Paglaganap ng Salita ng Diyos sa Espanya Noong Edad Medya
“Kailanma’t paroroon ako sa Espanya, umaasa ako, higit sa lahat, na kapag naglalakbay na akong patungo roon, na makita kayo at maihatid ninyo roon nang bahagya.”—Roma 15:24.
ISINULAT ni apostol Pablo ang mga salitang iyan sa mga kapuwa niya Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E. Hindi sinasabi ng Bibliya kung nakarating si Pablo sa Espanya. Sa paanuman, nakarating sa Espanya ang mabuting balita ng Bibliya noong ikalawang siglo C.E. sa pagsisikap ni Pablo o ng ibang misyonerong Kristiyano.
Di-nagtagal, nabuo at lumaganap ang mga Kristiyanong komunidad sa Espanya. Kaya kinailangang isalin ang Bibliya sa Latin para sa mga tagaroon. Kasi noong ikalawang siglo, ang Espanya ay matagal nang sakop ng Roma, at Latin ang naging karaniwang wika sa buong Imperyo ng Roma.
NATUGUNAN NG MGA BIBLIYANG LATIN ANG PANGANGAILANGAN
Ang unang mga Kristiyanong Kastila ay nakagawa ng ilang salin ng Bibliya sa Latin na tinawag na Vetus Latina Hispana. Lumaganap ito sa Espanya maraming taon bago pa nakumpleto ni Jerome ang kaniyang saling Latin na Vulgate, maaga noong ikalimang siglo C.E.
Mabilis na nakarating sa Espanya ang salin ni Jerome na tinapos niya sa Betlehem, Palestina. Nang malaman ni Lucinius, isang mayamang estudyante ng Bibliya, na gumagawa si Jerome ng isang salin sa Latin, gusto niyang magkaroon agad ng isang kopya nito. Nagsugo siya ng anim na eskriba sa Betlehem para kopyahin ang akda at dalhin ito sa Espanya. Noong sumunod na mga siglo, unti-unting napalitan ng Vulgate ang Vetus Latina Hispana. Dahil sa mga salin na ito sa Latin, nababasa na ng mga taga-Espanya ang Bibliya at nauunawaan na ang mensahe nito. Subalit nang magwakas ang Imperyong Romano, nagkaroon ng pangangailangan para sa bagong wika.
ANG BIBLIYA SA MGA PISARA
Noong ikalimang siglo, sinalakay ng mga Visigoth at ng iba pang tribong Aleman ang Espanya at nagkaroon ng isang bagong wika sa peninsula—ang Gotiko. Ang mga sumalakay ay miyembro ng isang anyo ng Kristiyanismo na kilala bilang Arianismo, na hindi naniniwala sa doktrina ng Trinidad. Dala rin nila ang kanilang salin ng Kasulatan—ang Bibliyang Gotiko ni Ulfilas. Binabasa sa Espanya ang Bibliyang ito hanggang noong huling bahagi ng ikaanim na siglo, nang ang haring Visigoth na si Reccared ay naging Katoliko at tumalikod sa Arianismo. Ipinag-utos niyang tipunin at sirain ang lahat ng aklat na Arian, pati na ang Bibliya ni Ulfilas. Kaya naglaho ang lahat ng akdang Gotiko sa Espanya.
Pero patuloy pa ring lumaganap sa Espanya ang Salita ng Diyos. Bukod sa Gotiko, marami pa rin ang nagsasalita ng Latin sa Espanya, na nang maglaon ay pinagmulan ng mga wikang Romanse na ginagamit sa Iberian Peninsula.a Ang pinakamatandang mga dokumento sa diyalektong Latin na ito ay kilala bilang mga pisarang Visigoth, yamang isinulat ito sa batong pisara. May petsa itong ikaanim at ikapitong siglo. Ang ilan ay may mga talata mula sa Mga Awit at mga Ebanghelyo. Ang isa naman ay naglalaman ng buong ika-16 na Awit.
Ang pagsulat ng mga teksto sa mga pisarang ito ay nagpapakita na binabasa at kinokopya ng ordinaryong mga tao ang Salita ng Diyos noong panahong iyon. Lumilitaw na ginamit ng mga guro ang mga ito para turuan ang mga bata na bumasa at sumulat. Mas mura ang mga pisara kumpara sa mamahaling pergamino na ginagamit sa mga monasteryo noong Edad Medya sa paggawa ng Bibliya na may larawan.
Ang isang napakahalagang Bibliya na may larawan ay nasa simbahan ng San Isidoro sa León, Espanya. May petsa itong 960 C.E. Ito ay may 1028 pahina na mga 47 sentimetro por 34 na sentimetro at tumitimbang nang 18 kilo. Ang Bible of Ripoll naman, na nasa Vatican Library ngayon, ay may petsang mga 1020 C.E. Isa ito sa mga Bibliya noong Edad Medya na may napakarami at napakagagandang larawan. Para sa gayong gawa ng sining, ang isang monghe ay maaaring gumugol ng isang araw sa paggawa ng unang letra o isang linggo sa paghahanda ng isang pahina para sa titulo. Napakamahal ng mga Bibliyang ito, pero wala itong gaanong nagawa para palaganapin ang mensahe ng Salita ng Diyos.
ANG BIBLIYA SA WIKANG ARABE
Noong ikawalong siglo, sinalakay ng mga Muslim ang Espanya. Sa mga lugar na sinakop ng mga Muslim, mas dumami ang nagsasalita ng Arabe kaysa sa Latin kaya kailangan na namang isalin ang Bibliya sa wikang ito.
Mula noong ikalima hanggang ikawalong siglo C.E., ang Bibliya sa wikang Latin at Arabe ay nakatulong upang mabasa ng mga Kastila ang Salita ng Diyos
Lumaganap sa Espanya noong Edad Medya ang maraming salin ng Bibliya sa wikang Arabe—lalo na ang mga Ebanghelyo. Lumilitaw na noong ikawalong siglo, isinalin ni John, isang obispo sa Seville, ang buong Bibliya sa wikang Arabe. Nakalulungkot, wala na ang karamihan ng mga salin na iyon. Ang isang salin sa Arabe ng mga Ebanghelyo noong kalagitnaan ng ika-10 siglo ay iniingatan sa katedral ng León, sa Espanya.
LUMITAW ANG MGA BERSIYON NG BIBLIYA SA KASTILA
Noong dakong huli ng Edad Medya, ginagamit na sa Iberian Peninsula ang Castiliano, o Kastila. Magkakaroon ng mahalagang papel ang bagong wikang ito sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.b Ang unang salin sa Kastila ng akda sa Bibliya ay lumitaw sa La Fazienda de Ultra Mar (Mga Akda sa Ibayong Dagat), maaga noong ika-13 siglo. Naglalaman ito ng ulat tungkol sa paglalakbay sa Israel, pati na ng impormasyon mula sa Pentateuch at iba pang aklat ng Hebreong Kasulatan gayundin ng mga Ebanghelyo at mga Liham.
Hindi nagustuhan ng simbahan ang salin na ito. Noong 1234, ipinag-utos ng Konsilyo ng Tarragona na lahat ng aklat na may bahagi ng Bibliya sa wikang Kastila ay dapat ibigay sa klero sa kanilang lugar para sunugin. Mabuti na lang, hindi napahinto ng utos na ito ang higit pang pagsasalin ng Bibliya. Gusto ni Haring Alfonso X (1252-1284), itinuturing na ama ng prosang Kastila, na isalin ang Kasulatan sa bagong wika at sinuportahan niya ito. Noong panahong iyon, kabilang sa mga saling Kastila ang Pre-Alfonsine Bible at ang Alfonsine Bible pagkaraan nito, na siyang pinakamaraming salin ng Bibliya sa Kastila noon.
Ang dalawang akdang ito ay nakatulong para mabuo at mapasulong ang bagong wikang Kastila. Ganito ang sinabi ng iskolar na si Thomas Montgomery tungkol sa Pre-Alfonsine Bible: “Ang tagapagsalin ng Bibliyang ito ay nakagawa ng isang kahanga-hangang akda kung tungkol sa pagiging tumpak at pagiging madaling maunawaan ng wika. . . . Simple at maliwanag ang wika, gaya ng inaasahan sa isang Bibliya na inihanda para sa mga tao na hindi gaanong marunong ng Latin.”
Gayunman, ang unang mga Bibliyang Kastila na iyon ay isinalin mula sa Latin na Vulgate sa halip na mula sa orihinal na mga wika. Simula noong ika-14 na siglo, ang mga Judiong iskolar ay gumawa ng ilang salin sa Kastila ng Hebreong Kasulatan mula sa wikang Hebreo. Ang Espanya noon ang may pinakamaraming Judiong komunidad sa Europa, at may nagagamit na tumpak na manuskritong Hebreo ang mga Judiong tagapagsalin.c
Isang natatanging halimbawa nito ang Alba Bible na natapos noong ika-15 siglo. Inatasan ng kilaláng maharlikang Kastila na si Luis de Guzmán si Rabbi Moisés Arragel na isalin ang Bibliya sa Kastilang castizo o purong Kastila. May dalawa siyang dahilan sa paghiling ng bagong salin na ito. Una, sinabi niya: “Ang pagkakasalin ng mga Bibliya ngayon sa wikang Romanse ay hindi tumpak,” at ikalawa, “Kailangang-kailangan ng mga taong tulad natin ang mga panggilid na nota para sa mahihirap na talata.” Ipinakikita nito na ang mga tao noong panahon niya ay talagang interesadong mabasa at maunawaan ang Bibliya. Ipinakikita rin nito na ang Kasulatan sa katutubong wika ay malaganap nang naipamahagi sa Espanya.
Dahil sa mga tagapagsalin at tagakopya noong Edad Medya, madali nang mababasa ng mga edukadong tao sa Espanya ang Bibliya sa kanilang wika. Napansin ng istoryador na si Juan Orts González na “mas may alam sa Bibliya ang mga Kastila kaysa sa mga Aleman o Ingles bago ang panahon ni Luther.”
“Mas may alam sa Bibliya ang mga Kastila kaysa sa mga Aleman o Ingles bago ang panahon ni Luther.”—Istoryador na si Juan Orts González
Pero sa pagtatapos ng ika-15 siglo, ipinagbawal ng Inkisisyong Kastila ang pagsasalin at pagkakaroon ng Bibliya sa alinmang katutubong wika. Mahabang panahong ipinagbawal ang Bibliya sa Espanya. Lumipas pa ang 300 taon bago naalis ang pagbabawal. Noong panahong iyon, may ilang malalakas ang loob na tagapagsalin na gumawa ng bagong mga bersiyon sa wikang Kastila sa ibang bansa at ipinuslit ito sa Espanya.d
Gaya ng ipinakikita ng kasaysayang ito ng Bibliya sa Espanya noong Edad Medya, sinikap pigilan ng mga mananalansang ang paglaganap ng Salita ng Diyos sa maraming paraan. Pero hindi nila kayang patahimikin ang mga pananalita ng Makapangyarihan-sa-lahat.—Awit 83:1; 94:20.
Dahil sa sigasig ng maraming iskolar, lumaganap ang Bibliya sa Espanya noong Edad Medya. Sinundan ng mga tagapagsalin ngayon ang yapak ng mga unang tagapagsaling iyon ng Kasulatan sa wikang Latin, Gotiko, Arabe, at Kastila. Kaya milyun-milyon na nagsasalita ng Kastila ngayon ang nakababasa ng Salita ng Diyos sa wikang nakaaantig sa kanilang puso.
a Kasama rito ang wikang Castiliano, Catalan, Galician, at Portuges.
b Sa ngayon, ang Kastila ang unang wika na sinasalita ng mga 540 milyong tao.
c Tingnan ang artikulong “Ang Banal na Pangalan at ang Misyon ni Alfonso de Zamora na Magkaroon ng Tumpak na mga Teksto,” sa isyu ng Disyembre 1, 2011 ng magasing ito.
d Tingnan ang artikulong “Ang Pakikipagbaka ni Casiodoro de Reina Para sa Bibliyang Kastila,” sa isyu ng Hunyo 1, 1996, ng magasing ito.