MICAL
[malamang, Sino ang Tulad ng Diyos?].
Nakababatang anak na babae ni Haring Saul; naging asawa ni David. Inialok ni Saul kay David ang kaniyang nakatatandang anak na babae na si Merab bilang asawa ngunit ibinigay niya ito sa ibang lalaki. Gayunman, si Mical “ay umiibig kay David,” at inialok siya ni Saul kay David kung makapagdadala ito ng dulong-balat ng isang daang Filisteo, palibhasa’y iniisip ni Saul na mapapatay si David sa pagtatangkang pumatay ng gayon karaming mandirigma ng kaaway. Tinanggap ni David ang hamon, anupat nagdala siya kay Saul ng 200 dulong-balat ng mga Filisteo, at ibinigay sa kaniya si Mical bilang asawa. Ngunit, pagkatapos nito, “nakadama si Saul ng higit pang takot dahil kay David” at naging kaaway siya ni David nang habang panahon. (1Sa 14:49; 18:17-29) Nang umabot na sa sukdulan ang pagkapoot ni Saul kay David, tinulungan ni Mical si David na matakasan ang poot ng hari. Noong panahong matagal na wala si David, ibinigay siya ni Saul kay Palti na anak ni Lais na mula sa Galim bilang asawa.—1Sa 19:11-17; 25:44.
Nang maglaon, nang sikapin ni Abner na makipagtipan kay David, tumanggi si David na makipagkita sa kaniya malibang dalhin niya si Mical. Sa pamamagitan ng mensahero, iniharap ni David ang kaniyang kahilingan sa anak ni Saul na si Is-boset, at kinuha si Mical mula sa asawa nito na si Paltiel (Palti) at ibinalik kay David.—2Sa 3:12-16.
Pinarusahan Dahil sa Kawalang-galang kay David. Nang ipag-utos ni David bilang hari na dalhin ang kaban ng tipan sa Jerusalem at ipakita niya ang kaniyang kagalakan para sa pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ng napakasiglang pagsasayaw, habang “nabibigkisan ng isang epod na lino,” pinagmasdan siya ni Mical mula sa bintana at “pinasimulan niya itong hamakin sa kaniyang puso.” Pagbalik ni David sa kaniyang sambahayan, may-panunuyang ipinahayag ni Mical ang kaniyang damdamin, na nagpapakita ng kawalan ng pagpapahalaga sa sigasig na ipinamalas ni David para sa pagsamba kay Jehova at nagpapahiwatig na inakala niyang kahiya-hiya ang ikinilos ni David. Nang magkagayon ay sinaway siya ni David at maliwanag na pinarusahan din siya sa pamamagitan ng hindi na pagsiping sa kaniya, anupat namatay siya na walang anak.—2Sa 6:14-23.
Nag-alaga sa mga Anak ng Kaniyang Kapatid. Ang ulat sa 2 Samuel 21:8 ay may binabanggit na “limang anak ni Mical na anak na babae ni Saul na ipinanganak nito kay Adriel,” na kabilang sa mga miyembro ng sambahayan ni Saul na ibinigay ni David sa mga Gibeonita bilang pagbabayad-sala sa pagtatangka ni Saul na lipulin sila. (2Sa 21:1-10) Waring may pagkakasalungatan ang 2 Samuel 21:8 at 2 Samuel 6:23, na nagpapakitang namatay si Mical na walang anak, ngunit maaaring maipaliwanag ito ng pangmalas na pinanghahawakan ng ilang komentarista, samakatuwid nga, na ang mga batang ito ang limang anak ng kapatid ni Mical na si Merab at na si Mical ang nagpalaki sa kanila dahil maagang namatay ang kanilang ina.—Tingnan ang MERAB.