Ang Galit—Ano Ito?
“SA PAMAMAGITAN ng pagsupil sa iyong bigay-Diyos na talento sa galit, pinapatay mo ang iyong sarili.” Ganiyan ang babala ng isang artikulo na sinipi sa magasing Newsweek. Sa loob ng mga taon, malinaw na, maraming mga sikologo ang nagtanyag sa ideya na ang galit na sinusugpo ay maaaring maging sanhi ng mga karamdaman na gaya ng alta presyon, sakit sa puso, panlulumo, pagkabalisa, at alkoholismo.
Ang Bibliya, sa kabilang panig, ay nagpayo sa loob ng libu-libong taon: “Maglikat ka ng pagkagalit at pabayaan mo ang poot.” (Awit 37:8) Diretso sa punto ang rikonosi ng Bibliya: “Huwag kang magagalitin sa iyong kalooban: sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.”—Eclesiastes 7:9, King James Version.
Sino ba ang tama, ang mga sekular na eksperto o ang Bibliya? Ano nga bang talaga ang galit? Ang pagbibigay-daan ba sa galit ay makabubuti sa atin?
Ang Pagbubulalas ng Galit
Ang “galit” ay isang pangkalahatang termino na tumutukoy sa isang matinding damdamin o reaksiyon ng di-pagkalugod at antagonismo. Mayroon pa ring mga ibang salita na nagsisiwalat ng antas ng galit o kung paano ito ibinubulalas. Ang poot ay nagpapahiwatig ng isang napakatinding galit. Ang fury o matinding galit ay maaaring makapagpahamak. Ang indignation ay maaaring tumukoy sa galit ng dahil sa isang matuwid na kadahilanan. At ang wrath o isang napakatinding pagkapoot ay kalimitang nagpapahiwatig ng paghihiganti o pagpaparusa.
Ang galit ay karaniwan nang espisipiko: Tayo’y nagagalit tungkol sa isang bagay. Subalit kung paano natin ipinahahayag ang galit o kung paano pinakikitunguhan ito ay may malaking pagkakaiba.
Kapuna-puna, bagaman iginigiit ng mga ibang eksperto na ang pagbubulalas ng galit ay kapaki-pakinabang, ipinakikita ng mga pag-aaral ng mga sikologo kamakailan na maraming tao na nagbibigay-daan sa galit ang nagpapawalang-halaga sa sarili, nanlulumo, nakadarama na sila’y may pagkakasala, nakadarama ng patuloy na namumuong pagkagalit, o pagkabalisa. Isa pa, “ang pag-aarya niyaon sa dibdib,” o “pag-aarya ng galit,” na marahil may kasabay na silakbo ng damdamin, pagtili, pag-iyak, o dili kaya’y pananakit, ay karaniwan nang lumilikha ng higit pang mga problema imbis na malutas ang problema. Ang taong nagagalit ay lalong nagagalit, at lalo namang nasasaktan ang damdamin ng iba.—Kawikaan 30:33; Genesis 49:6, 7.
Pagka tayo’y nagsisigaw at humihiyaw sa galit, kadalasan ay hindi naman natin nakukuha ang mga resultang inaasahan natin sapagkat yaong taong kinapopootan natin ay kadalasan napupukaw na gumanti. Halimbawa, ipagpalagay natin na samantalang ikaw ay nagmamaneho ng iyong kotse, may isang tsuper na gumagawa naman ng isang bagay na nakayayamot sa iyo. Iyong tinutugon ang gayong kilos, ikaw ay sumisigaw at patuloy ang iyong pagbusina. Ang gayong paggawi mo ay madaling makapupukaw sa kinamumuhian mo upang gumanti. Kung minsan, patayan ang naging resulta ng gayong situwasyon. Halimbawa, isang lalaki sa Brooklyn, New York, ang napatay samantalang nakikipagtalo tungkol sa isang lugar sa paradahan sa isang kalye. Sa Bibliya’y itinatampok ang problemang iyan sa pagsasabing: “Ang taong magagalitin ay humihila ng away, at ang taong mainitin ang ulo ay maraming pagkakasala.” (Kawikaan 29:22) Anong inam nga na sundin ang payo: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. . . . Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao”!—Roma 12:17, 18.
Kung gayon, ang pagbubulalas ng ating galit ay hindi tumutulong sa atin sa sosyal na paraan. Subalit ito kaya’y makabubuti sa atin sa pisikal na paraan? Ang konklusyon ng mga ilang doktor ay na hindi ito nakatutulong. Ipinakikita ng mga ginawang pag-aaral na ang mga taong magagalitin ang malimit na may alta presyon. Sang-ayon sa ulat ng ilan sa kanila ang galit ay lumikha ng iregularidad sa pagpintig ng puso, ng sakit ng ulo, pagdurugo ng ilong, pagkahilo, o hindi pangungusap nang malinaw. Sa kabilang panig naman, ang Bukal ng ating buhay ay nagpapaliwanag: “Ang kalmadong puso ay siyang buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mapapayapa, sapagkat sila’y tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’”—Mateo 5:9.
Mga Sanhi ng Galit
Ang mga ilang sanhi ng galit ay ang mga pag-atake sa ating pagpapahalaga sa sarili, personal na kritisismo, insulto, masamang trato, at pagkasiphayo na walang dahilan. Pagka ang mga tao’y nagagalit, sila’y naghahatid ng isang matinding mensahe: “Iyong pinagbabantaan ang aking kaligayahan at seguridad! Sinasaktan mo ang aking pride! Ninanakawan mo ako ng paggalang-sa-sarili! Pinagsasamantalahan mo ako!”
Kung minsan ginagamit ng mga tao ang galit upang pagtakpan ang isang bagay. Halimbawa, isang 14-anyos na binatilyo sa New York City ang palagi nang nagagalit at sa tuwina’y nakikipag-away. Sa tulong ng isang doktor, inamin ng binatilyong ito sa wakas na: “Kailanma’y hindi ako nagsasabi ng, okey, ako’y nangangailangan ng tulong, ibig kong mayroon akong makausap . . . Ikaw ay nangangamba na hindi ka magugustuhan ng mga tao.” Samakatuwid, ang talagang ibig niya ay bigyan siya ng atensiyon at mahalin siya.
Isang mag-asawa sa California ang nag-aaway pagka dinalaw ng asawang babae ang kaniyang kaibigang babae. Ang galit naman ng asawang lalaki ay pumupukaw ng ganoon ding reaksiyon sa asawang babae. Sa isang sesyon tungkol sa pagpapayo, sa wakas ay sinabi ng lalaki sa asawa niya ang isang bagay na kailanma’y hindi pa niya nasasabi kaninuman. Pagka raw ang kaniyang maybahay ay lumalabas na hindi siya kasama, kahit na sandali, sa kalooban ng lalaking ito ay nangangamba siya na baka tuluyang iwanan siya ng kaniyang asawang babae dahil sa ganoon ang ginawa ng ama ng lalaking ito nang siya’y iwanan nang nasa kabataan pa siya. Nang maunawaan ng asawang babae ang dahilan ng pagkagalit ng kaniyang asawa—ang pangamba na baka siya tuluyang iwanan—ito ang nakatulong sa babae upang huwag nang magalit sa asawang lalaki at patunayan sa lalaki na kaniyang minamahal ito.
Kung gayon, ang galit ay maaaring isang sintomas. Sa ganiyang mga kaso, sa pamamagitan ng pag-alam ng sanhi nito, malalaman natin kung paano natin haharapin ito sa wastong paraan.
[Larawan sa pahina 4]
Ang mga ibang doktor ay bumuo ng konklusyon na ang pagbubulalas ng galit ay masama sa kalusugan