Unang Samuel
19 Nang maglaon, sinabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa lahat ng lingkod niya na gusto niyang patayin si David.+ 2 Dahil mahal na mahal si David ng anak ni Saul na si Jonatan,+ sinabi ni Jonatan kay David: “Gusto kang ipapatay ng ama kong si Saul. Pakisuyo, mag-ingat ka bukas ng umaga. Magtago ka sa isang lugar at manatili roon. 3 Lalabas ako at sasamahan ko ang aking ama sa parang na pupuntahan mo. Kakausapin ko ang aking ama tungkol sa iyo, at sasabihin ko sa iyo ang anumang malalaman ko.”+
4 At pinuri ni Jonatan si David+ sa ama niyang si Saul. Sinabi niya: “Hindi dapat gumawa ng masama* ang hari sa lingkod niyang si David, dahil hindi naman siya nagkasala sa iyo at nakinabang ka sa mga ginawa niya. 5 Isinapanganib niya ang buhay niya para mapatay ang Filisteo,+ at binigyan ni Jehova ng malaking tagumpay* ang buong Israel. Nakita mo iyon, at nagsaya ka. Kaya bakit mo papatayin si David nang walang dahilan? Bakit mo gagawan ng masama ang isang taong walang kasalanan?”+ 6 Nakinig si Saul kay Jonatan, at sumumpa si Saul: “Kung paanong buháy si Jehova, hindi ko siya papatayin.” 7 Pagkatapos ay tinawag ni Jonatan si David at sinabi niya rito ang lahat ng napag-usapan nila. Kaya dinala ni Jonatan si David kay Saul, at patuloy itong naglingkod kay Saul gaya ng dati.+
8 Nang maglaon, muling sumiklab ang digmaan, at lumabas si David at nakipaglaban sa mga Filisteo at napakarami niyang napatay sa kanila, at tumakas sila mula sa kaniya.
9 At hinayaan ni Jehova na pangibabawan si Saul ng masamang kaisipan*+ noong nakaupo siya sa bahay niya at hawak ang kaniyang sibat, habang tumutugtog ng alpa si David.+ 10 Tinangka ni Saul na ituhog si David sa dingding sa pamamagitan ng sibat, pero nakailag ito, kaya sa dingding tumama ang sibat. Tumakas si David nang gabing iyon. 11 Nang maglaon, nagsugo si Saul ng mga mensahero sa bahay ni David para bantayan iyon at patayin siya sa kinaumagahan,+ pero sinabi kay David ng asawa niyang si Mical: “Kung hindi ka tatakas ngayong gabi, bukas ay patay ka na.” 12 Agad na pinababa ni Mical si David sa bintana, para makatakbo ito at makatakas. 13 Kinuha ni Mical ang rebultong terapim* at inilagay iyon sa higaan, at naglagay siya ng isang telang* yari sa balahibo ng kambing sa may ulunan, at tinakpan niya iyon ng damit.
14 Nagsugo ngayon si Saul ng mga mensahero para dakpin si David, pero sinabi ni Mical: “May sakit siya.” 15 Kaya pinabalik ni Saul ang mga mensahero para tingnan si David, matapos sabihin sa kanila: “Dalhin ninyo siya sa akin habang nasa higaan siya at papatayin ko siya.”+ 16 Pagpasok ng mga mensahero, ang nakita nila sa higaan ay rebultong terapim* at isang telang yari sa balahibo ng kambing sa may ulunan. 17 Sinabi ni Saul kay Mical: “Bakit niloko mo ako at pinatakas mo ang kaaway ko?”+ Sinabi naman ni Mical kay Saul: “Sinabi niya sa akin, ‘Hayaan mo akong tumakas, kung hindi, papatayin kita!’”
18 Si David ngayon ay nakatakas na, at nagpunta siya kay Samuel sa Rama.+ Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kaniya ni Saul. Pagkatapos, umalis sila ni Samuel at nanatili sa Naiot.+ 19 Nang maglaon, may nagbalita kay Saul: “Si David ay nasa Naiot sa Rama.” 20 Agad na nagsugo si Saul ng mga mensahero para dakpin si David. Nang makita nila ang matatanda sa mga propeta na nanghuhula, at si Samuel ay nakatayo at nangunguna sa mga ito, ang espiritu ng Diyos ay kumilos sa mga mensahero ni Saul, at gumawi sila na para ding mga propeta.
21 Nang sabihin nila iyon kay Saul, agad siyang nagsugo ng iba pang mga mensahero, at gumawi rin ang mga ito na parang mga propeta. Kaya si Saul ay muling nagsugo ng mga mensahero, ang ikatlong grupo, at sila rin ay gumawi na parang mga propeta. 22 Bandang huli, nagpunta rin siya sa Rama. Nang makarating siya sa malaking imbakan ng tubig na nasa Secu, nagtanong siya: “Nasaan sina Samuel at David?” Sumagot sila: “Nandoon sa Naiot+ sa Rama.” 23 Habang papunta si Saul sa Naiot sa Rama, kumilos din sa kaniya ang espiritu ng Diyos, at gumawi siya na parang isang propeta habang naglalakad hanggang sa makarating siya sa Naiot sa Rama. 24 Hinubad din niya ang damit niya at gumawi rin siyang parang isang propeta sa harap ni Samuel, at humiga siya roon nang hubad* nang buong maghapon at magdamag. Kaya sinasabi ng mga tao: “Propeta rin ba si Saul?”+