Kung Bakit Dapat Kang Maging Interesado
‘INTERESADO sa ano?’ Sa pinakadakilang pagbabago na magaganap sa kasaysayan ng sangkatauhan! Isang lubus-lubusang bagong pamahalaan na likha ng Diyos ang halos maghahari na sa buong lupa. (Daniel 2:44) Ang paghaharing iyan ay makakaapekto sa bawat lalaki, babae, at bata—sa ikabubuti o sa ikasasamâ. Ang kahanga-hangang pagbabagong ito ay magaganap sa loob ng salinlahi na binanggit sa Mateo 24:34. Samakatuwid, dahil sa mensahe tungkol sa pagbabagong iyan kailangang lahat ng tao’y magkaroon ng taimtim at masigasig na interes sa bagay na iyan. Oo, mali na sabihing, ‘Ako’y hindi interesado.’
Nang Marami ang Hindi Nagpakita ng Interes
Hindi lamang ngayon sa modernong panahon natin ang isang importante at apurahang mensahe ay ibinalita na kaypala’y nakapukaw ng interes niyaong mga inanyayahan na makinig dito. Ang kaarawan ni Noe ay isa na sa gayong panahon. Dahilan sa kabalakyutan, imoralidad, at karahasan ng tao noong panahong iyon, nilayon ng Diyos na Jehova na lipulin ang sangkatauhan sa isang pangglobong baha. (Genesis 6:5-7, 13) Gayumpaman, bago kumilos sa paglipol sa mga balakyot, kaniyang isinaayos na si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, ay magbabala sa kanila tungkol sa napipintong Delubyo at sa dapat nilang gawin upang makaligtas sila nang buháy. Bagama’t importante ang mensaheng iyon, ang mga tao sa pangkalahatan na nakarinig niyaon ay “hindi nagbigay-pansin.” (Mateo 24:39; Lucas 17:26, 27; 2 Pedro 2:5) Sila’y malamig, nagwalang-bahala—basta hindi interesado! Dahilan dito, kanilang naiwala ang lahat ng bagay.
Ganiyan din ang kalagayan noong kaarawan ng mga tao sa napatanyag na imoral na mga lunsod ng Sodoma at Gomora. Bagama’t binigyan-babala ng kanilang napipintong pagkalipol dahilan sa kanilang kabalakyutan, sila’y hindi nakinig. Sila man ay hindi interesado sa anuman na gagambala ng kanilang sinusunod na araw-araw na pamumuhay. Ang natatangi lamang dito ay ang taong si Lot.—Genesis 18:20-30; 19:1-29; Lucas 17:28-30.
Kaya naman, ang mensahe ay hindi popular sa mga tao ng mga lunsod na ito. Marahil ang lalong higit na iniisip nila ay kung ano kaya ang iisipin ng kanilang mga kapitbahay kung sila’y magpapakita ng interes. O marahil natatakot sila na kailangang gumawa sila ng mga pagbabago sa kanilang buhay at hindi nila gusto iyon. Maliwanag dito, natutuwa sila sa kanilang mahalay na istilo ng pamumuhay. (Judas 7) Kaya naman magpahanggang sa araw na dumating na nga ang pagpuksa sa kanila, wala silang suspetsang anuman at hindi nila naunawaan kung ano ang mangyayari sa mismong sandaling iyon.
Yaong mga Hindi Interesado Noong Kaarawan ni Jesus
Nang ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay narito sa lupa, kaniyang sinugo ang kaniyang mga tagasunod upang ibalita ang mabuting balita tungkol sa makalangit na pamahalaan ng Diyos. (Mateo 10:7) Sa katunayan, kaniyang tinuruan ang kaniyang mga alagad ng paraan kung paano dapat nilang iharap ang pambihira at mahalagang mensaheng ito sa bawat tahanan at kung ano ang dapat gawin pagka ang mga maybahay ay hindi nagpakita ng tunay na interes. Pakinggan siya samantalang sinasanay niya ang kaniyang mga alagad: “Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung karapat-dapat ang sambahayan, ang kapayapaang hiniling ninyong dumoon ay hayaang dumoon; ngunit kung hindi karapat-dapat, hayaang mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo. Sinumang hindi tumanggap sa inyo o makinig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o lunsod na iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa.”—Mateo 10:12-14.
Pansinin na itinagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “ipagpag ang alikabok sa [kanilang] mga paa” pag-alis nila sa isang tahanan o isang bayan na kung saan ang mga tao’y walang bahagya mang interes sa Kaharian ni Jehova. Ano ba ang ibig niyang sabihin sa kaniyang payong ito? Ang pagpapagpag ng alikabok sa paa ng isang tao ay nagpapakilala na siya’y walang pananagutan o hindi siya masisisi sa anumang dumating sa isang maybahay dahilan sa kawalan ng interes sa mensahe ng Diyos. Ipinahihiwatig nito na ang mga tagasunod ni Jesus ay mapayapang umaalis at ang bahay o lunsod na iyon ay ipinauubaya sa resulta na sa wakas ay manggagaling sa Diyos.
Magpakita ng Interes—Buhay Mo ang Kasangkot!
Kapuna-puna na ang mga pagtugon sa ating kaarawan ay inihambing ni Jesu-Kristo sa pagtugon noong mga kaarawan ni Noe at ng Sodoma at Gomora. (Mateo 24:37-39; Lucas 17:26-30) Ang imoralidad at karahasan ay laganap kapuwa noong kaarawan ni Noe at noong kaarawan ni Lot. Tunay, ang matuwid na taong si Lot ay naghirap ang kalooban at nalungkot nang mapagmasdan niya ang katampalasanan at ang pagkahumaling sa kalibugan ng mga tao ng Sodoma at Gomora.—2 Pedro 2:6-8.
Gayunman, pagka tinutukoy ni Jesus ang kaarawan ni Noe at ang kaarawan ni Lot, kaniyang itinutuon ang ating pansin, hindi sa imoralidad at karahasan noong mga panahong iyon, kundi, sa mga bagay na nangyayari sa araw-araw—pagkakainan, pag-iinuman, pag-aasawa, pinapag-aasawa, pamimili, pagbibili, pagtatayo, at pagtatanim. Kaniyang ipinakita na marami ang hindi tutugon sa mensahe ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos kundi sila’y magiging abala sa araw-araw na pamumuhay at sa gayo’y ipakikitang hindi sila interesado sa nilayon ni Jehova na gawin. Ang mensahe ay napakahalaga at kinasasalalayan ng buhay o kamatayan. Napakalaki ang mawawala kung hindi makikinig. Ang hindi pagbibigay-pansin o hindi pagiging interesado ay isang malubhang pagkakasala.—Ihambing ang Mateo 6:31, 32.
Gaano bang kalubha? Si Jesus ay patuloy na nagpaliwanag: “Sa Araw ng Paghuhukom higit na maaawa pa ang Diyos sa mga tao ng Sodoma at Gomora kaysa mga tao ng bayang iyan” na hindi nakinig o nagpakita ng interes. (Mateo 10:15, Today’s English Version) Kung ang isang tao’y nagpapakita ng interes, nakikinig, at naniniwala sa mensahe, kahit na siya ay imoral at marahas maaari siyang magbago ng kaniyang pagkatao at tumanggap ng pagsang-ayon sa harap ni Jehova upang maging kuwalipikado na isang sakop ng Kaharian, gaya ng mga sinaunang Kristiyano sa Corinto.—1 Corinto 6:9-11.
Sa lahat ng kaniyang pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad, sila’y hinimok ni Jesu-Kristo na makinig, magbigay ng pansin, magpakita ng interes sa importanteng mensahe ng Kaharian ng Diyos. Upang pukawin ang pansin ng mga taong kaniyang kausap, siya’y nagpayo: “Bigyang-pansin kung paano ka nakikinig.” “Hayaan siyang may mga taingang ipakikinig ay makinig.” “Makinig kayo sa akin, lahat kayo, at unawain ninyo ang kahulugan.” “Makinig at unawain ninyo ang diwa.”—Lucas 8:18; Marcos 4:9; 7:14; Mateo 15:10.
Kung gayon, sa susunod na pagkakataon na ang isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa inyong tahanan, ikaw ay makikinabang kung sasabihin mo: ‘Tuloy kayo, ako’y interesado.’