KUTSILYO
Isang kagamitang panghiwa o pamutol na may isa o dobleng talim. Noong sinaunang mga panahon, ang mga kutsilyong ginagamit sa mga lupain sa Bibliya ay yari sa bato (karaniwan nang batong pingkian), tanso, bronse, o bakal.
Ang terminong Hebreo na ma·ʼakheʹleth, na literal na tumutukoy sa isang instrumentong ginagamit kapag kumakain, ay kumakapit din sa malalaking kutsilyo gaya niyaong ginagamit noon upang pagputul-putulin ang mga bangkay ng mga hayop na ihahain. Isang “kutsilyong pangkatay” (sa Heb., ma·ʼakheʹleth) ang instrumentong kinuha ni Abraham nang ihahain na niya si Isaac (Gen 22:6, 10), at gayunding uri ng kutsilyo ang ginamit ng isang Levita upang pagputul-putulin sa 12 piraso ang katawan ng kaniyang namatay na babae. (Huk 19:29) Ang Kawikaan 30:14 ay bumabanggit naman ng “salinlahing ang mga ngipin ay mga tabak at ang mga panga ay mga kutsilyong pangkatay,” sa gayo’y ginagamit ang gayunding terminong Hebreo upang lumarawan sa pagiging ganid.
Gumawa si Josue ng “mga kutsilyong batong pingkian” na gagamiting pantuli sa mga anak na lalaki ni Israel sa Gibeat-haaralot. (Jos 5:2-4) Kalakip sa terminong Hebreo na tumutukoy sa mga kutsilyong ito ang salitang cheʹrev, na karaniwang isinasalin bilang “tabak.” (Ihambing ang Jos 5:2, tlb sa Rbi8.) Ang pangkaraniwang kutsilyong batong pingkian ng mga “Canaanita” ay may haba na mga 15 sentimetro (6 na pulgada) anupat nakaumbok ang pinakagitna ng dobleng talim nito.
Noong sinaunang mga panahon, isang uri ng kutsilyo ang ginagamit ng mga eskriba at mga kalihim bilang pantasa ng kanilang mga panulat na tambo at pambura. Sa Jeremias 36:23, binabanggit na isang “kutsilyo ng kalihim” ang ginamit upang pilasin ang balumbon ng aklat na ginawa ni Jeremias sa utos ni Jehova.
Marami sa sinaunang mga kutsilyong tanso ang may tuwid na talim na ang haba ay mula 15 hanggang 25 sentimetro (6 hanggang 10 pulgada); may natuklasan ding mga kutsilyo na nakakurba ang dulo ng talim. Kadalasan, ang puluhan at ang talim ay isang buong piraso lamang. Ang ibang mga puluhan naman ay gawa sa kahoy at ikinakabit sa talim.
Sa Kawikaan 23:1, 2 ay may makasagisag na pagtukoy sa kutsilyo, anupat inirerekomenda roon ang ‘paglalagay ng kutsilyo sa sariling lalamunan’ kapag kumakaing kasama ng hari, maliwanag na idiniriin na kailangang pigilan ng isa ang kaniyang gana sa pagkain kapag nasa gayong situwasyon.