Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ano ang Nagpaparungis sa Isang Tao?
NAG-IBAYO ang pananalansang kay Jesus. Hindi lamang iniwan siya ng marami sa kaniyang mga alagad kundi ang mga Judio sa Judea ay naghahangad na patayin siya, gaya rin nang siya ay nasa Jerusalem noong Paskua ng 31 C.E.
Ngayon ay Paskua ng 32 C.E. Malamang, bilang pagsunod sa kahilingan ng Diyos sa pagdalo, si Jesus ay pumaroon sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskua. Gayunman, siya’y lubhang nagpakaingat dahilan sa nanganganib ang kaniyang buhay. Pagkatapos ay bumalik siya sa Galilea.
Si Jesus ay marahil nasa Capernaum nang lapitan siya ng mga Fariseo at mga eskriba na galing sa Jerusalem. Sila’y humahanap ng dahilan upang maakusahan siya ng paglabag sa mga kautusang relihiyoso. “Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa tradisyon ng mga tao noong sinauna?” ang tanong nila. “Halimbawa, sila’y hindi naghuhugas ng kanilang kamay pagka kakain na.” Ito’y hindi naman kahilingan ng Diyos, subalit itinuturing ng mga Fariseo na isang malubhang kasalanan ang hindi sumunod sa kaugaliang ritwal na ito, na doo’y kasali ang paghuhugas hanggang sa mga siko ng braso.
Imbis na sagutin ang kanilang mga akusasyon, binanggit ni Jesus ang kanilang balakyot at sinasadya na paglabag sa Kautusan ng Diyos. “Bakit naman kayo nagsisilabag sa utos ng Diyos dahilan sa inyong tradisyon?” ang ibig niyang malaman. “Halimbawa, sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’; at, ‘Ang lumapastangan sa ama o sa ina ay mamatay sana siyang walang pagsala.’ Datapuwat sinasabi ninyo, ‘Sinumang magsabi sa kaniyang ama o ina: “Yaong maaaring pakinabangan mo sa akin ay isang kaloob na nakaalay sa Diyos,” hindi niya iginagalang ang kaniyang ama.’”
Oo, itinuturo ng mga Fariseo na ang salapi, ari-arian, o anupamang inialay na kaloob sa Diyos ay pag-aari ng templo, at hindi maaaring gamitin para sa mga ibang layunin. Subalit, sa aktuwal, ang inialay na kaloob ay nasa tao pa rin na nag-alay niyaon. Sa ganitong paraan ang isang anak, sa pamamagitan ng pagsasabi lamang na “corban” ang kaniyang salapi o ari-arian—isang kaloob na nakaalay sa Diyos o sa templo—ay umiiwas sa kaniyang pananagutan na tulungan ang kaniyang matatanda nang mga magulang, na maaaring nasa kahirapan ng buhay.
Palibhasa’y napukaw siyang magalit sa mga Fariseo sa kanilang balakyot na pagpilipit sa Kautusan ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Niwalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon. Kayong mga mapagpaimbabaw, angkop ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyo, nang kaniyang sabihin, ‘Ang bayang ito’y pinararangalan ako ng kanilang mga labi, datapuwat ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang kanilang patuloy na pagsamba sa akin, sapagkat sila’y nagtuturo ng mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.’”
Marahil ang karamihan ng mga tao ay nagsiurong upang magbigay-daan sa mga Fariseo na magtanong kay Jesus. Ngayon, nang walang maisagot ang mga Fariseo sa matinding pagwiwika sa kanila ni Jesus, kaniyang tinawag ang karamihan upang magsilapit. “Pakinggan ninyo ako,” ang sabi niya, “at unawain ninyo ang kahulugan. Walang anumang nasa labas ng katawan ng tao na pagpasok sa kaniya ay makapagpaparungis sa kaniya. Datapuwat ang mga bagay na nagsisilabas sa tao ang nakarurungis sa isang tao.”
Nang magtagal, nang sila’y pumasok sa isang bahay, ang kaniyang mga alagad ay nangagtanong: “Hindi mo ba alam na ang mga Fariseo ay nangatisod nang marinig ang iyong sinabi?”
“Bawat pananim na hindi itinanim ng aking Ama sa langit ay bubunutin,” ang sagot ni Jesus. “Pabayaan ninyo sila. Sila’y mga bulag na tagaakay. Kaya, kung bulag ang umakay sa bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”
Tila mandin nagtaka si Jesus nang, alang-alang sa mga alagad, si Pedro’y humingi ng paliwanag tungkol sa mga bagay na nagpaparungis sa isang tao. “Kayo ba naman ay wala pa ring unawa?” ang tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo nalalaman na lahat ng pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at inilalabas naman sa daanan ng dumi? Datapuwat ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling, at ang mga bagay na ito ang nagpaparungis sa isang tao. Halimbawa, sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, ang mga pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa di-katotohanan, mga pamumusong. Ang mga bagay na ito ang nagpaparungis sa isang tao; subalit ang pagkain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nagpaparungis sa isang tao.”
Dito’y hindi hinahadlangan ni Jesus ang normal na gawang kalinisan. Hindi niya sinasabing hindi na kailangang maghugas ng kamay ang isang tao bago maghanda ng pagkain o kumain ng pananghalian. Bagkus, ang kinukondena ni Jesus ay ang pagpapaimbabaw ng mga pinunong relihiyoso na nagpapaliguy-ligoy upang makaiwas sa matuwid na mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng paggigiit na sundin ang mga tradisyong di-maka-Kasulatan. Oo, ang masasamang gawa ang nagpaparungis sa isang tao, at ipinakikita ni Jesus na ang mga ito’y sa puso ng isang tao nanggagaling. Juan 7:1; Deuteronomio 16:16; Mateo 15:1-20; Marcos 7:1-23; Exodo 20:12; 21:17; Isaias 29:13.
◆ Anong pananalansang ang nakaharap ngayon kay Jesus?
◆ Ano ang ipinaratang ng mga Fariseo, subalit sang-ayon kay Jesus, paano kusang nilalabag ng mga Fariseo ang kautusan ng Diyos?
◆ Ano ang inihayag ni Jesus na siyang mga bagay na nagpaparungis sa isang tao?