Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Hagai at Zacarias
NOON ay taóng 520 B.C.E. Labing-anim na taon na ang lumipas mula nang ilatag ng mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya ang pundasyon ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Pero hindi pa rin tapos ang templo, at ipinagbawal ang pagtatayo. Inatasan ni Jehova ang propetang si Hagai na salitain ang Kaniyang salita at pagkaraan ng dalawang buwan, inatasan din ang propetang si Zacarias.
Iisa ang layunin nina Hagai at Zacarias: Himukin ang bayan na ipagpatuloy ang muling pagtatayo ng templo. Nagtagumpay ang pagsisikap ng mga propetang ito, at natapos ang templo pagkalipas ng limang taon. Ang mga inihayag nina Hagai at Zacarias ay nakaulat sa mga aklat ng Bibliya na ipinangalan sa kanila. Natapos ang aklat ng Hagai noong 520 B.C.E. at ang Zacarias naman noong 518 B.C.E. Tulad ng mga propetang iyon, mayroon din tayong bigay-Diyos na gawain na kailangang matapos bago magwakas ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ito ay ang pangangaral tungkol sa Kaharian at paggawa ng mga alagad. Tingnan natin kung anong pampatibay-loob ang makukuha natin sa mga aklat ng Hagai at Zacarias.
“ITUON NINYO ANG INYONG PUSO SA INYONG MGA LAKAD”
Sa loob ng 112 araw, inihayag ni Hagai ang apat na nakapagpapasiglang mga mensahe. Ang una ay: “‘Ituon ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad. Umahon kayo sa bundok, at kumuha kayo ng kahoy. At itayo ninyo ang bahay, upang kalugdan ko iyon at ako ay luwalhatiin,’ ang sabi ni Jehova.” (Hagai 1:7, 8) Sinunod ito ng bayan. Ang ikalawang mensahe naman ay nangangako: “Pupunuin ko [ni Jehova] ng kaluwalhatian ang bahay na ito.”—Hagai 2:7.
Ayon sa ikatlong mensahe, ‘ang bayang ito at ang lahat ng gawa ng kanilang mga kamay’ ay naging marumi sa harap ni Jehova dahil itinigil ng mga Judio ang muling pagtatayo ng templo. Subalit sa araw na pasimulan nila ang pagkukumpuni, “maggagawad [si Jehova] ng pagpapala” sa kanila. Gaya ng sinasabi sa ikaapat na mensahe, “lilipulin [ni Jehova] ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa” at ang gobernador na si Zerubabel ay magiging gaya ng “singsing na pantatak.”—Hagai 2:14, 19, 22, 23.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:6—Ano ang kahulugan ng pananalitang “may inuman, ngunit hindi hanggang sa malango”? Ipinahihiwatig lamang ng pananalitang ito ang kakapusan sa alak. Dahil walang pagpapala ni Jehova, kakaunti lamang ang suplay ng alak—hindi nga sapat para makalango.
2:6, 7, 21, 22—Sino o ano ang nagpapangyari ng pag-uga, at ano ang epekto nito? Si Jehova ang ‘umuuga sa lahat ng mga bansa’ sa pamamagitan ng pandaigdig na pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Dahil din sa gawaing pangangaral kung kaya natitipon sa bahay ni Jehova “ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa,” sa gayo’y pinupuno ito ng kaluwalhatian. Darating ang panahon, uugain “ni Jehova ng mga hukbo . . . ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa,” anupat yayanigin ang kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay hanggang sa maalis ito.—Hebreo 12:26, 27.
2:9—Sa anu-anong paraan magiging ‘mas dakila ang kaluwalhatian ng huling bahay kaysa roon sa una’? Mayroong di-kukulangin sa tatlong paraan: kung ilang taóng umiral ang templo, kung sino ang nagturo doon, at kung sino ang nagpunta roon para sumamba kay Jehova. Bagaman tumagal nang 420 taon ang maluwalhating templo ni Solomon, mula 1027 B.C.E. hanggang 607 B.C.E., ginamit ang “huling bahay” sa loob ng mahigit 580 taon, mula nang matapos ito noong 515 B.C.E. hanggang sa mawasak noong 70 C.E. Isa pa, ang Mesiyas—si Jesu-Kristo—ay nagturo sa “huling bahay,” at mas maraming tao ang pumaroon kaysa “sa una” para sumamba sa Diyos.—Gawa 2:1-11.
Mga Aral Para sa Atin:
1:2-4. Ang ating priyoridad ay ang “hanapin muna ang kaharian” at magkaroon man ng pagsalansang sa ating pangangaral, hindi natin ito dapat baguhin anupat ang sariling kapakanan na ang ating uunahin.—Mateo 6:33.
1:5, 7. Mabuting ‘ituon natin ang ating puso sa ating mga lakad’ at bulay-bulayin natin kung paano nakaaapekto sa ating kaugnayan sa Diyos ang ating paraan ng pamumuhay.
1:6, 9-11; 2:14-17. Ang mga Judio noong panahon ni Hagai ay nagsusumakit para sa pansariling mga tunguhin pero hindi nila inaani ang mga bunga ng kanilang pagpapagal. Pinabayaan nila ang templo kaya hindi sila pinagpala ng Diyos. Dapat nating unahin ang espirituwal na mga gawain at mag-ukol sa Diyos ng buong-kaluluwang paglilingkod, anupat isinasaisip na sagana o kaunti man ang ating materyal na tinataglay, ‘ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman.’—Kawikaan 10:22.
2:15, 18. Pinasigla ni Jehova ang mga Judio na mula sa araw na iyon ay ituon ang kanilang puso, hindi sa pagpapabaya nila noon, kundi sa muling pagtatayo. Dapat din tayong magsikap na magtuon ng pansin sa ating pagsamba kay Jehova mula ngayon at sa hinaharap.
‘HINDI SA PAMAMAGITAN NG KAPANGYARIHAN, KUNDI SA PAMAMAGITAN NG AKING ESPIRITU’
Pinasimulan ni Zacarias ang kaniyang gawain bilang propeta sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa mga Judio na ‘manumbalik kay Jehova.’ (Zacarias 1:3) Ang kasunod na walong pangitain ay nagbibigay ng katiyakan na susuportahan ng Diyos ang muling pagtatayo ng templo. (Tingnan ang kahong “Walong Makasagisag na Pangitain ni Zacarias.”) Matatapos ang pagtatayo, “hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng . . . espiritu [ni Jehova].” (Zacarias 4:6) Ang lalaki na pinanganlang Sibol ‘ay tiyak na magtatayo ng templo ni Jehova’ at “magiging isang saserdote sa kaniyang trono.”—Zacarias 6:12, 13.
Nagpadala ang Bethel ng delegasyon para magtanong sa mga saserdote tungkol sa mga pangingilin bilang paggunita sa pagkawasak ng Jerusalem. Sinabi ni Jehova kay Zacarias na ang pagdadalamhati sa panahon ng apat na pangingilin bilang paggunita sa kapahamakang sumapit sa Jerusalem ay magiging “pagbubunyi at pagsasaya at mabubuting kapanahunan ng pista.” (Zacarias 7:2; 8:19) Ang dalawang sumunod na mga kapahayagan ay naglalaman ng hatol laban sa mga bansa at huwad na mga propeta, Mesiyanikong mga hula, at isang mensahe ng pagsasauli sa bayan ng Diyos.—Zacarias 9:1; 12:1.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:1—Bakit sinusukat ng isang lalaki ang Jerusalem sa pamamagitan ng isang lubid? Malamang na ipinahihiwatig nito ang pagtatayo ng pananggalang na pader sa palibot ng lunsod. Sinabi ng anghel sa lalaki na palalawakin ang Jerusalem at ipagsasanggalang ito ni Jehova.—Zacarias 2:3-5.
6:11-13—Naging haring-saserdote ba ang mataas na saserdoteng si Josue nang putungan siya ng korona? Hindi, si Josue ay hindi nagmula sa maharlikang linya ni David. Subalit ang pagpuputong sa kaniya ng korona ay isang paglalarawan sa Mesiyas. (Hebreo 6:20) Ang hula hinggil sa “Sibol” ay natupad kay Jesu-Kristo, ang makalangit na Haring-Saserdote. (Jeremias 23:5) Kung paanong naglingkod si Josue sa mga bumalik na Judio bilang mataas na saserdote sa muling itinayong templo, naglingkod din si Jesus bilang Mataas na Saserdote para sa tunay na pagsamba sa espirituwal na templo ni Jehova.
8:1-23—Kailan natupad ang sampung kapahayagang binanggit sa mga talatang ito? Ang bawat kapahayagan ay sinusundan ng mga pananalitang “ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo” at ito’y pangako na bibigyan ng Diyos ng kapayapaan ang kaniyang bayan. Natupad ang ilan sa mga kapahayagang ito noong ikaanim na siglo B.C.E., subalit lahat ay alinman sa natupad na noong 1919 C.E. o kasalukuyang natutupad sa ngayon.a
8:3—Bakit tinawag ang Jerusalem na “lunsod ng katapatan”? Bago ito mawasak noong 607 B.C.E., ang Jerusalem ay isang “mapaniil na lunsod” at pinaninirahan ng mga tiwaling propeta at saserdote at di-tapat na mga tao. (Zefanias 3:1; Jeremias 6:13; 7:29-34) Pero nang muling maitayo ang templo at muling sumamba kay Jehova ang bayan, ang mga katotohanan tungkol sa dalisay na pagsamba ay sasalitain doon, at ang Jerusalem ay tatawaging “lunsod ng katapatan.”
11:7-14—Saan lumalarawan ang pagpuputul-putol ni Zacarias sa baston na tinatawag na “Kaigayahan” at sa isa pa na tinatawag na “Pagkakaisa”? Si Zacarias ay inilalarawan bilang isa na isinugo para ‘pastulan ang kawan na nakaukol sa pagpatay’—ang tulad tupang mga tao na sinasamantala ng kanilang mga lider. Sa kaniyang papel bilang pastol, lumalarawan si Zacarias kay Jesu-Kristo na isinugo sa katipang bayan ng Diyos pero tinanggihan nila. Inilalarawan ng pagpuputul-putol sa “Kaigayahan” na ipawawalang-bisa ng Diyos ang tipang Kautusan sa mga Judio at hindi na niya sila pakikitunguhan sa kaiga-igayang paraan. Ang pagpuputul-putol sa “Pagkakaisa” ay nangangahulugan ng pagkasira ng ugnayan ng Juda at ng Israel bilang magkapatid sa espirituwal.
12:11—Ano ang ibig sabihin ng “paghagulhol ng Hadadrimon sa kapatagang libis ng Megido”? Napatay si Haring Josias ng Juda sa pakikidigma kay Paraon Neco ng Ehipto sa “kapatagang libis ng Megido,” at tinangisan ang kaniyang pagkamatay sa pamamagitan ng “mga panambitan” sa loob ng ilang taon. (2 Cronica 35:25) Kaya ang “paghagulhol ng Hadadrimon” ay maaaring tumukoy sa pagdadalamhati sa kamatayan ni Josias.
Mga Aral Para sa Atin:
1:2-6; 7:11-14. Si Jehova ay nalulugod at nanunumbalik sa mga nagsisisi at tumatanggap ng pagsaway at nanunumbalik sa kaniya sa pamamagitan ng pag-uukol ng buong-kaluluwang pagsamba. Sa kabilang dako, hindi niya pinakikinggan ang paghingi ng tulong ng mga ‘patuloy na tumatangging magbigay-pansin, at patuloy na naghaharap ng sutil na balikat, at lubhang pinamamanhid ang kanilang mga tainga’ sa kaniyang mensahe.
4:6, 7. Walang anumang makahahadlang sa espiritu ni Jehova sa matagumpay na pagtatayong muli ng templo. Anumang problemang mapaharap sa atin sa paglilingkod sa Diyos ay mapagtatagumpayan natin sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jehova.—Mateo 17:20.
4:10. Sa tulong ni Jehova, natapos ni Zerubabel at ng kaniyang bayan ang templo ayon sa matataas na pamantayan ng Diyos. Hindi naman napakahirap para sa mga taong di-sakdal na mamuhay ayon sa inaasahan ni Jehova.
7:8-10; 8:16, 17. Para sang-ayunan ni Jehova, dapat tayong maging makatarungan, magpakita ng maibiging-kabaitan at awa, at magsalita nang tapat sa isa’t isa.
8:9-13. Pinagpapala tayo ni Jehova kapag ‘malakas ang ating mga kamay’ sa paggawa ng iniatas niya sa atin. Kasama sa mga pagpapalang ito ang kapayapaan, katiwasayan, at pagsulong ng ating espirituwalidad.
12:6. Ang mga nangangasiwa sa bayan ni Jehova ay dapat maging “gaya ng maapoy na sulo”—napakasigasig.
13:3. Dapat na mas matapat tayo sa Diyos at sa kaniyang organisasyon kaysa sa kaninumang tao, gaano man tayo kalapít sa kanila.
13:8, 9. Ang mga apostatang tinanggihan ni Jehova ay napakarami, dalawang bahagi ng populasyon ng lupain. Ikatlong bahagi lamang ang dinalisay na waring dumaan sa apoy. Sa ating panahon, ang Sangkakristiyanuhan na binubuo ng karamihan sa nag-aangking Kristiyano ay tinanggihan ni Jehova. Ang maliit na bilang lamang na mga pinahirang Kristiyano ang ‘tumawag sa pangalan ni Jehova’ at nagpasakop para dalisayin. Sila at ang kanilang mga kapananampalataya ay napatunayang hindi lamang basta nag-aangking mga Saksi ni Jehova.
Napakilos na Maging Masigasig
Paano nakaaapekto sa atin ngayon ang mga kapahayagan nina Hagai at Zacarias? Kapag binubulay-bulay natin kung paano napakilos ng kanilang mensahe ang mga Judio na asikasuhin ang muling pagtatayo ng templo, hindi ba’t napakikilos din tayo na maging masigasig sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad?
Inihula ni Zacarias na darating ang Mesiyas na “nakasakay sa asno,” na siya’y ipagkakanulo sa halagang “tatlumpung pirasong pilak,” na sasaktan siya, at ‘mangangalat ang mga nasa kawan.’ (Zacarias 9:9; 11:12; 13:7) Napakalaki nga ng epekto sa ating pananampalataya ng pagbubulay-bulay sa katuparan ng mga hula ni Zacarias tungkol sa Mesiyas! (Mateo 21:1-9; 26:31, 56; 27:3-10) Napatitibay ang ating pagtitiwala sa Salita ni Jehova at sa kaniyang mga paglalaan para sa ating kaligtasan.—Hebreo 4:12.
[Talababa]
a Tingnan ang Enero 1, 1996 isyu ng Ang Bantayan, pahina 9-22.
[Kahon sa pahina 11]
WALONG MAKASAGISAG NA PANGITAIN NI ZACARIAS
1:8-17: Tinitiyak na matatapos ang templo at ipinakikita na pagpapalain ang Jerusalem at ibang mga lunsod sa Juda.
1:18-21: Ipinangangako na lilipulin ang ‘apat na sungay na nagpanabog sa Juda,’ samakatuwid nga, ang lahat ng pamahalaan na sumasalansang sa pagsamba kay Jehova.
2:1-13: Ipinakikita na palalawakin ang Jerusalem at si Jehova ay magiging “isang pader na apoy sa kaniya sa buong palibot”—isang proteksiyon.
3:1-10: Ipinakikita na kasangkot si Satanas sa pagsalansang sa gawain sa templo at ang mataas na saserdoteng si Josue ay iniligtas at pinatawad.
4:1-14: Nagbibigay ng katiyakan na mawawala ang gabundok na mga hadlang at matatapos ng gobernador na si Zerubabel ang pagtatayo ng templo.
5:1-4: Isinusumpa ang mga manggagawa ng kasamaan na hindi pa naparurusahan.
5:5-11: Inihuhula ang wakas ng kasamaan.
6:1-8: Nangangako ng pangunguna at proteksiyon ng mga anghel.
[Larawan sa pahina 8]
Ano ang layunin ng mga mensahe nina Hagai at Zacarias?
[Larawan sa pahina 10]
Paanong “gaya ng maapoy na sulo” ang mga tagapangasiwa?