Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Isang Pinuno ang Nangusap Nang Buong Linaw
NAKAPAGPAPALAKAS ng loob na malaman na mayroon pa ring mga tao na nasa matataas na tungkulin sa sanlibutang ito na umiibig sa pagtatapat at katarungan at nagsasalita ng kanilang niloloob upang maitaguyod ang mga katangiang ito. Ang isang halimbawa nito ay yaong isang pinuno sa isang bansa sa Aprika na kung saan hinihigpitan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Bayaan nating ilahad iyan ng report:
“Kamakailan iba’t ibang grupo ng relihiyon ang nagdaos ng isang interdenominasyonal na kombensiyon sa aming bayan, at kasali na rito ang mga Katoliko, Presbiteryano, Pentecostal, at iba pa. Ang Paramount Chief (pinuno) ay inanyayahan na magsalita sa kombensiyon nang malapit ng matapos ang sesyon. Sa ikinamangha ng lahat ng naroroon, sinabi niya sa kanila bukod sa iba pang mga bagay, na tularan ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagiging tapat at may matataas na pamantayang asal, at isinusog pa niya na kung lahat ay katulad ng mga Saksi ni Jehova, magkakaroon ng kapayapaan sa bansa.
“Kinabukasan ang mga pangunahing miyembro ng mga relihiyon na may kinatawan sa kombensiyon ay naparoon sa palasyo ng Chief at mahigpit na tumutol sa bahagi ng kaniyang pahayag na pumuri sa mga Saksi at kanilang tinanong siya kung wala siyang malay na ang mga Saksi ay bawal sa bansang iyon. Ang Chief ay tumugon ng oo ngunit kaniyang sinabi sa kanila na wala naman siyang makitang kapintasan sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y nagpatuloy pa: ‘Sa buong panahon na ako’y Paramount Chief, kailanman ay walang sinuman sa mga Saksi ni Jehova ang dinala sa aking hukuman dahilan sa mga gawang masama. Sa kabilang panig, kung may ninakaw na kamoteng-kahoy sa isang taniman, malimit na ang lumalabas na nagnakaw ay isang Katoliko. Kung may ninakaw na ube, ang nagnakaw ay isang Presbiteryano. Ang mga miyembro ng inyong relihiyon ang dumungis sa aking bansa sa pamamagitan ng aborsiyon, subalit walang isa man sa mga Saksi ni Jehova ang nadala sa aking hukuman dahil sa gayong mga kasalanan. Hindi baga ang mga batas ng Diyos ay nagbabawal ng ganiyang mga kasamaan, o ang mga relihiyon ay hindi na nasasaklaw ng batas ng Diyos?’ Ang mga klerigo ay walang maisagot.
“Nang malaunan, tinawag ng Paramount Chief ang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova at pinayuhan sila na pakaingatan ang kanilang sarili upang huwag mapulaan ang pangalan ng kanilang Diyos at pati ang kaniyang sariling pangalan bilang Paramount Chief na nagsalita alang-alang sa kapakanan ng mga Saksi ni Jehova.”
Sang-ayon sa report ngayon ay marami ng mga baguhan na pumapanig sa katotohanan. Isang Saksi ang nag-ulat na kamakailan siya’y nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa tatlong mga pinuno sa lugar na iyon, at ang isa na nga sa kanila ay ang Paramount Chief, at silang tatlo ay dumadalo na sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova!
Napapansin ng Diyos na Jehova ang mga tao na umiibig sa katotohanan at katuwiran at nagtatanggol sa kaniyang mga lingkod.—Mateo 10:42.