jeremias, ang mga tao ay talagang patuloy na nagsagawa ng mga idolatriya, na nagbigay ng katibayan na hindi nila pinagsisihan kahit kaunti ang malulubhang kasalanan na kinasangkutan nila noong panahon ng paghahari ni Manases. Sa Jeremias 2:23, maaaring ang Hinom ang tinutukoy ni Jeremias nang itawag-pansin niya sa Juda ang idolatrosong mga kasalanan ng mga ito.
Ang mga pintuang-daan sa pader ng Jerusalem na nasa Libis ng Hinom ay malamang na ang mga sumusunod: ang Panulukang Pintuang-daan sa HK sulok ng lunsod, ang Pintuang-daan ng Libis sa TK sulok nito, at ang Pintuang-daan ng mga Basag na Palayok (Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo) na malapit sa kung saan sumasanib ang Libis ng Hinom sa mga libis ng Tyropoeon at ng Kidron. (2Ha 14:13; Ne 2:13; 12:31; Jer 19:2) Sa pagitan ng Panulukang Pintuang-daan at ng Pintuang-daan ng Libis, ang mga gilid ng Libis ng Hinom ay napakatarik anupat di-praktikal na maglagay ng iba pang pintuang-daan sa kahabaan ng bahaging ito ng pader ng Jerusalem. Si Haring Uzias ay nagtayo ng mga tore sa tabi ng Panulukang Pintuang-daan at ng Pintuang-daan ng Libis, yamang ang mga ito ang mga lugar na pinakamadaling mapasok sa kahabaan ng bahaging ito ng libis.—2Cr 26:9.
Sa libis na ito sa dakong T ng Jerusalem naglibot si Nehemias isang gabi upang magsiyasat, anupat sinuri niya nang pasilangan ang pader ng lunsod mula sa Pintuang-daan ng Libis hanggang sa Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo, pagkatapos ay lumiko siya paahon sa Kidron nang ilang distansiya at saka bumalik at muling pumasok sa lunsod sa pamamagitan ng Pintuang-daan ng Libis. (Ne 2:13-15) Noong panahon ni Nehemias, lumilitaw na ang Libis ng Hinom ay nagsilbing palatandaan ng hilagaang mga hangganan ng mga pamayanan ng mga anak ni Juda (bukod pa roon sa mga tumatahan sa Jerusalem).—Ne 11:25, 30.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Libis ng Hinom ay tinutukoy sa pamamagitan ng katumbas na terminong Griego na Geʹen·na.—Mat 5:22; Mar 9:47; tingnan ang GEHENNA.