Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Zacarias 1:1–14:21
Pinupukaw ni Jehova ang Diwa ng Kaniyang Bayan
NANG magtatapos na ang 538 B.C.E. o nang nagsisimula ang 537 B.C.E., ang hari ng Persia na si Ciro ay nagpalabas ng isang dekreto na nag-utos na ang mga Judio’y magsibalik sa Jerusalem buhat sa Babilonya upang “muling itayo ang bahay ni Jehova.” (Ezra 1:3) Gayunman, nang sumapit ang 520 B.C.E., ang templo ay hindi pa rin naitatayong muli. Sa gayon, ibinangon ni Jehova ang propetang si Zacarias upang gumawa kasama ni Hagai sa pagpukaw sa diwa ng bayan.
Ang kinasihang mga salita ni Zacarias ay muling nagpasigla sa tapat na mga Judio sa pamamagitan ng pagpapakitang sila’y tinatangkilik ni Jehova at kaniyang pagpapalain ang kanilang gawain. Ang aklat na ito ng Bibliya ay nagpapasigla rin naman sa atin dahil sa taglay nitong mga hula tungkol sa Mesiyas, at pati na ang mga iba pang hula na natutupad sa panahon natin.a Ito’y nagbibigay rin sa atin ng mahalagang mga aral.
Pinagpapala ni Jehova ang Kaniyang Bayan
Nababahala si Jehova tungkol sa kaniyang bayan. Pagkatapos aminin ng mga Judio na ang pagdisiplina sa kanila ng Diyos ay matuwid, si Zacarias ay nagkaroon ng tatlong pangitain na nagpapakita ng Kaniyang patuloy na pagkabahala sa kanila. Sa una, siya’y nakakita ng mga kabayong may nakasakay na mga anghel. Isang anghel ang naliligalig sapagkat ang mga bansang sanhi ng kapahamakan ng mga Judio ay “tiwasay.” Sa ikalawa, minabuti ni Jehova na ibagsak ang “apat na sungay”—ang namamahalang mga kapangyarihan na nagpangalat sa kaniyang bayan. At ang ikatlong pangitain ay malinaw na naglalarawan ng mapagmahal, na pangangalaga ni Jehova sa Jerusalem.—1:1–2:13.
Walang makahahadlang sa tapat na mga lingkod ng Diyos. Sa ikaapat na pangitain, si Satanas, ang pangunahing sumasalansang sa bayan ni Jehova, ay lubusang pinagwikaan. (Ihambing ang Apocalipsis 12:10.) Sa ikalima, nalaman ni Zacarias na gagawin ng bayan ng Diyos ang Kaniyang kalooban sa kabila ng gabundok na mga balakid. Sa paano? “‘Hindi sa pamamagitan ng lakas ng hukbo, ni ng kapangyarihan man, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—3:1–4:14.
Ang mga lingkod ng Diyos ay “napopoot sa masama.” (Awit 97:10, 11) Sa ikaanim na pangitain, isinusumpa ng Diyos ang mga manggagawa ng kasamaan na magpahangga noon ay hindi naparurusahan. At sa ikapito, isang sumasagisag sa kabalakyutan ang dinadala sa “lupain ng Shinar,” na kinaroroonan ng huwad na relihiyong maka-Babilonya. Isang mainam na dako para doon! Ang kasamaan ay walang dako sa bayan ni Jehova, na napopoot doon. Pagkatapos ay nakakakita si Zacarias ng mga karo na hila ng mga kabayo—mga espiritung hukbo ng mga anghel na may gawaing magligtas sa mga lingkod ng Diyos sa lupa.—5:1–6:8.
Mga Silahis ng Natutupad na Hula
Ang katuparan ng makahulang salita ni Jehova ay kapana-panabik at nagpapatibay ng pananampalataya. Anong pagkatotoo nga ito tungkol sa mga silahis ng natutupad na hula sa kaarawan natin! Sa paggamit ng pilak at ginto na iniabuloy ng bihag na mga Judio, siya’y gagawa ng isang maningning na korona para sa Mataas na Saserdoteng si Josue. At, “yaong mga nasa malayo [sa Babilonya] ay paparoon at aktuwal na itatayo nila ang templo ni Jehova,” tulad noong marami ang lumisan sa Babilonyang Dakila upang tumulong sa gawain sa templo pagkaraan ng 1919. Ang pagtutuwid sa mga maling paniniwala tungkol sa pag-aayuno ay umakay tungo sa paglalarawan sa darating na masayang kalagayan ng Jerusalem. Inihula na ‘sampung lalaki buhat sa lahat ng bansa’ ang magsisisama sa espirituwal na mga Judio sa tunay na pagsamba. (Galacia 6:16; Apocalipsis 7:4-10) “Humiyaw ka sa iyong tagumpay, Oh anak na babae ng Jerusalem,” ang sabi ni Jehova. Ang kaniyang hari ay dumarating na nakasakay sa isang asno at “magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa.”—6:9–9:11.
Ang Diyos at ang mga Pastol
Ang mga tagapangasiwa ay may mabigat na pananagutan at dapat maglingkod nang may sigasig. Pagkatapos mangako na ililigtas niya ang kaniyang bayan, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang galit laban sa di-tapat na mga pastol. “Tatlong pastol” ang nagpapasamâ hanggang sa sukdulan na bawiin ng Diyos sa kaniyang bayan ang kaniyang tipan. Ang Jerusalem ay magiging “isang batong mabigat.” Sinumang aatake sa kaniya ay “magkakaroon ng matitinding galos.” Subalit “ang mga pinakapunò ng Juda”—yaong mga may tungkuling mangasiwa sa hirang na bayan ng Diyos—ay kailangang maging “tulad ng isang nagniningas na sulô,” na pambihira ang sigasig.—9:12–12:14.
Kinapopootan ni Jehova ang mga huwad. Sa kongregasyon ng Diyos, sinuman na magpapatuloy na ‘nagsasalita ng kabulaanan’ ay ‘tutusukin,’ palibhasa’y itinakuwil bilang mga apostata. “Dalawang bahagi” sa lupain ang ihihiwalay, samantalang ang ikatlong bahagi ay dadalisayin sa apoy. Sa katumbas na paraan, ang lubhang karamihan ng mga nag-aangking Kristiyano—yaong mga nasa Sangkakristiyanuhan—ay inihiwalay na ni Jehova. Mula noong 1919 patuloy, tanging isang munting bilang ng tapat, na pinahirang mga Kristiyano ang tumawag sa pangalan ni Jehova at pumayag na sila’y kaniyang dalisayin.—13:1-9.
Ang bayan ni Jehova ay makapagtitiwala sa kaniyang proteksiyon. Pagka sinubok ng mga kaaway na lipulin ang mga tunay na mananamba, ang kaniyang bayan ay ililigtas ng Diyos at lilipulin ang pulutong ni Satanas. Ang resulta ng pagkahati ng Bundok ng Olibo ay isang simbolikong libis na kung saan ang mga pinahiran ay nakararanas ng proteksiyon sa ilalim ng pansansinukob na Kaharian ni Jehova at ng Mesiyanikong pamahalaan ng kaniyang Anak. Magkakaroon ng liwanag para sa tapat na mga lingkod ng Diyos at ng kadiliman naman para sa mga bansa. Ang mga tao’y kailangang pumili: Sambahin si Jehova kasama ng kaniyang bayan o dumanas ng walang-hanggang pagkapuksa.—14:1-21.
[Talababa]
a Isang talata-por-talatang pagtalakay sa hula ni Zacarias ang matatagpuan sa aklat na Paradise Restored to Mankind—By Theocracy! lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 31]
MGA SINURING TEKSTO SA BIBLIYA
○ 1:3—Bagaman ang mga Judio’y bumalik galing sa Babilonya noong 537 B.C.E., sila’y hinimok din na manumbalik sa Diyos nang may buong-kaluluwang pagtalima at pagsamba. Sila’y nagbigay ng nakikitang patotoo ng panunumbalik na ito sa pamamagitan ng paglahok sa muling pagtatayo ng templo hanggang sa iyon ay matapos.
○ 2:1-5—Marahil, sinusukat ng lalaki ang Jerusalem upang magtayo ng isang proteksiyong pader sa palibot niyaon. Subalit ipinakita ng anghel ng Diyos na ang paglaki ng lunsod ay hindi mapipigil ng isang pader. Walang tao ang makahahadlang sa patuloy na paglaki ng Jerusalem. Si Jehova ang magsisilbing proteksiyon noon, gaya rin sa ngayon na kaniyang binibigyan ng proteksiyon ang pinahirang nalabi na magiging bahagi ng makalangit na Bagong Jerusalem.—Apocalipsis 21:2.
○ 6:11-15—Ang pagpuputong ng korona sa Mataas na Saserdoteng si Josue ay hindi gumawa sa kaniya na isang saserdoteng-hari, sapagkat siya’y wala sa angkan ni David ng mga hari. Bagkus, ginawa niyaon si Josue na isang makahulang larawan ng Mesiyas, na sa kaniya lubusang natupad ang hula tungkol sa “Sanga.” (Zacarias 3:8; Jeremias 23:5) Si Josue ay tumulong sa ikatatapos ng gawaing muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Ang makalangit na Saserdoteng-Hari, si Jesu-Kristo, ang tumatapos sa gawain sa espirituwal na templo.
○ 11:4-11—Ang mga taong tulad-tupa ay “ang kawan na papatayin” sa bagay na sila’y pinagsasamantalahan ng mga namamahalang pastol. Hawak ang isang tungkod na tinatawag na “Kaluguran” at ang isa nama’y “Pinagkaisa,” si Zacarias ay kumilos na mistulang isang pastol na may dalang tungkod upang akayin ang kawan at isang panghampas upang palayuin ang mababangis na hayop. (Awit 23:4) Siya’y lumarawan kay Jesus, na sinugo upang maging isang espirituwal na pastol ngunit tinanggihan ng mga Judio. Yamang sinira ni Zacarias ang tungkod na Kaluguran, ang Diyos ay tumigil nang may kalugurang pakikitungo sa mga Judio, sinira ang kaniyang pakikipagtipan sa kanila. At kung paanong sinira ni Zacarias ang tungkod na Pinagkaisa, ang pagpawi ng Diyos sa Kautusang tipan sa Israel ay nag-alis sa mga Judio ng isang teokratikong buklod ng pagkakaisa. Ang kanilang pagkakabaha-bahagi sa pagsamba ay nagpahamak sa kanila nang puksain ang Jerusalem ng mga Romano noong 70 C.E.
○ 12:11—“Ang pagtangis sa Hadadrimmon” ay marahil tumutukoy sa pamimighati sa pagkamatay ni Haring Hoseas ng Juda. Malamang na ang Hadadrimmon ay isang lugar sa libis ng Megiddo, na kung saan siya’y nasawi sa pakikipaglaban kay Faraon Necho. Ang kamatayan ni Josias ay itinangis, samantalang tinataghuyan ni Jeremias at ang hari’y binabanggit ng mga mang-aawit sa mga panaghoy.—2 Cronica 35:20-25.
[Larawan sa pahina 31]
Gaya ng inihula ni Zacarias, mga tao sa lahat ng bansa ang ngayo’y nakikisama sa espirituwal na Israel