Hubugin ang Iyong Puso Upang Matakot kay Jehova
“Kung huhubugin lamang nila ang puso nilang ito upang matakot sa akin at tuparin ang lahat ng aking mga utos sa tuwina.”—DEUTERONOMIO 5:29.
1. Paano natin matitiyak na balang araw ay matatamasa ng mga tao ang kalayaan mula sa takot?
ANG sangkatauhan ay binabagabag ng takot sa loob ng maraming siglo. Ang takot sa gutom, sakit, krimen, o digmaan ay patuloy na nakababalisa sa milyun-milyong tao. Dahil dito, ipinahahayag ng paunang salita ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao ang hangaring lumikha ng isang daigdig na doo’y magtatamasa ng kalayaan mula sa takot ang lahat ng tao.a Nakagagalak naman, tinitiyak sa atin ng Diyos mismo na iiral ang gayong daigdig—bagaman hindi sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Mikas, ipinangangako sa atin ni Jehova na sa kaniyang bagong sanlibutan ng katuwiran, ‘walang sinumang magpapanginig sa kaniyang bayan.’—Mikas 4:4.
2. (a) Paano tayo hinihimok ng Kasulatan na matakot sa Diyos? (b) Anong mga tanong ang maaaring bumangon kapag isinasaalang-alang natin ang ating obligasyon na matakot sa Diyos?
2 Sa kabilang panig, ang takot ay maaari ring maging isang positibong puwersa. Sa Kasulatan, paulit-ulit na hinihimok ang mga lingkod ng Diyos na matakot kay Jehova. Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong katakutan, at siya ang dapat mong paglingkuran.” (Deuteronomio 6:13) Pagkaraan ng maraming siglo ay sumulat si Solomon: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Sa pamamagitan ng ating gawaing pangangaral, na isinasagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga anghel, hinihimok din natin ang lahat ng mga tao na ‘matakot sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.’ (Apocalipsis 14:6, 7) Bukod sa pagkatakot kay Jehova, ang mga Kristiyano ay dapat umibig sa kaniya nang kanilang buong puso. (Mateo 22:37, 38) Paano natin maiibig ang Diyos at kasabay nito ay matatakot sa kaniya? Bakit kailangang matakot sa isang maibiging Diyos? Anong mga kapakinabangan ang natatamo natin mula sa paglilinang ng makadiyos na pagkatakot? Upang masagot ang mga tanong na ito, dapat muna nating maunawaan kung ano ang kahulugan ng pagkatakot sa Diyos at kung paanong ang ganitong uri ng pagkatakot ay isang mahalagang bahagi ng ating kaugnayan kay Jehova.
Pagkasindak, Pagpipitagan, at Pagkatakot
3. Ano ba ang kahulugan ng pagkatakot sa Diyos?
3 Ang pagkatakot sa Diyos ay isang damdamin na dapat taglayin ng mga Kristiyano para sa kanilang Maylikha. Ang isang katuturan ng pagkatakot na ito ay “pagkasindak at matinding pagpipitagan sa Maylalang at kapaki-pakinabang na panghihilakbot na hindi siya mapalugdan.” Samakatuwid, iniimpluwensiyahan ng pagkatakot sa Diyos ang dalawang mahalagang aspekto ng ating buhay: ang ating saloobin sa Diyos at ang ating saloobin sa paggawi na kaniyang kinapopootan. Maliwanag, ang dalawang aspektong ito ay kapuwa mahalaga at karapat-dapat sa maingat na pagsasaalang-alang. Gaya ng ipinaliliwanag ng Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine, para sa mga Kristiyano ang may-pagpipitagang pagkatakot na ito ay ‘isang sumusupil na motibo sa buhay, kapuwa sa espirituwal at moral na mga bagay.’
4. Paano tayo makadarama ng pagkasindak at pagpipitagan sa ating Maylalang?
4 Paano tayo makadarama ng pagkasindak at pagpipitagan sa ating Maylalang? Tayo ay nasisindak dahil sa panggigilalas kapag nakakakita tayo ng magandang tanawin, ng kamangha-manghang talon, o ng kahanga-hangang paglubog ng araw. Ang damdaming ito ay tumitindi kapag nauunawaan natin, sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, na ang kamay ng Diyos ang nasa likod ng mga gawang paglalang na iyon. Bukod dito, gaya ni Haring David, napag-uunawa natin na tayo ay walang halaga kung ihahambing sa kagila-gilalas na nilalang ni Jehova. “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan?” (Awit 8:3, 4) Ang matinding pagkasindak na ito ay umaakay sa pagpipitagan, na nagpapakilos sa atin upang pasalamatan at purihin si Jehova dahil sa lahat ng ginagawa niya para sa atin. Sumulat din si David: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”—Awit 139:14.
5. Bakit dapat tayong matakot kay Jehova, at ano ang mainam na halimbawa natin hinggil dito?
5 Ang pagkadama ng pagkasindak at pagpipitagan ay nagbubunga ng kapaki-pakinabang at may-paggalang na pagkatakot sa kapangyarihan ng Diyos bilang Maylalang at sa kaniyang awtoridad bilang ang may-karapatang Tagapamahala ng sansinukob. Sa isang pangitain na nakita ni apostol Juan, “yaong mga nagtatagumpay sa mabangis na hayop at sa larawan nito”—ang mga pinahirang tagasunod ni Kristo sa kanilang makalangit na posisyon—ay naghahayag: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan. Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan?” (Apocalipsis 15:2-4) Ang pagkatakot sa Diyos, bunga ng matinding pagpipitagan sa kaniyang kamahalan, ay umaakay sa mga kasamang tagapamahalang ito ni Kristo sa makalangit na Kaharian upang parangalan ang Diyos bilang ang kataas-taasang awtoridad. Kapag isinasaalang-alang natin ang lahat ng naisakatuparan ni Jehova at ang matuwid na paraan ng pamamahala niya sa sansinukob, hindi ba’t marami tayong dahilan upang matakot sa kaniya?—Awit 2:11; Jeremias 10:7.
6. Bakit dapat tayong magkaroon ng kapaki-pakinabang na panghihilakbot na di-mapalugdan si Jehova?
6 Gayunman, bukod sa pagkasindak at pagpipitagan, dapat na kalakip sa pagkatakot sa Diyos ang kapaki-pakinabang na panghihilakbot na hindi siya mapalugdan o maging masuwayin sa kaniya. Bakit? Sapagkat bagaman si Jehova ay “mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging kabaitan,” dapat nating tandaan na “sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Exodo 34:6, 7) Bagaman maibigin at maawain, hindi kinukunsinti ni Jehova ang kalikuan at sadyang paggawa ng kamalian. (Awit 5:4, 5; Habakuk 1:13) Yaong mga nagkukusa at di-nagsisisi sa paggawa ng kabalakyutan sa paningin ni Jehova at sumasalansang sa kaniya ay hindi makagagawa ng gayon nang hindi napaparusahan. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, “isang bagay na nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.” Ang pagkakaroon ng kapaki-pakinabang na panghihilakbot na masadlak sa gayong situwasyon ay proteksiyon para sa atin sa dakong huli.—Hebreo 10:31.
“Sa Kaniya Kayo Dapat Mangunyapit”
7. Ano ang mga dahilan ng pagtitiwala natin sa nagliligtas na kapangyarihan ni Jehova?
7 Ang may-pagpipitagang pagkatakot sa Diyos at ang maliwanag na kabatiran sa kaniyang kasindak-sindak na kapangyarihan ay mga pasimula ng pagtitiwala at pananalig kay Jehova. Kung paanong nakadarama ng proteksiyon ang isang munting bata kapag katabi ang kaniyang ama, gayundin ang nadarama nating katiwasayan at pagtitiwala sa ilalim ng patnubay ni Jehova. Pansinin kung ano ang reaksiyon ng mga Israelita matapos silang akayin ni Jehova palabas sa Ehipto: “Nakita rin ng Israel ang dakilang kamay na pinakilos ni Jehova laban sa mga Ehipsiyo; at ang bayan ay nagsimulang matakot kay Jehova at manampalataya kay Jehova.” (Exodo 14:31) Ang karanasan ni Eliseo ay nagpapatotoo rin sa katotohanan na “ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.” (Awit 34:7; 2 Hari 6:15-17) Pinatutunayan ng makabagong-panahong kasaysayan ng bayan ni Jehova at malamang, maging ng ating personal na karanasan, na ginagamit nga ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan alang-alang sa mga naglilingkod sa kaniya. (2 Cronica 16:9) Sa gayon ay napag-uunawa natin na “sa pagkatakot kay Jehova ay may matibay na pagtitiwala.”—Kawikaan 14:26.
8. (a) Bakit ang pagkatakot sa Diyos ay nagpapakilos sa atin na lumakad sa kaniyang mga daan? (b) Ipaliwanag kung paano tayo dapat “mangunyapit” kay Jehova.
8 Ang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos ay hindi lamang nagbubunga ng pagtitiwala at pananalig sa kaniya kundi nag-uudyok din sa atin na lumakad sa kaniyang mga daan. Nang pasinayaan ni Solomon ang templo, nanalangin siya kay Jehova: “Matakot [nawa ang Israel] sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw ng kanilang buhay sa ibabaw ng lupang ibinigay mo sa aming mga ninuno.” (2 Cronica 6:31) Bago ito, hinimok ni Moises ang mga Israelita: “Kay Jehova na inyong Diyos kayo dapat sumunod, at siya ang dapat ninyong katakutan, at ang kaniyang mga utos ang dapat ninyong tuparin, at sa kaniyang tinig kayo dapat makinig, at siya ang dapat ninyong paglingkuran, at sa kaniya kayo dapat mangunyapit.” (Deuteronomio 13:4) Gaya ng maliwanag na ipinakikita ng mga talatang ito, ang pagnanais na lumakad sa mga daan ni Jehova at “mangunyapit” sa kaniya ay nagmumula sa pagtitiwala at pananalig sa Diyos. Oo, ang makadiyos na pagkatakot ay umaakay sa atin upang sumunod kay Jehova, maglingkod sa kaniya, at mangunyapit sa kaniya, kung paanong ang isang munting bata ay maaaring literal na mangunyapit sa kaniyang ama na lubos niyang pinagtitiwalaan at pinananaligan.—Awit 63:8; Isaias 41:13.
Ang Pag-ibig sa Diyos ay Nangangahulugan ng Pagkatakot sa Kaniya
9. Ano ang kaugnayan ng pag-ibig sa Diyos at ng pagkatakot sa Diyos?
9 Sa maka-Kasulatang pangmalas, ang pagkatakot sa Diyos ay hindi nakahahadlang sa anumang paraan sa pag-ibig sa kaniya. Sa kabaligtaran, ang mga Israelita ay tinagubilinan na “matakot kay Jehova . . . na lumakad sa lahat ng kaniyang mga daan at ibigin siya.” (Deuteronomio 10:12) Kaya, ang pagkatakot sa Diyos at ang pag-ibig sa Diyos ay may malapit na kaugnayan. Ang pagkatakot sa Diyos ay nagpapakilos sa atin na lumakad sa kaniyang mga daan, at ito ay nagpapatotoo naman na iniibig natin siya. (1 Juan 5:3) Ito ay makatuwiran dahil kapag may iniibig tayo, makatuwiran lamang na takót tayong masaktan siya. Sinaktan ng mga Israelita ang damdamin ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang rebelyosong landasin sa iláng. Tiyak na ayaw nating gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng gayong kalungkutan sa ating makalangit na Ama. (Awit 78:40, 41) Sa kabilang panig, yamang “si Jehova ay nakasusumpong ng kaluguran sa mga may takot sa kaniya,” ang pagkamasunurin at katapatan natin ay nagpapasaya sa kaniyang puso. (Awit 147:11; Kawikaan 27:11) Pag-ibig sa Diyos ang nagpapakilos sa atin na palugdan siya, at pagkatakot naman sa Diyos ang humahadlang sa atin na saktan siya. Ang mga ito ay nagtutulungan, hindi nagkakasalungatan, na mga katangian.
10. Paano ipinakita ni Jesus na nasiyahan siya sa pagkatakot kay Jehova?
10 Ang landasin ng buhay ni Jesu-Kristo ay maliwanag na naglalarawan kung paano natin maaaring sabay na ibigin at katakutan ang Diyos. Tungkol kay Jesus ay sumulat ang propetang si Isaias: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova; at magkakaroon siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2, 3) Ayon sa hulang ito, ang espiritu ng Diyos ang nagpakilos kay Jesus upang matakot sa kaniyang makalangit na Ama. Bukod dito, napansin natin na ang pagkatakot na ito, na talagang hindi nakapagpapabigat, ay pinagmulan ng kasiyahan. Nakasumpong ng kasiyahan si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos at sa pagpapalugod sa kaniya, maging sa pinakamahirap na mga kalagayan. Nang mapaharap sa napipintong kamatayan sa pahirapang tulos, sinabi niya kay Jehova: “Hindi ayon sa kalooban ko, kundi ayon sa kalooban mo.” (Mateo 26:39) Dahil sa makadiyos na pagkatakot na ito, nakinig si Jehova nang may pagsang-ayon sa mga pagsusumamo ng kaniyang Anak, pinalakas siya, at iniligtas siya sa kamatayan.—Hebreo 5:7.
Pagkatutong Matakot kay Jehova
11, 12. (a) Bakit dapat tayong matutong matakot sa Diyos? (b) Paano tayo tinuturuan ni Jesus na matakot kay Jehova?
11 Di-tulad ng likas na nadarama nating pagkasindak kapag napaharap sa kapangyarihan at karingalan ng kalikasan, ang pagkatakot sa Diyos ay hindi kusang nangyayari. Iyan ang dahilan kung bakit sa makahulang paraan ay ipinaabot sa atin ng Dakilang David, si Jesu-Kristo, ang paanyayang: “Halikayo, kayong mga anak, makinig kayo sa akin; ang pagkatakot kay Jehova ang ituturo ko sa inyo.” (Awit 34:11) Paano tayo matututo kay Jesus upang matakot kay Jehova?
12 Tinuturuan tayo ni Jesus na matakot kay Jehova sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na maunawaan ang kahanga-hangang personalidad ng ating makalangit na Ama. (Juan 1:18) Ipinakikita ng sariling halimbawa ni Jesus kung paano nag-iisip ang Diyos at kung paano niya pinakikitunguhan ang iba, sapagkat may-kasakdalang ipinamamalas ni Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama. (Juan 14:9, 10) Bukod dito, sa pamamagitan ng hain ni Jesus, nakalalapit tayo kay Jehova kapag nananalangin tayo ukol sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Ang pambihirang kapahayagang ito ng awa ng Diyos ay isang matibay na dahilan sa ganang sarili upang matakot sa kaniya. Sumulat ang salmista: “Ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo, upang ikaw ay katakutan.”—Awit 130:4.
13. Anong mga hakbang na binalangkas sa aklat ng Mga Kawikaan ang tumutulong sa atin upang matakot kay Jehova?
13 Binabalangkas ng aklat ng Mga Kawikaan ang sunud-sunod na mga hakbang na tumutulong sa atin na magkaroon ng makadiyos na pagkatakot. “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, . . . kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.” (Kawikaan 2:1-5) Samakatuwid, upang matakot sa Diyos, dapat nating pag-aralan ang kaniyang Salita, taimtim na pagsikapang maunawaan ang tagubilin nito, at pagkatapos ay magbigay ng matamang pansin sa payo nito.
14. Paano natin masusunod ang payo na ibinigay sa mga hari ng Israel?
14 Bawat hari sa sinaunang Israel ay tinagubilinan na gumawa ng isang kopya ng Kautusan at ‘basahin niya iyon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, upang matuto siyang matakot kay Jehova na kaniyang Diyos nang sa gayon ay maingatan niya ang lahat ng mga salita ng kautusan.’ (Deuteronomio 17:18, 19) Gayundin kahalaga sa atin ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya kung gusto nating matutong matakot kay Jehova. Habang ikinakapit natin ang mga simulain ng Bibliya sa ating buhay, unti-unti nating natatamo ang karunungan at kaalamang nagmumula sa Diyos. Nagagawa nating ‘maunawaan ang pagkatakot kay Jehova’ dahil nakikita natin ang mabubuting resulta na idinudulot nito sa ating buhay, at pinakaiingatan natin ang ating kaugnayan sa Diyos. Bukod dito, sa pamamagitan ng regular na pakikipagtipon sa mga kapananampalataya, kapuwa ang mga bata at matanda ay makakapakinig sa itinuturo ng Diyos, matututong matakot sa Diyos, at makalalakad sa kaniyang mga daan.—Deuteronomio 31:12.
Maligaya ang Lahat ng Natatakot kay Jehova
15. Sa anong mga paraan nauugnay ang pagkatakot sa Diyos sa ating pagsamba sa kaniya?
15 Mula sa mga tinalakay, makikita natin na ang pagkatakot sa Diyos ay isang kapaki-pakinabang na saloobin na dapat na linangin nating lahat, yamang ito ay isang mahalagang bahagi ng ating pagsamba kay Jehova. Inaakay tayo nito na lubusang magtiwala sa kaniya, lumakad sa kaniyang mga daan, at mangunyapit sa kaniya. Gaya ng nangyari kay Jesu-Kristo, ang pagkatakot sa Diyos ay maaari ring magpakilos sa atin na tuparin ang ating panata sa pag-aalay ngayon at magpakailanman.
16. Bakit tayo pinasisigla ni Jehova na matakot sa kaniya?
16 Ang pagkatakot sa Diyos ay hindi kailanman nakapanghihilakbot o masyadong mahigpit. “Maligaya ang bawat isa na natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan,” ang pagtiyak sa atin ng Bibliya. (Awit 128:1) Pinasisigla tayo ni Jehova na matakot sa kaniya dahil alam niya na ang katangiang ito ay magsasanggalang sa atin. Mapapansin natin ang kaniyang maibiging pagmamalasakit sa mga salita niya kay Moises: “Kung huhubugin lamang nila [ng mga Israelita] ang puso nilang ito upang matakot sa akin at tuparin ang lahat ng aking mga utos sa tuwina, upang mapabuti sila at ang kanilang mga anak hanggang sa panahong walang takda!”—Deuteronomio 5:29.
17. (a) Anong mga kapakinabangan ang natatamo natin mula sa pagkatakot sa Diyos? (b) Anong mga aspekto ng makadiyos na pagkatakot ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
17 Gayundin naman, kung huhubugin natin ang ating puso upang matakot sa Diyos, makabubuti ito sa atin. Sa anong mga paraan? Una sa lahat, ang gayong saloobin ay makalulugod sa Diyos at maglalapít sa atin sa kaniya. Alam ni David salig sa kaniyang personal na karanasan na “ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila.” (Awit 145:19) Ikalawa, makikinabang tayo sa makadiyos na pagkatakot dahil makaaapekto ito sa ating saloobin hinggil sa kasamaan. (Kawikaan 3:7) Susuriin ng susunod na artikulo kung paano tayo iniingatan ng pagkatakot na ito mula sa espirituwal na panganib, at rerepasuhin nito ang ilang maka-Kasulatang halimbawa ng mga lalaki na natakot sa Diyos at lumayo sa masama.
[Talababa]
a Pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations ang Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao noong Disyembre 10, 1948.
Masasagot Mo ba ang mga Sumusunod?
• Ano ang kahulugan ng pagkatakot sa Diyos, at paano ito nakaaapekto sa atin?
• Ano ang kaugnayan ng pagkatakot sa Diyos at ng paglakad na kasama ng Diyos?
• Paano ipinakikita ng halimbawa ni Jesus na ang pagkatakot sa Diyos ay nauugnay sa pag-ibig sa Diyos?
• Sa anong mga paraan natin mahuhubog ang ating puso upang matakot kay Jehova?
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga haring Israelita ay inutusan na gumawa ng personal na kopya ng Kautusan at basahin ito araw-araw
[Larawan sa pahina 18]
Ang pagkatakot kay Jehova ay umaakay sa atin na magtiwala sa kaniya kung paano nagtitiwala ang isang anak sa kaniyang ama
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mga bituin: Photo by Malin, © IAC/RGO 1991