Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa Hebreo 3:1-6 ay binabanggit si Moises, si Jesus at ang Diyos na Jehova tungkol sa isang “bahay,” nguni’t anong “bahay” ang tinutukoy?
Sa pinakasimpleng pangungusap, ang tinutukoy ni apostol Pablo ay ang bayan ng Diyos, o kongregasyon, bilang isang “bahay.”
Ganito ang pagkasabi sa Hebreo 3:1-6: “Kaya nga, mga banal na kapatid, na may bahagi sa mga tinawag para sa langit, pag-isipan ninyo ang apostol at mataas na saserdote na ating kinikilala—si Jesus. Siya’y tapat sa Isa na naglagay sa kaniya, gaya rin ni Moises sa buong sambahayan ng Isang iyan. Sapagka’t siya ay inaaring karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, palibhasa’y may lalong karangalan kaysa bahay ang nagtayo ng bahay. Mangyari pa, ang bawa’t bahay ay may nagtayo, datapuwa’t ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos. At bilang isang lingkod si Moises ay tapat sa buong sambahayan ng Isang iyan bilang patotoo sa mga bagay na sasalitain pagkatapos, subali’t si Kristo bilang isang Anak ay tapat sa sambahayan ng Isang iyan. Tayo ang sambahayan ng Isang iyan, kung ating iingatang matibay ang ating kalayaan ng pagsasalita at ang ating ipinagmamapuring pag-asa nang may katatagan hanggang sa katapusan.”
Una rito, sinabi ni Pablo na si Jesus, bilang Anak ng Diyos, ay nagmana ng isang pangalan na lalong mataas kaysa mga anghel. Binanggit din ng apostol na kung ang salita ng Kautusan na ipinahatid ng Diyos kay Moises sa pamamagitan ng mga anghel ay nararapat na bigyang-pansin, lalong higit ang salita ng Anak. (Hebreo 1:1-4; 2:1-4) At, sa Hebreo kabanata 3, patuloy na idiniin ni Pablo ang kahigitan ni Jesus.
Sariwain natin ang nakalipas at magugunita natin na pagkatapos magriklamo si Miriam at si Aaron tungkol sa pangunahing bahagi na ginagampanan ni Moises sa Israel, kay Moises ay ikinapit ng Diyos ang tawag na ‘ang aking lingkod na pinagkatiwalaan sa (“tapat sa,” Septuagint Version sa Griego) buong sambahayan ko.’ (Bilang 12:7) Yamang bilang mataas na saserdote tiyak na ang tinutukoy ng Diyos ay ang bansa, o kongregasyon, ng Israel bilang Kaniyang “bahay” na doo’y si Moises ang Kaniyang lingkod, maliwanag na ito ang tinutukoy ni Pablo sa Hebreo 3:2. Kaniyang sinabi na si Jesus ay tapat sa Diyos, gaya ni Moises na tapat sa “buong sambahayan ng Isang iyan.” Subali’t pagkatapos ay binanggit ni Pablo sa kaniyang liham na si Jesus ay “inaaring karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises.” Bakit?
Ipinangatuwiran ni Pablo na “may lalong karangalan kaysa bahay ang nagtayo ng bahay.” Sino mang tao na nakapagtayo na isang literal na bahay ay sasang-ayon. Kung gayon, ang ibig sabihin ni Pablo ay na lalong karapat-dapat sa karangalan si Jesus, na Anak ng Diyos, kaysa kay Moises sapagka’t si Jesus ay nagtayo ng bahay, samantalang si Moises ay hindi. Mangyari pa, kinikilala ni Pablo na ang Diyos ang higit sa lahat ay dapat purihin sa pagtatayo ng lahat ng bagay.—Hebreo 3:3, 4.
Kung palalawakin pa natin ang pangangatuwiran, sinabi ni Pablo na si Moises ay isang tapat na ‘lingkod sa sambahayan.’ (Hebreo 3:5) Oo, si Moises sa ganang sarili niya ay nasa loob o bahagi ng kongregasyon, o “sambahayan,” ng Israel. Subali’t komusta naman ang Isa na darating sa bandang huli, ang Mesiyanikong propeta na inilarawan at inihula ni Moises? (Deuteronomio 18:18, 19; Juan 1:21, 25; Gawa 3:22, 23) Ang propetang iyon ay magiging hindi lamang isang tapat na lingkod sa sambahayan ng Israel. Isinulat ni Pablo na si Kristo ay ‘isang Anak sa sambahayan ng Isang iyan,’ ang Diyos na Jehova. Sa sambahayan ba ng Israel? Hindi, sapagka’t ang nasa-isip ni Pablo ay isang bagay na lalong dakila.
Samantalang ang pinaglingkuran ni Moises ay isang “bahay” ayon sa tipang Kautusan, si Jehova ay nangako ng isang lalong mainam na kaayusan sa ilalim ng “isang bagong tipan.” (Hebreo 8:7-13; Jeremias 31:31-34) Ang bagong tipan ay may kinalaman sa sambahayan o bahay, o bansa, ng espirituwal na Israel. (Galacia 6:16) Kaya naman sinabi ni Pablo: “Tayo ang sambahayan ng Isang iyan kung ating iingatang matibay ang ating kalayaan ng pagsasalita.”—Hebreo 3:6; ihambing ang 1 Timoteo 3:15; 1 Pedro 2:5; Mateo 16:18.
Samakatuwid ang “bahay” na pinaglingkuran ni Moises ay ang kongregasyon ng Israel sa laman, subali’t ang “bahay” na itinatayo ni Jesus at doon siya naglilingkod ay ang kongregasyon ng espirituwal na mga Israelita na nagsisipanatili sa kanilang “pag-asa nang may katatagan hanggang sa katapusan.”—Hebreo 3:6.