JEROBOAM
Dalawang hari ng Israel na ang kani-kaniyang paghahari ay may agwat na mga 130 taon sa isa’t isa.
1. Unang hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel; ang anak ni Nebat, isa sa mga opisyal ni Solomon sa nayon ng Zereda; mula sa tribo ni Efraim. Lumilitaw na sa murang gulang pa lamang ay naulila na sa ama si Jeroboam, anupat pinalaki siya ng kaniyang nabalong ina na si Zerua.—1Ha 11:26.
Nang mapansin ni Solomon na si Jeroboam ay hindi lamang isang magiting at makapangyarihang lalaki kundi isa ring masipag na manggagawa, inatasan niya itong mangasiwa sa hukbo ng mga sapilitang trabahador ng sambahayan ni Jose. (1Ha 11:28) Pagkatapos nito, nilapitan si Jeroboam ng propeta ng Diyos na si Ahias taglay ang nakagugulat na balita. Matapos na hapakin sa 12 piraso ang kaniyang bagong kasuutan, sinabihan ng propeta si Jeroboam na kunin ang sampu sa mga iyon bilang sagisag na pupunitin ni Jehova ang kaharian ni Solomon sa dalawang bahagi at gagawing hari si Jeroboam sa sampu sa mga tribo. Gayunman, ito ay isa lamang paghihiwalay ng pamahalaan at hindi isa ring paglisan mula sa tunay na pagsamba na nakasentro sa templo sa Jerusalem, ang kabisera ng timugang kaharian. Kaya tiniyak ni Jehova kay Jeroboam na pagpapalain at pasasaganain niya ang paghahari nito at ipagtatayo niya ito ng isang namamalaging sambahayan ng mga kahalili kung tutuparin nito ang mga kautusan at mga utos ng Diyos.—1Ha 11:29-38.
Posibleng tinangka ni Solomon na patayin si Jeroboam nang malaman niya ang mga pangyayaring ito. Gayunman, tumakas si Jeroboam patungong Ehipto, at sa ilalim ng proteksiyon ni Paraon Sisak ay nanatili siya roon hanggang sa mamatay si Solomon.—1Ha 11:40.
Nang mabalitaan ni Jeroboam ang pagkamatay ni Solomon noong mga 998 B.C.E., kaagad siyang bumalik sa kaniyang sariling lupain, kung saan sumama siya sa kaniyang bayan sa paghiling sa anak ni Solomon na si Rehoboam na pagaanin ang kanilang mga pasanin kung nais nito ang kanilang suporta sa bagong pagkahari nito. Gayunman, ipinagwalang-bahala ni Rehoboam ang mahusay na payo ng matatandang tagapayo at pinili yaong sa mga nakababatang lalaki na kaedad niya na nagsabing dagdagan niya ang trabaho ng bayan. Bilang tugon sa kabagsikang ito, hinirang ng sampung tribo si Jeroboam bilang kanilang hari. Ang totoo, ang ganitong “kinahantungan ay dahil sa utos ni Jehova, upang maisagawa nga niya ang kaniyang salita na sinalita ni Jehova sa pamamagitan ni Ahias.”—1Ha 12:1-20; 2Cr 10:1-19.
Kaagad na sinimulang itayo ng bagong-itinalagang hari na si Jeroboam ang Sikem bilang kaniyang maharlikang kabisera, at sa S ng Sikem, sa kabilang ibayo ng Jordan, pinatibay niya ang pamayanan ng Penuel (Peniel), ang dako kung saan nakipagbuno si Jacob sa isang anghel. (1Ha 12:25; Gen 32:30, 31) Nang makitang ang kaniyang mga sakop ay umaahon pa rin sa templo sa Jerusalem upang sumamba, nakini-kinita ni Jeroboam na sa kalaunan ay baka malipat kay Rehoboam ang katapatan ng mga ito at patayin siya ng mga ito. Kaya ipinasiya niyang patigilin ito sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang relihiyon na nakasentro sa dalawang ginintuang guya, na ang isa ay inilagay niya sa Bethel sa timog at ang isa naman ay sa Dan sa hilaga. Nagtalaga rin siya ng kaniyang sariling di-Aaronikong pagkasaserdote, na binubuo ng pangkaraniwang mga tao na handang matamo ang katungkulang iyon sa pamamagitan ng paghahandog ng isang toro at pitong barakong tupa. Pagkatapos, naglingkod ang mga ito “para sa matataas na dako at para sa hugis-kambing na mga demonyo at para sa mga guya na kaniyang ginawa.” Kumatha rin si Jeroboam ng pantanging ‘mga banal na araw’ at personal niyang pinangunahan ang bayan sa paghahain sa kaniyang bagong-likhang mga diyos.—1Ha 12:26-33; 2Ha 23:15; 2Cr 11:13-17; 13:9.
Sa isa sa gayong mga okasyon, nang maghahandog na si Jeroboam ng haing usok sa kaniyang altar sa Bethel, inudyukan ng espiritu ni Jehova ang isang lalaki ng Diyos na sawayin ang hari dahil sa karima-rimarim na idolatriya nito, at nang iutos ng hari na dakpin ang lingkod na ito ng Diyos, ang altar ay nabiyak, anupat natapon ang abo nito, at ang kamay ng hari ay natuyot. Nanauli lamang ang kaniyang kamay nang mapahupa ng lalaki ng Diyos ang galit ni Jehova, ngunit pagkatapos nito ay nagpatuloy pa rin si Jeroboam sa kaniyang mapamusong na pagsuway kay Jehova. (1Ha 13:1-6, 33, 34) Ang kaniyang pagpapasimula ng pagsamba sa guya ang tinutukoy na “mga kasalanan ni Jeroboam,” mga kasalanan na ipinagkasala rin ng iba pang mga haring Israelita nang panatilihin nila ang apostatang pagsambang ito.—1Ha 14:16; 15:30, 34; 16:2, 19, 26, 31; 22:52; 2Ha 3:3; 10:29, 31; 13:2, 6, 11; 14:24; 15:9, 18, 24, 28; 17:21-23.
Noong ika-18 taon ng paghahari ni Jeroboam ay namatay si Rehoboam, ngunit ang pagdidigmaan sa pagitan ng dalawang bansa ay nagpatuloy sa panahon ng tatlong-taóng paghahari ng anak ni Rehoboam na si Abiam (Abias), na humalili sa kaniya. (1Ha 15:1, 2, 6; 2Cr 12:15) Sa isang pagkakataon, nagtipon si Abias ng 400,000 katao upang makipagbaka sa mga hukbo ni Jeroboam na makalawang ulit ang dami. Sa kabila ng nakahihigit na hukbo ni Jeroboam at ng kaniyang magaling na estratehiya sa pagtambang, dumanas siya ng malubhang pagkatalo. Namatayan siya ng 500,000 lalaki at naiwala ang marami sa kaniyang mga bayang Efraimita at lubha siyang napahiya. Nagtagumpay ang Juda dahil si Abias at ang kaniyang mga tauhan ay nagtiwala kay Jehova at humingi sa kaniya ng tulong.—2Cr 13:3-20.
Dagdag pa sa kapahamakan ni Jeroboam, ang kaniyang anak na si Abias ay dinapuan ng sakit na nakamamatay, sa gayon ay pinagbalatkayo ng hari ang kaniyang asawa, at pagkatapos ay isinugo niya ito taglay ang isang kaloob sa matandang propetang si Ahias, na noon ay bulag na, upang itanong kung gagaling ang bata. Ang sagot ay ‘Hindi.’ Inihula rin na ang bawat lalaking tagapagmana ni Jeroboam ay lilipulin, at maliban sa nabanggit na anak, na kinasumpungan ni Jehova ng isang bagay na mabuti, walang sinuman sa mga supling ni Jeroboam ang magkakaroon ng disenteng libing, kundi, sa halip, ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga aso o ng mga ibon.—1Ha 14:1-18.
Di-nagtagal pagkatapos nito, noong mga 977 B.C.E., “sinaktan [si Jeroboam] ni Jehova, kung kaya siya ay namatay,” anupat winakasan ang kaniyang 22-taóng paghahari. (2Cr 13:20; 1Ha 14:20) Ang kaniyang anak na si Nadab ang humalili sa kaniya sa trono sa loob ng dalawang taon bago ito pinatay ni Baasa, na lumipol din sa bawat bagay na humihinga sa sambahayan ni Jeroboam. Sa ganitong paraan ay biglang nagwakas ang kaniyang dinastiya “ayon sa salita ni Jehova,” at “dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam.”—1Ha 15:25-30.
2. Hari ng Israel; anak at kahalili ni Jehoas, at apo sa tuhod ni Jehu. Bilang ika-14 na tagapamahala ng hilagang kaharian, si Jeroboam II ay naghari nang 41 taon, pasimula noong mga 844 B.C.E. (2Ha 14:16, 23) Tulad ng marami sa kaniyang mga hinalinhan, ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapanatili sa pagsamba sa guya na pinasimulan ni Jeroboam I.—2Ha 14:24.
May binanggit na isang pantanging pagpaparehistro sa talaangkanan, na maliwanag na ginawa noong panahon ng paghahari ni Jeroboam II. (1Cr 5:17) Gayunman, ang namumukod-tanging tagumpay ng kaniyang paghahari ay ang pagsasauli ng lupaing nawala sa kaharian noong una. Bilang katuparan ng hula ni Jonas, si Jeroboam ang “nagsauli ng hangganan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat hanggang sa dagat ng Araba [Dagat na Patay].” Kinikilala ring isinauli niya “ang Damasco at ang Hamat sa Juda sa Israel.” (2Ha 14:25-28) Maaaring nangangahulugan ito na ginawang sakop ni Jeroboam ang mga kaharian ng Damasco at Hamat, yamang ang mga ito ay dating sa Juda noong panahon ng paghahari ni Solomon.—Ihambing ang 1Ha 4:21; 2Cr 8:4.
Kasunod ng mga tagumpay na ito, walang alinlangang nagkaroon ng isang yugto ng materyal na kasaganaan para sa hilagang kaharian. Ngunit kasabay nito ay patuloy na humina ang espirituwalidad ng bansa. May-katindihang pinuna ng mga propetang sina Oseas at Amos ang mapaghimagsik na si Jeroboam at ang mga tagasuporta nito dahil sa kanilang tahasang pag-aapostata, gayundin sa kanilang imoral na paggawi—pandaraya, pagnanakaw, pakikiapid, pagpaslang, paniniil, idolatriya, at iba pang mga gawaing lumalapastangan sa Diyos. (Os 1:2, 4; 4:1, 2, 12-17; 5:1-7; 6:10; Am 2:6-8; 3:9, 12-15; 4:1) Mas tuwiran pa ang babala ni Jehova kay Jeroboam sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Amos: “Ako ay titindig laban sa sambahayan ni Jeroboam taglay ang isang tabak.”—Am 7:9.
Pagkamatay ni Jeroboam, ang kaniyang anak na si Zacarias ang lumuklok sa trono. (2Ha 14:29) Gayunman, may patlang na 11 taon sa pagitan ng pagkamatay ni Jeroboam at ng anim-na-buwang pamamahala na sinasabing ipinanungkulan ni Zacarias, ang kahuli-hulihan sa dinastiya ni Jehu. Posibleng dahil napakabata pa ni Zacarias o sa iba pang kadahilanan, ang kaniyang pagkahari ay hindi lubusang naitatag o napagtibay hanggang noong mga 792 B.C.E.