Mag-ingat Laban sa Bawat uri ng Idolatriya
“Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?”—2 CORINTO 6:16.
1. Ano ang inilarawan ng tabernakulo at mga templo ng Israel?
SI Jehova ay may templo na walang mga idolo. Ito ay inilalarawan ng tabernakulo ng Israel na itinayo ni Moises at ng mga templo na sa kalaunan ay itinayo sa Jerusalem. Ang mga gusaling ito ay kumatawan sa “tunay na tolda,” ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova. (Hebreo 8:1-5) Ang templong yaon ang kaayusan sa paglapit sa Diyos sa pagsamba salig sa haing pantubos na inihandog ni Jesu-Kristo.—Hebreo 9:2-10, 23.
2. Sino ang nagiging mga haligi sa dakilang espirituwal na templo ng Diyos, at ano ang katayuan ng malaking pulutong?
2 Bawat pinahirang Kristiyano ay nagiging “isang haligi sa templo [ng Diyos],” na tumatanggap ng isang dako sa langit. “Isang malaking pulutong” ng iba pang mga sumasamba kay Jehova ang “nag-uukol [sa Diyos] ng banal na paglilingkod” sa kinakatawan ng looban ng mga Gentil sa templong muling itinayo ni Herodes. Dahilan sa pananampalataya sa haing inihandog ni Jesus, sila’y may matuwid na katayuan na ang resulta’y pagkaligtas sa “malaking kapighatian.”—Apocalipsis 3:12; 7:9-15.
3, 4. Sa ano inihahalintulad ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano sa lupa, at kailangang wala ito ng anong karumihan?
3 Ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano sa lupa ay makasagisag ding inihahalintulad sa isa pang templong walang anumang idolatriya. Sa kanila na ‘tinatakan ng banal na espiritu,’ sinabi ni apostol Pablo: “Kayo’y itinayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta, samantalang si Kristo Jesus mismo ang pundasyong batong panulok. Sa pagiging kaisa niya ang buong gusali, palibhasa mainam ang pagkakalapat, ay lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo kay Jehova. Sa pagiging kaisa niya, kayo man ay itinatayong sama-sama upang maging isang dakong tinatahanan ng Diyos sa espiritu.” (Efeso 1:13; 2:20-22) Ang 144,000 tinatakang ito ay “mga batong buháy” na “itinatayong isang espirituwal na bahay sa layunin na maging isang banal na pagkasaserdote.”—1 Pedro 2:5; Apocalipsis 7:4; 14:1.
4 Yamang ang mga katulong na saserdoteng ito ay “gusali ng Diyos,” hindi niya pinapayagang ang templong ito ay magkaroon ng anumang karumihan. (1 Corinto 3:9, 16, 17) “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya,” ang babala ni Pablo. “Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya? At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?” Ang pinahirang mga Kristiyano, na si “Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat” ang may-ari, ay kailangang walang anumang bahid ng idolatriya. (2 Corinto 6:14-18) Yaong mga kabilang sa malaking pulutong ay kailangan ding umiwas sa lahat ng uri ng idolatriya.
5. Yamang batid nila na si Jehova ay karapat-dapat sa bukud-tanging debosyon, ano ang ginagawa ng tunay na mga Kristiyano?
5 May kapuwa tuwiran at mapanlinlang na anyo ng idolatriya. Hindi, ang idolatriya ay hindi lamang ang pagsamba sa huwad na mga diyos at mga diyosa. Ito ay pagsamba sa anumang bagay o sa kaninuman bukod kay Jehova. Bilang ang Pansansinukob na Soberano, matuwid naman na hilingin niya at karapat-dapat naman sa kaniya ang bukud-tanging debosyon. (Deuteronomio 4:24) Yamang batid nila ito, ang tunay na mga Kristiyano ay nakikinig sa mga babala ng Kasulatan laban sa lahat ng uri ng idolatriya. (1 Corinto 10:7) Ating isaalang-alang ang ilang anyo ng idolatriya na kailangang iwasan ng mga lingkod ni Jehova.
Inilarawan ang Idolatriya ng Sangkakristiyanuhan
6. Anong kasuklam-suklam na mga bagay ang nakita ni Ezekiel sa pangitain?
6 Samantalang mga bihag sa Babilonya noong 612 B.C.E., si propeta Ezekiel ay nagkaroon ng pangitain ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa ng apostatang mga Judio sa templo ni Jehova sa Jerusalem. Nakita ni Ezekiel ang isang “sagisag ng paninibugho.” Pitumpung matatanda ang naghahandog ng kamangyan sa templo. Ang mga babae ay nakitang nananangis sa isang diyus-diyusan. At 25 lalaki ang sumasamba sa araw. Ano ba ang kabuluhan ng apostatang mga gawaing ito?
7, 8. Ano nga kaya ang “sagisag ng paninibugho,” at bakit pinukaw niyaon na manibugho si Jehova?
7 Ang idolatriya ng Sangkakristiyanuhan ay inilarawan ng kasuklam-suklam na mga bagay na nakita ni Ezekiel sa pangitain. Halimbawa, sinabi niya: “Narito! nasa hilaga ng pintuang-daan ng dambana ang sagisag [na ito] ng paninibugho sa pasukan. At sinabi sa akin [ng Diyos na Jehova]: ‘Anak ng tao, nakikita mo ba ang totoong kasuklam-suklam na mga bagay na kanilang ginagawa, ang mga bagay na ginagawa rito ng sambahayan ni Israel upang ako’y mapalayo sa aking santuwaryo?’ ”—Ezekiel 8:1-6.
8 Ang idolatrosong sagisag ng paninibugho ay maaaring isang sagradong poste na kumakatawan sa huwad na diyosang itinuturing ng mga Cananeo na asawa ng kanilang diyos na si Baal. Anuman ang sagisag na iyon, pinukaw niyaon si Jehova na manibugho sapagkat binabahagi niyaon ang bukud-tanging debosyon sa kaniya ng Israel na labag sa kaniyang mga utos: “Ako ay si Jehova na iyong Diyos . . . Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka man na maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukud-tanging debosyon.”—Exodo 20:2-5.
9. Papaano pinanibugho ng Sangkakristiyanuhan ang Diyos?
9 Ang pagsamba sa sagisag ng paninibugho sa templo ng Diyos ay isa sa lubhang kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa ng apostatang mga Israelita. Sa katulad na paraan, ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay pinarumi ng lumalapastangan sa Diyos na mga sagisag at mga larawan na gumagawa ng pagbabaha-bahagi sa bukud-tanging debosyon na sinasabi nilang ibinibigay sa Isang inaangkin nilang pinaglilingkuran. Ang Diyos ay pinaninibugho rin sapagkat tinatanggihan ng klero ang kaniyang Kaharian bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan at sinasamba ang Nagkakaisang mga Bansa—“ang kasuklam-suklam na bagay . . . na nakatayo sa isang dakong banal,” na hindi dapat katayuan.—Mateo 24:15, 16; Marcos 13:14.
10. Ano ang nakita ni Ezekiel sa loob ng templo, at papaano ito maihahambing sa nakikita sa Sangkakristiyanuhan?
10 Sa pagpasok sa templo, si Ezekiel ay nag-uulat: “Narito! ang bawat kumakatawan sa umuusad na mga bagay at nakaririmarim na mga hayop, at lahat ng kasuklam-suklam na mga idolo ng sambahayan ng Israel, ang nakaukit sa pader sa palibot. At pitumpung lalaki ng matatanda ng sambahayan ng Israel . . . ang nakatayo sa harap nila, bawat lalaki ay may kaniyang pansuob na hawak sa kaniyang kamay, at ang amoy ng usok ng kamangyan ay napaiilanlang.” Pag-isipan! Ang matatanda sa Israel sa templo ni Jehova, na naghahandog ng kamangyan sa mga diyus-diyusan, na inilalarawan ng kasuklam-suklam na inukit na mga larawan sa pader. (Ezekiel 8:10-12) Katulad din nito, mga ibon at maiilap na mga hayop ang ginagamit upang sumagisag sa mga bansa sa Sangkakristiyanuhan, na pinag-uukulan ng mga tao ng debosyon. Isa pa, marami sa mga miyembro ng klero ang may bahagi sa panlilinlang sa mga tao sa pamamagitan ng pagtataguyod sa maling bungang-isip na ang tao’y nanggaling sa mas mababa sa tao, na mga buhay-hayop sa halip na ang itaguyod ay ang katotohanan ng Bibliya tungkol sa paglalang ng Diyos na Jehova.—Gawa 17:24-28.
11. Bakit ang apostatang mga babaing Israelita ay nananangis kay Tammuz?
11 Sa pintuan ng pasukan ng bahay ni Jehova, nakita ni Ezekiel ang apostatang mga babaing Israelita na nananangis kay Tammuz. (Ezekiel 8:13, 14) Si Tammuz ay itinuturing ng mga taga-Babilonya at taga-Syria na diyos ng pananim na tumutubo kung tag-ulan at namamatay kung tag-araw. Ang kamatayan ng gayong mga pananim ay lumarawan sa pagkamatay ni Tammuz, na sa taun-taon ay pinananangisan ng kaniyang mga mananamba sa kasukdulan ng init. Sa muling pagtubo ng mga pananim pagdating ng tag-ulan, ipinalalagay na si Tammuz ay nagbalik na buhat sa dako ng yumaong mga kaluluwa. Siya’y kinakatawan ng unang letra ng kaniyang pangalan, ang sinaunang tau na isang anyo ng krus. Ipinaaalaala nito sa atin ang pagpapakundangan ng Sangkakristiyanuhan sa krus na para bang ito’y isang idolo.
12. Ano ang nakita ni Ezekiel na ginagawa ng 25 apostatang lalaking Israelita, at anong katulad nito ang nagaganap sa Sangkakristiyanuhan?
12 Sa gawi pa roon sa looban ng templo, ang sumunod na nakita ni Ezekiel ay ang 25 apostatang mga lalaking Israelita na sumasamba sa araw—isang paglabag sa utos ni Jehova laban sa gayong idolatriya. (Deuteronomio 4:15-19) Sa ilong ng Diyos ay inilapit ng mga mananambang ito sa mga idolo ang isang mahalay na sanga, marahil kumakatawan sa sangkap ng sekso ng lalaki. Hindi nga kataka-takang hindi sagutin ng Diyos ang kanilang mga panalangin, gaya ng kung papaano mawawalan ng kabuluhan ang paghingi sa kaniya ng tulong ng Sangkakristiyanuhan sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Kung papaanong sinamba ng apostatang mga Israelitang iyon ang nagbibigay-liwanag na araw nang patalikod sa templo ni Jehova, gayon tinatalikdan ng Sangkakristiyanuhan ang liwanag buhat sa Diyos, nagtuturo ng kasinungalingang mga doktrina, iniidolo ang makasanlibutang karunungan, at nagbubulag-bulagan sa imoralidad.—Ezekiel 8:15-18.
13. Papaano iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga anyo ng idolatriya na nakita sa pangitain ni Ezekiel?
13 Iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga anyo ng idolatriyang sinusunod sa Sangkakristiyanuhan, o antitipikong Jerusalem, gaya ng nakita ni Ezekiel sa pangitain. Hindi natin iniidolo ang mga sagisag na lumalapastangan sa Diyos. Bagaman tayo’y gumagalang sa “nakatataas na mga awtoridad” sa pamahalaan, ang ating pagpapasakop sa kanila ay may hangganan. (Roma 13:1-7; Marcos 12:17; Gawa 5:29) Ang ating puso ay nakalagak ang debosyon sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Ang teorya ng ebolusyon ay hindi natin inihahalili sa Manlalalang at sa kaniyang nilalang. (Apocalipsis 4:11) Kailanman ay hindi natin pinipintuho ang krus o iniidolo ang talino, pilosopya, o iba pang uri ng makasanlibutang karunungan. (1 Timoteo 6:20, 21) Tayo’y nag-iingat din laban sa lahat ng iba pang mga anyo ng idolatriya. Ano ba ang ilan sa mga ito?
Iba Pang mga Anyo ng Idolatriya
14. Ano ang katayuan ng mga lingkod ni Jehova kung tungkol sa “mabangis na hayop” ng Apocalipsis 13:1?
14 Ang mga Kristiyano ay hindi nakikibahaging kasama ng sangkatauhan sa pagsamba sa isang makasagisag na “mabangis na hayop.” Sinabi ni apostol Juan: “Nakita ko ang isang mabangis na hayop na umaahon sa dagat, na may sampung sungay at pitong ulo, at sa kaniyang mga sungay ay may sampung diadema . . . Lahat ng nananahan sa lupa ay sasamba sa kaniya.” (Apocalipsis 13:1, 8) Ang mababangis na hayop ay maaaring sumagisag sa mga “hari,” o makapulitikang mga kapangyarihan. (Daniel 7:17; 8:3-8, 20-25) Samakatuwid ang pitong ulo ng makasagisag na mabangis na hayop ay kumakatawan sa mga kapangyarihan ng daigdig—Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at ang Anglo-Amerikano na pinagsamang Britanya at Estados Unidos ng Amerika. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay lubhang walang galang sa Diyos at kay Kristo sa pangunguna sa sangkatauhan sa pag-idolo sa makapulitikang sistema ni Satanas, “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Subalit, bilang walang-kinikilingang mga Kristiyano at mga tagapagtaguyod ng Kaharian, ang mga lingkod ni Jehova ay tumatanggi sa gayong idolatriya.—Santiago 1:27.
15. Ano ang pangmalas ng mga lingkod ni Jehova sa makasanlibutang mga artista, at ano ang sinabi ng isang Saksi kung tungkol dito?
15 Ang bayan ng Diyos ay tumatanggi rin sa pagsamba sa mga artista sa libangan at isport ng sanlibutan. Pagkatapos maging isang Saksi ni Jehova, isang musikero ang nagsabi: “Ang musika para sa paglilibang at sa pagsasayaw ay makapupukaw ng mga maling pita . . . Ang mang-aawit ay umaawit ng tungkol sa kaligayahan at pagmamahal na maaaring akalain ng maraming mga tagapakinig na wala sa kani-kanilang asawa. Ang mang-aawit ay madalas na iniuugnay sa kaniyang inaawit. Ang ilang propesyonal na kilala ko ay sa dahilang ito naging tunay na mga paborito ng mga babae. Minsang ang isa’y mapalulong na sa daigdig na ito ng guniguni, baka maging idolo niya ang mang-aawit. Ito’y maaaring magsimula nang walang kaanu-anuman sa pamamagitan ng paghiling ng tagahanga ng isang autograph bilang alaala. Subalit itinuturing naman ng iba ang artista bilang kanilang huwaran, at sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng di-nararapat na parangal, siya’y kanilang ginagawang isang idolo. Baka isabit nila ang larawan ng artista sa dingding at magsimulang manamit at mag-ayos na gaya ng kaniyang pagdaramit at pag-aayos. Kailangang laging isaisip ng mga Kristiyano na tanging ang Diyos lamang ang dapat sambahin.”
16. Ano ang nagpapakita na ang matuwid na mga anghel ay tumatanggi sa idolatriya?
16 Oo, ang Diyos lamang ang karapat-dapat sa pagpintuho o pagsamba. Nang si Juan ay “magpatirapa upang sumamba sa harap ng paanan ng anghel” na nagpakita sa kaniya ng kagila-gilalas na mga bagay, ang espiritung nilalang na iyan ay tumangging siya’y sambahin sa anumang paraan kundi ang sabi: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako’y kapuwa alipin mo at ng iyong mga kapatid na mga propeta at ng mga nagsisitupad ng mga salita nitong balumbon ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.” (Apocalipsis 22:8, 9) Ang pagkatakot kay Jehova, o matinding pagpapakundangan sa kaniya, ang aakay sa atin upang siya lamang ang sambahin. (Apocalipsis 14:7) Sa gayon, ang tunay na maka-Diyos na debosyon ang pananggalang natin laban sa idolatriya.—1 Timoteo 4:8.
17. Papaano tayo makapag-iingat laban sa makaidolong seksuwal na imoralidad?
17 Ang seksuwal na imoralidad ay isa pang anyo ng idolatriya na tinanggihan ng mga lingkod ni Jehova. Batid nila na “sinumang mapakiapid o mahalay o masakim na tao—na ang ibig sabihin ay ang pagiging isang mananamba sa idolo—ay walang anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” (Efeso 5:5) Ang idolatriya ay nasasangkot sapagkat ang paghahangad ng bawal na kaligayahan ang pinag-uukulan ng debosyon. Ang maka-Diyos na mga katangian ay isinasapanganib ng di-nararapat na mga pita sa sekso. Pagka inihihilig ang kaniyang mga mata at mga tainga sa pornograpya, isinasapanganib ng isang tao ang anumang kaugnayan na taglay niya sa banal na Diyos, si Jehova. (Isaias 6:3) Kung gayon, upang makapag-ingat laban sa gayong idolatriya ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang umiwas sa pornograpya at sa mahalay na musika. Sila’y kailangang mangunyapit sa matitibay na mga pamantayang espirituwal na nakasalig sa Kasulatan, at sila’y kailangang patuloy na magtaglay ng “bagong pagkatao na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”—Efeso 4:22-24.
Iwasan ang Kasakiman at Kaimbutan
18, 19. (a) Ano ba ang kasakiman at kaimbutan? (b) Papaano tayo makapag-iingat laban sa makaidolong kasakiman at kaimbutan?
18 Ang mga Kristiyano ay nag-iingat din laban sa kasakiman at kaimbutan, na lubhang magkaugnay na anyo ng idolatriya. Ang kasakiman ay labis o masakim na pagnanasa, at ang kaimbutan ay kasakiman sa anumang bagay na pag-aari ng iba. Si Jesus ay nagbabala laban sa kaimbutan at bumanggit ng isang mapag-imbot na taong mayaman na hindi makikinabang sa kaniyang kayamanan pagkamatay niya at nasa malungkot na kalagayan na hindi pagiging “mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:15-21) Angkop na pinayuhan ni Pablo ang mga kapananampalataya: “Patayin . . . ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa . . . kaimbutan, na ito’y idolatriya.”—Colosas 3:5.
19 Yaong mga maibigin sa salapi, matakaw sa pagkain at pag-inom, o may ambisyon sa kapangyarihan ay umiidolo sa gayong mga pagnanasa. Gaya ng ipinaliwanag ni Pablo, ang isang taong sakim ay isang mananamba sa idolo at hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10; Efeso 5:5) Samakatuwid, ang mga bautismado na nagsasagawa ng idolatriya dahil sa pagiging sakim ay maaaring itiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Gayunman, sa pagkakapit ng Kasulatan at pananalangin nang taimtim, tayo ay makaiiwas sa kasakiman. Ang Kawikaan 30:7-9 ay nagsasabi: “Dalawang bagay ang hinihiling ko sa iyo [Jehovang Diyos]. Huwag mong ipagkait sa akin bago ako mamatay. Ilayo mo sa akin ang walang-kabuluhan at ang mga kasinungalingan. Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni kayamanan man. Pakanin mo ako ng pagkain na kailangan ko, upang huwag akong mabusog at aktuwal na ikaila ka at sabihin: ‘Sino si Jehova?’ at baka ako’y maging dukha at aktuwal na magnakaw at lapastanganin ang pangalan ng aking Diyos.” Ang ganiyang espiritu ay makatutulong sa atin na mag-ingat laban sa makaidolong kasakiman at kaimbutan.
Mag-ingat Laban sa Pagsamba sa Sarili
20, 21. Papaano nag-iingat laban sa pagsamba sa sarili ang bayan ni Jehova?
20 Ang bayan ni Jehova ay nag-iingat din laban sa pagsamba sa sarili. Sa sanlibutang ito ay karaniwan nang sinasamba ng isa ang sarili at ang sariling kalooban. Ang pagnanasa sa katanyagan at karangalan ay nagtutulak sa marami na kumilos nang may kadayaan. Ibig nila na ang kanilang kalooban ang gawin, hindi ang sa Diyos. Subalit tayo’y hindi maaaring magkaroon ng kaugnayan sa Diyos kung tayo’y padadala sa pagsamba sa sarili sa pamamagitan ng mapandayang pagsisikap na sapilitang maipasunod ang ating sariling kalooban at pag-aastang panginoon sa mga iba. (Kawikaan 3:32; Mateo 20:20-28; 1 Pedro 5:2, 3) Bilang mga tagasunod ni Jesus, atin nang itinakwil ang kahiya-hiyang mga bagay ng sanlibutan.—2 Corinto 4:1, 2.
21 Sa halip na maghangad ng katanyagan, ang bayan ng Diyos ay sumusunod sa payo ni Pablo: “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Sa pagiging mga lingkod ni Jehova, tayo’y hindi parang mga idolong iginigiit ang ating sariling paraan kundi may-kagalakang ginagawa natin ang banal na kalooban, na tumatanggap ng patnubay buhat sa “tapat at maingat na alipin” at lubusang nakikipagtulungan sa organisasyon ni Jehova.—Mateo 24:45-47.
Patuloy na Mag-ingat!
22, 23. Sa papaano laging makapag-iingat tayo laban sa bawat uri ng idolatriya?
22 Bilang bayan ni Jehova, tayo’y hindi yumuyukod sa materyal na mga idolo. Tayo’y nag-iingat din laban sa tusong mga anyo ng idolatriya. Sa katunayan, tayo’y kailangang patuloy na umiwas sa bawat uri ng idolatriya. Tayo samakatuwid ay nakasusunod sa payo ni Juan: “Mag-ingat kayo sa mga idolo.”—1 Juan 5:21.
23 Kung ikaw ay isa sa mga lingkod ni Jehova, laging gamitin ang iyong sinanay-sa-Bibliyang budhi at mga kakayahang umunawa. (Hebreo 5:14) Kung magkagayon ay hindi ka mahahawa sa makaidolong espiritu ng sanlibutan kundi makakatulad ka ng tatlong tapat na Hebreo at matapat na sinaunang mga Kristiyano. Si Jehova ang pag-uukulan mo ng bukud-tanging debosyon, at ikaw ay kaniyang tutulungan na laging mag-ingat laban sa bawat uri ng idolatriya.
Ano ba ang Iyong mga Kaisipan?
◻ Papaano iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga anyo ng idolatriya na nakita sa pangitain ni Ezekiel?
◻ Ano ang “mabangis na hayop” ng Apocalipsis 13:1, at ano ang katayuan ng mga lingkod ni Jehova kung tungkol dito?
◻ Bakit dapat mag-ingat laban sa pagsamba sa mga artista sa libangan at isport?
◻ Papaano tayo makapag-iingat laban sa pagsamba sa sarili?
◻ Bakit dapat patuloy na mag-ingat laban sa bawat uri ng idolatriya?
[Mga larawan sa pahina 26]
Alam mo ba kung papaano ang kasuklam-suklam na mga bagay na nakita sa pangitain ni Ezekiel ay lumarawan sa idolatriya ng Sangkakristiyanuhan?
[Credit Line]
Ang dibuho (sa itaas sa kaliwa) ay salig sa larawan na kuha ni Ralph Crane/Bardo Museum