Ang Mababangis na Hayop ng Apocalipsis—Bakit Dapat Basahin ang Tungkol sa Kanila?
APOCALIPSIS! Iyan ang isa sa kapuna-punang mga pangalan na ibinigay sa huling aklat ng Bibliya. Ito’y tinatawag din na aklat ng Paghahayag (Revelation). Ang aklat ay punô ng buong linaw na mga paglalarawan, isa na rito’y yaong tungkol sa isang dragon at sa tatlong mababangis na mga hayop. Anong laking pagkasindak ang idinudulot sa iba ng mga hayop na ito. Para naman sa mga iba ito ay guniguni lamang ng isang matandang lalaki. Bakit, kung gayon, dapat mong basahin ang tungkol sa mga mababangis na hayop sa Apocalipsis? Sapagkat kasangkot ang iyong kaligayahan.
Totoo, si apostol Juan ay isa nang matanda nang kaniyang isulat ang aklat ng Apocalipsis halos 1,900 taon na ang nakalipas. Gayunman, ibig bang sabihin niyan ay mga guniguni lamang ng isang matandang ulianin ang gayong mga hayop? Hindi, at si Juan ay hindi siyang unang-unang matanda na nagkaroon ng gayong mga pangitain. Isang lalaki na nagngangalang Daniel ang nagkaroon din ng mga pangitain ng mababangis na hayop nang siya’y matanda na, at ang mga pangitaing ito ay napatunayan na wastong mga hula ng mga pagbabago sa pamahalaan ng tao. (Daniel, kabanata 7 at 8) Isa pa, si Daniel ay itinuring mismo ni Jesu-Kristo bilang kinasihan ng Diyos, at siya’y tinawag na isang propeta at ang kaniyang mga isinulat ay sinipi ni Jesus.—Mateo 24:15.
Binanggit ni Jesus na ang kaniyang mga apostol ay tatanggap ng karagdagang kinasihang mga instruksiyon pagkamatay niya. (Juan 16:12, 13) At yamang maraming bahagi ng aklat ng Apocalipsis ang natupad na sa isang kamangha-manghang paraan, matitiyak natin na ang mga pangitain ni apostol Juan ng mababangis na hayop ng Apocalipsis ay kinasihan din naman ng Diyos.—2 Timoteo 3:16.
Ang pambungad ng aklat ng Apocalipsis ay nagsasabi: “Isang Pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay sa kaniya ng Diyos . . . At kaniyang sinugo ang kaniyang anghel at inihatid iyon bilang mga sagisag sa pamamagitan niya sa kaniyang aliping si Juan.” (Apocalipsis 1:1) Kung gayon, ang mga larawan sa aklat ng Apocalipsis, kasali na yaong sa mababangis na hayop, ay simboliko, hindi literal. Hindi ka dapat matakot pagka binabasa mo ang tungkol sa mga ito. Ang simbolikong mababangis na hayop na ito ay nagbibigay sa mga Kristiyano ng mahalagang kaalaman, napangyayari na maingatan nila ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Sa gayon, si apostol Juan ay sumulat: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at silang nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad ng mga bagay na nakasulat dito; sapagkat ang itinakdang panahon ay malapit na.” Oo, ang iyong pagkaunawa sa mga simbolong ito ay makapagdudulot sa iyo ng kaligayahan ngayon at sa hinaharap.—Apocalipsis 1:3.