Ang Mababangis na Hayop ng Apocalipsis—Ano ang Kahulugan?
NOON ay Sabado, Hunyo 15, 1985, ang mga gusali ng United Nations sa New York ay kumikislap sa tama ng araw sa hapon. Gaya ng dati, naroroon na naman ang maraming bisita na naparoon upang magmasid sa kahanga-hangang complex, at halatang-halata ang paghanga ng marami sa kanila sa lahat ng mga bagay na kanilang nakita.
Gayumpaman, wari ngang ang United Nations ay malayo sa mithiin na pagkaisahin ang mga bansa. Gaya ng sinabi ng opisyal na giya ng hapong iyon: “Nagkaroon na ng 150 mga giyera sapol noong Pandaigdig na Digmaang II, at mahigit na 20 milyong katao ang nangasawi. Wala pang gobyernong pandaigdig ngayon. Marahil ito ang pinakamalapit doon.” Kung gayon, ang pandaigdig na gobyerno kaya ay isang mailap na pangarap lamang? Sa paniwalaan man o hindi, ang sagot ay masusumpungan sa pamamagitan ng pagsusuri sa mababangis na hayop ng Apocalipsis.
May mga komentarista ng Bibliya na hindi naniniwalang may makahulang kahulugan ang mga hayop na ito sa aklat ng Apocalipsis. Bagkus, kanilang ikinakapit ang mga ito sa mga pangyayari na naganap samantalang ang apostol Juan ay buháy pa noon. Halimbawa, sa pagtalakay nito sa mga hayop ng Apocalipsis, sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Naging kaugalian na ng mga sumulat ng Apocalipsis . . . na palawakin ang kanilang mga pangitain sa kaanyuan ng mga hula at bigyan ito ng kaanyuan na nagpapahiwatig na nasulat ito sa isang mas maagang petsa.”
Ngunit sinabi ni apostol Juan: “Ako’y kinasihan upang makita ko ang araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Oo, ang aklat ng Apocalipsis ay nakatuon ang pansin, hindi sa nakalipas na kasaysayan, kundi sa isang hinaharap na “araw” na ang Panginoong Jesu-Kristo ay magsisimulang maghari buhat sa langit. Sang-ayon sa Apocalipsis Kabanata 6, ang palatandaan ng “araw ng Panginoon” ay digmaang pandaigdig, malaganap na kakapusan sa pagkain, at nakamamatay na mga sakit. Ang mga pangyayaring nasaksihan sa lupa sa panahon ng ika-20 siglong ito ay kapani-paniwalang patotoo na tayo ay nabubuhay na sa “araw ng Panginoon” sapol noong 1914.—Apocalipsis 6:1-8.a
Sa makasaysayang taóng iyan, pinasimulan ni Jesu-Kristo ang kaniyang pamamahala sa Kaharian. (Apocalipsis 11:15, 18) Ang mababangis na hayop ng Apocalipsis ay mapapatanyag samakatuwid pagkatapos ng petsang iyan. Oo nga, ang mga hayop na ito ay lumalarawan sa mga kaaway ng Diyos na humahadlang sa mga tao sa pagtingin sa Kaharian ng Diyos bilang tanging kaayusan na tutugon sa hangarin ng sangkatauhan sa kapayapaan. Bahagi ng mga kaaway na ito ang isang dragon at tatlong mababangis na hayop. Suriin natin ang mga ito ayon sa pagkakasunud-sunod.
Ang Malaking Dragon
“Narito!” ang bulalas ni Juan, “ang isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sampung sungay.” Ano ba ang inilalarawan ng malaking dragong ito? Si Juan mismo ang nagpapaliwanag na ito’y kumakatawan sa walang iba kundi kay Satanas na Diyablo. Sang-ayon sa pangitain ni Juan, ang dragong ito ay mabangis na sumalansang sa kapanganakan ng makalangit na Kaharian ng Diyos noong 1914. Ang resulta? “Kaya’t inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”—Apocalipsis 12:3, 7-9.
Ipinakikita ni Juan na ito’y magkakaroon ng kakila-kilabot na mga epekto sa sangkatauhan. “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Apocalipsis 12:12) Bagaman dito na lamang naririto sa kapaligiran ng lupa, si Satanas ay disidido pa rin na hadlangan ang natatatag na Kaharian ng Diyos. Kaniyang ginagawa ito sa pamamagitan ng pandaraya sa sangkatauhan, anupa’t ginagamit niya ang tatlong mababangis na hayop. Talakayin natin ang paglalahad ni Juan tungkol sa una sa mga hayop na ito.
Ang Hayop na Umaahon sa Dagat
“Nakita ko ang isang mabangis na hayop na umaahon sa dagat, na may sampung sungay at pitong ulo . . . Ngayon ang mabangis na hayop na aking nakita ay tulad ng isang leopardo, ngunit ang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang bibig ay gaya ng bibig ng leon. At ang dragon ay nagbigay sa mabangis na hayop ng kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang trono at ng dakilang kapamahalaan.”—Apocalipsis 13:1, 2.
Ano ba ang inilalarawan ng dambuhalang hayop na ito? Si Juan ay kinasihan na magbigay ng mahalagang pahiwatig para makilala ito: “Binigyan siya ng kapamahalaan sa bawat angkan at bayan at wika at bansa.” (Apocalipsis 13:7) Ano ba ang may kapamahalaan sa bawat taong nabubuhay sa lupa? Iisang bagay lamang: ang pambuong daigdig na pamamalakad ng makapulitikang pamamahala. Ang pamamalakad bang ito ay talagang tumatanggap ng kapamahalaan sa “dragon,” si Satanas? Ang Bibliya ang sumasagot ng oo. Halimbawa, sinabi ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” Hindi nga kataka-takang nang tinutukso ni Satanas si Jesus sa ilang ay alukin siya nito ng kapamahalaan sa “lahat ng kaharian sa tinatahang lupa,” at ang sabi pa: “[Itong kapamahalaang ito] ay naibigay na sa akin.”—1 Juan 5:19; Lucas 4:5, 6.
Ano, naman, ang inilalarawan ng pitong ulong iyon? Sa Apocalipsis 17, kay Juan ay ipinakita ang isa pang dambuhalang mabangis na hayop na halos isang larawan ng isang ito. Ito rin naman ay may pitong ulo. Ang ulo ng larawang iyon ay ipinaliwanag bilang kumakatawan sa “pitong hari,” o pandaigdig na mga kapangyarihan, na “ang lima’y bumagsak na, isa ang umiiral, at yaong isa pa ay hindi pa dumarating.” (Apocalipsis 17:9, 10) Limang pandaigdig na mga kapangyarihan ang bumangon sa kasaysayan ayon sa Bibliya bago noong kaarawan ni Juan: Ehipto, Asiria, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Ang Roma, na ikaanim, ay nasa kapangyarihan pa rin nang si Juan ay nabubuhay pa.
Ano ba iyong ikapitong ulo? Yamang ang pangitain ay may kinalaman sa “araw ng Panginoon,” tiyak na tumutukoy ito sa pandaigdig na kapangyarihan na nakatayo sa makapangyarihang puwesto ng Roma sa panahon ng mga huling araw na ito sapol noong 1914. Isinisiwalat ng kasaysayan na ito ay isang dalawahang kapangyarihang pandaigdig na binubuo ng Britaniya at ng Estados Unidos ng Amerika. Bago sumapit ang 1914, ang Britaniya ay nakapagtayo ng pinakamalaking imperyo na nasaksihan kailanman ng daigdig. Noong panahon ng ika-19 na siglo, ito’y nagtatag din naman ng matitibay na diplomatiko at pangkomersiyong pakikipag-ugnayan sa Estados Unidos. Ang dalawang bansang ito ay naging magkaalyada noong Digmaang Pandaigdig I at II, at ang kanilang natatanging relasyon ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Noong 1982, ang Pangulong Reagan ng Estados Unidos ay nagtalumpati sa parliamento ng Britaniya tungkol “sa kanilang matalik na pagkakaibigan.” Hindi pa gaanong natatagalan, noong Pebrero 1985, ang punong ministro ng Britaniya ay nagtalumpati sa dalawang kapulungan ng Kongreso ng Estados Unidos at ang sabi: “Harinawang ang ating dalawang magkaibigang bansa ay magkasamang sumulong . . . matatag sa layunin, nagkakaisa sa pananampalataya, . . . habang tayo’y palapit sa ikatlong milenyo ng panahong Kristiyano.”
Dahilan sa malaking impluwensiya nito sa pamamalakad ng daigdig, ang Anglo-Amerikanong magkasamang kapangyarihang pandaigdig ay inilalarawan na magkabukod sa aklat ng Apocalipsis. Paano? Sa pamamagitan ng ikalawa sa mababangis na hayop ng Apocalipsis.
Ang Hayop na Umaahon sa Lupa
“At nakita ko ang isa pang mabangis na hayop,” ang isinulat ni Juan, “na umaahon sa lupa, at ito’y may dalawang sungay na gaya ng isang kordero, subalit nagsimulang magsalita na gaya ng isang dragon.” Sa pag-aangkin na siya’y Kristiyano at hindi agresibo, ang Anglo-Amerikanong kapangyarihang pandaigdig ay nag-aanyong tulad-kordero. Ngunit ang totoo’y kumikilos ito na gaya ng isang dragon. Sa paano? Ginawa niyang kaniyang mga kolonya ang maraming bansa at may kasakimang pinagsasamantalahan niya ang mga likas na kayamanan ng lupa. Gayundin, “pinapangyayari niya na ang lupa at yaong mga tumatahan dito ay sumamba sa unang mabangis na hayop, na ang sugat na ikamamatay ay gumaling. At ito . . . ay nagsasabi sa mga tumatahan sa lupa na sila’y gumawa ng larawan sa mabangis na hayop.” (Apocalipsis 13:3, 11-15) Paano nga natupad ito?
Ang pambuong daigdig na pamamalakad pulitika ni Satanas ay dumanas ng “sugat na ikamamatay” noong unang digmaang pandaigdig. Upang ang ganiyan ay huwag nang mangyaring uli, ang Britaniya at Amerika ay nagtaguyod ng “pagsamba” sa pamamalakad pulitika. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagpapangyari na ang mga bansa ay “gumawa ng larawan sa mabangis na hayop.” Paano nga nangyari ito?
Nang magtatapos na ang unang digmaang pandaigdig, ang Pangulong Wilson ng Estados Unidos ay nagsimula ng isang krusada para sa pagtataguyod sa bagong kamumungkahing Liga ng mga Bansa. Sa layuning ito, sinabi niya sa mga delegado sa Paris Peace Conference noong 1919: “Ang mga kinatawan ng Estados Unidos ay sumusuporta sa dakilang proyektong ito para sa isang Liga ng mga Bansa. Ating itinuturing ito na pinakasusi ng buong programa na nagpapahayag ng ating layunin . . . sa digmaang ito. . . . Narito tayo upang saksihan, sa maikli, na ang mismong mga pundasyon ng digmaang ito ay naalis na.”
Pagkatapos ng talumpati ng Pangulong Wilson, walang iba kundi ang punong ministro ng Britaniya, si Lloyd George, ang nangusap: “Tumitindig ako upang pangalawahan ang resolusyong ito. Pagkatapos ng dakilang talumpati ng Pangulo ng Estados Unidos inaakala ko na hindi na kailangan ang mga pagmamasid upang mapasang-ayon ang Komperensiya sa resolusyong ito, at aking . . . ipinahahayag na lubusang sumasang-ayon ang mga mamamayan ng Imperyo ng Britaniya sa mungkahing ito.”
Nang malaunan noong taon ding iyon, sa isang pulong sa London upang sumuporta sa pagtitibaying Liga ng mga Bansa, isang liham ang binasa galing sa Hari ng Gran Britaniya: “Tayo’y nagtagumpay sa digmaan. Ito’y isang dakilang tagumpay. Subalit hindi pa ito sapat. Tayo’y lumaban upang kamtin ang isang walang hanggang kapayapaan, at ating pinakadakilang tungkulin na gumawa ng lahat ng hakbang upang ito’y makamtan. Sa layuning iyan, walang higit na mahalaga kaysa isang matibay at mananatiling Liga ng mga Bansa. . . . Aking inirirekomenda ito sa lahat ng mga mamamayan ng Imperyo, upang, sa tulong ng lahat ng iba pang mga tao na may mabuting loob, isang moog at isang tiyak na tanggulan ng kapayapaan, sa ikaluluwalhati ng Diyos . . . ang matatag.”
Noong Enero 16, 1920, ang Liga ng mga Bansa ay itinatag na may miyembrong 42 mga bansa. Noong 1934 ang miyembro nito ay 58 mga bansa. Ang dalawang sungay na hayop na umaahon sa lupa ay nagtagumpay na hikayatin ang daigdig na “gumawa ng larawan sa mabangis na hayop.” Ang larawang ito, o kumakatawan sa pambuong daigdig na pamamalakad pulitika ni Satanas, ay isinasagisag ng katapusang hayop sa Apocalipsis.
Ang Matingkad-pulang Hayop
Narito ang paglalahad ni Juan tungkol sa katapusang hayop na ito: “Isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop na punô ng mga pangalang mapamusong at may pitong ulo at sampung sungay.” Tungkol sa hayop na ito, si Juan ay sinabihan: “Ang mabangis na hayop na nakita mo ay naging siya, ngunit wala na, gayunman ay halos aahon na buhat sa kalaliman, at ito’y patungo sa pagkawasak. . . . Siya ay isa ring ikawalong hari.” (Apocalipsis 17:3, 8, 11) Bilang katuparan ng inihulang ito, ang Liga ng mga Bansa ay kumilos na tulad ng isang kapangyarihang pandaigdig sa larangan ng daigdig. Gayumpaman, hindi nahadlangan nito ang Digmaang Pandaigdig II na nagsimula noong 1939. Ang hayop ay nawala, wika nga, at nagtungo sa kalaliman.
Noong Digmaang Pandaigdig II, ang Anglo-Amerikanong kapangyarihang pandaigdig ay puspusang nagsikap na buhayin ang internasyonal na organisasyong iyon. Noong 1941 ang punong ministro ng Gran Britaniya, si Winston Churchill, ay lihim na nakipagpanayam kay Pangulong Franklin Roosevelt ng Estados Unidos sa isang barko sa karagatang Atlantiko. Sila’y gumawa ng magkasanib na deklarasyon tungkol sa “kanilang mga pag-asa para sa isang lalong mainam na kinabukasan para sa daigdig” at “sa pagtatatag ng isang lalong malawak at permanenteng sistema ng pangkalahatang katiwasayan.” Nang sumunod na taon sa Washington, D.C., 26 na bansa ang sumang-ayon sa mungkahing ito ng Anglo-Amerika sa tinatawag na “Deklarasyon ng United Nations.” Ito ay humantong sa paglikha sa organisasyon ng United Nations noong Oktubre 24, 1945. Ang hayop na matingkad-pula ay umahon na sa kalaliman na taglay ang isang bagong pangalan. Sa kasalukuyan, 159 na mga bansa ang kaanib sa organisasyong ito, na, sang-ayon sa kanilang inaasahan, patuloy na magpapairal sa ngayo’y umiiral na pamamalakad ng makapulitikang pamamahala ng tao.
Datapuwat, tinatabig ng lahat na ito ang Mesianikong Kaharian ng Diyos, na itinatag sa langit noong 1914. Bawat tao sa lupa ay kailangang pumili kung ang itataguyod niya’y ang pamamahala ng Diyos o ang pamamahala ng tao. Hindi na magtatagal, ang matingkad-pulang hayop, kasama na ang lahat ng mga pamahalaan ng tao, ay makikipagbaka sa inilagay na ng Diyos na Hari, si Jesu-Kristo. Ang resulta? “Dahilan sa siya’y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng hari, ang Kordero [si Jesu-Kristo] ay magtatagumpay sa kanila.” Oo, ang matingkad-pulang hayop kasama ang buong sistema ng mga gobyerno ng tao ay ‘tutungo sa pagkawasak.’—Apocalipsis 17:11, 14; tingnan din ang Daniel 2:44.
Ano ngang laking pagpapala sa panahong iyon kung tayo’y hindi nadaya ng dragon at ng kaniyang tatlong mababangis na hayop! Yaong mga nagpatunay na sila’y tapat na mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay makakaligtas upang maging bahagi ng “bagong lupa.” At “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Kung gayon, kayo’y pasakop sa Kaharian ng Diyos, ang tanging mabisang pamahalaan sa daigdig. Kung makagayon, kayo man ay mapapahanay sa mga magtatamasa ng walang hanggang mga pagpapalang ito.
[Talababa]
a Ang puntong ito ay tinalakay nang lalong detalyado sa Enero 1 at Enero 15 mga labas ng Ang Bantayan.