SIHON
Isang Amoritang hari noong panahong malapit na ang Israel sa Lupang Pangako. Noon, ang kaharian ni Sihon ay umabot mula sa agusang libis ng Jabok, sa hanggahan ng nasasakupan ni Haring Og, hanggang sa agusang libis ng Arnon, at mula sa Ilog Jordan pasilangan tungo sa disyerto. Ang kabiserang lunsod niya ay ang Hesbon, sa S ng hilagaang dulo ng Dagat na Patay. (Bil 21:23, 24; Jos 12:2, 3) Inagaw ni Sihon ang lupain ng Moab sa H ng Arnon, at lumilitaw na nagpuno siya sa Midian, sapagkat ang mga pinuno ng Midian ay tinatawag na “mga duke ni Sihon.” (Bil 21:26-30; Jos 13:21) Nang magsugo ang Israel ng mga mensahero upang humingi ng pahintulot kay Sihon na dumaan sa kaniyang kaharian sa daan ng hari at nangangakong hindi magnanakaw ng anuman mula sa mga Amorita, hindi sila pinahintulutan ni Sihon at pagkatapos ay tinipon niya ang kaniyang hukbo upang harangan ang Israel. Tinalo siya sa Jahaz at pinatay.—Bil 21:21-24; Deu 1:3, 4; 2:24-35; 3:2, 6.
Ang kahalagahan ng tagumpay ng Israel laban kay Sihon ay makikita sa bagay na binabanggit ito nang maraming ulit sa kasaysayan ng Israel, kasama ng pagkatalo ng mga Ehipsiyo sa Dagat na Pula. Paminsan-minsan ay ginamit ito ni Moises, ni Jepte, ng isang salmista, at ng mga Levitang nabuhay pagkaraan ng pagkatapon bilang nakapagpapatibay-loob na halimbawa ng mga tagumpay ni Jehova alang-alang sa kaniyang tapat na bayan. (Bil 21:34; Deu 31:4; Huk 11:19-22; Ne 9:5, 22; Aw 135:9-12; 136:18, 19) Ang mga ulat hinggil dito ang nag-udyok kay Rahab at sa mga Gibeonita na makipagpayapaan sa Israel. (Jos 2:10; 9:9, 10) Ang lupain ni Sihon ay hinati-hati sa mga tribo nina Ruben at Gad.—Bil 21:25, 31, 32; Deu 29:7, 8; Jos 13:8-10, 15-28.