Si Belsasar—Prinsipeng Eredero o Hari?
MGA iskolar ng Bibliya ang matagal nang nagtatalu-talo tungkol kay Belsasar. Sang-ayon sa Bibliya sa aklat ng Daniel, “si Belsasar na hari” ay nagpuno sa Babilonya, at nagdaraos siya ng isang malaking pigingan nang itinadhanang gabing iyon noong 539 B.C.E. nang ibagsak ni Ciro na Persiano ang lunsod. (Daniel 5:1) Ang problema ay na ang Bibliya lamang ang bumabanggit sa pangalan ni Belsasar. Ito’y hindi makikita sa mga ibang naunang kasaysayan at iniuulat ng mga ito na ang hari ng Babilonya sa panahong iyon ay si Nabonidus. Ito ay itinuturing ng marami na ebidensiya na ang aklat ng Daniel ay walang kinalaman sa kasaysayan at marahil naisulat makalipas ang mga ilang siglo pagkatapos bumagsak ang Babilonya.
Datapuwat, ang ganiyang pasiya ay di napapanahon. Sang-ayon sa isang artikulo ni Alan Millard sa Biblical Archaeology Review (Mayo/Hunyo 1985), noong 1854 ay nakuha sa Iraq ang isang sulat na may taglay na panalangin na humihiling na bigyan sana ng mahabang buhay at mabuting kalusugan si Nabonidus at ang kaniyang panganay na anak na lalaki. Ang pangalan ng kaniyang anak na ito? Belsasar! Samakatuwid ay mayroong isang nagngangalang Belsasar sa Babilonya! Sapol noong 1854, marami pang mga ibang sulat na natuklasan na nagpapatunay rito. Gayunman, wala sa mga sulat na ito ang nagbibigay ng titulong hari kay Belsasar. Sila ay tumutukoy sa kaniya bilang ang anak ng hari o ang prinsipeng eredero. Sa gayon, sinasabi ng mga kritiko na ang manunulat ng Daniel ay nagkamali sa paggamit sa pananalitang “si Belsasar na hari.”
Subalit, dito man naman, ay nagkakamali sila. Paano natin nalalaman? Unang-una, sang-ayon kay Alan Millard, nakahukay ng legal na mga dokumento mula ng panahong iyon na doo’y may mga nanunumpa sa ngalan ni Nabonidus at ni Belsasar. Bakit ito makahulugan? Sapagkat ang kaugalian noon ay manumpa ang mga parti-partido sa ngalan ng mga diyos at sa ngalan ng hari. Ang panunumpa sa ngalan ni Belsasar ang tanging kataliwasan dito, samakatuwid si Belsasar ay maliwanag na may natatanging katungkulan. Sa katunayan, lumilitaw na si Belsasar ay nagharing mag-isa sa Babilonya sa loob ng maraming taon samantalang ang kaniyang ama ay doon nanirahan sa may sariwang damuhan ng Teima sa hilagang Arabia. Sa loob ng panahong ito, ayon sa isang tableta na ngayo’y naroroon sa British Museum, “ipinagkatiwala [ni Nabonidus] ang paghahari kay” Belsasar.
Kung gayon, bakit sa opisyal na mga sulat ay tinatawag siya na “prinsipeng eredero” samantalang sa aklat ng Daniel ay ginagamit ang terminong “hari”? Sa hilagang Syria ay nakatuklas ang mga arkeologo ng kasagutan dito. Noong 1979 isang malaking estatuwa ng hari ng sinaunang Gozan ang nahukay roon. Sa gawing ibaba nito ay may dalawang sulat, isa sa Asirio at ang isa naman ay sa Aramaiko. Ang dalawang sulat, bagama’t halos magkapareho, ay may humigit-kumulang isang interesanteng pagkakaiba. Ang teksto na isinulat sa wika ng mga namiminunong Asirio ay nagsasabi na ang hari na kumakatawan sa estatuwang iyon ay “ang gobernador ng Gozan.” Ang teksto sa Aramaiko, ang wika ng mga mamamayan doon, ay bumabanggit sa kaniya bilang “hari.”
Nahahawig dito, bilang konklusyon ay sinabi ni Alan Millard na samantalang sa opisyal na mga sulat ay tinutukoy si Belsasar na prinsipeng eredero, “marahil ay itinuturing na ayos naman para sa gayong di-opisyal na mga rekord na gaya na nga ng Aklat ng Daniel na tawaging ‘hari’ si Belsasar. Siya’y gumanap ng tungkulin bilang hari, ang kinatawan ng kaniyang ama, bagama’t maaaring hindi siya ang legal na hari. Ang tiyakang pagkakaibang iyan ay kaypala walang kawawaan at nakakalito kung tungkol sa istorya na nalalahad sa Daniel.”
Lahat na ito ay nagbabangon ng tanong na: Kung talagang ang aklat ng Daniel ay isinulat mga siglo na ang nakalipas pagkatapos na bumagsak ang Babilonya, papaano nga nalaman ng awtor na ito ang tungkol kay Belsasar, na kinaligtaan ng mga ibang historiador? At bakit kaniyang tinawag siya na “hari,” bilang pagsunod sa isang kaugalian na nauunawaan noon nang si Belsasar ay nabubuhay pa ngunit nakalimutan noong lumipas na mga siglo pagkatapos? Tunay, ang pagbanggit sa aklat ng Daniel kay “Belsasar na hari” ay matibay na ebidensiya na ang aklat ay isinulat nga ng isang tao na nabuhay sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E.