Magpatotoo Ukol kay Jehova at Huwag Manghimagod
“Pag-isipan ninyong mainam yaong nagtiis ng gayong pag-alipusta ng mga makasalanan . . . upang huwag kayong manghimagod at manlupaypay sa inyong mga kaluluwa.”—HEBREO 12:3.
1, 2. Anong kapani-paniwalang katunayan ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad na siya’y nabuhay na?
“NAKITA ko ang Panginoon!” Sa ganiyang nakagugulat na mga salita, ibinalita ni Maria Magdalena ang pagkabuhay-muli ni Jesus. (Juan 20:18) Ito ang pasimula ng 40 araw na lipos ng lubhang nakalulugod na mga pangyayari para sa mga alagad ni Kristo, na dati’y nangalulumbay dahil sa kaniyang kamatayan.
2 Ibig ni Jesus na huwag mag-iwan ng anumang alinlangan sa isip ng kaniyang mga alagad na siya’y aktuwal na nabuhay na. Sa gayon, gaya ng paglalahad ni Lucas: “Sa pamamagitan ng maraming positibong katunayan pagkatapos na siya’y makapaghirap, napakita nang buhay [si Jesus] sa kanila, anupa’t kanilang nakita sa loob ng apatnapung araw.” (Gawa 1:3) Ang totoo, minsan “siya’y napakita sa mahigit na limandaang kapatid na paminsan.” (1 Corinto 15:6) Tunay, ngayon ay wala nang bahagya mang dahilan upang mag-alinlangan. Si Jesus ay nabuhay na!
3. Anong tanong tungkol sa Kaharian ang iniharap sa kaniya ng mga alagad ni Jesus, at bakit nagulat sila sa kaniyang sagot?
3 Ang mga alagad ni Jesus noon ay walang iniisip kundi isang makalupang “kaharian ng Diyos,” na isinauli sa Israel. (Lucas 19:11; 24:21) Kaya’t sila’y nagtanong kay Jesus: “Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian ng Israel sa panahong ito?” Walang alinlangan na sila’y nagulat sa kaniyang sagot, sapagkat sinabi niya: “Hindi para sa inyo ang makaalam ng mga panahon o ng mga bahagi ng panahon na itinakda ng Ama para sa kaniyang sariling kapamahalaan; ngunit kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:6-8) Anong laking hamon ang nakaharap ngayon sa mga alagad! At anong laking pananagutan! Papaano nila magaganap ang gayong gawain? Hindi nagtagal at dumating ang sagot sa isang nakagugulat na paraan.
Pagtanggap sa Hamon
4. Ilarawan ang nangyari noong araw ng Pentecostes.
4 Si Lucas ay naglalahad: “Samantalang nagaganap ang araw ng kapistahan ng Pentecostes silang lahat ay sama-sama sa iisang dako, at biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinunô ang buong bahay na kanilang kinauupuan. At sa kanila’y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabaha-bahagi, at dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob ng espiritu na kanilang salitain.” Ganiyan na lamang kaingay iyon kung kaya’t natawag ang pansin ng isang lubhang karamihan ng mga Judiong naroroon sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng kapistahan. Sila’y nangagtaka nang marinig nila sa ‘kani-kanilang sariling wika ang tungkol sa dakilang mga gawa ng Diyos.’—Gawa 2:1-11.
5. Sa anong lawak natupad sa madaling panahon ang inihula ni Jesus sa Gawa 1:8?
5 Kapagdaka’y nagbigay si Pedro ng isang napakabisang pahayag, na nagpapatotoo ng walang bahagya mang alinlangan na “si Jesus na Nazareno,” na kanilang ibinayubay, ang “Panginoon” na inihula ni David sa mga salitang: “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa kanan ko, hanggang sa ang mga kaaway mo’y gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.’” Palibhasa’y nasaktan ang puso, ang mga tagapakinig ni Pedro ay nangagtanong: “Mga lalaki, mga kapatid, anong gagawin namin?” Bilang tugon sila’y hinimok ni Pedro: “Mangagsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan.” Ang resulta? Tatlong libo ang nangabautismuhan! (Gawa 2:14-41) Noon ay sa Jerusalem nagbibigay ng patotoo. Nang maglaon, iyon ay lumaganap na hanggang sa buong Judea, pagkatapos ay sa Samaria, at sa katapus-tapusan “sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Ganiyan na lamang kabilis ang paglawak ng gawaing pangangaral ng Kaharian kung kaya’t noong mga 60 C.E. naaaring sabihin ni apostol Pablo na ang mabuting balita “ay ipinangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.”—Colosas 1:23.
Paglawak ng Kaharian at Pag-uusig
6, 7. (a) Papaanong magkasama ang paglawak ng Kaharian at ang pag-uusig sa mga Kristiyano noong unang siglo? (b) Anong apurahang pangangailangan ang bumangon sa gitna ng mga Kristiyano sa Jerusalem, at papaano nalunasan ang pangangailangang ito?
6 Hindi nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ang mga alagad ni Jesus ay may dahilan na alalahanin ang kaniyang mga salita: “Ang alipin ay hindi dakila sa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Ang mga pinunong Judio ay nangagsiklab ang galit nang “ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na dumaming lalo sa Jerusalem.” Sa maling paratang, ang alagad na si Esteban ay binato hanggang sa mamatay. Iyon ay lumabas na siyang hudyat na hinihintay ng marami, sapagkat “nang araw na iyon malaking pag-uusig ang bumangon laban sa kongregasyon na nasa Jerusalem; lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa buong kalaparan ng Judea at Samaria.”—Gawa 6:7; 7:58-60; 8:1.
7 Ang pag-uusig ay pansamantalang umurong. Subalit hindi nagtagal pagkatapos, ang apostol na si Santiago ay pinatay ni Herodes Agrippa I. Si Pedro ay ibinilanggo ngunit pinalaya ng isang anghel. Nang maglaon ang mga kapatid sa Jerusalem ay naghikahos sa kanilang materyal na pangangailangan, at kinailangang padalhan sila ng tulong ng mga kapananampalataya sa ibang lugar. (Gawa 9:31; 12:1-11; 1 Corinto 16:1-3) Sa isang pagdalaw ni apostol Pablo sa Jerusalem, ipinamalas ng mga relihiyoso ang kanilang pagkapanatiko nang isang lubhang karamihan ang maghiyawan: “Alisin sa lupa ang gayong tao, sapagkat siya’y hindi karapat-dapat mabuhay!” (Gawa 22:22) Tunay, ang gayong mga Kristiyano na namumuhay sa Jerusalem at Judea ay nangailangan ng gayong pampatibay-loob upang patuloy na makapagpatotoo nang buong katapatan tungkol sa Kaharian. Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “ang banal na espiritu, na susuguin ng Ama sa aking pangalan,” ay kikilos bilang isang “katulong.” (Juan 14:26) Subalit papaano ngayon magbibigay ang Ama ng gayong kinakailangang tulong o kaaliwan? Ang sagot, sa isang bahagi, ay sa pamamagitan ni apostol Pablo.
Ang Liham ni Pablo sa mga Hebreo
8. (a) Ano ang nag-udyok kay Pablo na isulat ang kaniyang liham sa mga Hebreo? (b) Sa anong katangian ng kaniyang liham itututok natin ang ating pansin, at bakit?
8 Noong humigit-kumulang 61 C.E., si Pablo ay ibinilanggo sa Roma, ngunit alam niya ang nangyayari sa kaniyang mga kapatid sa Jerusalem. Kaya naman, sa ilalim ng patnubay ng espiritu ni Jehova siya’y sumulat ng kaniyang napapanahong liham sa mga Hebreo. Ito ay puspos ng mapagmahal na pagkabahala sa kaniyang mga kapatid na Hebreo. Batid ni Pablo na sila’y nangangailangan na patibayin sa kanilang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova bilang kanilang Katulong. Kung magkagayo’y kanilang maaaring ‘takbuhin nang may pagtitiis ang takbuhan na nakaharap sa kanila’ at masasabi nang may pagtitiwala: “Si Jehova ang katulong ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” (Hebreo 12:1; 13:6) Sa katangiang ito ng liham ni Pablo sa mga Hebreo (kabanata 11-13) ibig natin ngayong itutok ang ating pansin. Bakit? Sapagkat ang kalagayan na kinalagyan ng mga unang Kristiyanong iyon ang kaparehong kalagayan na nakaharap sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon.
9. Anong isyu na napaharap sa mga Kristiyano noong unang siglo ang nakaharap sa mga Kristiyano sa ngayon, at papaano lamang mapagtatagumpayan iyon?
9 Sa nalolooban ng ating salinlahi, napakarami ang tumugon sa positibong paraan sa pabalita ng Kaharian sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova at pagpapabautismo bilang kaniyang mga Saksi. Gayunman, kasama nitong paglawak na ito ng tunay na pagsamba ang marahas na pag-uusig, maraming mga Kristiyano ang nagbubuwis pa man din ng kanilang buhay gaya ni Esteban, Santiago, at iba pang tapat na mga saksi noong unang siglo. Sa gayon, ang isyu ngayon ay kapareho rin noong una: Sino ang makatatayo sa pagsubok ng kanilang katapatan sa harap ng lumalalang pananalansang sa balita ng Kaharian? Isa pa, sino ang makahaharap sa kasindak-sindak na mga pangyayari kapag sa malapit na hinaharap ay sumapit na sa kasalukuyang salinlahing ito ang wala pang nakakatulad na “malaking kapighatian”? (Mateo 24:21) Ang sagot ay, yaong mga handang “makipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya,” yaong mga “matatag sa pananampalataya.” Ito ang siyang sa wakas ay makapagsasabi: “Ito ang dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.”—1 Timoteo 6:12; 1 Pedro 5:9; 1 Juan 5:4.
Pakikinabang Buhat sa Tapat na mga Halimbawa
10. (a) Ano ba ang pananampalataya? (b) Ano ang nadama ng Diyos tungkol sa mga lalaki at mga babae na may pananampalataya noong sinaunang panahon?
10 Ano ba ang pananampalataya? Ang sagot ni Pablo: “Ang pananampalataya ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay, ang malinaw na katunayan ng mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita. Sapagkat sa pamamagitan nito ang sinaunang mga tao ay pinatotohanan.” (Hebreo 11:1, 2) Pagkatapos ay sinusuhayan ni Pablo ang kaniyang pangangahulugan sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapakita ng pananampalatayang may gawa. Kaniyang itinatampok ang pinakamahalagang mga bagay sa buhay ng ilan sa ‘sinaunang mga lalaki,’ at gayon din sa mga babae na tulad ni Sarah at ni Rahab. Anong laking pampatibay-loob na malaman na “hindi sila ikinahihiya ng Diyos, na tawaging siya’y Diyos nila”! (Hebreo 11:16) Masasabi kaya ng Diyos ang ganiyan din tungkol sa atin dahil sa ating pananampalataya? Harinawang huwag nating mabigyan siya ng anumang dahilan na ikahiya tayo sa pagtatapos ng bawat araw.
11. Papaano tayo sa ngayon makikinabang sa “napakakapal na ulap ng mga Saksi na nakapalibot sa atin”?
11 Pagkatapos ng paglalahad tungkol sa tapat na mga lalaki at mga babaing ito, sinabi ni Pablo: “Kaya nga, yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 12:1) Bagaman natutulog ngayon sa libingan, buhay ba sa ating isip ang ulirang tapat na mga saksing ito? Ikaw ba’y may sapat na kaalaman sa kanila at sa kanilang mga karanasan upang makasagot ka ng oo? Ito ang isa sa maraming kagantihan ng palagiang pag-aaral ng Bibliya, na ginagamit ang lahat ng ating mga pandamdam upang buhayin sa alaala ang nakapupukaw na mga karanasan ng “napakakapal na ulap ng mga saksi” na ito. Oo, sa pagsasapuso ng kanilang tapat na halimbawa ay matutulungan tayong mainam na daigin ang anumang kakulangan ng pananampalataya. Sa kabilang panig, ito’y tutulong sa atin na magbigay ng isang matapang at walang-takot na pagpapatotoo sa katotohanan sa ilalim ng lahat ng kalagayan.—Roma 15:4.
Hindi Nanghihimagod
12. (a) Papaanong ang halimbawa ni Jesus ay tutulong sa atin na huwag ‘manghimagod at manlupaypay sa ating mga kaluluwa’? (b) Ano ang ilan sa kasalukuyang-panahong mga halimbawa niyaong mga hindi nanghihimagod?
12 Ang ating pinakadakilang halimbawa ng pananampalataya ay si Jesus. Ipinayo ni Pablo: “Takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. . . . Oo, pag-isipan ninyong maingat yaong nagtiis ng gayong pag-alipusta ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling kapakanan, upang huwag kayong manghimagod at manlupaypay sa inyong mga kaluluwa.” (Hebreo 12:1-3) Gaano bang ‘kaingat’ pinag-isipan mo ang halimbawa na ipinakita ni Jesus? Gaanong ‘kasidhi’ ang pagmamasid mo sa kaniya? (1 Pedro 2:21) Ibig ni Satanas na tayo’y ‘manghimagod at manlupaypay sa ating mga kaluluwa.’ Ibig niyang tayo’y huminto ng gawang pagpapatotoo. Papaano niya ginagawa ito? Kung minsan sa pamamagitan ng tahasang pananalansang na nanggagaling sa mga relihiyoso at makasanlibutang maykapangyarihan, tulad noong unang siglo. Noong nakalipas na taon, ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay hinigpitan sa mga 40 bansa. Subalit ito ba’y humila sa ating mga kapatid upang manghimagod? Hindi! Ang kanilang tapat na paggawa ay nagbunga ng 17,000 at higit pa ang nabautismuhan sa mga lupaing iyan noong 1988. Anong husay na pampasigla ito na dapat gumising sa lahat niyaong mga naninirahan sa mga bansang may kalayaan kung ihahambing sa mga nasa gayong mga bansa! Harinawang tayo’y huwag manghimagod kailanman sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian!
13. (a) Ano ang ilan sa di-gaanong mahalatang mga bagay na maaaring maging dahilan ng ating panghihimagod sa ating gawaing pangangaral? (b) Ano ‘ang kagalakang inilagay sa harap ni Jesus,’ at papaano tayo makapagkakaroon ng isang katulad na saloobin ng kagalakan?
13 Gayunman, may iba pang di-gaanong mahalatang mga bagay na maaaring maging dahilan ng ating panghihimagod. Kasali na rito ang pananalansang na nanggagaling sa isang nababahaging tahanan, ligalig ng isip, mga suliranin ng kalusugan, panggigipit buhat sa mga kaedad, panghihina ng loob bunga ng kakulangan ng positibong mga resulta sa ating pangangaral, o marahil ang pagkadama ng pagkainip dahilan sa hindi pa dumarating ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Bueno, ano ba ang tumulong kay Jesus na matiis ang pagdurusa ng isip at ang paghihirap ng katawan? Iyon ay “ang kagalakan na inilagay sa harapan niya.” (Hebreo 12:2) Si Jesus ay inalalayan ng kagalakan ng pagpapagalak sa puso ng kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagbabangong-puri sa Kaniya at pag-aasam-asam sa kaligayahan na kaniyang tatamasahin pagka pinangasiwaan na niya ang pagkakaloob ng kahanga-hangang pagpapalang idudulot ng Mesiyanikong Kaharian. (Awit 2:6-8; 40:9, 10; Kawikaan 27:11) Atin kayang lalong masidhing matutularan ang ganitong maligayang saloobin ni Jesus? At tandaan din ang katiyakang ibinigay ni Pedro sa 1 Pedro 5:9: “Ang ganoon ding mga hirap ay dinaranas sa buong kapatiran ninyo sa sanlibutan.” Palibhasa’y alam natin na tayo’y nauunawaan ni Jehova, nadarama natin ang init ng pagmamahalan ng pambuong-daigdig na pagkakapatiran, at nakatutok ang ating mata sa kagalakan na nasa unahan natin upang tamasahin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian—lahat na ito ay tutulong sa atin upang huwag manghimagod ng paglilingkod kay Jehova taglay ang pananampalataya at ng pangangaral ngayong pagkalapit-lapit na ang wakas.
Kung Bakit Nagbibigay si Jehova ng Disiplina
14. Anong mga kapakinabangan ang maaaring mapakinabang natin buhat sa mga pagsubok at mga kahirapan na kailangang pagtiisan natin?
14 Ngayo’y nililinaw ni Pablo ang dahilan kung bakit tayo mangangailangan na magtiis ng mga pagsubok at mga kahirapan. Kaniyang ipinapayo na ituring natin iyon na isang anyo ng disiplina. Si Pablo ay nangangatuwiran: “Anak ko, huwag hamakin ang disiplina buhat kay Jehova, ni manlupaypay man pagka ikaw ay itinutuwid niya; sapagkat ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina.” (Hebreo 12:5, 6) Maging si Jesus man ay “natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis.” (Hebreo 5:8) Tiyak, tayo’y kailangan ding matuto ng pagsunod. Pansinin ang kapaki-pakinabang na epekto ng pagtanggap ng disiplina na humuhubog sa atin. Sinabi ni Pablo: “Sa mga nasanay na ay namumunga iyon ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.” Anong laking pampalakas-loob iyan!—Hebreo 12:11.
15. Papaano natin maikakapit ang payo ni Pablo na “patuloy na lumakad sa matuwid na mga landas”?
15 Kung ating tatanggapin “ang disiplina buhat kay Jehova” sa ganitong liwanag, ating isasapuso ang positibong payo ni Pablo: “Iunat nga ninyo ang mga kamay na nanghihina at ang mga tuhod na nanginginig, at patuloy na lumakad sa matuwid na mga landas.” (Hebreo 12:12, 13) Kung minsan ay napakadaling mapalihis sa ‘makipot na daang patungo sa buhay.’ (Mateo 7:14) Si apostol Pedro at ang mga iba pa sa Antioquia ay dati-rati nagkakasala ng paggawa nito. Bakit? Sapagkat “sila’y hindi lumalakad nang matuwid ayon sa katotohanan ng mabuting balita.” (Galacia 2:14) Sa ngayon, tayo’y kailangang patuloy na makinig sa ating Dakilang Tagapagturo, si Jehovang Diyos. Kailangang lubusang gamitin natin ang mga pantulong na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” Sa ganito’y tiyak na makalalakad tayo sa ‘matuwid na landas’ na dapat lakaran ng ating mga paa.—Mateo 24:45-47; Isaias 30:20, 21.
16. (a) Papaanong ang isang “nakalalasong ugat” ay maaaring sumibol sa isang kongregasyon? (b) Bakit ang imoralidad ay iniuugnay ni Pablo sa kawalan ng pagpapahalaga sa mga bagay na banal, at papaano natin maiingatan ang ating sarili laban sa gayong mga panganib?
16 Pagkatapos ay nagbabala si Pablo na tayo’y dapat “nagpapakaingat upang walang sinuman ang mapagkaitan ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos; upang walang sumibol na nakalalasong ugat at lumikha ng ligalig at upang huwag mahawa rito ang marami.” (Hebreo 12:15) Ang paghihinanakit, kawalang-kasiyahan, pagrereklamo dahil sa nakikitang paraan na sinusunod sa pagsasagawa ng mga bagay sa kongregasyon ay maaaring maging mistulang “nakalalasong ugat” na dagling kakalat at makalalason sa mahuhusay na kaisipan ng iba sa kongregasyon. Ating malalabanan ang ganiyang negatibong mga kaisipan sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa di-mabibilang na mga pagpapalang dala sa ating buhay ng katotohanan. (Awit 40:5) Ang isa pang panganib ay ang pagkakaroon ng hilig sa imoralidad o ang ‘kawalan ng pagpapahalaga sa mga bagay na banal, tulad ni Esau.’ (Hebreo 12:16) Pinag-uugnay ni Pablo ang dalawang panganib na ito, yamang ang isa ay madaling hahantong doon sa isa. Walang Kristiyano ang kailangang sumuko sa ganiyang mapag-imbot na mga pita kung kaniyang ikinakapit ang mga salita ni Pedro: “Labanan ninyo [ang Diyablo], matatag sa pananampalataya.”—1 Pedro 5:9.
“Mga Totohanang Bagay Bagaman Hindi Nakikita”
17. Paghambingin ang kasindak-sindak na mga pangyayari sa Bundok Sinai at yaong napapaharap sa mga Kristiyano sa ngayon?
17 Ang ating pananampalataya ay totoong nakasalalay sa “mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Ang ilan sa mga di-nakikitang totohanang mga bagay na ito ay tinatalakay ni Pablo sa Hebreo 12:18-27. Kaniyang inilalahad ang tungkol sa kasindak-sindak na mga pangyayari sa Bundok Sinai nang tuwirang makipag-usap ang Diyos sa Israel at nang sabihin ni Moises: “Ako’y nasisindak at nanginginig.” Pagkatapos ay isinusog ng apostol: “Subalit nagsilapit kayo sa Bundok Sion at sa lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem, at sa di-mabilang na hukbo ng mga anghel, na nasa pangkalahatang pagtitipon.” Sa pangyayari tungkol sa sinaunang mga Israelita sa Bundok Sinai, ang lupa ay pinayanig ng tinig ng Diyos, ang sabi ni Pablo, subalit ngayon Kaniyang ipinangako, na nagsasabi: “Minsan pa na yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi pati ang langit.” Bagaman ang mga salitang ito ay unang-unang para sa pinahirang mga Kristiyano, ang “malaking pulutong” ng mga ibang tulad tupa ay makapagsasapuso rin nito. (Apocalipsis 7:9) Lubusan bang nasasakyan mo ang sinasabi ni Pablo? Tayo’y nakatayo sa harapan ng isang pagtitipon ng sampu-sampung libong mga anghel. Mangyari pa, tayo’y nakatayo rin sa harapan ni Jehova. Nasa kaniyang kanang kamay si Jesu-Kristo. Oo, tayo’y nasa isang lalong kasindak-sindak na kalagayan at nasa ilalim ng lalong malaking pananagutan kaysa roon sa taglay ng sinaunang mga Hebreong iyon sa Bundok Sinai! At tandaan, ang pagyanig na magaganap sa napipintong digmaan ng Armagedon ang magpapangyari upang maparam ang kasalukuyang balakyot na langit at lupa. Sa ngayon ay tunay na hindi panahon upang “umurong” sa pakikinig at pagsunod sa Salita ng Diyos!
18. Sa papaano lamang tayo patuloy na makapagpapatotoo ukol kay Jehova, nang hindi nanghihimagod?
18 Kung gayon, tunay na tayo’y namumuhay sa pinakakasindak-sindak na panahon sa kasaysayan ng tao. Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo’y sinugo sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa upang mangaral ng mabuting balita ng natatatag na Kaharian ng Diyos. Sa paggawa nito, tayo’y kailangang may pananampalataya na hindi nayayanig, isang pananampalataya na hindi nanghihimagod, isang pananampalataya na nagpapangyaring tanggapin natin ang disiplinang nanggagaling kay Jehova. Kung mayroon tayo ng ganiyang pananampalataya, tayo’y makakabilang sa mga “patuloy na magkakaroon ng di-sana-nararapat na awa, na sa pamamagitan nito ay maaari tayong kalugud-lugod na makapaghandog sa Diyos ng banal na paglilingkod na may kasamang banal na takot at sindak.” (Hebreo 12:28) Oo, at tayo’y patuloy na magpapatotoo ukol kay Jehova at hindi manghihimagod.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit ang liham ni Pablo sa mga Hebreo ay kapaki-pakinabang sa atin?
◻ Anong isyu ang kailangang harapin ng mga Kristiyano sa ngayon?
◻ Papaano tayo makikinabang sa tapat na mga Saksi noong una?
◻ Bakit dinidisiplina ni Jehova yaong kaniyang iniibig?
◻ Ano ang susi sa pagpapatotoo nang hindi nanghihimagod?