Patuloy na Iwasan ang Silo ng Kasakiman
“Pakaingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat kahit na ang isang tao ay may higit kaysa kailangan niya, ang kaniyang kayamanan ay hindi nagbibigay ng buhay sa kaniya.”—Lucas 12:15, The New English Bible.
1. Bakit napapanahon ang babala ni Pablo laban sa kasakiman?
TAYO’Y nabubuhay sa isang daigdig na sumasamba sa kayamanan. Ang komersiyo ay palaging pumupukaw sa masakim na damdamin ng mga tao na magpakayaman. Ang tagumpay ay karaniwan nang sinusukat sa laki ng suweldo ng isang tao. Kaya naman, ang maraming babala ng Bibliya laban sa kasakiman at sa kahawig na ugaling pagkagahaman ay napapanahon. (Colosas 3:5; 1 Timoteo 6:10) Sang-ayon sa diksiyunaryo, ang kasakiman at pagkagahaman ay yaong “pagkakaroon o pagpapakita ng matinding pagnanasa ng mga ari-arian at lalung-lalo na ng materyal na mga ari-arian.” Ang kasakiman ay kasinsama ng pakikiapid o idolatriya, sapagkat ang babala ni Pablo ay: “Huwag kayong makisama sa kaninuman na tinatawag na kapatid, kung siya’y mapakiapid, o masakim, o mananamba sa diyus-diyusan, o mapagtungayaw, o lasenggo, o mangingikil, at huwag man lamang kayong sumalo ng pagkain sa gayong tao.”—1 Corinto 5:11; Efeso 5:3, 5.
2. Anong mga babala ang ibinibigay sa atin ni Jesus at ni Jehova laban sa kasakiman?
2 Si Jesus ay nagbabala sa kaniyang mga tagasunod: “Mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kasakiman.” (Lucas 12:15) At si Jehova mismo ang nagsama ng isang utos laban sa bisyong ito bilang isa sa Sampung Utos: “Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa. Huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalaki o kaniyang aliping babae o kaniyang baka o kaniyang asno o anupaman na pag-aari ng iyong kapuwa.”—Exodo 20:17; Roma 13:9.
Lahat ay Dapat Mag-ingat
3. Paano napadaig sa kasakiman si Eva at nang magtagal ay ang mga Israelita?
3 Ang totoo, lahat ay dapat mag-ingat laban sa kasakiman at pagkagahaman. Nang si Eva ay magkasala sa halamanan ng Eden, ang dahilan ay kasakiman: “Nakita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, at nakalulugod sa mga mata, oo, ang punungkahoy ay kanais-nais na pagmasdan.” (Genesis 3:6) Minsan nang sila’y nasa ilang, ang mga Israelita ay nagpakita ng nakasusuklam na kasakiman. At sila’y nagreklamo na wala silang kinakain kundi manna, kaya naman si Jehova ay nagbigay ng maraming pugo, ngunit sila’y kumilos na parang mga matatakaw at sila’y pinarusahan nang dikawasa.—Bilang 11:4-6, 31-33.
4. Ano pang mga halimbawa sa kasaysayan ang nagpapakita ng mga panganib ng kasakiman?
4 Nang maglaon, sa pakikipagbaka nang sila’y nasa Jericho, ang kasakiman ang humila kay Achan na nakawin ang mga ilang pilak at ginto at isang mamahaling kasuotan na nasamsam sa lunsod. (Josue 7:20, 21) Ang kasakiman ang nag-udyok kay Gehazi, ang utusan ni Eliseo, na maghangad ng pakinabang sa kahima-himalang pagpapagaling sa ketong ni Naaman. (2 Hari 5:20-27) Si Haring Ahab ay isa pa ring taong masakim. Kaniyang pinayagan si Jezebel, ang kaniyang asawang pagano, na magpakanâ ng pagpatay kay Naboth, ang kaniyang kapitbahay, upang kaniyang makamkam ang ubasan ni Naboth. (1 Hari 21:1-19) Sa wakas, si Judas Iskariote, isang kabilang sa mga kapalagayang-loob ni Jesus, ang may kasakimang gumamit sa kaniyang katungkulan upang magnakaw sa pondo ng grupo. At kasakiman din ang umakay sa kaniya na ipagkanulo si Jesus sa halagang 30 piraso ng pilak.—Mateo 26:14-16; Juan 12:6.
5. Ano ba ang natututuhan natin buhat sa mga karanasan ng iba’t ibang klase ng mga tao na nahulog sa silo ng kasakiman?
5 Lahat ng mga masasakim na ito ay pinarusahan. Subalit napansin mo ba ang iba’t ibang klase ng tao na nahulog sa silo ng kasakiman? Si Eva ay isang babaing sakdal na namumuhay noon sa Paraiso. Si Achan at ang mga Israelita ay personal na nakasaksi sa mga himala ni Jehova. Si Ahab naman ay isang hari, marahil ang pinakamayamang tao sa lupain. Si Gehazi at si Judas ay pinagpala sa pagkakaroon ng mahuhusay na kasama at matataas na pribilehiyo sa paglilingkod. Gayunman silang lahat ay naging masakim. Samakatuwid ang sinuman—gaanuman kayaman, o gaano man kataas ang kaniyang pribilehiyo sa paglilingkod, o anuman ang kaniyang karanasan—ay maaaring mahulog sa patibong na ito. Kaya naman si Jesus ay nagbabala: “Mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kasakiman”!—Lucas 12:15.
6. Ano ang kailangan kung ibig nating maiwasan ang silo ng kasakiman?
6 Subalit paano natin magagawa iyan? Tangi lamang sa pamamagitan ng pagpipigil-sa-sarili at palagiang pagsusuri ng ating sarili. Ang kasakiman ay sa puso nagsisimula. Upang maiwasan ang silo ng kasakiman, kailangang palagiang suriin natin ang ating mga puso upang malaman kung nag-uugat na roon ang anumang tanda ng pagkasakim. Ang Bibliya ang tumutulong sa atin na gawin iyan. Sa paano? Unang-una, nakasulat diyan ang sinabi ni Jesus at ng kaniyang mga alagad tungkol sa kasakiman. Pagka ating sinuri ang kanilang mga sinabing iyan, ang mga iyan ay nagpapahiwatig ng mga ilang tanong na maaari nating itanong sa ating sarili upang makita kung saan tayo nakatayo kung tungkol sa bagay na iyan ng kasakiman.
Pagsusuri sa Ating mga Motibo
7. Paano ang sagot ni Jesus sa taong nasangkot sa isang kaso sa pagmamana ay tumutulong sa atin na suriin ang ating sarili?
7 Ang babala ni Jesus laban sa kasakiman ay udyok ng isang pakiusap ng isa sa kaniyang mga tagapakinig: “Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” Ang sagot ni Jesus: “Lalaki, sino ang gumawa sa akin na hukom o tagapamahagi sa inyo?” (Lucas 12:13, 14) Pagkatapos ay nagbabala siya laban sa kasakiman. Hindi gusto ni Jesus na siya’y mapasangkot sa isang pag-aalitan tungkol sa materyal na mga bagay, dahilan sa mahalagang espirituwal na gawain na iniatas sa kaniya na ganapin dito. (Juan 18:37) Subalit ang pag-uusap na ito ay nagpapahiwatig ng nagsasaliksik na mga tanong na dapat nating itanong sa ating sarili. Halimbawa tayo naman ay walang partikular na pangangailangan, subalit inaakala natin na mayroon tayong karapatan na humabol ng isang ari-arian o kayamanan na hinahabol din ng iba, o ng isang mana na hinahabol din ng iba. Hanggang saan tayo makikipaglaban upang ipagtagumpay ang ating kaso? Gaano sa paglilingkod natin kay Jehova o sa ating relasyon sa ating mga kapatid ang ating isasakripisyo upang maipanalo ang inaakala nga natin na ating mga karapatan?—Kawikaan 20:21; 1 Corinto 6:7.
8. Paano natin maiiwasan ang pagiging katulad ng mga eskriba na binanggit ni Jesus sa Lucas 20:46, 47?
8 Narito ang isa pang komento ni Jesus. Kaniyang binigyan ng babala ang kaniyang mga tagasunod: “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na . . . sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing balo.” (Lucas 20:46, 47) Anong lupit na pagpapakita ng kasakiman! Mangyari pa, ang mga Kristiyano ay obligado na mangalaga sa mga babaing balo at hindi pagsamantalahan sila. (Santiago 1:27) Gayunman, ipagpalagay natin na may kilala kang babaing balo na nakakuha ng malaking bayad sa seguro, at kaagad nangangailangan ka ng kuwarta dahilan sa isang pangyayaring hindi inaasahan. Ang una bang maiisip mo ay lapitan ang biyudang iyon, sa pag-aakala mo na siya ang pinakamadaling mahikayat, o na siya’y dapat na tumulong sapagkat ‘nakakuha siya ng maraming salapi’? O ipagpalagay natin na nakautang ka na ng salapi, at ngayon ay nagkakaproblema ka ng pagbabayad niyaon. Makatuwiran kaya na ipagpaliban mo ang pagbabayad ng utang mo sa biyudang iyon, sapagkat siya naman ay ‘hindi mang-iistorbo sa iyo nang kasisingil,’ o marahil inaakala mong ‘hindi naman niya talagang kailangan ang salapi’? Pakaingat tayo na huwag hayaang ang ating kaisipan tungkol sa mga simulain ay maging baluktot pagka tayo nakaharap sa mga problema tungkol sa pananalapi.
9. Paano tayo maaaring mahulog sa silo ng ‘paghanga sa mga pagkatao para sa ating sariling kapakinabangan’?
9 Si Judas ay may binanggit ding paraan na kung saan ang kasakiman ay maaaring makasilo sa atin. Binanggit niya ang tungkol sa mga tao na lihim na pumuslit sa kongregasyong Kristiyano at kanilang pinasásamâ iyon sa pamamagitan ng kanilang kasakiman at kalibugan, “na nagtataksil sa ating tanging May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.” (Judas 4) Gayundin, sila ay “humahanga sa mga pagkatao para sa kanilang sariling kapakinabangan.” (Judas 16) Hindi natin ibig na maging katulad nila. Subalit pag-isipan ito: Tayo ba’y gumugugol nang higit na panahon sa pakikisama sa lalong may-kayang mga Kristiyano at hindi gaanong pinapansin ang mga dukha sa ating kongregasyon? Kung gayon, tayo kaya ay umaasang makikinabang sa mga ilang paraan? (Ihambing ang Gawa 20:33; 1 Tesalonica 2:5.) Pagka tayo’y nagpakita ng kagandahang-loob sa responsableng mga kapatid sa organisasyon, ginagawa ba natin ito ng dahil sa pag-ibig o dahil sa umaasa tayong papalitan iyon ng mga ilang pribilehiyo? Kung ang huli ang ginagawa natin, marahil tayo man ay ‘humahanga sa mga pagkatao alang-alang sa ating sariling pakinabang.’
10. Sa anu-anong paraan maaaring pinagtutubuan natin ng salapi ang ating pagsamba kay Jehova? Pagka ginawa natin ito, kanino bang halimbawa ang tinutularan natin?
10 Ang isang uri ng kasakiman na kinainisan ni Jesus nang ganiyan na lamang ay nang kaniyang “masumpungan sa templo yaong mga nagbibili ng mga baka at tupa at mga kalapati at yaong mga nangangalakal ng salapi sa kanilang mga upuan.” Ang sigasig sa bahay ni Jehova ang humila sa kaniya na palayasin sa templo ang mga ito at ang bulalas niya: “Ang bahay ng aking Ama ay huwag na ninyong gawing bahay ng pangangalakal!” (Juan 2:13-17) Tayo ba’y may ganiyan ding sigasig? Kung gayon ay makabubuting tanungin ang ating sarili: Sa Kingdom Hall kaya ay makikipag-usap ako tungkol sa negosyo? Ako ba’y nagbebenta ng kung anu-anong mga kalakal sa aking mga kapuwa Kristiyano sapagkat dahil sa sila’y aking espirituwal na mga kapatid ay mahirap silang tumanggi sa aking iniaalok sa kanila? Ginagamit ko ba ang maraming kaibigan ko sa organisasyon upang mapalago ko ang aking mga koneksiyon sa pangangalakal? Oo, hindi tayo dapat maging sakim na pinagtutubuan ng salapi ang ating kaugnayan sa ating mga kapatid.
11. Anong mga simulaing Kristiyano ang tumutulong sa atin na manatiling may tamang saloobin pagka tayo kasamá sa negosyo ng sinuman sa ating mga kapatid?
11 Ibig bang sabihin na ang mga Kristiyano ay hindi maaaring maging magkakasamá sa negosyo? Hindi naman. Kaya lamang ay mayroong panahon at dako para sa negosyo, at ibang panahon naman at dako para sa pagsamba. (Eclesiastes 3:1) Gayunman, pagka ang mga Kristiyano ay naging magkakasamá sa negosyo, hindi nila dapat kalimutan ang mga simulain sa Bibliya. Pagka ang isang Kristiyano ay gumawa ng isang pakikipagkasunduan sa negosyo, hindi siya dapat humanap ng butas upang makalibre sa kaniyang moral na mga obligasyon. (Mateo 5:37) Hindi rin siya magiging walang awa o benggatibo sakaling ang negosyo ay bumagsak at siya’y malugi ng salapi. Si apostol Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto: “Ngayon nga, isang ganap na pagkatalo para sa inyo na kayu-kayo’y may mga usapin laban sa isa’t-isa. Bakit hindi bagkus nga’y pagtiisan ninyo ang mga pagkakasala laban sa inyo? Bakit hindi bagkus nga’y hayaan ninyong madaya kayo?” (1 Corinto 6:7) Alang-alang sa kongregasyon, magalingan pa kaya ninyo na kayo’y madaya imbis na maghabla ng inyong kaso sa hukuman?
12. Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang tutulong sa mga may negosyo na iwasan ang silo ng kasakiman?
12 Sinumang Kristiyanong may negosyo ay kailangang pakaingat. Sa ngayon maraming mga negosyante ang walang prinsipyong sinusunod, subalit ang isang Kristiyano ay hindi maaaring kumilos nang ganiyan. Huwag niyang kalilimutan kailanman na siya’y isang alagad ni Kristo. Hindi niya ibig na siya’y makilala bilang mandaraya o gumagamit ng mga pamamaraan na halos pandaraya na nga. (Ihambing ang Kawikaan 20:14; Isaias 33:15.) At hindi niya dapat kalimutan kailanman ang paalala ni Jesus laban sa kayamanan na ginagawang isang diyos, o ang babala ni Juan laban sa “pita ng laman at pita ng mga mata at ng mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan.” (1 Juan 2:16; Mateo 6:24) Bilang isang negosyanteng Kristiyano, maiiwasan mo ba ang tukso na pukawin ang kasakiman ng mga ibang tao upang mapasulong ang iyong benta? O pupukawin mo ba ang kanilang karangyaan o kayabangan para umunlad ang iyong negosyo? Ikaw ba ay gumagawi sa iyong pinapasukang trabaho sa paraan na ikaw ay hindi nahihiya na makipag-usap kay Jehova tungkol doon kung ikaw ay nananalangin?—Mateo 6:11; Filipos 4:6, 7.
13, 14. (a) Ang mayayamang Kristiyano ay kailangang manatiling timbang sa ano? (b) Paano ang panalangin sa Kawikaan 30:8 ay tumutulong sa atin na matuto ng pagkamakatuwiran kung tungkol sa kayamanan?
13 Sa wakas, si Pablo ay sumulat kay Timoteo: “Silang mga disididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasásamâ, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkawasak.” (1 Timoteo 6:9) Ang pagiging mayaman ay hindi naman isang kasalanan, bagama’t ang kayamanan ay may dalang sariling mga problema at mga tukso. (Mateo 19:24-26) Ang panganib ay nasa ‘pagiging disidido na yumaman.’ Halimbawa, isang elder ang nagsabi: “Malimit na bumabangon ang problema pagka ang isang tao ay nagmasid sa kaniyang mayamang kapatid na Kristiyano at nagsabi: ‘Bakit kaya ako hindi naging kagaya niya?’”
14 Ang Bibliya ay nagpapayo: “Mangilag kayo sa pag-ibig sa salapi, samantalang kontento na kayo sa kasalukuyang mga bagay. Sapagkat siya rin ang nagsabi: ‘Sa anumang paraan ay hindi kita pagkukulangin, sa anumang paraan ay hindi kita pababayaan.’” (Hebreo 13:5) Kung ikaw ay mayaman, iyo bang itinuturing iyon na isang kaloob, isang bagay na magagamit mo sa paglilingkod kay Jehova? Nang minsan, sinabi ni Jesus sa isang binatang mayaman na kung ibig niyang sumunod sa kaniya, kailangang ipamigay niya ang lahat ng kaniyang kayamanan. Kung sakaling ikaw ang pinagsabihan niyan ni Jesus, ang pipiliin mo kaya ay ang iyong kayamanan o ang pagsunod kay Jesus? (Mateo 19:20-23) Kung ikaw naman ay hindi mayaman, ikaw kaya ay makontento na riyan? Maiwasan mo kaya ang silo ng kasakiman? Ikaw ba ay magtitiwala sa pangako ni Jehova: “Sa anumang paraan ay hindi kita pagkukulangin, sa anumang paraan ay hindi kita pababayaan”?—Tingnan din ang Kawikaan 30:8.
Magpakayaman sa Diyos
15, 16. (a) Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jesus upang patibayin pa ang kaniyang payo tungkol sa kasakiman? (b) Ano ba ang pinaka-ugat na problema ng taong binanggit ni Jesus?
15 Nang paalalahanan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na “mag-ingat laban sa lahat ng uri ng kasakiman,” siya’y nagpatuloy ng paglalahad tungkol sa isang magbubukid na ang mga bukirin ay umaani nang sagana. Ang taong iyon ay “nag-isip sa kaniyang sarili, na ang sabi, ‘Ano kaya ang gagawin ko ngayon, wala na akong mapaglagyan ng aking inani?’ Kaya’t ang sabi niya, ‘Ganito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan at gagawa ako ng lalong malalaki, at doon ko ilalagay ang lahat ng aking binutil at lahat ng aking pag-aari; at sasabihin ko sa aking kaluluwa: ‘Kaluluwa, marami ka ng pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpaginhawa ka na, kumain, uminom, magpakasaya.’” Subalit, nang gabi ring iyon, ang taong iyon ay namatay. Lahat ng natipong kayamanang iyon ay hindi nakatulong sa kaniya bahagya man. Ganito ang pagwawakas na paglalahad ni Jesus: “Ganiyan nga ang taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:16-21.
16 Ang tao bang iyon ay nakagawa ng anumang hayagang pagkakasala, tulad baga ng pangingikil o pagnanakaw? Hindi sinasabi ng talinghaga ang gayon. Gayumpaman, siya’y nagkaproblema. Siya’y umasa sa kaniyang kayamanan para sa isang siguradong kinabukasan at nakalimutan niya ang isang bagay na lalong mahalaga: ang pagiging “mayaman sa Diyos.” Dahilan sa bagay na ang kaugnayan ng mga tunay na Kristiyano sa Diyos ang ginagawa nilang pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay kung kaya naiiwasan nila ang patibong ng kasakiman at sa gayo’y sila’y hindi bahagi ng sanlibutan.—Juan 17:16.
17. Paano minamalas ng isang timbang na Kristiyano ang problema ng paghahanapbuhay?
17 Minsan ay nagpayo si Jesus: “Huwag kayong mabalisa at sabihin, ‘Ano ba ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ba ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ba ang aming daramtin?’ Sapagkat lahat ng mga ito ang mga bagay na masikap na pinaghahanap ng mga bansa.” (Mateo 6:31, 32) Totoo, lahat tayo ay nakaharap sa kaparehong mga problema na nakaharap sa “mga bansa.” Karamihan sa atin ay kailangang puspusang maghanapbuhay para makabili ng kinakailangang mga bagay na kakainin, iinumin, at isusuot. (2 Tesalonica 3:10-12) Subalit ayaw natin na ang ganiyang mga bagay ay makahigit pa sa ating pagiging “mayaman sa Diyos.”
18. Paanong ang pagtitiwala kay Jehova ay tutulong sa atin na iwasan ang silo ng kasakiman?
18 Si Jehova ang pinanggagalingan ng lahat ng kayamanan. (Gawa 14:15, 17) Ipinangako niya na kaniyang bibigyan ng pantanging pangangalaga ang kaniyang mga lingkod. Sinabi ni Jesus: “Batid ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng mga iba pang bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:32, 33; Awit 37:25) Ikaw ba ay naniniwala sa pangakong iyan? Ikaw ba’y nagtitiwala na tutuparin iyan ni Jehova? Ikaw ba ay masisiyahan na sa paglalaan na ginagawa ni Jehova? Kung gayon, maiiwasan mo ang silo ng kasakiman. (Colosas 3:5) Ang iyong paglilingkod kay Jehova at ang iyong kaugnayan sa kaniya ay laging mapapasa-unang dako, at ang iyong buong paraan ng pamumuhay ay magpapakilala ng iyong pananampalataya sa kaniya.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong klase ng mga tao ang apektado ng kasakiman?
◻ Paano tayo makapag-iingat laban sa kasakiman?
◻ Paano nahahayag kung minsan ang kasakiman?
◻ Anong mga tanong ang tumutulong sa atin na makita kung baga iniiwasan natin o hindi ang silo ng kasakiman?
◻ Ano ang malaking proteksiyon natin laban sa kasakiman?
[Blurb sa pahina 19]
Pagka sila’y magkakasamá sa negosyo, di-dapat kalimutan ng mga Kristiyano ang mga prinsipyo sa Bibliya