JEREMIAS, AKLAT NG
Mga hula at isang makasaysayang rekord na isinulat ni Jeremias sa utos ni Jehova. Inatasan si Jeremias bilang propeta noong ika-13 taon ni Haring Josias (647 B.C.E.) upang babalaan ang timugang kaharian ng Juda hinggil sa nagbabantang pagkawasak nito. Ito’y wala pang isang siglo pagkatapos ng panghuhula ng propetang si Isaias at ng pagbagsak ng hilagang kaharian ng Israel sa mga Asiryano.
Pagkakaayos. Ang aklat ay hindi nakaayos sa kronolohikal na paraan kundi ayon sa paksa. Binanggit ang panahon ng kaganapan ng mga pangyayari kung saan kailangan, ngunit ang karamihan sa mga hula ay kapit sa bansang Juda sa buong panahon ng mga paghahari nina Josias, Jehoahaz, Jehoiakim, Jehoiakin, at Zedekias. Paulit-ulit na sinabi ng Diyos kay Jeremias na ang bansa ay sukdulan na sa kabalakyutan at wala nang pag-asang magbago. Gayunman, yaong mga may matuwid na puso ay binigyan ng lahat ng pagkakataon upang magbago at maligtas. Kung tungkol sa makahulang kahalagahan ng aklat para sa ating panahon, ang pagkakaayos nito ay hindi nakaaapekto sa pag-unawa at pagkakapit sa mga isinulat ni Jeremias.
Kung Kailan Isinulat. Sa kalakhang bahagi, ang aklat ng Jeremias ay hindi isinulat noong panahong ipahayag ni Jeremias ang mga hula. Sa halip, maliwanag na sinimulan lamang niya ang pagsulat ng kaniyang mga kapahayagan nang utusan siya ni Jehova, noong ikaapat na taon ni Haring Jehoiakim (625 B.C.E.), na idikta ang lahat ng mga salitang ibinigay sa kaniya ni Jehova hanggang noong panahong iyon. Kasama rito hindi lamang ang mga salitang binigkas tungkol sa Juda noong panahon ni Josias kundi pati ang mga kapahayagan ng kahatulan sa lahat ng mga bansa. (Jer 36:1, 2) Ang isinulat na balumbon ay sinunog ni Jehoiakim nang basahin iyon sa kaniya ni Jehudi. Ngunit inutusan si Jeremias na muling isulat iyon kalakip ang maraming karagdagang salita, na ginawa naman niya sa pamamagitan ng kaniyang kalihim na si Baruc.—36:21-23, 28, 32.
Maliwanag na ang natitirang bahagi ng aklat ay idinagdag nang dakong huli, kasama ang introduksiyon, na bumabanggit sa ika-11 taon ni Zedekias (Jer 1:3), ang iba pang mga hula na isinulat ni Jeremias noong panahong ihahatid na niya ang mga iyon (30:2; 51:60), at ang liham sa mga tapon sa Babilonya (29:1). Karagdagan pa, ang mga kapahayagang binigkas noong panahong naghahari si Zedekias at ang mga ulat ng mga pangyayari matapos bumagsak ang Jerusalem, hanggang noong mga 580 B.C.E., ay idinagdag nang dakong huli. Posible na bagaman ang balumbon na isinulat ni Baruc ang pinagbatayan ng kalakhang bahagi ng aklat, isinaayos pa ito ni Jeremias nang idagdag niya ang mas huling mga seksiyon.
Autentisidad. Tinatanggap ng karamihan ang autentisidad ng Jeremias. Iilang kritiko lamang ang kumukuwestiyon dito salig sa mga pagkakaiba sa Hebreong tekstong Masoretiko at sa Griegong Septuagint na masusumpungan sa Alexandrine Manuscript. Mas maraming pagkakaiba sa pagitan ng Hebreo at ng Griegong mga teksto ng aklat ng Jeremias kaysa sa alinman sa iba pang mga aklat ng Hebreong Kasulatan. Sinasabing ang Griegong Septuagint ay mas maikli kaysa sa tekstong Hebreo nang mga 2,700 salita, o isang kawalo ng aklat. Ipinapalagay ng karamihan sa mga iskolar na ang saling Griego ng aklat na ito ay depektibo, ngunit hindi iyan nakababawas sa pagiging mapananaligan ng tekstong Hebreo. Diumano, maaaring ang manuskritong Hebreo ng tagapagsalin ay mula sa ibang “pamilya,” isang natatanging grupo ng mga manuskrito, ngunit isinisiwalat ng mapanuring pag-aaral na waring hindi gayon ang kaso.
Ang katuparan ng mga hulang isinulat ni Jeremias, pati na ang nilalaman ng mga iyon, ay mariing nagpapatotoo sa autentisidad ng aklat. Itinala sa tsart na nasa itaas ang ilan sa maraming hula ni Jeremias.
Mga Simulain at mga Katangian ng Diyos. Bukod sa mga katuparang nakatala sa tsart, ang aklat ay naglalahad ng mga simulaing dapat pumatnubay sa atin. Idiniriin nito na walang halaga sa paningin ng Diyos ang pormalismo kundi ang nais niya ay pagsamba at pagkamasunurin mula sa puso. Ang mga tumatahan sa Juda ay sinabihan na huwag magtiwala sa templo at sa mga gusaling nakapalibot dito at sila’y pinaalalahanan: “Magpatuli kayo para kay Jehova, at alisin ninyo ang mga dulong-balat ng inyong mga puso.”—Jer 4:4; 7:3-7; 9:25, 26.
Ang aklat ay naglalaan ng maraming ulat na naglalarawan sa mga katangian ng Diyos at sa mga pakikitungo niya sa kaniyang bayan. Ang saganang maibiging-kabaitan at awa ni Jehova ay nabanaag sa pagliligtas niya sa isang nalabi ng kaniyang bayan at sa pagsasauli niya sa kanila sa Jerusalem nang dakong huli, gaya ng inihula ni Jeremias. Ang pagpapahalaga at konsiderasyon ng Diyos sa mga nagpapakita ng kabaitan sa mga lingkod niya at ang kaniyang pagiging Tagapagbigay-gantimpala sa mga humahanap at sumusunod sa kaniya ay itinatampok sa pangangalaga niya sa mga Recabita, kay Ebed-melec, at kay Baruc.—Jer 35:18, 19; 39:16-18; 45:1-5.
Inilalarawan si Jehova sa katangi-tanging paraan bilang ang Maylalang ng lahat ng bagay, ang Hari hanggang sa panahong walang takda, ang tanging tunay na Diyos. Siya ang kaisa-isa na dapat katakutan, ang Tagapagtuwid at Tagapatnubay ng mga tumatawag sa kaniyang pangalan, at ang isa na ang pagtuligsa ay hindi matatagalan ng mga bansa. Siya ang Dakilang Magpapalayok, na sa kaniyang kamay ang mga indibiduwal at mga bansa ay gaya ng mga kagamitang luwad, upang kaniyang hubugin o sirain ayon sa kaniyang kinalulugdan.—Jer 10; 18:1-10; Ro 9:19-24.
Isinisiwalat ng aklat ng Jeremias na inaasahan ng Diyos na ang mga taong nagtataglay ng kaniyang pangalan ay magiging kaluwalhatian at kapurihan sa kaniya at na itinuturing niya na malapit sila sa kaniya. (Jer 13:11) Yaong mga humuhula nang may kabulaanan sa kaniyang pangalan, anupat nagsasabi ng “kapayapaan” sa mga walang pakikipagpayapaan sa Diyos, ay kailangang magsulit sa Diyos dahil sa kanilang mga salita, at sila’y matitisod at mabubuwal. (6:13-15; 8:10-12; 23:16-20) Yaong mga tumatayo sa harap ng bayan bilang mga saserdote at mga propeta ay may malaking pananagutan sa harap ng Diyos, sapagkat, gaya ng sinabi niya sa mga nasa Juda: “Hindi ko isinugo ang mga propeta, gayunma’y tumakbo sila. Hindi ako nagsalita sa kanila, gayunma’y nanghula sila. Ngunit kung tumayo silang kasama ng aking matalik na kapisanan, naiparinig sana nila sa aking bayan ang aking mga salita, at kanila sanang naitalikod sila mula sa kanilang masamang lakad at mula sa kasamaan ng kanilang mga pakikitungo.”—23:21, 22.
Gaya sa iba pang mga aklat ng Bibliya, ang banal na bansa ng Diyos ay itinuturing na may kaugnayan sa kaniya bilang isang asawa, at ang kawalang-katapatan sa kaniya ay “pagpapatutot.” (Jer 3:1-3, 6-10; ihambing ang San 4:4.) Gayunman, ang pagkamatapat ni Jehova mismo sa kaniyang mga tipan ay di-masisira.—Jer 31:37; 33:20-22, 25, 26.
Maraming maiinam na mga simulain at mga ilustrasyon ang masusumpungan sa aklat, na tinukoy ng iba pang mga manunulat ng Bibliya. At naglalaman din ito ng maraming iba pang makalarawan at makahulang mga parisan na may pagkakapit at mahalagang kahulugan para sa makabagong-panahong Kristiyano at sa kaniyang ministeryo.
[Kahon sa pahina 1176]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG JEREMIAS
Isang rekord ng mga kapahayagan ng kahatulan ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias, at isa ring ulat ng sariling mga karanasan ng propeta at ng pagkawasak ng Jerusalem sa pamamagitan ng Babilonya
Sinimulan itong isulat mga 18 taon bago bumagsak ang Jerusalem, at natapos ito mga 27 taon pagkatapos ng pangyayaring iyon
Inatasan ang kabataang si Jeremias bilang propeta
Kailangan siyang “maggiba,” at “magtayo” at “magtanim”
Palalakasin siya ni Jehova para sa atas na iyon (1:1-19)
Tinupad ni Jeremias ang kaniyang atas na “maggiba”
Inilantad niya ang kabalakyutan sa Juda at inihayag niya ang katiyakan ng pagkawasak ng Jerusalem; ang di-tapat na bansa ay hindi maililigtas ng pagkanaroroon ng templo; ang bayan ng Diyos ay magiging mga tapon sa Babilonya sa loob ng 70 taon (2:1–3:13; 3:19–16:13; 17:1–19:15; 24:1–25:38; 29:1-32; 34:1-22)
Ipinatalastas ang mga kahatulan laban kina Zedekias at Jehoiakim, gayundin sa mga bulaang propeta, di-tapat na mga pastol, at walang-pananampalatayang mga saserdote (21:1–23:2; 23:9-40; 27:1–28:17)
Inihula ni Jehova ang kahiya-hiyang pagkatalo ng maraming bansa, pati ng mga Babilonyo (46:1–51:64)
Isinagawa ni Jeremias ang kaniyang atas na “magtayo” at “magtanim”
Itinawag-pansin niya ang pagsasauli ng nalabi ng Israel at ang pagbabangon ng “isang sibol na matuwid” (3:14-18; 16:14-21; 23:3-8; 30:1–31:26; 33:1-26)
Ipinatalastas din niya na makikipagtipan si Jehova ng isang bagong tipan sa kaniyang bayan (31:27-40)
Sa utos ni Jehova, bumili si Jeremias ng isang bukid upang isalarawan ang katiyakan ng pagbalik ng Israel mula sa pagkatapon (32:1-44)
Tiniyak niya sa mga Recabita na makaliligtas sila, sapagkat sinunod nila ang kanilang ninunong si Jehonadab; pinatingkad ng kanilang pagkamasunurin ang pagkamasuwayin ng Israel kay Jehova (35:1-19)
Sinaway niya si Baruc at pinalakas niya ito sa pamamagitan ng pagtiyak na makaliligtas ito sa dumarating na kapahamakan (45:1-5)
Nagdusa si Jeremias dahil sa kaniyang may-tapang na panghuhula
Siya’y sinaktan at inilagay sa mga pangawan nang magdamag (20:1-18)
Isang pakana ang binuo na patayin siya dahil sa paghahayag niya ng pagkawasak ng Jerusalem, ngunit iniligtas siya ng mga prinsipe (26:1-24)
Sinunog ng hari ang balumbon ni Jeremias; si Jeremias ay may-kabulaanang inakusahan ng pagpanig sa mga Babilonyo at siya’y inaresto at ikinulong (36:1–37:21)
Nang dakong huli, inilagay siya sa isang malusak na imbakang-tubig upang mamatay; sinagip siya ni Ebed-melec at pinangakuan si Ebed-melec ng proteksiyon sa dumarating na pagkawasak ng Jerusalem (38:1-28; 39:15-18)
Mga pangyayari mula sa pagbagsak ng Jerusalem hanggang sa pagtakas patungong Ehipto
Bumagsak ang Jerusalem; binihag si Haring Zedekias, pinatay ang kaniyang mga anak, at siya’y binulag at dinala sa Babilonya (52:1-11)
Sinunog ang templo at ang malalaking bahay sa Jerusalem, at dinala sa pagkatapon ang karamihan sa mga tao (39:1-14; 52:12-34)
Inatasan si Gedalias upang maging gobernador ng ilang Israelita na naiwan, ngunit ito’y napaslang (40:1–41:9)
Dahil sa takot, tumakas ang mga tao patungong Ehipto; nagbabala si Jeremias na ang Ehipto mismo ay babagsak at na aabutan sila ng kapahamakan sa lupaing iyon (41:10–44:30)
[Kahon sa pahina 1177]
MGA HULANG ITINALA NI JEREMIAS
Mga Hula na Nakita Niyang Natupad
Ang pagkabihag ni Zedekias at ang pagkawasak ng Jerusalem sa pamamagitan ni Nabucodonosor, hari ng Babilonya (Jer 20:3-6; 21:3-10; 39:6-9)
Ang pag-aalis sa trono kay Haring Salum (Jehoahaz) at ang kamatayan niya samantalang bihag (Jer 22:11, 12; 2Ha 23:30-34; 2Cr 36:1-4)
Ang pagdadala kay Haring Conias (Jehoiakin) bilang bihag sa Babilonya (Jer 22:24-27; 2Ha 24:15, 16)
Ang kamatayan, sa loob ng isang taon, ng bulaang propetang si Hananias (Jer 28:16, 17)
Ang pagkaligtas ng ilan sa mga Recabita at ni Ebed-melec na Etiope noong wasakin ang Jerusalem (Jer 35:19; 39:15-18)
Iba Pang mga Hula na ang Katuparan ay Iniuulat ng Kasaysayan
Ang Ehipto ay sasalakayin, lulupigin ni Nabucodorosor (Nabucodonosor) (Jer 43:8-13; 46:13-26)
Ang pagbabalik ng mga Judio at ang muling pagtatayo ng templo at ng lunsod pagkatapos ng 70-taóng pagkatiwangwang (Jer 24:1-7; 25:11, 12; 29:10; 30:11, 18, 19; ihambing ang 2Cr 36:20, 21; Ezr 1:1; Dan 9:2.)
Ang Ammon ay iguguho (Jer 49:2)
Ang Edom ay lilipulin bilang isang bansa (Jer 49:17, 18) (Nang mamatay ang mga Herodes, ang Edom ay naglaho bilang isang bansa.)
Ang Babilonya ay ititiwangwang nang permanente (Jer 25:12-14; 50:35, 38-40)
Mga Hula na may Malaking Espirituwal na Katuparan, Gaya ng Ipinakikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan
Isang bagong tipan ang ipinakipagtipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda (Jer 31:31-34; Heb 8:8-13)
Ang sambahayan ni David ay hindi mawawalan ng isang lalaki sa trono ng kaharian magpakailanman (Jer 33:17-21; Luc 1:32, 33)
Ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila ay isang pagpapalawak at makasagisag na pagkakapit ng mga salita ni Jeremias laban sa sinaunang Babilonya, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga paghahambing: Jer 50:2—Apo 14:8; Jer 50:8; 51:6, 45—Apo 18:4; Jer 50:15, 29—Apo 18:6, 7; Jer 50:23—Apo 18:8, 15-17; Jer 50:38—Apo 16:12; Jer 50:39, 40; 51:37—Apo 18:2; Jer 51:8—Apo 18:8-10, 15, 19; Jer 51:9, 49, 56—Apo 18:5; Jer 51:12—Apo 17:16, 17; Jer 51:13—Apo 17:1, 15; Jer 51:48—Apo 18:20; Jer 51:55—Apo 18:22, 23; Jer 51:63, 64—Apo 18:21