Ang Huwad na Relihiyon ang Gumaganap ng Pagkapatutot
1. Paano minamalas ng marami ang pagpapatutot?
ITO’Y tinatawag ng iba na pinakamatandang propesyon—yaong sa patutot, masamang babae, o kalapating mababa ang lipad. Sa karaniwang paggamit, lahat ng mga salitang ito ay may iisang kahulugan, tumutukoy sa isang babaing imoral na nagbibili ng kaniyang katawan para gamitin ng mga lalaki. Gayunman, may panahon noong nakaraan na ito’y itinuturing na isang marangal na propesyon!
2, 3. Paanong ang bahaging ginampanan ng mga babaing saserdote sa sinaunang Babilonya ay kabaligtaran ng kautusan ni Jehova sa Israel tungkol sa pagpapatutot ng lalaki at ng babae?
2 Ang tinutukoy ay ang sinaunang pagkasaserdote sa Babilonya, si Propesor S. H. Hooke, isang autoridad sa arkeolohiya ng Bibliya, ay nagsabi: “Ang pagkasaserdote ay hindi lamang para sa mga lalaki, kundi ang mga babae’y naging bahagi ng mga naglilingkod sa dakilang mga templo. Itinuturing na isang karangalan na mapabilang sa orden ng mga babaing saserdote, at mayroon tayong maririnig tungkol sa maraming hari na nag-alay ng kanilang mga anak na babae sa gawaing pagkasaserdote. . . . Ang kanilang pinakamahalagang tungkulin ay ang maglingkod bilang sagradong mga patutot sa dakilang pana-panahong mga kapistahan. . . . Ang templo ni Ishtar [diyosa ng pag-aanak at digmaan], naturalmente, ang mayroong marami ng gayong mga babae.”
3 Ito ay tuwirang kabaligtaran ng pagsamba na hinihiling ng Diyos na Jehova sa bansang Israel. Ang Kautusan ay malinaw na nagsasabi: “Huwag magkakaroon sa mga anak na babae ng Israel ng patutot sa templo, ni magkakaroon man sa sinuman sa mga anak na lalaki ng Israel ng isang patutot sa templo [namihasa sa gawang pagkabakla]. Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang patutot o ang kabayaran ng isang aso sa bahay ni Jehovang iyong Diyos sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapuwa karumal-dumal kay Jehova mong Diyos.” (Deuteronomio 23:17, 18) Samakatuwid, ang kaupahan sa isang patutot ay hindi tinatanggap bilang isang abuloy sa santuwaryo ng Diyos. Maging ang pagpapatutot man na walang anumang koneksiyon sa relihiyon ay kahiya-hiya. Ang mga Israelita ay inutusan: “Huwag mong hahamakin ang iyong anak na babae na siya’y iyong pagmamasamaing babae, upang ang lupain ay huwag malugmok sa pagpapatutot at ang lupain ay huwag mapunô ng kahalayan.” Ang mga batas laban sa prostitusyon at homoseksuwalidad, na tinutukoy na “isang kasuklam-suklam na bagay,” ay isang proteksiyon para sa bansa, kapuwa sa espirituwal at sa pisikal.—Levitico 19:29; 20:13.
Lalong Masama ang Espirituwal na Pagpapatutot
4. Ano ang pinakamasamang uri ng pagpapatutot?
4 Subalit, sa pangmalas ng Diyos ay mayroong isang lalong masamang anyo ng pagpapatutot—ang espirituwal na pagpapatutot, o pag-aangking sumasamba sa tunay na Diyos samantalang ang totoo’y ang sinasamba at pinag-uukulan ng pagmamahal ay ibang mga diyos. Ang sinaunang Jerusalem ay nagpatutot nang lalong malubha. Siya’y nagbigay ng mga regalo sa mga bansang naging espirituwal na mga kalunya niya, at kaniyang hinaluan ng karumal-dumal na mga bagay ang tunay na pagsamba.—Ezekiel 16:34.
5, 6. Sino ang nagkakasala ng espirituwal na pagpapatutot sa ika-20 siglong ito, na umaakay tungo sa anong mga tanong?
5 Maging sa ika-20 siglong ito, ang espirituwal na pagpapatutot ay palasak sa pamamalakad ng relihiyon sa sanlibutan. Ang Sangkakristiyanuhan ang pinakaprominenteng bahagi ng sistemang iyan—isang pamamalakad na tinatawag ng Bibliya na “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.”—Apocalipsis 17:5.
6 Subalit ano ba ang katapusang hantungan ng Babilonyang Dakila? At paanong ang katapusang kahahantungan niyang iyan ay may epekto sa iyo at sa iyong mga minamahal? Kung hinatulan ng Diyos na patayin ang mga patutot sa sinaunang Israel, ano kaya ang gagawin niya sa modernong espirituwal na pagpapatutot? Ang sumusunod na mga artikulo ang susuri sa mga tanong na iyan at sa kaugnay pa rin na mga tanong.