Ang Pagsupil sa Galit—Mo at ng Iba
TAYO’Y nabubuhay sa isang lipunan na nakahilig sa pagkagalit. Ang buhul-buhol na mga trapik, nagkakasalu-salungatan at nagbabagong mga pamantayan, mga di-pagkakaunawaan, kaapihan, o iba pang mga kabiguan sa araw-araw na pamumuhay ang sanhi ng maraming kaigtingan. Ang kaigtingan ay natitipon, at halos ang sinuman ay mayroong hangganan sa kaniyang pasensiya. Kung gayon, dapat tayong matuto na magrelaks. Maaari nating salubungin ang bawat araw na taglay ang positibong saloobin—mapasensiya, mapagparaya, at palatawa. Karamihan sa atin ay may pamilya na nagmamahal sa atin. Ang mga Kristiyano ay mayroon ding tapat na mga kapananampalatayang Kristiyano sa kongregasyon, at higit sa lahat, mayroon silang mapagmahal na Pastol, ang Diyos na Jehova. Kung gayon, hindi kailangan na mangamba sa isang karaniwang sanhi ng galit: ang pagkadama na ikaw ay nag-iisa, abandonado.—Awit 23:1-6; Hebreo 13:5, 6.
Datapuwat, sakaling tayo’y makaramdam ng galit o kaya’y mapaharap sa isang taong nagagalit, dapat na supilin natin iyon sa wastong paraan upang mapanatili ang ating kaligayahan at pagkapanuto. Paano? Ang Bibliya’y nagsasabi sa atin: “Siyang mabagal magalit ay mas maigi kaysa isang taong makapangyarihan, at siyang nagpipigil ng kaniyang diwa ay mas maigi kaysa isang sumasakop sa isang siyudad.” (Kawikaan 16:32) Sa halip na padalus-dalos na magpasiyang magbuhos ng galit, pag-isipan natin ang posibleng kahihinatnan ng ating mga kilos. Ang pagbilang ng hanggang sampu ay maaaring humadlang sa atin ng paggawa ng isang bagay na sa bandang huli’y pagsisihan natin.—Kawikaan 14:17.
Kung tayo’y nagagalit at hindi na natin alam kung bakit, mapakumbaba at may pagkapalagay-loob na humingi tayo ng tulong. Ang pagpapahayag sa iba, lalo na sa mga umiibig sa atin, ng ating pangamba o pangangailangan ng tulong ay hindi kahinaan; ito ang landas ng karunungan at tibay ng loob. Pagkatapos ay maaari nating alamin ang pinaka-ugat ng problema. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Nabibigo ang mga panukala kung saan walang de kompiyansang mga pag-uusap, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.”—Kawikaan 15:22.
Ang pagsisikap nating maunawaan ang mga dahilan kung bakit ang iba’y kumikilos nang gaya ng ikinikilos nila ay tutulong sa atin upang masupil ang ating sariling emosyonal na pagkilos. Isa pa, kung tayo’y sasagot sa isang taong nagagalit, “Naiintindihan ko po kung bakit kayo nagagalit,” baka agad lumamig ang kaniyang ulo. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Ang bait ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.”—Kawikaan 19:11.
Kung sa di-sinasadya’y nasaktan natin ang sinuman, kailangan na tayo’y humingi ng paumanhin sa kaniya. Halimbawa, kung mayroong sinuman na makatapak sa daliri ng iyong mga paa, marahil ay magagalit ka. Ngunit kung siya’y humingi ng paumanhin, nawawala ang iyong galit. Baka masakit pa ang mga daliri ng iyong paa, subalit ang iyong dignidad ay iginagalang. Gayundin naman, ang mabuting asal natin kasama na ang pagkamagalang at ang pagiging palatawa, ay maaaring pumawi ng galit at mapananatiling tayo’y iginagalang ng ating kabiyak, mga anak, mga kaibigan, at mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano.—Kawikaan 16:24; Colosas 4:6; 1 Pedro 3:8.
Sa pakikitungo sa isang situwasyon na nagpapagalit sa atin, nakatutulong kung maalam tayong magsalita tungkol sa ating galit nang hindi inaatake yaong kabilang panig. May malaking pagkakaiba ang berbal na pagbubunganga (“Tanga!” o, “Masusuntukin kita eh!”) at pagpapahayag ng galit ng isa (“Totoong nagdaramdam ako” o, “Ako’y nasaktan”). Ang berbal na pagbubunganga ay kadalasan nang bigo sapagkat pinupukaw nito yaong kabilang panig na gumanti, samantalang ang pagpapahayag ng iyong damdamin ay hindi gasinong isang pag-atake at yaong kabilang panig ay maaaring maudyukan na humingi ng paumanhin. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakakasakit ay humihila ng galit. Ang taong mainit ang ulo ay humihila ng pagtatalo, ngunit siyang mabagal sa pagkagalit ay pumapayapa ng pagkakagalit.”—Kawikaan 15:1, 18.
Ang Matuwid na Galit
Para sa karamihan sa atin natural lamang na makadama ng galit paminsan-minsan. Ang Bibliya ay nagsasabi na kahit na si Jehova ay nakadarama ng galit. (Zefanias 2:2, 3; 3:8) Kaya hindi naman kataka-taka na ang tao, na ginawa ayon sa Kaniyang wangis, ay makaranas ng ganoon ding damdamin. (Genesis 1:26) Kung gayon, ang pagkadama ng galit ay hindi naman isang kasalanan sa ganang sarili.
Gayunman, pagka si Jehova ay nagagalit, iyon ay laging may wastong dahilan: Nilabag ang matuwid na mga simulain. At ang kaniyang tugon ay sa tuwina’y tamang-tama at lubos na kontrolado niya. Iba naman kung tungkol sa di-sakdal na mga tao. Malimit na tayo ay nagagalit dahilan sa nasaktan ang ating pride o dahilan sa mga iba pang kahinaan ng tao. Kaya naman kailangan ang pag-iingat sa paraan ng pakikitungo natin sa ating galit. Gaya ng babala ni apostol Pablo: “Kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala; huwag lubugan ng araw ang inyong galit ni bigyan-daan man ang Diyablo.” (Efeso 4:26, 27) Oo, baka samantalahin ni Satanas ang ating walang pagpipigil na pagkagalit. Sa katunayan, “ang mga silakbo ng galit” ay kabilang sa “mga gawa ng laman” na hahadlang sa isang tao sa pagmamana ng Kaharian ng Diyos.—Galacia 5:19-21.
Kaya naman ang alagad na si Santiago ay nagpayo: “Alamin ito, mahal kong mga kapatid. Bawat tao ay kailangang . . . mabagal tungkol sa pagkagalit; sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.” (Santiago 1:19, 20) Kahit na kung ang ating galit ay may makatuwirang dahilan, dahil sa di natin kasakdalan ay baka tayo kumilos sa isang maling paraan na walang pagpipigil. Kung gayon, laging lumakad tayo ayon sa alituntunin na: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” (Roma 12:19) Alalahanin, din naman, na bilang di-sakdal na mga tao, baka tayo ay mali. Samakatuwid, mapanganib na agad hatulan natin ang iba sa ngalan ng matuwid na pagkagalit.—Santiago 2:13; 4:11, 12; 5:9.
Sang-ayon sa Kasulatan, tayo’y nabubuhay sa panahon ng kawakasan. Sa mga huling araw na ito, “ang mga bansa ay nangagalit” laban sa Kaharian ng Diyos, at ang Diyablo ay may “malaking galit, sa pagkaalam niya na mayroon siyang isang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 11:17, 18; 12:10-12) Samakatuwid, ang ating pamumuhay ayon sa Salita ng Diyos ang tanging tunay na tagapag-ingat sa atin. (Awit 119:105) Hindi na magluluwat at ang Diyos ay maggagawad ng hatol sa mga bansa, at ang lupa ay lilinisin sa lahat ng kalikuan. (Isaias 35:10; 65:23; Mikas 4:3, 4) Samantala, kailangang tiyakin natin na huwag tumulad sa mga lakad ng nagagalit na sanlibutang ito. Ang tumpak na pagsupil sa ating galit ay tutulong upang mapanatili ang pag-iibigan ng mag-asawa, ang pagkakaisang Kristiyano, at ang personal na kapayapaan at kaligayahan natin. At pinakamahalaga, ito’y tutulong sa atin na patuloy na tamasahin ang pabor at pagpapala ng Diyos na Jehova.—Awit 119:165.