Jeremias
28 Nang taon ding iyon, sa pasimula ng pamamahala ni Haring Zedekias+ ng Juda, sa ikalimang buwan ng ikaapat na taon, ang propetang mula sa Gibeon+ na si Hananias na anak ni Azur ay nagsabi sa akin sa bahay ni Jehova sa harap ng mga saserdote at ng buong bayan: 2 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Babaliin ko ang pamatok ng hari ng Babilonya.+ 3 Sa loob ng dalawang taon* ay ibabalik ko sa lugar na ito ang lahat ng kagamitan ng bahay ni Jehova na kinuha ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya at dinala sa Babilonya.’”+ 4 “‘At ibabalik ko sa lugar na ito ang anak ni Jehoiakim+ na si Jeconias,+ na hari ng Juda, at ang lahat ng taga-Juda na ipinatapon sa Babilonya,’+ ang sabi ni Jehova, ‘dahil babaliin ko ang pamatok ng hari ng Babilonya.’”
5 Pagkatapos, nagsalita ang propetang si Jeremias sa propetang si Hananias sa harap ng mga saserdote at ng buong bayan na nakatayo sa bahay ni Jehova. 6 Sinabi ng propetang si Jeremias: “Amen!* Gayon nawa ang gawin ni Jehova! Tuparin nawa ni Jehova ang mga inihula mo; ibalik nawa niya sa lugar na ito mula sa Babilonya ang mga kagamitan ng bahay ni Jehova at ang lahat ng ipinatapon! 7 Pero pakisuyo, pakinggan mo ang mensaheng ito na sasabihin ko sa iyo at sa buong bayan. 8 Noon pa man ay nanghuhula na ang mga propetang nauna sa akin at sa iyo tungkol sa maraming lupain at dakilang kaharian, tungkol sa digmaan, kapahamakan, at salot.* 9 Kung manghula ang isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan at magkatotoo ang salita ng propeta, malalaman ng lahat na talagang isinugo ni Jehova ang propetang iyon.”
10 At kinuha ng propetang si Hananias ang pamatok sa leeg ng propetang si Jeremias at binali ito.+ 11 Pagkatapos ay sinabi ni Hananias sa harap ng buong bayan: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ganito ko babaliin sa loob ng dalawang taon ang pamatok ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya na nasa leeg ng lahat ng bansa.’”+ At umalis ang propetang si Jeremias.
12 Matapos baliin ng propetang si Hananias ang pamatok na nasa leeg ng propetang si Jeremias, dumating kay Jeremias ang mensaheng ito ni Jehova: 13 “Puntahan mo si Hananias at sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Mga pamatok na kahoy ang binali mo,+ pero kapalit ng mga iyon ay gagawa ka ng mga pamatok na bakal.” 14 Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Maglalagay ako ng pamatok na bakal sa leeg ng lahat ng bansang ito, para maglingkod sila kay Haring Nabucodonosor ng Babilonya, at magiging lingkod niya sila.+ Kahit ang mga hayop sa parang ay ibibigay ko sa kaniya.”’”+
15 At sinabi ng propetang si Jeremias sa propetang si Hananias:+ “Pakisuyo, makinig ka, O Hananias! Hindi ka isinugo ni Jehova, pero pinaniniwala mo ang bayang ito sa isang kasinungalingan.+ 16 Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ‘Aalisin kita sa ibabaw ng lupa. Sa taóng ito ay mamamatay ka, dahil tinuturuan mo ang bayan na magrebelde kay Jehova.’”+
17 Kaya namatay ang propetang si Hananias nang taóng iyon, noong ikapitong buwan.