May Epekto sa Iyong Buhay ang Iyong Pagkakilala sa Kaluluwa
“Ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.”—GENESIS 2:7.
1, 2. Tungkol sa tao at sa kaluluwa, ano ba ang paniwala ng karamihan ng relihiyon?
HALOS lahat ng relihiyon ay nagtuturo na ang tao’y may kaluluwang walang kamatayan. Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi na ang kaluluwa’y “nilalang ng Diyos at inilagay sa katawan sa panahon na ito’y ipinaglilihi.” Sinasabi rin nito na ang doktrina ng walang-kamatayang kaluluwa “ay isa sa mga batong-panulok” ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Sa katulad na paraan, “ang paniwalang Moslem,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay naniniwalang ang kaluluwa’y umiiral na kasabay ng katawan; pagkatapos, ito ay may sarili nang buhay, ang pakikipagkaisa nito sa katawan ay isang pansamantalang kalagayan lamang.”
2 Ang gayong mga relihiyon ay naniniwala na ang kaluluwa’y umaalis sa katawan sa mismong sandali ng kamatayan at nabubuhay na walang-hanggan, yamang ang hantungan nito ay walang-kahulilip na kaligayahan sa langit, isang pansamantalang panunuluyan sa purgatoryo, o walang-hanggang kaparusahan sa isang maapoy na impiyerno. Ang kamatayan ay itinuturing na daan patungo sa buhay na walang-hanggan sa dako ng mga espiritu. Gaya ng sabi ng isang manunulat sa aklat na We Believe in Immortality: “Itinuturing kong ang Kamatayan ay isang dakila at maluwalhating pakikipagsapalaran. Itinuturing kong ang Kamatayan ay isang pagkátaas sa ranggo sa langit.”
3. Ano ang paniwala ng iba’t ibang relihiyon sa Silangan?
3 Ang mga Hindu, Buddhista, at mga iba pa ay naniniwala sa transmigration. Kasali rito ang paniniwala na sa kamatayan ang kaluluwa ay dumaranas ng reincarnation, muling ipinanganganak bilang isa uling tao o isa pa uling bagay na may buhay. Kung ang isang tao’y naging mabuti, sinasabi na ang kaniyang kaluluwa ay muling ipanganganak bilang isang tao sa lalong mataas na kalagayan. Ngunit kung siya’y naging masama, siya’y muling ipanganganak bilang isang tao sa lalong mababang kalagayan o kahit na isang hayop o isang insekto.
4, 5. Bakit mahalaga na maalaman ang katotohanan tungkol sa kaluluwa?
4 Gayunman, ano kung ang mga tao ay walang kaluluwang di-namamatay? Ano kung ang kamatayan ay hindi “isang pagkátaas sa ranggo sa langit,” hindi ang daan patungo sa walang-hanggang buhay sa espiritu o sa reincarnation, para sa lahat ng namamatay? Kung magkagayo’y sa maling direksiyon aakayin ang isang tao ng paniniwala na walang kamatayan ang kaluluwa. Ang aklat na Official Catholic Teachings ay nagsasabi na ipinipilit ng simbahan ang paniwala na di-namamatay ang kaluluwa sapagkat ang hindi paniniwala rito ay “magpapawalang-kabuluhan o magpapawalang-saysay sa kaniyang mga panalangin, sa kaniyang mga rituwal sa libing at sa mga seremonyang isinasagawa para sa mga patay.” Samakatuwid ang landasin sa buhay, pagsamba, at walang-hanggang hinaharap ay kasangkot.—Kawikaan 14:12; Mateo 15:9.
5 Mahalaga na maalaman ang katotohanan tungkol sa paniwalang ito. Sinabi ni Jesus: “Yaong mga sumasamba sa [Diyos] ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:24) Ang katotohanan tungkol sa taong kaluluwa ay matatagpuan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Nasa kinasihang Kasulatan ang pagsisiwalat ng Diyos ng kaniyang mga layunin, kaya tayo ay makapagtitiwala na ito’y nagsasabi sa atin ng katotohanan. (1 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 3:16, 17) Sinabi ni Jesus sa panalangin sa Diyos: “Ang salita mo ay katotohanan.”—Juan 17:17.
Nilalang ba na May Kaluluwang Walang-Kamatayan?
6. Ano ang malinaw na sinasabi sa atin ng ulat ng Genesis tungkol sa paglalang sa tao?
6 Ang Genesis 2:7 ay nagsasabi sa atin: “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buhay.” Ang ulat ay hindi nagsasabing ang tao’y nilagyan ng Diyos ng isang kaluluwang di-namamatay. Sinasabi nito na nang sa kapangyarihan ng Diyos ang katawan ni Adan ay mabuhay ang lakas, siya’y “naging isang kaluluwang buháy.” Samakatuwid ang tao ay isang kaluluwa. Siya’y walang kaluluwa.
7. Bakit ang mga tao ay inilagay rito sa lupa?
7 Nilalang ng Diyos si Adan upang mabuhay sa lupa, hindi sa langit. Ang lupa ay hindi nilayon na maging isang subukang dako lamang upang makita kung kuwalipikado si Adan para sa langit. Itinatag ng Diyos ang lupa “upang tahanan,” at si Adan ang unang taong nanirahan dito. (Isaias 45:18; 1 Corinto 15:45) Nang malaunan, na lalangin ng Diyos si Eva bilang isang asawa para kay Adan, ang layunin ng Diyos para sa kanila ay sila’y mag-anák upang kalatan ang lupa at gawin itong isang paraiso bilang walang-hanggang tahanan ng sangkatauhan.—Genesis 1:26-31; Awit 37:29.
8. (a) Ano ang kondisyon upang manatiling buháy si Adan? (b) Kung hindi nagkasala si Adan, saan siya patuloy na mabubuhay?
8 Saanman sa Bibliya ay walang sinasabi na may bahagi si Adan na walang-kamatayan. Bagkus, ang kaniyang pananatiling buháy ay may kondisyon, salig sa pagsunod sa kautusan ng Diyos. Kung kaniyang lalabagin ang kautusang iyon, ano ang mangyayari? Buhay na walang-hanggan ba sa dako ng mga espiritu? Hindi. Sa halip, siya’y “tiyak na mamamatay.” (Genesis 2:17) Siya’y babalik sa pinanggalingan niya: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 2:7; 3:19) Si Adan ay walang buhay bago siya nilalang, at siya’y hindi magkakaroon ng buhay pagkatapos na siya’y mamatay. Kaya’t may dalawang pagpipilian lamang: (1) pagsunod at buhay o (2) pagsuway at kamatayan. Kung hindi nagkasala si Adan, siya’y sa lupa patuloy na mabubuhay magpakailanman. Hindi siya pupunta kailanman sa langit.
9. Ano ang tamang tawag ng Bibliya sa kamatayan, at bakit?
9 Si Adan ay sumuway, at siya’y namatay. (Genesis 5:5) Kamatayan ang parusa sa kaniya. Iyon ay hindi daan patungo sa isang “maluwalhating pakikipagsapalaran” kundi isang daan patungo sa hindi na pag-iral. Samakatuwid, ang kamatayan ay hindi isang kaibigan kundi ayon sa tawag dito ng Bibliya, “isang kaaway.” (1 Corinto 15:26) Kung si Adan ay may kaluluwang di-namamatay na pupunta sa langit kung siya’y masunurin, kung gayo’y naging isang pagpapala sana ang kamatayan. Ngunit hindi gayon. Iyon ay isang sumpa. At dahil sa kasalanan ni Adan, ang sumpa ng kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat lahat ay kaniyang supling.—Roma 5:12.
10. Anong matitinding problema ang bumabangon sa paniwala na si Adan ay may kaluluwang di-namamatay?
10 Isa pa, kung si Adan ay nilikha na taglay ang isang kaluluwang di-namamatay na parurusahan magpakailanman sa isang maapoy na impiyerno kung siya’y magkasala, bakit hindi siya binigyan ng babala tungkol dito? Bakit sinabi lamang sa kaniya na siya’y mamamatay at babalik sa alabok? Di-makatarungan nga na hatulan si Adan ng walang-hanggang pagpaparusa dahil sa pagsuway, gayong hindi siya pinaalalahanan tungkol doon! Gayunman, ang Diyos ay “makatarungan.” (Deuteronomio 32:4) Hindi na kailangang paalalahanan si Adan tungkol sa isang maapoy na impiyerno para sa di-namamatay na mga kaluluwa ng balakyot. Wala ng gayong impiyerno, ni ng mga kaluluwa mang walang-kamatayan. (Jeremias 19:5; 32:35) Doon sa alabok ng lupa ay walang dumaranas nang walang-hanggang pagdurusa.
Pagkagamit ng Bibliya sa “Kaluluwa”
11. (a) Sa Bibliya ang salitang Tagalog na “kaluluwa” ay galing sa anong mga salitang Hebreo at Griego? (b) Papaano isinasalin ng King James Version ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “kaluluwa”?
11 Sa Kasulatang Hebreo, ang salitang Tagalog na “kaluluwa” ay galing sa salitang Hebreo na neʹphesh, na lumitaw nang mahigit na 750 ulit. Ang katumbas nito sa Kasulatang Griego ay psy·kheʹ, na lumilitaw nang mahigit na 100 ulit. Ang New World Translation of the Holy Scriptures ay panay na “kaluluwa” ang pagkasalin sa mga salitang ito. Ang mga ibang Bibliya ay marahil gumagamit ng sarisaring mga salita. Ang ilan sa mga pagkasalin ng King James Version sa neʹphesh ay: gana, ganid, katawan, hininga, kinapal, patay (na katawan), pita, puso, buhay, tao, isip, persona, sarili, kaluluwa, bagay. At ang pagkasalin nito sa psy·kheʹ ay: puso, buhay, isip, kaluluwa.
12. Papaano ginagamit ng Bibliya ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “kaluluwa”?
12 Ang mga kinapal sa dagat ay tinatawag ng Bibliya na neʹphesh: “Bawat kaluluwang buháy na nasa tubig.” (Levitico 11:10) Ang salita ay maaaring tumukoy sa mga hayop na nasa lupa: “Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kani-kaniyang uri, pinaamong hayop at umuusad na hayop at ganid na halimaw.” (Genesis 1:24) Daan-daang ulit na ang kahulugan ng neʹphesh ay mga tao. “Lahat ng mga kaluluwa na lumabas sa balakang ni Jacob ay pitumpung kaluluwa.” (Exodo 1:5) Ang isang halimbawa ng ganitong paraan ng pagkagamit sa psy·kheʹ ay nasa 1 Pedro 3:20. Tinutukoy roon ang daong ni Noe, “na sa loob nito’y kakaunti, samakatuwid nga, walong kaluluwa, ang iniligtas sa tubig.”
13. Sa anu-anong paraan ginagamit sa Bibliya ang salitang “kaluluwa”?
13 Sa Bibliya ang salitang “kaluluwa” ay ginagamit sa marami pang mga ibang paraan. Ang Genesis 9:5 ay nagsasabi: “Ang dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko.” Dito ang kaluluwa ay sinasabing may dugo. Ang Exodo 12:16 ay nagsasabi: “Yaon lamang kailangang kanin ng bawat kaluluwa, tanging iyan ang maaaring gawin para sa inyo.” Sa kasong ito ang kaluluwa ay sinasabi na kumakain. Sa Deuteronomio 24:7 ay tinutukoy ang isang tao na “dumurukot sa kaluluwa ng kaniyang mga kapatid.” Tiyak naman na hindi isang walang-kamatayang kaluluwa ang dinukot. Ang Awit 119:28 ay nagsasabi: “Ang aking kaluluwa ay di-makatulog bunga ng dalamhati.” Samakatuwid ang kaluluwa ay maaari pa ngang di-makatulog. Ipinakikita rin ng Bibliya na ang kaluluwa ay mortal. Ito’y namamatay. “Ang kaluluwang iyan ay kailangang ihiwalay sa kaniyang bayan.” (Levitico 7:20) “Siya’y huwag lalapit sa anumang patay na kaluluwa.” (Bilang 6:6) “Ang aming mga kaluluwa ang kailangang mamatay.” (Josue 2:14) “Sinumang kaluluwa na hindi makikinig sa Propetang iyon ay pupuksaing lubos.” (Gawa 3:23) “Bawat kaluluwang buháy ay namatay.”—Apocalipsis 16:3.
14. Ano ang kaluluwa ayon sa maliwanag na ipinakikita ng Bibliya?
14 Maliwanag, ang pagkagamit sa Bibliya ng neʹphesh at psy·kheʹ ay nagpapakita na ang kaluluwa’y ang tao o, sa kaso ng mga hayop, ang kinapal. Ito ay hindi isang di-namamatay na bahagi ng isang indibiduwal. Tunay, ginagamit pa nga ang neʹphesh tungkol sa Diyos mismo: “Sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.”—Awit 11:5.
Maraming Iskolar ang Sumasang-ayon
15. Papaano nagpapahayag ang maraming mga isinulat ng mga iskolar tungkol sa turo ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa?
15 Maraming iskolar ang sumasang-ayon na ang Bibliya’y walang tinutukoy na isang kaluluwang di-namamatay. Sinasabi ng The Concise Jewish Encyclopedia: “Ang Bibliya’y hindi bumabanggit ng isang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ni ito man ay malinaw na lumilitaw sa sinaunang mga isinulat ng mga rabbi.” Sinasabi ng The Jewish Encyclopedia: “Ang paniwala na patuloy na umiiral ang kaluluwa pagkatunaw ng katawan ay haka-haka ng mga pilosopo o mga teologo imbis na ito’y bunga ng payak na pananampalataya, kung kaya naman saanman ay hindi ito hayag na itinuturo ng Banal na Kasulatan.” Binanggit ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible: “Ang nephesh . . . ay hindi nagpapatuloy na umiral na hiwalay sa katawan, kundi namamatay na kasama nito. . . . Walang teksto sa Bibliya na nagbibigay-karapatan sa pangungusap na ang ‘kaluluwa’ ay humihiwalay sa katawan sa sandali ng kamatayan.”
16. Papaano nagpapahayag tungkol sa kaluluwa ang mga ilang autoridad?
16 Isa pa, sinasabi ng Expository Dictionary of Bible Words: “Ang ‘kaluluwa’ sa M[atandang] T[ipan], kung gayon, ay hindi tumutukoy sa isang di-materyal na bahagi ng mga tao na patuloy na umiiral pagkatapos ng kamatayan. Ang simpleng kahulugan ng [neʹphesh] ay ang buhay na katangi-tanging nararanasan ng mga taong kinapal. . . . Ang simpleng kahulugan ng [psy·kheʹ] ay ibinibigay ng M[atandang] T[ipan] na katumbas niyaon, imbis na ang kahulugan nito sa kulturang Griego.” At sinasabi naman ng The Eerdmans Bible Dictionary na sa Bibliya, ang salitang kaluluwa ay “hindi tumutukoy sa isang bahagi ng tao, kundi sa buong persona. . . . Sa ganitong diwa ang mga tao ay walang kaluluwa—sila ay mga kaluluwa.”—Amin ang italiko.
17. Tungkol sa “kaluluwa,” ano ang sinasabi ng dalawang autoridad Katoliko?
17 Inaamin maging ng New Catholic Encyclopedia: “Ang mga salita sa Bibliya para sa kaluluwa ay kadalasan tumutukoy sa buong tao.” Isinusog pa: “Walang dichotomy [pagkahiwalay] ng katawan at kaluluwa sa M[atandang] T[ipan]. . . . Ang termino [neʹphesh], bagaman isinalin sa ating salitang kaluluwa, ay hindi nangangahulugang kaluluwa bilang naiiba sa katawan o sa indibiduwal na tao. . . . Ang termino [psy·kheʹ] ang salita sa B[agong] T[ipan] na katumbas ng [neʹphesh]. . . . Ang paniwala na ang kaluluwa’y patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan ay hindi dagling mauunawaan sa Bibliya.” At si Georges Auzou, Pranses na Katolikong Propesor ng Sagradong Kasulatan, ay sumusulat ng ganito sa kaniyang aklat na La Parole de Dieu (Ang Salita ng Diyos): “Ang ideya na ang ‘kaluluwa,’ nangangahulugang isang lubusang espirituwal, di-materyal na katunayan, hiwalay sa ‘katawan,’ . . . ay wala sa Bibliya.”
18. (a) Papaano nagkukomento ang isang ensayklopedia sa pagkagamit sa Bibliya ng salitang “kaluluwa”? (b) Saan kinuha ng mga teologo ang ideya na may isang bagay na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan?
18 Sa gayon, nagkukomento ang The Encyclopedia Americana: “Ang ideya tungkol sa tao sa Matandang Tipan ay yaong tumutukoy sa pagkakaisa, hindi ang pagsasama ng kaluluwa at ng katawan. Bagaman ang salitang Hebreong [neʹphesh] ay malimit na isinasaling ‘kaluluwa,’ nagiging di-wasto na dito’y ipakahulugan ang isang Griegong kahulugan. . . . Ang [neʹphesh] ay hindi sumaisip bilang kumikilos na hiwalay sa katawan. Sa Bagong Tipan ang salitang Griegong [psy·kheʹ] ay kadalasang isinasalin na ‘kaluluwa’ ngunit muli na naman hindi dapat agad unawain na may kahulugan na gaya ng kahulugan ng salita ayon sa mga pilosopong Griego. . . . Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng malinaw na paglalarawan ng kung papaano nagpapatuloy na buháy ang isang tao pagkamatay.” Isinususog nito: “Ang mga teologo ay bumabaling sa mga talakayan ng mga pilosopo para sa isang tapat na kaparaanan sa paglalarawan ng pananatiling buháy ng indibiduwal pagkamatay.”
Hindi ang Bibliya Kundi ang Pilosopya
19. Papaanong ang pilosopyang Griego ay may kaugnayan sa paniniwalang walang-kamatayan ang kaluluwa?
19 Totoo naman na kinuha ng mga teologo ang mga ideya ng mga pilosopong pagano upang mabuo ang doktrina ng walang-kamatayang kaluluwa. Sinasabi ng Pranses na Dictionnaire Encyclopédique de la Bible (Ensayklopediang Diksiyunario ng Bibliya): “Ang ideya ng pagkawalang-kamatayan ay bunga ng kaisipang Griego.” Umaayon naman ang The Jewish Encyclopedia: “Ang paniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay nakuha ng mga Judio sa kanilang pakikipag-ugnay sa kaisipang Griego at sa kalakhang bahagi sa pamamagitan ng pilosopya ni Plato, ang pangunahing tagapagtaguyod nito,” na nabuhay noong ikaapat na siglo bago kay Kristo. Ito ang paniwala ni Plato: “Ang kaluluwa ay walang kamatayan at di-nasisira, at ang ating mga kaluluwa ay tunay na nabubuhay sa ibang daigdig!”—The Dialogues of Plato.
20. Kailan at papaano nakapasok sa Kristiyanismo ang pilosopyang pagano?
20 Kailan nakapasok sa Kristiyanismo ang paganong pilosopyang ito? Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Mula sa kalagitnaan ng ika-2 siglo A.D. ang mga Kristiyanong nagkaroon ng kaunting pagsasanay sa mga pilosopyang Griego ay nakadama ng pangangailangang ipahayag ang kanilang pananampalataya ayon sa mga terminong ito, kapuwa ukol sa kasiyahan ng kanilang sariling kaisipan at upang makakumberte ng edukadong mga pagano. Ang pilosopya na pinakamagaling at angkop dito ay ang Platonismo.” Kaya, gaya ng sinasabi ng Britannica, “kinuha ng sinaunang mga pilosopong Kristiyano ang ideyang Griego tungkol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa.” Inaamin maging ni Papa John Paul II na ang doktrina ng walang-kamatayang kaluluwa ay may kahalong “mga teorya ng ilang paaralan ng pilosopyang Griego.” Ngunit ang pagtanggap sa mga teorya ng pilosopyang Griego ay nangangahulugan na itinakwil ng Sangkakristiyanuhan ang payak na katotohanang sinasabi sa Genesis 2:7: “Ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.”
21. Gaano nang katagal umiiral ang paniniwala sa isang di-namamatay na kaluluwa?
21 Gayunman, ang turo na di-namamatay ang kaluluwa ay lubhang una pa kay Plato. Sa aklat na The Religion of Babylonia and Assyria, ni Morris Jastrow, ating mababasa: “Ang suliranin ng pagkawalang-kamatayan . . . ang pinagbalingan ng seryosong pansin ng mga teologong Babilonyo. . . . Ang kamatayan ay daan sa isa pang uri ng buhay.” Gayundin, sinasabi ng aklat na Egyptian Religion, ni Siegfried Morenz: “Ang buhay pagkatapos ng kamatayan ay itinuring ng mga sinaunang Ehipsiyo na isa lamang pagpapatuloy ng buhay sa lupa.” Ipinakikita ng The Jewish Encyclopedia ang kaugnayan ng mga sinaunang relihiyong ito at ni Plato sa pagsasabing si Plato’y naakay na maniwala sa ideya ng walang-kamatayang kaluluwa [sa pamamagitan ng mga hiwaga ni Orfio at Eleusinio na kung saan ang Babilonyo at Ehipsiyong mga paniwala ay kakatuwa ang kaugnayan.”
22. Bakit masasabi na ang mga binhi ng doktrina ng walang-kamatayang kaluluwa ay tunay na naihasik na sa pagsisimula pa lamang ng kasaysayan ng tao?
22 Samakatuwid, ang ideya ng walang-kamatayang kaluluwa ay noon pang sinauna. Sa katunayan, ang mga ugat nito ay nagsimula sa pag-uumpisa pa lamang ng kasaysayan ng tao! Pagkatapos na sabihin kay Adan na siya’y mamamatay kung siya’y susuway sa Diyos, isang kabaligtad na turo naman ang sinabi sa asawa ni Adan, si Eva. Sa kaniya’y sinabi: “Ikaw ay tiyak na hindi mamamatay.” Dito ang mga binhi ng doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay inihasik. At magmula na noon, sunud-sunod na mga kultura ang umangkin sa paganong turo na ‘tunay na hindi ka mamamatay kundi patuloy na mabubuhay.’ Kasali na rito ang Sangkakristiyanuhan, na kumaladkad sa kaniyang mga tagasunod sa apostasya salungat sa mga layunin at kalooban ng Diyos.—Genesis 3:1-5; Mateo 7:15-23; 13:36-43; Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3, 7.
23. Sino ang bumuo ng turo ng walang-kamatayang kaluluwa, at bakit?
23 Sino nga ba ang umakay sa mga tao upang maniwala sa kasinungalingang iyan? Siya’y ipinakilala ni Jesus nang kaniyang sabihin sa mga pinunong relihiyoso noong kaniyang kaarawan: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. . . . Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Oo, si Satanas ang bumuo ng ideya ng walang-kamatayang kaluluwa upang ilayo ang mga tao sa tunay na pagsamba. Kaya’t ang landasin mo sa buhay at pag-asa sa hinaharap ay nalalagay sa maling landas kung maniniwala ka sa mga doktrina na umusbong buhat sa unang kasinungalingan na naiulat sa Bibliya, bagaman nang panahong iyon walang alinlangan na ang pagkaunawa lamang ni Eva sa ahas ay na hindi siya mamamatay sa ano mang paraan sa laman.
24. Anong mga tanong ang wastong itanong tungkol sa buhay na walang-hanggan at sa pagkawalang-kamatayan?
24 Ang Bibliya ay hindi nagtuturo na ang mga tao ay may di-namamatay na kaluluwa. Kung gayon, bakit may binabanggit ito tungkol sa pag-asang buhay na walang-hanggan? Isa pa, hindi ba ang Bibliya, sa 1 Corinto 15:53, ay nagsasabi: “Itong may kamatayan ay magbibihis ng walang kamatayan”? At hindi ba si Jesus ay naparoon sa langit pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, at hindi ba itinuro niya na ang iba’y tutungo rin sa langit? Ito at ang mga iba pang tanong ay susuriin sa ating susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Tungkol sa kaluluwa ano ba ang paniwala ng karamihan ng relihiyon?
◻ Papaano ipinakikita ng Bibliya na ang tao ay hindi nilalang na may kaluluwang di-namamatay?
◻ Ano ang maliwanag buhat sa pagkagamit ng Bibliya ng mga salitang Hebreo at Griego para sa “kaluluwa”?
◻ Anong sinasabi ng maraming iskolar hinggil sa turo ng Bibliya sa kaluluwa?
◻ Gaano nang katagal umiiral sa kasaysayan ang doktrina ng walang-kamatayang kaluluwa?
[Larawan sa pahina 20]
Sila ay pawang mga kaluluwa