SHEBA
1. Ang unang nakatalang anak ni Raama na anak ni Cus.—Gen 10:7; 1Cr 1:9.
2. Isang anak ni Joktan mula sa linya ni Sem (Gen 10:21-30; 1Cr 1:17-23); pinagmulan ng isa sa 13 tribong Arabe. Maaaring ang mga lalaki ng pagala-galang tribong ito ang mandarambong na “mga Sabeano” na gumawa ng paglusob na inilarawan sa Job 1:14, 15.
3. Isa sa dalawang anak ni Joksan, anak ni Abraham kay Ketura. (Gen 25:1-3; 1Cr 1:32) Habang buháy pa si Abraham ay pinayaon niya ang kaniyang mga supling kay Ketura “sa gawing silangan, patungo sa lupain ng Silangan.” (Gen 25:6) Kaya waring ang Sheba na ito ay namayan sa kapaligiran ng Arabia.
4. Ang anak ni Bicri na isang Benjamita, isa na namatay sa isang paghihimagsik laban kay David. (2Sa 20:1, 2) Nang pabalik si David sa Jerusalem pagkatapos ng paghihimagsik ni Absalom, nahalata ni Sheba, “isang walang-kabuluhang lalaki,” ang hinanakit ng sampung tribo sa mga lalaki ng Juda na tribo ni David. (2Sa 19:40-43) Ginatungan ni Sheba ang apoy ng kapaitang ito, anupat sinabi na ang ibang tribo ay walang “bahagi kay David” at nanghimok: “Bawat isa ay sa kaniyang mga diyos.” Ang mga lalaki ng Juda ay nanatili sa panig ng hari, ngunit humiwalay kay David “ang lahat ng mga lalaki ng Israel” upang sumunod kay Sheba. Ang isang posibleng motibo ng paghihimagsik na ito ay upang ibalik sa tribo ni Benjamin ang pagiging prominente nito noong si Saul ang hari.
Sinabihan ni David ang kaniyang heneral, si Amasa, na tipunin ang mga lalaki ng Juda para sa pakikipagbaka sa loob ng tatlong araw upang sugpuin ang pag-aalsa ni Sheba. Nang hindi dumating sa takdang oras si Amasa, isinugo ng hari si Abisai upang tugisin ang tumatakas na si Sheba (bagaman lumilitaw na ang kapatid ni Abisai na si Joab ang aktuwal na nanguna sa paghabol). Tumakas si Sheba at ang mga sumusuportang kamag-anak niya patungong H hanggang sa Abel-bet-maaca, isang nakukutaang lunsod ng Neptali. Kinubkob ng mga tumutugis ang lunsod at sinimulan nilang sirain ang pader. Pagkatapos, isang babaing marunong ang nakipag-usap kay Joab at humiling ng kapayapaan. Tumugon si Joab na aalis ang hukbo kung isusuko ng lunsod ang mapaghimagsik na si Sheba. Pagkarinig nito, pinutol ng mga tao ng lunsod ang ulo ni Sheba at inihagis iyon kay Joab sa ibabaw ng pader ng lunsod.—2Sa 20:1-8, 13-22.
5. Isang Gadita na naninirahan sa Basan, isang inapo ni Abihail.—1Cr 5:11, 13, 14.
6. Isang mayamang kaharian, malamang na nasa TK Arabia. Kilalang-kilala ito dahil sa ginto, mga pabango, at insenso. (1Ha 10:1, 2; Isa 60:6; Jer 6:20; Eze 27:22) Hindi matiyak ang pinagmulan ng mga tao sa Sheba, o mga Sabeano, gaya ng kalimitang tawag sa kanila sa mga sekular na impormasyon. May dalawang Sheba sa linya ni Sem (SHEBA Blg. 2 at 3) na maliwanag na namayan sa Arabia. Gayunman, naniniwala ang ilang makabagong iskolar na ang mga tao sa kahariang ito ay mga Semitiko, mula sa linya ni Joktan, mga inapo ni Sem sa pamamagitan ni Eber. (Gen 10:26-28) Ang mismong pangalan ni Sheba at ng ilan sa kaniyang mga kapatid ay nauugnay sa mga lugar sa T Arabia.—Tingnan ang HAVILA Blg. 4; HAZARMAVET.
Ayon sa ilang mapagkukunan ng impormasyon, ang kaharian ng Sheba ay nasa rehiyon ng tinatawag sa ngayon na Republika ng Yemen. Maliwanag na ang kabisera nito ay ang Marib, na mga 100 km (60 mi) sa S ng Sanʽa.
Noong mapanganib pa ang paglalayag sa Dagat na Pula dahil hindi pa maunlad ang nabigasyon, ang pakikipagkalakalan mula sa T Arabia at posibleng pati sa S Aprika at India ay pangunahin nang isinasagawa sa pamamagitan ng mga pulutong na nakasakay sa kamelyo na dumaraan sa Arabia. Kontrolado ng Sheba ang mga ruta ng mga pulutong na naglalakbay at naging kilalá ito dahil sa mga negosyante ng olibano, mira, ginto, mahahalagang bato, at garing. Ipinahihiwatig ng Bibliya na nakarating ang mga negosyanteng ito hanggang sa Tiro. (Eze 27:2, 22-24; Aw 72:15; Isa 60:6) Isang luwad na pantatak na nahukay sa Bethel ang nagpapatunay na nagkaroon ng kalakalan sa pagitan ng Palestina at T Arabia. Ipinahihiwatig ng mga tuklas mula sa mga paghuhukay sa Marib na ang mga Sabeano ay mga taong mapayapa at mahilig sa komersiyo. Sa kanilang kabisera ay mayroon silang napakalaking templo para sa diyos-buwan.
Reyna ng Sheba. Pagkaraang makumpleto ni Solomon ang maraming gawaing pagtatayo, dinalaw siya ng “reyna ng Sheba,” na nakarinig ng “ulat tungkol kay Solomon may kaugnayan sa pangalan ni Jehova.” Ang reynang ito, na ang pangalan ay hindi binanggit sa Bibliya, ay pumaroon sa Jerusalem kasama ang “isang lubhang kahanga-hangang pangkat, mga kamelyong may pasang langis ng balsamo at napakaraming ginto at mahahalagang bato.” (1Ha 10:1, 2) Ang paraan ng kaniyang paglalakbay at ang uri ng mga kaloob na dinala niya ay nagpapahiwatig na nagmula siya sa kaharian ng Sheba sa TK Arabia. Ipinahihiwatig din ito sa komento ni Jesus na siya ang “reyna ng timog” at na “dumating siya mula sa mga dulo ng lupa.” (Mat 12:42) Sa punto de vista ng mga tao sa Jerusalem, masasabing dumating siya mula sa isang malayong bahagi ng daigdig. (Aw 72:10; Joe 3:8) Ang Marib ay mga 1,900 km (1,200 mi) mula sa Ezion-geber, na nasa H baybayin ng Dagat na Pula.
Sinabi ni Jesus na ang reyna ng Sheba ay dumating “upang pakinggan ang karunungan ni Solomon.” (Luc 11:31) Humanga siya sa sinabi ni Solomon, sa nakita niyang kasaganaan ng kaharian nito, at sa karunungan nito sa pag-oorganisa sa kaniyang mga tauhan. Ipinahayag niyang maligaya ang mga lingkod ng hari dahil napakikinggan nila ang karunungan ng hari, at pinagpala niya si Jehova dahil sa paglalagay kay Solomon sa trono. (1Ha 10:2-9; 2Cr 9:1-9) Nagbigay ang reyna kay Solomon ng 120 talento na ginto (nagkakahalaga ngayon ng $46,242,000) at gayundin ng langis ng balsamo at mahahalagang bato. Binigyan siya ni Solomon ng mga kaloob na lumilitaw na lampas pa sa halaga ng mga kayamanang dinala niya, at pagkatapos ay bumalik siya sa kaniyang sariling lupain.—2Cr 9:12, AT, Mo.
Binanggit ni Kristo na ang babaing ito ay babangon sa paghuhukom at hahatulan ang mga tao ng unang-siglong salinlahi. (Mat 12:42; Luc 11:31) Nagpakahirap siyang maglakbay upang pakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit sa harap ng di-sumasampalatayang mga Judio, na nag-aangking mga lingkod ni Jehova, ay naroon si Jesus na higit pa kaysa kay Solomon at hindi sila nagbigay-pansin sa kaniya.
7. Lumilitaw na isa sa mga nakapaloob na lunsod na ibinigay sa tribo ni Simeon mula sa T na bahagi ng teritoryo ng Juda. (Jos 19:2) Gayunman, ang pangalang ito ay hindi lumilitaw sa katulad na talaan sa 1 Cronica 4:28-32 o sa mga ulat ng mga lunsod na unang iniatas sa Juda. (Jos 15:26) Yamang binabanggit sa Josue 19:2-6 na ang kabuuang bilang ng mga lunsod ay 13, ngunit sa aktuwal ay waring 14 ang nakatala rito, ipinapalagay ng ilang iskolar na ang Sheba at Beer-sheba ay dalawang bahagi ng iisang lunsod, anupat ang Sheba ang mas matanda. Kung isa itong hiwalay na lugar, maaaring ito rin ang Sema, na binanggit sa talaan sa Josue 15:26-32.