Bakit Dapat Mag-ingat Laban sa Idolatriya?
“Mumunting mga anak, mag-ingat kayo sa mga idolo.”—1 JUAN 5:21.
1. Bakit ang pagsamba kay Jehova ay hindi idolatriya?
SI Jehova ay hindi isang idolong metal, kahoy, o bato. Siya’y hindi tumatahan sa isang templo sa lupa. Yamang siya ang pinakamakapangyarihang Espiritu, na di-nakikita ng mga tao, hindi siya kailanman maigagawa ng larawan. Sa gayon, ang dalisay na pagsamba kay Jehova ay kinakailangang walang anumang idolatriya.—Exodo 33:20; Gawa 17:24; 2 Corinto 3:17.
2. Anong mga tanong ang nararapat nating isaalang-alang?
2 Kaya, kung ikaw ay sumasamba kay Jehova, mabuting itanong, ‘Ano ba ang idolatriya? Papaano ito naiwasan ng mga lingkod ni Jehova noong nakaraan? At bakit dapat mag-ingat laban sa idolatriya sa ngayon?’
Kung Ano ang Idolatriya
3, 4. Ano ba ang idolatriya?
3 Sa pangkaraniwan, ang idolatriya ay may kinalaman sa isang seremonya o isang ritwal. Ang idolatriya ay ang paggalang, pag-ibig, pagsamba, o pagpintuho sa isang idolo. At ano naman ang isang idolo? Ito ay isang imahen, kumakatawan sa isang bagay, o isang simbolo, na pinag-uukulan ng debosyon. Karaniwan, ang idolatriya ay may kaugnayan sa isang tunay o ipinagpapalagay na nakatataas na kapangyarihan na inaakalang umiiral at buháy (isang tao, isang hayop, o isang organisasyon). Subalit ang idolatriya ay maaari ring gawin may kaugnayan sa mga bagay na walang buhay (isang puwersa o isang walang-buhay na bagay ng kalikasan).
4 Sa Kasulatan, ang mga salitang Hebreo na tumutukoy sa mga idolo ay kadalasang nagdiriin ng kawalang-kabuluhan, o ang mga ito ay mga salitang humahamak. Kabilang sa mga ito ang mga salitang isinaling “nililok o inukit na imahen” (sa literal, isang bagay na nililok); “hinubog na istatwa, imahen, o idolo” (isang bagay na minolde o inihulma); “kakila-kilabot na idolo”; “walang-silbing idolo” (sa literal, walang-kabuluhan); at kasuklam-suklam na mga idolo.” Ang salitang Griego na eiʹdo·lon ay isinasaling “idolo.”
5. Bakit masasabi na hindi lahat ng imahen ay mga idolo?
5 Hindi lahat ng imahen ay mga idolo. Ang Diyos mismo ay nag-utos sa mga Israelita na gumawa ng dalawang gintong kerubin para sa kaban ng tipan at iburda ang mga sagisag ng gayong espiritung mga nilalang sa panloob na takip ng sampung tabing para sa tabernakulo at sa lambong na naghihiwalay sa dakong Banal buhat sa Kabanal-banalan. (Exodo 25:1, 18; 26:1, 31-33) Tanging ang gumaganap na mga saserdote ang nakakita sa mga sagisag na ito na pangunahing nagsilbing isang simbolo ng makalangit na mga kerubin. (Ihambing ang Hebreo 9:24, 25.) Maliwanag na ang mga larawan ng kerubin sa tabernakulo ay hindi iniutos na sambahin, yamang ang matuwid na mga anghel mismo ay umaayaw na sila’y sambahin.—Colosas 2:18; Apocalipsis 19:10; 22:8, 9.
Ang Pangmalas ni Jehova sa Idolatriya
6. Ano ang pangmalas ni Jehova sa idolatriya?
6 Ang mga lingkod ni Jehova ay nag-iingat laban sa idolatriya sapagkat siya’y laban sa lahat ng gawaing may kaugnayan sa mga idolo. Iniutos ng Diyos sa mga Israelita na huwag gagawa ng mga imahen na pag-uukulan ng paggalang at pagsamba. Sa Sampung Utos ay makikita ang mga salitang ito: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukud-tanging debosyon, na nagdadala ng parusa ukol sa kasalanan ng mga ama sa mga anak, sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi, ng mga napopoot sa akin; ngunit pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang mga libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.”—Exodo 20:4-6.
7. Bakit salungat si Jehova sa lahat ng idolatriya?
7 Bakit salungat si Jehova sa lahat ng idolatriya? Unang-una dahil sa ang kaniyang hinihingi ay bukud-tanging debosyon, gaya ng ipinakikita sa itaas sa ikalawa sa Sampung Utos. Isa pa, sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang kapurihan ko man sa inanyuang mga imahen.” (Isaias 42:8) Minsan, nasilo ng idolatriya ang mga Israelita hanggang sa sukdulan na “sila’y naghahain sa mga demonyo ng kanilang mga anak na lalaki at babae.” (Awit 106:36, 37) Ang mga sumasamba sa mga idolo ay hindi lamang nagtatatwa na si Jehova ang tunay na Diyos kundi nagsisilbi rin naman sa kapakanan ng kaniyang pangunahing Kalaban, si Satanas, kasama ng mga demonyo.
Katapatan sa Ilalim ng Pagsubok
8. Anong pagsubok ang napaharap sa tatlong Hebreo na sina Shadrach, Meshach, at Abednego?
8 Ang katapatan kay Jehova ay umaakay rin sa atin na mag-ingat laban sa idolatriya. Ito’y ipinaghalimbawa sa pangyayaring nakaulat sa Daniel kabanata 3. Sa pagpapasinaya ng isang malaking gintong imahen na kaniyang itinayo, tinipon ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ang mga opisyales ng kaniyang imperyo. Kasali sa kaniyang utos sina Shadrach, Meshach, at Abednego—tatlong Hebreong tagapangasiwa sa lalawigan ng Babilonya. Lahat ng naroroon ay kailangang yumukod sa harap ng imahen pagkarinig nila ng tunog ng ilang mga instrumento sa musika. Ito ay isang pagtatangka ng tunay na diyos ng Babilonya, si Satanas, upang ang tatlong Hebreo ay yumukod sa harap ng isang imahen na kumakatawan sa Imperyo ng Babilonya. Gunigunihin na ikaw ay nasa dakong iyon.
9, 10. (a) Ano ang pinanindigan ng tatlong Hebreo, at papaano sila ginantimpalaan? (b) Anong pampatibay-loob ang matatamo ng mga Saksi ni Jehova sa iginawi ng tatlong Hebreo?
9 Narito! Ang tatlong Hebreo ay nangakatayo. Kanilang nagugunita ang kautusan ng Diyos laban sa paggawa at paglilingkod sa mga idolo o inanyuang mga imahen. Sila’y binigyan ni Nabucodonosor ng isang pangkatapusang utos—yumukod o mamatay! Subalit taglay ang katapatan kay Jehova, sila’y nagsabi: “Narito, ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. Buhat sa mabangis na hurnong nagniningas at buhat sa iyong kamay, Oh hari, kaniyang ililigtas kami. Ngunit kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na kami ay hindi maglilingkod sa iyong mga diyos, at hindi kami magsisisamba sa imaheng ginto na iyong itinayo.”—Daniel 3:16-18.
10 Ang tatlong tapat na mga lingkod na ito ng Diyos ay inihagis sa napakainit na hurno. Sa laki ng pagtataka nang makita ang apat na taong lumalakad sa hurno, ang tatlong Hebreo ay tinawag ni Nabucodonosor upang lumabas sa hurno, at sila’y lumabas na walang anumang pinsala. Sa puntong iyon ay bumulalas ang hari: “Purihin ang Diyos nina Shadrach, Meshach, at Abednego, na nagsugo sa kaniyang anghel [ang ikaapat na nasa loob ng hurno] at nagligtas sa kaniyang mga lingkod na nagtiwala sa kaniya at bumago sa mismong salita ng hari at ipinagkaloob ang kanilang mga katawan, sapagkat sila’y ayaw maglingkod at ayaw sumamba sa anumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos. . . . Wala nang iba pang diyos na makapagliligtas na gaya ng isang ito.” (Daniel 3:28, 29) Ang pananatiling tapat ng tatlong Hebreong iyon ay isang pampatibay-loob upang ang kasalukuyang mga Saksi ni Jehova ay maging tapat sa Diyos, manatiling walang kinikilingan sa sanlibutan, at umiwas sa idolatriya.—Juan 17:16.
Ang mga Idolo ay Natalo sa Hukuman
11, 12 (a) Ano ang iniulat ni Isaias tungkol kay Jehova at sa mga diyos na idolo? (b) Ano ang naging katayuan ng mga diyos ng mga bansa nang hamunin ni Jehova?
11 Ang isa pang dahilan ng pag-iingat laban sa idolatriya ay sapagkat walang kabuluhan ang pagsamba sa mga idolo. Bagaman ang ibang gawang-taong mga idolo ay mistulang tao—kadalasan may bibig, mga mata, at mga tainga—sila’y hindi makapagsalita, makakita, o makarinig, at sila’y hindi makagagawa ng ano pa man para sa mga deboto nila. (Awit 135:15-18) Ito’y ipinakita noong ikawalong siglo B.C.E., nang ang propeta ng Diyos ay mag-ulat sa Isaias 43:8-28 ang, sa katunayan, isang kaso sa hukuman tungkol kay Jehova at sa mga diyos na idolo. Dito ang bayang Israel ng Diyos ay nasa isang panig, at ang makasanlibutang mga bansa naman ay nasa kabila. Hinamon ni Jehova ang mga diyus-diyusan ng mga bansa na salitain “ang unang mga bagay,” na manghula nang wasto. Walang isa man ang nakagawa nang gayon. Nang bumaling sa kaniyang bayan, sinabi ni Jehova: “Kayo ay aking mga saksi . . . at ako ang Diyos.” Hindi mapatunayan ng mga bansa na ang kanilang mga diyos ay umiral na una pa kay Jehova o na sila’y makapanghuhula. Subalit si Jehova ang humula tungkol sa pagbagsak ng Babilonya at ng paglaya ng kaniyang bihag na bayan.
12 Karagdagan pa, ang pinalayang mga lingkod ng Diyos ay makapagsasabi, ayon sa Isaias 44:1-8, na sila ay “pag-aari ni Jehova.” Siya mismo ang nagsabi: “Ako ang una at ako ang huli, at maliban sa akin ay wala nang Diyos.” Hindi ito napasinungalingan ng mga diyos na idolo. “Kayo ay aking mga saksi,” muling sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang bayan, na isinusog pa: “Mayroon pa bang Diyos maliban sa akin? Wala, wala nang Bato.”
13. Ano ang isinisiwalat ng idolatriya tungkol sa isang sumasamba sa idolo?
13 Tayo ay nag-iingat din laban sa idolatriya sapagkat ang paggawa nito ay nagpapakita ng kakulangan ng karunungan. Sa isang bahagi ng punungkahoy na kaniyang kinuha, ang isang mananamba sa idolo ay gumagawa ng isang diyos na sasambahin, at ang isa pang bahagi nito ay kaniyang ipinanggagatong sa pagluluto ng kaniyang pagkain. (Isaias 44:9-17) Anong laking kamangmangan! Ang isang manggagawa at deboto ng mga diyos na idolo ay dumaranas din ng kahihiyan dahilan sa hindi makapagbigay ng isang kapani-paniwalang patotoo na nagpapatunay sa kanilang pagka-diyos. Subalit ang pagka-Diyos ni Jehova ay hindi matututulan, sapagkat hindi lamang niya inihula ang paglaya ng kaniyang bayan buhat sa Babilonya kundi kaniya ring pinangyari ito. Ang Jerusalem ay muling tinahanan, ang mga bayan ng Juda ay muling itinayo, at ang “kalaliman” ng Babilonya—ang Ilog Eufrates—na dating naglalaan ng proteksiyon ay natuyo. (Isaias 44:18-27) Gaya rin ng inihula ng Diyos, ang Babilonya ay sinakop ni Ciro na Persiyano.—Isaias 44:28–45:6.
14. Sa Pansansinukob na Korte Suprema, ano ang patutunayan magpakailanman?
14 Ang mga diyos na idolo ay natalo sa kanilang usaping iyon tungkol sa pagka-diyos. At ang dinanas ng Babilonya ay tiyak na daranasin ng kaniyang modernong kahalintulad, ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Siya at lahat ng kaniyang mga diyos, mga kagamitan sa relihiyon, at mga idolong sinasamba ay malapit nang mawala magpakailanman. (Apocalipsis 17:12–18:8) Sa Pansansinukob na Korte Suprema, patutunayan magpakailanman na si Jehova lamang ang buháy at tunay na Diyos at kaniyang tinutupad ang makahulang Salita niya.
Mga Hain sa mga Demonyo
15. Tungkol sa bayan ni Jehova at sa idolatriya, ano ang sinabi ng banal na espiritu at ng lupong tagapamahala noong unang siglo?
15 Ang bayan ni Jehova ay nag-iingat din laban sa idolatriya sapagkat sila’y inaakay ng espiritu at ng organisasyon ng Diyos. Ang unang siglong lupong tagapamahala ng mga lingkod ni Jehova ay nagsabi sa kapuwa mga Kristiyano: “Ang banal na espiritu at kami rin ay sumang-ayong huwag nang dagdagan pa ang pasanin ninyo, maliban sa mga bagay na ito na kailangan, na patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga binigti at ang pakikiapid. Kung maingat na lalayuan ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay uunlad. Maging malusog nawa kayo!”—Gawa 15:28, 29.
16. Sa iyong sariling pananalita, papaano mo sasabihin ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga bagay na inihain sa mga idolo?
16 Ang isa pang dahilan ng pag-iingat laban sa idolatriya ay upang maiwasan ang demonismo. Tungkol sa Hapunan ng Panginoon, sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Tumakas kayo buhat sa idolatriya. . . . Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito’y pakikibahagi sa dugo ng Kristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito’y pakikibahagi sa katawan ng Kristo? Sapagkat may iisang tinapay, tayo, bagaman marami, ay iisang katawan, yamang tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay na iyan. Tingnan ninyo ang Israel sa laman: Hindi ba yaong nagsisikain ng mga hain ay nakikibahagi sa dambana? Ano, kung gayon, ang sasabihin ko? Na ang inihahain sa isang idolo ay may kabuluhan, o ang isang idolo ay may kabuluhan? Hindi; kundi sinasabi ko na ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo, at hindi sa Diyos; at hindi ko ibig na kayo’y makisalo sa mga demonyo. Hindi ninyo maiinuman ang kopa ni Jehova at ang kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makisalo sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo. O ‘pinaninibugho ba natin si Jehova’? Tayo ba’y lalong malakas kaysa kaniya?”—1 Corinto 10:14-22.
17. Noong unang siglo C.E., sa ilalim ng anong mga kalagayan makakain ng isang Kristiyano ang karneng inihain sa mga idolo, at bakit?
17 Ang bahagi ng isang hayop ay inihain sa isang idolo, ang isang bahagi ay napunta sa mga saserdote, at sa sumasamba ay tumungo ang kaunti para sa isang piging. Gayunman, ang isang bahagi ng karne ay maaaring ipinagbili sa palengke. Hindi nararapat para sa isang Kristiyano na pumunta sa templo ng isang idolo upang kumain ng karne bagaman hindi siya kumain bilang bahagi ng isang ritwal, sapagkat ito’y maaaring makatisod sa iba o makahila sa kaniya sa huwad na pagsamba. (1 Corinto 8:1-13; Apocalipsis 2:12, 14, 18, 20) Sa paghahandog ng isang hayop sa isang idolo ay hindi nagbago ang laman, kaya ang isang Kristiyano ay makabibili ng kaunti nito sa palengke. Siya’y hindi rin naman kailangang magtanong tungkol sa pinagmulan ng karne na isinilbi sa tahanan. Subalit kung may magsabi na iyon ay “inihandog na hain,” hindi siya dapat kumain niyaon upang maiwasan ang pagtisod sa kaninuman.—1 Corinto 10:25-29.
18. Papaano yaong mga kumakain ng mga pagkaing inihain sa isang idolo ay masasangkot sa mga demonyo?
18 Kadalasan ay inaakala na pagkatapos ng ritwal sa paghahain, ang diyos ay nasa karne at pumapasok sa katawan ng mga nagsisikain nito sa piging ng mga sumasamba. Samantalang ang mga tao na nagsalu-salo ay nagkabuklud-buklod, yaon namang mga nakibahagi sa pagkain sa inihaing mga hayop ay nakibahagi sa dambana at nakipagkaisa sa diyos na demoyo na kinakatawan ng idolo. Sa pamamagitan ng gayong idolatriya, nahahadlangan ng mga demonyo ang mga tao sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos. (Jeremias 10:1-15) Hindi nga kataka-takang ang bayan ni Jehova ay patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo! Ang katapatan sa Diyos, pagtanggap sa patnubay ng kaniyang banal na espiritu at organisasyon, at determinasyon na iwasang mapasangkot sa demonismo ay napatutunayang mabisang mga panghadlang sa pagkasangkot sa idolatriya sa ngayon.
Bakit Kailangang Mag-ingat?
19. Anong uri ng idolatriya ang umiral sa sinaunang Efeso?
19 Ang mga Kristiyano ay masugid na nag-iingat laban sa idolatriya sapagkat ito’y maraming anyo, at kahit na sa iisang gawang pagsamba sa idolo ay baka maikompromiso nila ang kanilang pananampalataya. Si apostol Juan ay nagsabi sa mga kapananampalataya: “Mag-ingat kayo sa mga idolo.” (1 Juan 5:21) Ang ganitong payo ay kinailangan dahilan sa maraming anyo ng idolatriya ang nakapalibot sa kanila. Si Juan ay sumulat buhat sa Efeso, isang siyudad na kung saan palasak ang mga gawaing mahiko at mga alamat tungkol sa mga diyus-diyusan. Nasa Efeso ang isa sa pitong kababalaghan ng daigdig—ang templo ni Artemis, isang dakong ampunan ng mga kriminal at isang sentro ng imoral na mga ritwal. Ang madilim na landas patungo sa dambana ng templong iyan ay inihambing ng pilosopong si Heracleitus ng Efeso sa kadiliman ng kasama-samaan, at ang moral ng mga taong kaugnay ng templo ay kaniyang itinuring na malubha pa kaysa taglay ng mababangis na hayop. Sa gayon, ang mga Kristiyano sa Efeso ay kinailangang manindigang matatag laban sa demonismo, imoralidad, at idolatriya.
20. Bakit kailangang iwasan kahit ang pinakabahagyang idolatriya?
20 Ang mga Kristiyano ay nangangailangan ng matibay na determinasyon upang maiwasan kahit ang pinakabahagyang idolatriya sapagkat kahit na iisang gawang pagsamba lamang sa Diyablo ay susuporta sa kaniyang hamon na ang mga tao ay hindi mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok. (Job 1:8-12) Nang ipinakikita kay Jesus “ang lahat ng kaharian sa sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian,” sinabi ni Satanas: “Lahat ng bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung ikaw ay magpapatirapa at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” Ang pagtanggi ni Jesus ay pagtataguyod sa panig ni Jehova sa isyu ng pansansinukob na soberanya at nagpatunay na sinungaling ang Diyablo.—Mateo 4:8-11; Kawikaan 27:11.
21. Kung tungkol sa emperador Romano, ano ang tinanggihang gawin ng tapat na mga Kristiyano?
21 Maging ang unang mga tagasunod ni Jesus ay hindi gumawa ng pagsamba na sumusuporta sa panig ni Satanas sa isyu. Bagaman sila’y may nararapat na paggalang sa “nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan, sila’y tumangging magsunog ng kamangyan bilang pagpaparangal sa emperador Romano, kahit na patayin pa sila. (Roma 13:1-7) Tungkol dito si Daniel P. Mannix ay sumulat: “Kakaunti lamang sa mga Kristiyano ang tumalikod, bagaman isang dambana na may nagniningas na apoy ang karaniwan nang naroroon sa arena para magamit nila. Walang dapat gawin ang isang preso kundi budburan ng kaunting insenso ang nagniningas na apoy at siya’y binibigyan ng isang Sertipiko ng Paghahain at nagiging malaya. Maingat na ipinaliliwanag din sa kaniya na hindi niya sinasamba ang emperador; kinikilala lamang ang pagka-diyos ng emperador bilang ulo ng estadong Romano. Sa kabila nito, halos walang Kristiyanong nagsamantala sa pagkakataong makatakas.” (Those About to Die, pahina 137) Kung ikaw ay susubukin din na katulad niyan, lubusan ka bang tatanggi sa lahat ng idolatriya?
Mag-iingat Ka ba Laban sa Idolatriya?
22, 23. Bakit dapat kang mag-ingat laban sa idolatriya?
22 Maliwanag, ang mga Kristiyano ay kailangang mag-ingat laban sa lahat ng anyo ng idolatriya. Bukud-tanging debosyon ang hinihiling ni Jehova. Ang tatlong tapat na Hebreo ay nagsilbing mainam na halimbawa sa pagtangging sambahin na gaya ng isang idolo ang pagkalaki-laking imahen na itinayo ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor. Sa pansansinukob na kaso sa hukuman na iniulat ni propeta Isaias, si Jehova lamang ang ipinakita na siyang tunay at buháy na Diyos. Ang kaniyang sinaunang Kristiyanong mga Saksi ay kinailangang patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo. Ang marami sa mga tapat ay hindi nahikayat na gumawa ng kahit isang gawang pagsamba sa isang idolo na isang pagtatatwa kay Jehova.
23 Kung gayon, ikaw ba ay personal na nag-iingat laban sa idolatriya? Ikaw ba ay nagbibigay sa Diyos ng bukud-tanging debosyon? Iyo bang sinusuportahan ang soberanya ni Jehova at pinupuri siya bilang ang tunay at buháy na Diyos? Kung gayon, dapat na maging determinasyon mo na magpatuloy na manindigang matatag laban sa mga pagsamba sa mga idolo. Subalit ano pang mga punto sa Kasulatan ang makatutulong sa atin na mag-ingat laban sa lahat ng uri ng idolatriya?
Ano ba ang Iyong mga Kaisipan?
◻ Ano ang idolatriya?
◻ Bakit salungat si Jehova sa lahat ng idolatriya?
◻ Ano ang naging katayuan ng tatlong Hebreo kung tungkol sa idolatriya?
◻ Papaano yaong mga kumakain ng mga bagay na inihain sa mga idolo ay masasangkot sa mga demonyo?
◻ Bakit tayo dapat mag-ingat laban sa idolatriya?
[Larawan sa pahina 23]
Bagaman nanganib ang kanilang mga buhay, ang tatlong Hebreo ay tumanggi sa idolatriya