LENTEHAS
[sa Heb., ʽadha·shahʹ; sa Ingles, lentil].
Isang taunang halaman na mula sa pamilya ng mga legumbre na matagal nang itinatanim ng tao at malawakan pa ring tumutubo sa Ehipto at Israel, gayundin sa ibang mga lupain. (2Sa 17:27, 28; 23:11) Ang maliit na halamang ito (Lens esculenta), may taas na mula sa 15 hanggang sa 46 na sentimetro (6 hanggang 18 pulgada), ay nabubuhay sa buhaghag at tuyong lupa. Ang dulo ng bungkos ng mga dahon nito, karaniwan ay anim na pares ng biluhabang maliliit na dahon, ay mga pangkuyapit. Ang bawat payat at maliliit na sanga nito ay inuusbungan ng dalawa hanggang apat na maliliit na bulaklak na tulad-gisantes. Ang maiikling supot ng buto na umuusbong naman mula sa mga bulaklak ay kahawig niyaong sa gisantes, at kadalasan ay mayroon itong dalawang maliit na buto na hugis-lente. Ang kulay ng mga buto nito at niyaong sa mga bulaklak ay nagkakaiba-iba depende sa uri ng halamang lentehas. Ang mga buto ay maaaring kayumangging mamula-mula, abuhin, o itim, at ang mga bulaklak naman, puti o mapusyaw na asul. Palibhasa’y mayaman sa protina at carbohydrates, ang mga buto, gaya noon, ay karaniwang ginagamit sa mga sopas. (Gen 25:34) Kapag inihahalo sa sebada, ang lentehas ay ginagamit sa paggawa ng tinapay. (Ihambing ang Eze 4:9.) Ang mismong halaman ay mainam na kumpay para sa mga alagang hayop.