Ang Pakikibaka ng Bibliyang Kastila Para Makaligtas
NOONG isang araw ng Oktubre ng 1559, mga 200,000 Katolikong Kastila ang nagkatipon sa hilagang siyudad ng Valladolid. Ang panoorin doon ay isang auto-da-fé, kung saan “dalawang biktima ang sinunog na buháy, sampu ang binigti.” Sila’y “mga erehes.”
Ang popular na kabataang haring si Philip II ang mismong nangasiwa sa okasyong iyon. Nang ang taong nahatulan ay magmakaawa, tumugon ang hari: “Kung ang aking sariling anak ay isang masamang tao na kagaya mo, ako mismo ang magdadala rito ng panggatong upang sunugin siya.” Ano ba ang nagawang krimen ng kaawaawang biktima? Wala kundi ang magbasa ng Bibliya.
Kasabay nito, ang organisasyon ng Inkisisyong Katoliko ay kumikilos sa siyudad ng Seville sa Andalusia. Doon, isang grupo ng mga monghe sa monasteryo ng San Isidro del Campo, ang katatanggap lamang ng lihim na ipinadalang mga Bibliyang Kastila. Sila kaya’y ipagkakanulo ng mga espiya? Ang iba na naniniwalang sila’y nasa malaking panganib na mahuli ay tumakas buhat sa bansa. Subalit 40 ng mga nanatili roon ang hindi naging mapalad at sinunog sa tulos, at kabilang sa kanila ang mismong taong nagpuslit ng mga Bibliya sa bansa. Ang Espanya noong ika-16 na siglo ay isang mapanganib na lugar para sa mga bumabasa ng Bibliya—kakaunti ang nakakaalpas sa mahigpit na pagkapigil sa kanila ng Inkisisyon.
Kabilang sa kakaunting iyan ang isang dating monghe, si Casiodoro de Reina (c. 1520-94). Siya’y tumakas sa London, subalit kahit na roon ay wala siyang matagpuang dako ng kaligtasan. Ang Inkisisyon ay nagtakda ng pabuya kung siya’y mahuhuli, at ang embahador Kastila sa Inglatera ay nagpakana na akitin siyang bumalik sa anumang paraan sa teritoryong kontrolado ng Espanya. Sa sandaling panahon, walang katotohanang mga paratang ng pangangalunya at homoseksuwalidad ang pilit na nag-udyok sa kaniya na umalis sa Inglatera.
Taglay ang kakaunti nang panustos at patuloy na lumalaking pamilyang binubuhay, ang unang natagpuan niyang mapagtataguan ay ang Frankfurt. Nang dakong huli, ang kaniyang paghahanap ng relihiyosong dakong matatakasan ay umakit sa kaniya sa Pransiya, Olandiya, at sa wakas sa Switzerland. Subalit sa buong panahong ito, siya’y patuloy na magawain. ‘Maliban sa panahong ako’y may sakit o naglalakbay, . . . patuloy ang aking pagsulat,’ ang paliwanag niya. Gumugol siya ng maraming taon sa pagsasalin ng Bibliya sa Kastila. Ang paglilimbag ng 2,600 kopya ng Bibliya ni Reina ay napasimulan sa wakas noong 1568 sa Switzerland at natapos noong 1569. Ang isang mahalagang katangian ng salin ni Reina ay na kaniyang ginamit ang Iehoua (Jehová) sa halip na Señor para sa Tetragrammaton, ang apat na letrang Hebreo ng personal na pangalan ng Diyos.
Kung Papaano Naisalin ang Bibliyang Kastila
Balintuna, sa panahon na, salamat sa imbensiyon ng palimbagan, samantalang dumarami sa Europa ang mga Bibliya, sa Espanya naman ay kumakaunti ito. Ngayon lamang ito nagkagayon. Sa loob ng daan-daang taon ang Bibliya ang pinakamalaganap na aklat sa Espanya. Sang-ayon sa paliwanag ng isang mananalaysay, noon daw Edad Medya, “ang Bibliya—bilang isang pinagmumulan ng inspirasyon at autoridad, bilang isang pamantayan sa pananampalataya at asal—ay higit na napatanyag sa Espanya kaysa sa Alemanya o Inglatera.” Iba’t ibang kasaysayan ng Bibliya, Salmos (o, Mga Awit), glossaries, mga kuwento sa moral, at nahahawig na mga aklat ang naging pinakamabili sa panahong iyon. Ang sulat-kamay na mga sipi ay makukuha sa Latin at, sa loob ng ilang mga siglo, maging sa wikang Gothic.
Sanáy na mga tagakopya ang nagtiyaga ng paggawa ng maiinam na mga manuskrito ng Bibliya. Bagaman gumugol ang 20 eskriba ng buong isang taon upang makagawa lamang ng isang de-primera klaseng manuskrito, maraming mga Bibliyang Latin at libu-libong mga komentaryo sa Bibliyang Latin ang nasa sirkulasyon sa Espanya nang sumapit ang ika-15 siglo.
Isa pa, nang magsimulang umunlad ang wikang Kastila, marami ang naging interesado na ang Bibliya’y mapasalin sa diyalekto. Sing-aga ng ika-12 siglo, ang Bibliya ay isinalin sa Romance, o sinaunang Kastila, ang wika na ginagamit ng karaniwang mga tao.
Isang Panandaliang Pagkagising
Subalit ang pagkagising ay hindi tumagal. Nang gamitin ng mga Waldensian, Lollards, at Hussites ang Kasulatan upang ipagtanggol ang kanilang paniniwala, mabilis at marahas ang ibinunga. Para sa mga autoridad Katoliko ang pagbabasa ng Bibliya ay kahina-hinala, at ang mga bagong pagkasalin sa mga karaniwang wika ay tuwirang tinanggihan.
Ang Katolikong Konsilyo ng Toulouse (Pransiya), na nagpulong noong 1229, ay nagpahayag: “Aming ipinagbabawal na ang sinumang lego ay mag-ari ng mga aklat ng Matanda o Bagong Tipan na isinalin sa karaniwang wika. Kung ibig ng sinumang taong relihiyoso, maaari siyang magkaroon ng isang aklat ng mga Salmos o isang Breviary [aklat ng mga himno at mga dasal] . . . subalit sa anumang pagkakataon ay hindi siya dapat mag-ari ng binanggit na mga aklat na isinalin sa Romance.” Makalipas ang apat na taon, si James I ng Aragon (hari sa isang malaking rehiyon ng peninsula) ay nagtakda sa lahat ng may Bibliya sa karaniwang wika ng walong araw lamang upang maibigay ang mga iyon sa lokal na obispo para sunugin. Ang hindi paggawa ng gayon ng klerigo o ng lego, ay magiging dahilan upang ang may-ari ay paghinalaan ng pagka-erehes.
Sa kabila ng mga pagbabawal na ito—na hindi naman laging mahigpit na sinusunod—may mga Kastila na nakapamamaraling may taglay na isang Bibliyang Romance noong huling bahagi ng Edad Medya. Ito’y biglang natapos nang itatag ang Kastilang Inkisisyon sa ilalim ni Reyna Isabella at Haring Ferdinand noong 1478. Noong 1492, sa siyudad ng Salamanca lamang, 20 walang-kasing halagang sulat-kamay na mga kopya ng Bibliya ang sinunog. Ang tanging biblikal na mga manuskritong Romance na nakaligtas ay yaong naroroon sa personal na mga aklatan ng hari o ilang makapangyarihang mga taong angkang mahal na hindi mapaghihinalaan.
Sa loob ng sumunod na dalawang daang taon, ang tanging opisyal na Bibliyang Katolikong lathala sa Espanya—maliban sa Latin Vulgate—ay ang Complutensian Polyglott, ang unang Bibliya na may saling iba’t ibang wika, sa tangkilik ni Cardinal Cisneros. Tunay na iyon ay isang dalubhasang aklat, tiyak na hindi para sa isang karaniwang tao. Gumawa ng 600 lamang na mga kopya, at kakaunti ang nakauunawa niyaon sapagkat taglay niyaon ang teksto ng Bibliya sa Hebreo, Aramiko, Griego, at Latin—hindi sa Kastila. Isa pa, ang presyo ay napakamahal. Ang halaga niyaon ay tatlong gintong ducats (katumbas ng anim na buwang sahod ng karaniwang manggagawa).
Ang Lihim na Pagkasalin sa Bibliyang Kastila
Noong may pasimula ng ika-16 na siglo, isang Kastilang mistulang si “Tyndale” ang bumangon sa katauhan ni Francisco de Enzinas. Bilang anak ng isang mayamang asenderong Kastila, sinimulan niyang isalin sa Kastila ang Kasulatang Griego Kristiyano habang isa lamang siyang kabataang estudyante. Nang bandang huli ay ipinalimbag niya ang saling iyon sa Netherlands, at noong 1544 may kagitingang sinikap niyang makakuha ng permiso ng emperador para maipamahagi iyon sa Espanya. Ang emperador ng Espanya, si Carlos I, ay nasa Brussels nang panahong iyon, at sinamantala ni Enzinas ang pagkakataong ito upang hilingin ang pagsang-ayon ng emperador sa kaniyang proyekto.
Ang pambihirang pag-uusap ng dalawang lalaki ay iniulat na ganito: “Ano bang uri ng aklat ito?” ang tanong ng emperador. Tumugon si Enzinas: “Ito po’y bahagi ng Banal na Kasulatan na tinatawag na Bagong Tipan.” “Sino ang autor ng aklat?” ang tanong sa kaniya. “Ang banal na espiritu po,” ang tugon naman niya.
Ang emperador ay pumayag na ilathala iyon ngunit sa isang kondisyon—na ang kaniyang pribadong kompesor, isang mongheng Kastila, ay kailangan ding magbigay ng kaniyang pagsang-ayon. Nakasamâ iyon kay Enzinas, sapagkat ang gayong pagsang-ayon ay ipinagkait, at hindi nagtagal ay ibinilanggo siya ng Inkisisyon. Makalipas ang dalawang taon siya’y nakatakas.
Mga ilang taon ang nakalipas, isang rebisadong edisyon ng kaniyang salin ang nilimbag sa Venice, Italya, at ang edisyong ito ng Kasulatan ang lihim na dinala ni Julián Hernández sa Seville, Espanya. Subalit siya’y nahuli, at pagkaraan ng dalawang taóng pagpapahirap at pagkabilanggo, siya’y pinatay kasama ng iba pang mga kapuwa estudyante ng Bibliya.a
Sa Konsilyo ng Trent (1545-63), inulit ng Iglesiya Katolika ang kaniyang pagkondena sa mga salin ng Bibliya sa diyalekto. Iyon ay naglathala ng isang indise ng bawal na mga aklat, na doo’y kasali ang lahat ng mga salin ng Bibliya na ginawa nang walang pagsang-ayon ang simbahan. Sa aktuwal ito’y nangangahulugan na lahat ng Kastilang mga Bibliyang diyalekto ay ibinabawal at kahit na lamang ang pag-aari ng isa ay maaaring humantong sa isang mandamyento para sa pagpatay sa taong iyon.
Mga ilang taon pagkatapos ilathala ang salin ni Reina, ang ginawa ni Cipriano de Valera, isa pang dating monghe na nakatakas sa poot ng Inkisisyon sa Seville, ay nirebisa iyon. Ang bersiyong ito ay nilimbag sa Amsterdam noong 1602 C.E., at ang ilang mga kopya ay nadala sa Espanya. Sa kaniyang orihinal at rebisadong mga bersiyon, ang Bibliyang Reina-Valera ang pinakamalaganap pa ring ginagamit na salin ng mga Protestanteng Kastila ang wika.
Hindi na Mapigil ang Pagbaha
Sa wakas, noong 1782 ang hukuman ng Inkisisyon ay nag-utos na ang Bibliya ay maaaring ilathala habang may kalakip iyon na mga paliwanag tungkol sa kasaysayan at turo. Noong 1790 ang obispong Katoliko ng Segovia, si Felipe Scio de San Miguel, sa pamamagitan ng paggamit ng Latin Vulgate, ay nagsalin ng Bibliya sa Kastila. Nakalulungkot naman, iyon ay napakamahal—1,300 reales, isang napakalaking halaga noon—at ang pananalita ay malabo, kung kaya isang mananalaysay na Kastila ang nagsabing iyon ay “totoong nakalulungkot.”
Mga ilang taon ang nakalipas, iniutos ng haring Kastila na si Fernando VII sa obispo ng Astorga, si Félix Torres Amat, na gumawa ng mas mainam na salin, na nakasalig din sa Latin Vulgate. Ang saling ito ay inilabas noong 1823 at lalong malaganap ang pagkapamahagi kaysa salin ni Scio. Gayunman, yamang iyon ay hindi salig sa orihinal na Hebreo at Griego, iyon ay may karaniwang mga kahinaan bilang isang salin ng isang salin.
Sa kabila ng pagsulong na ito, ang simbahan at ang mga pinuno ng bansa ay hindi pa rin kumbinsido na dapat basahin ng mga karaniwang tao ang Kasulatan. Nang si George Borrow, isang kinatawan ng British and Foreign Bible Society, ay humingi ng pahintulot noong dekada ng 1830 na mag-imprenta ng mga Bibliya sa Espanya, siya’y pinagsabihan ng ministro ng gobyernong si Mendizabal: “Mahal na ginoo, hindi mga Bibliya ang ibig namin, kundi mga baril at mga bala, upang masugpo ang mga rebelde, at higit sa lahat, salapi, na maibabayad namin sa mga sundalo.” Nagpatuloy si Borrow na isalin ang Ebanghelyo ni Lucas sa wika ng mga Hitanong Kastila, at noong 1837 siya’y ibinilanggo dahil sa kaniyang mga pagpapagal!
Sa wakas, hindi na mapigil ang pagbaha. Noong 1944 ang simbahang Kastila ay lumimbag ng kaniyang unang salin ng Banal na Kasulatan na salig sa orihinal na mga wika—mga 375 taon pagkatapos na isalin ni Casiodoro de Reina. Ito ang salin ng Katolikong mga iskolar na sina Nácar at Colunga. Ito’y sinundan noong 1947 ng salin ni Bover at Cantera. Magmula noon ay nagkaroon ng pagbaha ng mga saling Kastila ng Bibliya.
Tiyak ang Tagumpay
Bagaman ang Bibliyang Kastila sa loob ng daan-daang taon ay kinailangang makibaka upang makaligtas, sa wakas ay nagtagumpay ang pakikibaka. Ang lubhang pagpapakasakit ng magiting na tagapagsalin na katulad ni Reina ay tunay na hindi nawalang-kabuluhan. Ilang mga tao na bumibili ng isang Bibliya sa ngayon ang humihinto sandali upang pag-isipan ang panahon na ang pag-aari ng isang Bibliya ay ipinagbawal?
Sa ngayon, ang Bibliya ay siyang aklat na pinakamabili sa Espanya at sa mga bansang Kastila ang wika, at maraming salin ang maaaring makuha. Kasali na rito ang Versión Moderna, (Modernong Bersiyon, 1893), na hindi nagbabago sa paggamit ng pangalan ng Diyos, na Jehová; ang Pauline Edisyon ng Bibliya (1964), na ginagamit ang pangalang Yavé sa Hebreong Kasulatan; ang Nueva Biblia Española (Bagong Bibliyang Kastila, 1975), na nakalulungkot dahil sa hindi gumagamit ng Jehová ni ng Yavé; at ang Traducción del Nuevo Mundo (New World Translation, 1967), lathala ng Watch Tower Society, na gumagamit ng Jehová.
Dinadalaw linggu-linggo ng mga Saksi ni Jehova ang mga tahanan ng milyun-milyong taong Kastila ang wika upang tulungan sila na makilala ang kahalagahan ng Banal na Bibliya—isang aklat na karapat-dapat ipaglaban hanggang kamatayan, isang aklat na karapat-dapat sundin sa pamumuhay. Sa katunayan, ang istorya ng pakikibaka ng Bibliyang Kastila para makaligtas ay isa pang patotoo na “ang salita ng ating Diyos . . . ay mananatili magpakailanman.”—Isaias 40:8.
[Talababa]
a Noon ay walang anumang aklat na maaaring angkatin nang walang natatanging lisensiya, at walang librarian ang makapagbubukas ng anumang pahatid na kargada ng mga aklat nang walang opisyal na pahintulot ang Banal na Tanggapan (Inkisisyon).
[Larawan sa pahina 10]
Ang Complutensian Polyglott ay may reproduksiyon at sa gayo’y madaling masusuri. (Tingnan ang pahina 8)
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Biblioteca Nacional, Madrid, Espanya