Ang Pagkatakot sa Diyos—Mapapakinabangan Mo Ba?
“Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—ECLESIASTES 12:13.
1, 2. (a) Sa ano dapat nakasalig ang ating pagsamba sa Diyos? (b) Subalit, ano pa ang hinihiling ng Diyos? (Deuteronomio 10:12)
ANG pananalita bang “pagkatakot sa Diyos” ay waring kakatuwa kung pakinggan mo? Marami ang may paniwala na kung sila’y talagang umiibig sa Diyos, sila rin naman ay hindi dapat matakot sa kaniya? Talaga bang tayo’y kailangang umibig at matakot sa kaniya. Kung gayon, paano ba natin napapakinabangan ang pagkatakot sa Diyos?
2 Ipinakikita ng Kasulatan na ang ating pagsamba at paglilingkod sa Diyos ay dapat na nakasalig sa pag-ibig. Ito’y niliwanag ni Jesus nang kaniyang sabihin sa atin na ibigin si Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30) Subalit ang kahalagahan ng pagkatakot sa Diyos ay idiniriin din sa kaniyang Salita. Buong diin, tayo’y pinagsasabihan sa Eclesiastes 12:13: “Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” Hindi ba may pagkakasalungatan ang pag-uutos sa atin ni Jehova na tayo’y matakot sa kaniya at kasabay nito’y umibig din sa kaniya?
3. Tungkol sa pagkatakot, ano ang kailangang isaisip?
3 Hindi naman—kung isinasaisip natin na mayroong iba’t ibang uri ng pagkatakot. Pagka iniisip ng mga tao ang pagkatakot, karaniwan nang ang sumasaisip nila ay isang damdamin ng pangingilabot na sumisira ng pag-asa at nakasisira ng loob. Maliwanag, hindi ibig ni Jehova na magkaroon tayo ng ganiyang damdamin tungkol sa kaniya! Ang ibig ng ating makalangit na Ama ay lumapit tayo sa kaniya gaya ng kung paano lumalapit ang isang bata sa kaniyang ama, nagtitiwala na siya’y iniibig ng kaniyang ama at kasabay nito’y natatakot siya na hindi makalugod sa kaniyang tatay. Ang gayong pagkatakot ay tutulong sa atin na manatiling masunurin sa ating makalangit na Ama pagka tayo’y natutukso na gumawa ng mali. Ito ay isang wastong “maka-Diyos na pagkatakot” na kailangang taglayin ng mga Kristiyano.—Hebreo 5:7; 11:7.
4. Anong uri ng pagkatakot ang inaalis ng pag-ibig?
4 Si Jehova ay hindi katulad ng isang hukom na walang damdamin at basta magpaparusa sa kaniyang mga lingkod tuwing sila’y magkakamali. Bagkus, kaniyang iniibig sila at ibig niya na sila’y magtagumpay. Kaya naman kung tayo’y magkakamali o magkakasala, ang pagkatakot kay Jehova ay hindi dapat pumigil sa atin ng pakikipag-usap sa kaniya tungkol dito. (1 Juan 1:9; 2:1) Ang ating mapitagang pagkatakot kay Jehova ay hindi isang pagkatakot na tayo’y mapahiya o tanggihan. Gaya ng mababasa natin sa 1 Juan 4:18: “Walang takot sa pag-ibig, kundi ang sakdal na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay pumipigil.” Gayunman, dahil sa “sakdal na pag-ibig” ay hindi iyon mag-aalis ng matinding pagpipitagan at wastong pagkatakot na kailangang taglay natin kay Jehova bilang ating Maylikha at Tagapagbigay-Buhay.—Awit 25:14.
Isaalang-alang ang Pakinabang
5. (a) Paano lamang makakamit ang karunungan? (b) Ano ang nag-udyok sa isang dating sugapa sa droga na baguhin ang kaniyang di-matalinong pamumuhay?
5 Isaalang-alang natin ang ilan sa mga pakinabang na dulot ng “pagkatakot kay Jehova.” Halimbawa, iyon ay umaakay upang magkamit tayo ng tunay na karunungan. Marami nang paraan ang sinubok ng mga tao, puspusang nagsikap sila na makamit ang gayong karunungan, subalit sila’y nabigo sapagkat hindi sila sumunod sa isang mahalagang prinsipyo: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10; Kawikaan 9:10) Isaalang-alang kung paanong ang gayong pagkatakot ay tumulong sa isang dating sugapa sa droga upang kumilos nang may karunungan. Ganito ang kaniyang sabi: “Samantalang ako’y kumukuha ng kaalaman sa Diyos, tinubuan din ako ng pagkatakot na siya’y madulutan ko ng di-ikalulugod o di-ikasisiya sa akin. Batid ko na siya’y nakatingin sa akin, at nais kong sang-ayunan niya ako. Ito ang nag-udyok sa akin na itapon ang mga droga na iniingatan ko at ito’y doon ko itinapon sa kubeta.” Napagtagumpayan ng lalaking ito ang kaniyang masasamang bisyo, siya’y nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova, at ngayo’y isang ministro na sa Johannesburg, Timog Aprika.
6. Paanong “ang pagkatakot kay Jehova” ay nagliligtas sa atin buhat sa masasamang bagay, at tayo’y sa ano aakayin nito?
6 Ibig mo bang maiwasan ang masama? “Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” (Kawikaan 8:13) Oo, ang wastong pagkatakot na ito ang mag-iingat sa iyo upang malayo ka sa maraming masasamang bisyo na minamasama ng Diyos, tulad baga ng paninigarilyo, pag-aabuso sa droga, paglalasing, at seksuwal na imoralidad. Bukod sa pagbibigay-lugod kay Jehova, ikaw ay naililigtas din buhat sa masasamang bagay na nangyayari sa mga tao, kasali na ang kakila-kilabot na mga sakit kung saan inilalantad nila roon ang kanilang sarili. (Roma 1:26, 27; 12:1, 2; 1 Corinto 6:9, 10; 1 Tesalonica 4:3-8) Ang pagkatakot sa Diyos ay hindi lamang tutulong sa iyo na mag-ingat laban sa mga bagay na masama at liko kundi aakayin ka nito sa mga bagay na malinis at kapaki-pakinabang, sapagkat sa ati’y sinasabi na “ang pagkatakot kay Jehova ay dalisay.”—Awit 19:9.
7, 8. (a) Paano naranasan ng isang dalagita na “ang pagkatakot kay Jehova” ay umaakay tungo sa kaligayahan? (b) Bumanggit ng higit pang pakinabang na dumarating sa mga natatakot kay Jehova.
7 Ang kaligayahan ay isa pang tunguhin na hinahanap ng karamihan ng mga tao. Paano mo makakamit ito? Ang sabi ng Salita ng Diyos: “Maligaya ang tao na natatakot kay Jehova.” (Awit 112:1; 128:1) Ang karanasan ng isang dalagita ang nagpapatunay nito. Siya’y napasangkot sa lahat ng uri ng imoral na sekso, at gayundin sa espiritismo at pagnanakaw. Nang magkagayo’y nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya at nakita niya na kailangang makinig at matakot kay Jehova. Ang sabi niya: “Ang pagkakilala kay Jehova ang pinakamagaling na nangyari sa akin. Anong laki ng naitulong sa akin ni Jehova sa pagkasumpong ko ng katotohanan at kaligayahan. Inaakala kong napakalaki ng utang ko sa kaniya dahil sa kaniyang idinilat ang aking mga mata at binigyan ako ng pagkakataon na talagang mag-isip at masumpungan siya. Ngayon ay ibig kong tulungan ang iba pa upang masumpungan nila ang kaligayahang ito.”
8 Ipinangangako rin ni Jehova na kaniyang gagantimpalaan ‘yaong mga natatakot sa kaniyang pangalan.’ (Apocalipsis 11:18) Isa pa, “ang pagkatakot kay Jehova ay patungo sa buhay, at ang isa’y magpapalipas ng gabi na nasisiyahan; hindi siya dadalawin ng kasamaan.” (Kawikaan 19:23) Oo, “ang pagkatakot kay Jehova” ang magdadala sa atin ng lahat ng ating kinakailangan. Kung lalakipan ng kapakumbabaan, ang bunga nito ay “kayamanan at karangalan at buhay.”—Kawikaan 22:4; 10:27.
9. Bakit “ang pagkatakot kay Jehova” ay umaakay tungo sa tanging landas ng buhay na nagpapakita ng karunungan? (Job 28:28; Mikas 6:9)
9 Hindi ba nagbibigay ito sa atin ng lahat ng pampatibay-loob upang matakot sa tunay na Diyos? Talaga nga, “ang pagkatakot kay Jehova” ay totoong kabigha-bighani. Ito’y umaakay tungo sa lahat ng bagay na magdudulot sa atin ng tunay na kasiyahan—isang pambihirang karanasan ngayon. Anong laking pampatibay-loob ang kinasihang mga salitang ito: “Bagaman ang makasalanan ay gumagawa ng kasamaan na makaisang daang beses at magpatuloy roon nang matagal ayon sa kaniyang kagustuhan, gayunma’y talastas ko na mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos, sapagkat sila’y natatakot sa kaniya. Ngunit hindi ikabubuti iyon ng balakyot, ni pahahabain man niya ang kaniyang mga araw na gaya ng isang anino, sapagkat siya’y hindi natatakot sa Diyos”! (Eclesiastes 8:12, 13) Sino ba ang tao na hindi naghahangad na ang mga bagay-bagay ay ‘mabuti ang kalabasan’ para sa kaniya? Ang maligayang karanasang ito ay tatamasahin lamang ng mga tao na natatakot sa Diyos.—Awit 145:19.
10. Ano ang ilang mahahalagang dahilan na dapat mag-udyok sa atin na matakot sa Diyos?
10 Dahil dito di ba dapat tayong maging disidido na magkaroon ng napakatinding paggalang para sa ating makalangit na Amang si Jehova, oo, ng pagpapakundangan sa kaniya? Talaga naman, dapat na magkaroon tayo ng mapitagang pangamba na baka tayo’y hindi makalugod sa kaniya. Lubhang pinahahalagahan natin ang lahat ng kagandahang-loob at kabutihan na ipinakita niya sa atin. Lahat ng mayroon tayo ay galing sa kaniya. (Apocalipsis 4:11) Isa pa, siya ang Kataas-taasang Hukom, ang Makapangyarihan-sa-lahat, na may kapangyarihan na pumatay sa lahat ng susuway sa kaniya. “Patuloy na gumawa kayo ukol sa inyong sariling ikaliligtas taglay ang pagkatakot at panginginig,” ang ipinayo ni apostol Pablo.—Filipos 2:12; Oseas 3:5; Lucas 12:4, 5.
11. (a) Anong saloobin ang dapat iwasan ng mga Kristiyano sa mga huling araw na ito? (b) Anong kalooban ang dapat na paunlarin?
11 Walang ipinakikita rito na maaari nating kamtin ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa isang matamlay na saloobin, na yaong pinakamaliit ang ginagawa natin hangga’t maaari at umaasa tayo na sa paanuman ang mga bagay ay lalabas na mabuti. Hindi ito ang saloobin na dapat makita sa mga Kristiyano na sa mga huling araw na ito nagsisikap na manatili sa patuloy na kaugnayan sa Isa na nakakakita ng nasa kanilang mga puso at nakakaalam ng kanilang kaloob-loobang mga kaisipan at mga hangarin. (Jeremias 17:10) Tanging yaon lamang mga may wastong pagkilala kay Jehova ang kikilalanin niya. Kaniyang sinasabi: “Ang isang ito, kung gayon, ang titingnan ko, siyang nahahapis at nagsisisi ang kalooban at nanginginig sa aking salita.”—Isaias 66:2.
Tayo’y Kailangang Matutong Matakot kay Jehova
12. (a) Sa anong mga paraan pinagpala ang bansang Israel higit kaysa mga ibang bansa? (b) Ano ang inaasahan ni Jehova na igaganti nila?
12 Ang pagsasaalang-alang ng mga pakikitungo ni Jehova sa Israel ay makapagkikintal pa rin sa ating mga isip ng pangangailangan na matakot sa kaniya. Walang ibang bansa ang nakaranas ng gayong pangangalaga at atensiyon buhat sa Soberano ng uniberso. (Deuteronomio 4:7, 8, 32-36; 1 Samuel 12:24) Nakita ng sariling mga mata ng mga Israelita kung ano ang ginawa ni Jehova sa mga Ehipsiyo, na, palibhasa’y hindi natatakot sa kaniya, kanilang inalipin at inapi ang kaniyang bayan. Ano naman ang kaniyang inaasahang igaganti nila? “Pisanin mo ang bayan, ang mga lalaki at mga babae at mga bata at ang iyong kasamang mga tagaibang bayan, upang sila’y makinig at upang sila’y matuto, sapagkat sila’y kailangang matakot kay Jehovang inyong Diyos at tuparin ang lahat ng salita ng kautusang ito. At ang kanilang mga anak na hindi nakakilala ay makinig, at matuto silang matakot kay Jehovang inyong Diyos habang kayo’y nabubuhay sa lupain na inyong pinaroroonan kung kaya kayo tumatawid sa Jordan upang ariin.”—Deuteronomio 31:12, 13; 14:23.
13. Sa ano pangunahin dapat mabahala ang mga magulang tungkol sa kanilang mga anak?
13 Tulad din ng mga Israelita, ang modernong-panahong mga lingkod ng Diyos, ay ‘kailangang matutong matakot kay Jehova.’ Anong laking pananagutan ang iniaatang nito sa lahat sa atin—mga magulang lalung-lalo na! Mga magulang, tanungin ang inyong sarili: ‘Paano ko ba matutulungan ang aking mga anak na magtamo ng isang puso na natatakot kay Jehova?’ Balang araw pagka sila’y lumaki na at lumisan na sa tahanan, ano ang magbibigay ng lalong mainam na proteksiyon sa inyong mga anak, sa espirituwal, mental, o materyal, kaysa riyan? Si Jehova mismo ang nagdiriin ng kahalagahan nito nang sa kaniyang pakiusap ay sabihin niya: “Kung sana’y kanilang pagyayamanin ang puso nilang ito na matakot sa akin at kanilang ingatan sa tuwina ang lahat ng aking mga utos, upang ikabuti nila at ng kanilang mga anak hanggang sa magpakailanman!”—Deuteronomio 5:29; 4:10.
14. Bumanggit ng isang bagay na dapat isaisip ng mga magulang sa pagsasanay sa kanilang mga anak upang matakot kay Jehova, at ipaliwanag kung paano dapat ikapit ito.
14 Ang sinumang Kristiyano na may pamilya ay agad sasang-ayon na ito’y hindi isang gawaing madali. Gayunman, ang kinasihang Salita ng Diyos ay nagtatawag-pansin sa mga magulang ng mga ilang mahahalagang bagay. Ang isa ay ang magsimula pagka ang mga anak ay bata pa. Gaano kabata? Sa pagtitipon ng mga Israelita upang tumanggap ng turo buhat kay Jehova, ang “mga bata” ay kasali. (Deuteronomio 29:10-13; 31:12, 13) Tiyak iyan, sa gayong mga okasyon dala ng mga babaing Israelita ang kanilang mga sanggol, yamang lahat ay kailangang dumalo. Sa “pagkasanggol” pa lamang, ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay matututo na maging tahimik at makinig sa gayong mga pagtitipon. (2 Timoteo 3:15) Kaya isama ang inyong “mga bata” pagdalo ninyo sa mga pulong. Gayundin, isama sila kaagad sa paglilingkod sa larangan pagka sila’y maaari nang makibahagi rito. Maraming kabataan ang natutong magharap ng magasin o magbigay ng isang tract bago pa man sila nagsimulang mag-aral sa paaralan. Magsimulang maaga na turuan ang inyong “mga bata,” sa maliliit na paraan, ng “pagkatakot kay Jehova.”
15. Ano ang ikalawang bagay, at paano magagawa ito ng mga magulang?
15 Ang isa pang bagay ay ang hindi pagiging pabagu-bago. Ito’y magagawa kung tayo’y laging susunod sa Salita ng Diyos sa pagsasanay, pagdisiplina, at pagtuturo sa ating mga anak. Kahit na kung tungkol sa pagpapahingalay o paglilibang, huwag pabagu-bago sa pagkakapit ng mga prinsipyo ng Bibliya na susundin sa gayong mga okasyon. (Efeso 6:4) Ito’y mangangailangan ng pagsisikap, gaya ng malinaw na ipinakikita ng Salita ng Diyos sa pagsasabi: “At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasa-iyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:4-9; 4:9; 11:18-21) Ang ganiyang di pagpapabagu-bago sa paglakad ng mga taon ay malaki ang maitutulong sa inyong mga anak upang magpaunlad ng isang puso na natatakot kay Jehova.
16. (a) Ano ang ikatlong bagay, at bakit ito napakahalaga? (b) Anu-ano ang maitatanong ng mga magulang sa kanilang sarili?
16 Kailangan ding sikapin ng mga magulang na itimo sa mga isip at puso ng kanilang mga anak na sila mismo, bilang mga magulang, ay “mga natatakot kay Jehova.” (Awit 22:23) Ang isang paraan upang magawa nila ito ay ang pagkakapit ng teokratikong payo pagka sinasanay at dinidisiplina ang kanilang mga anak. Ito ang ikatlong bagay na isasaalang-alang. Tanungin ang inyong sarili: ‘ko ba’y may regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa aking mga anak?’ ‘Akin bang lubusang ginagamit sa aking mga nakababatang anak ang mga pantulong na gaya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Pakikinig sa Dakilang Guro?’ ‘Habang sila’y nagkakaedad, ginagamit ko ba ang aklat na Ang iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito at “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” na mga artikulo sa Gumising!?’ ‘Ako ba’y nagsasaayos ng panahon para sa kapaki-pakinabang na paglilibang at pag-aaliw na hindi magkakaroon ng masamang epekto sa aking mga anak?’ ‘Akin bang tinanggap ang sinabi na ng organisasyon ni Jehova tungkol sa edukasyon sa pamantasan?’ ‘Akin bang tinuturuan ang aking mga anak ng nararapat sa kanila?’ ‘Ang mga tunguhin ba na aking itinakda para sa aking mga anak ay tutulong sa kanila na magkaroon ng “maka-Diyos na pagkatakot”?’—Hebreo 5:7.
17. Sino ang nakikinabang pagka ang mga anak ay natutong matakot kay Jehova? Magbigay ng halimbawa.
17 Hindi lamang ang iyong mga anak ang nakikinabang at nagkakaroon ng kagalakan kundi pati ikaw dahil sa pagbubuhos ng lahat ng iyong kaya sa pagtuturo sa kanila ng “pagkatakot kay Jehova.” Halimbawa, isang Saksi na sa katapusan ng maghapon ay nakadarama, gaya ng sabi niya, na siya’y “latang-lata” ay isinasaalang-alang na ang lahat ng bagay ay sulit na muli pagka kaniyang narinig ang kaniyang pitong-taóng-gulang na anak na babae na nananalangin kay Jehova. Siya’y napapaluha at parang nahihirinan pagka kaniyang napapakinggan ang kaniyang anak na nananalangin: “Jehovang mapagmahal, salamat po dahil sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa mo para sa akin sa araw na ito. At salamat po sa aking pagkain. Tulungan mo po ang lahat ng mga kapatid na nakabilanggo at nasa mga kampong piitan upang sila’y makakuha ng pagkain, Jehova, at lahat ng mga namamayat na kapatid sa mga iba pang lupain. Tulungan mo rin po sila na makakuha ng sapat na pagkain, Jehova. At silang mga maysakit, tulungan mo po sana silang gumaling upang sila’y makadalo sa mga pulong. Sana po’y bantayan ako ng mga anghel samantalang ako’y natutulog sa gabi, Jehova, at pati na po ang aking inay at itay, at ang aking kapatid na lalaki, at ang aking lola at lolo, at lahat ng mga kapatid sa katotohanan. Ito’y sa pangalan ng iyong Anak na si Jesus, Amen.”
18. Paano natin naaapektuhan ang isa’t isa sa bagay na ito na pagkatakot kay Jehova?
18 Sa bagay na ito na pagkatakot kay Jehova, tandaan natin na ating naaapektuhan ang isa’t isa sa pamamagitan ng halimbawa na ipinakikita natin. Naaapektuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Naaapektuhan ng matatanda at ng ministeryal na mga lingkod ang kani-kanilang kongregasyon. Naaapektuhan ng naglalakbay na mga tagapangasiwa yaong kanilang mga pinaglilingkuran. Walang alinlangan, ito ang dahilan kung bakit ang mga hari sa Israel ay tinagubilinan na basahin nila ang Kautusan ng Diyos lahat ng araw ng kanilang buhay upang sila ay “matutong matakot kay Jehova.” (Deuteronomio 17:18-20) Ang halimbawa na ipakikita ng hari sa pagkatakot kay Jehova ay makakaapekto sa buong bansa.
19. Tungkol sa mga Israelita sa ano nagpapatotoo ang kasaysayan?
19 Ang kasaysayan ay nagpapatotoo sa bagay na ang Israel, bilang isang bansa, ay nawalan ng kanilang pagkatakot kay Jehova. Inakala nila na ang pagkanaroroon ng templo sa Jerusalem ay magsisilbing isang proteksiyon para sa kanila, tulad ng isang “masuwerteng” galíng, sundin man nila o hindi ang kaniyang mga kautusan. (Jeremias 7:1-4; Mikas 3:11, 12) Subalit sila’y nagkamali. Ang Jerusalem at ang templo niyaon ay pinuksa. Nang maglaon, nang sila’y muling itinatag bilang isang bansa, sila’y hindi na naman nagpakita ng wastong pagkatakot kay Jehova. (Malakias 1:6) Malaki ang ating matututuhan buhat sa karanasang ito, na tatalakayin sa susunod na artikulo.
20. Sa maikli, bakit dapat tayong matakot kay Jehova?
20 Tandaan, kung gayon, na hindi dahil sa tayo’y natatakot kay Jehova ay nababawasan na ang ating pag-ibig sa kaniya; bagkus pa nga, ito’y pinalalakas at pinatitibay niyaon. Ang pagsunod sa lahat ng kaniyang mga utos ay magpapatunay hindi lamang na tayo’y natatakot kay Jehova kundi na iniibig din natin siya. Ang dalawang iyan ay mahalaga. Imposible na magkaroon tayo ng isa kung wala iyong isa pa. Anong pagkahala-halaga nga na ang maka-Diyos na pagkatakot na ito kay Jehova at ang pag-ibig sa kaniya ay ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak! At anong laking kagalakan ang idudulot nito sa kapuwa maygulang na at sa kabataan! Kung gayon, harinawang madama natin ang gaya ng nadama ng salmista nang kaniyang sabihin: “Buuin mo sa aking puso ang matakot sa iyong pangalan.”—Awit 86:11.
Mga Punto na Dapat Pag-isipan
◻ Paano natin iniibig si Jehova at natatakot pa rin tayo sa kaniya?
◻ Ano ang ilan sa mapapakinabang sa pagkatakot kay Jehova?
◻ Anong tatlong bagay ang tutulong sa mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na paunlarin ang isang pusong natatakot kay Jehova?
◻ Paano natin maaapektuhan ang isa’t isa sa bagay na pagkatakot kay Jehova?
[Larawan sa pahina 12]
Ang pagkatakot kay Jehova ang tutulong sa mga kabataan na tanggihan ang mga tukso na gumawa ng masama
[Larawan sa pahina 14]
Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na paunlarin ang kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova
[Larawan sa pahina 15]
“Mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos.”—Eclesiastes 8:12
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Hartebeesport Snake and Animal Park