Pagpapaunlad ng Bagong Pagkatao sa Pag-aasawa
“Kayo’y mangagbago sa puwersang nagpapakilos ng inyong isip, at kayo’y magbihis ng bagong pagkatao.”—EFESO 4:23, 24.
1. Bakit ang pag-aasawa ay hindi dapat na gawing biru-biro?
ANG pag-aasawa ay isa sa pinakamahalagang hakbang sa buhay na ginagawa ng isang tao, kaya ito ay hindi dapat ituring na biru-biro. Bakit ganiyan? Sapagkat ito ay nangangailangan ng habang-buhay na pananagutan sa isang indibiduwal. Ito’y nangangahulugan na ang taong iyon ay katuwang ng isa sa buong buhay niya. Ang may-gulang na pasiya ay kailangan upang maging matatag ang pananagutang iyon. Kailangan din dito ang isang positibong impluwensiya na ‘nagpapakilos sa isip at sa gayo’y hinuhubog ang bagong pagkatao.’—Efeso 4:23, 24; ihambing ang Genesis 24:10-58; Mateo 19:5, 6.
2, 3. (a) Ano ang kailangan upang matalinong makapili ng mapapangasawa? (b) Ano ang kasangkot sa pag-aasawa?
2 May mabuting dahilan na huwag magmadali sa pag-aasawa na dagling nadaraig at naiimpluwensiyahan ng matinding pita ng laman. Panahon ang kailangan upang mapaunlad ang pagkatao at ugali ng isang adulto. Kasama rin ng panahon ang karanasan at kaalaman na makapagsisilbing saligan para sa mahusay na pagpapasiya. Kung magkagayon, ang pagpili ng isang kabagay na kapareha sa buhay ay maaaring maging lalong matagumpay. Isang kawikaang Kastila ang nagpapahayag nito nang malinaw: “Mas maigi ang walang asawa kaysa mabigo sa pag-aasawa.”—Kawikaan 21:9; Eclesiastes 5:2.
3 Ang pagpili ng tamang mapapangasawa ay mahalaga upang magtagumpay ang pag-aasawa. Ukol diyan ang Kristiyano ay kailangang gumamit at sumunod sa mga alituntunin ng Bibliya, hindi ang pagbabatayan lamang ay pisikal na pagkaakit at labis na silakbo ng damdamin at pagpapadala sa tawag ng pag-ibig. Ang pag-aasawa ay hindi lamang pagsasanib ng dalawang katawan. Ito ay pagsasanib ng dalawang pagkatao, dalawang pamilya at natapos na edukasyon, marahil dalawang kultura at mga wika. Ang pagsasanib ng dalawang tao sa pag-aasawa ay tiyak na nangangailangan ng tumpak na paggamit ng dila; sa pamamagitan ng kakayahang magsalita, ang isa ay ating niwawasak o pinatitibay. Buhat sa lahat ng ito, nakikita rin natin ang karunungan ng payo ni Pablo na ‘mag-asawa lamang sa nasa Panginoon,’ samakatuwid nga, sa isang kapananampalataya.—1 Corinto 7:39; Genesis 24:1-4; Kawikaan 12:18; 16:24.
Pagharap sa mga Kagipitan sa Pag-aasawa
4. Bakit nagkakaroon kung minsan ng alitan at di-pagkakaunawaan ang mag-asawa?
4 Kahit na may mabuting saligan, magkakaroon ng mga panahon ng alitan, kagipitan, at di-pagkakaunawaan. Ito ay normal para sa kaninuman, may-asawa man o wala. Ang pangkabuhayan at pangkalusugang mga suliranin ay maaaring maging sanhi ng igtingan sa ano mang relasyon. Ang pagkasumpungin ay aakay sa pag-aaway kahit may pinakamabuting pagsasamahan ang mag-asawa. Ang isa pang dahilan ay walang sinuman na lubusang makapagpipigil ng dila, gaya ng sinabi ni Santiago: “Tayong lahat ay malimit na natitisod. Kung sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na nakapagpipigil din ng kaniyang buong katawan. . . . Ang dila ay isang maliit na sangkap ngunit maraming ipinangangalandakan. Narito! Anong laking gubat ang pinag-aalab ng pagkaliit-liit na apoy!”—Santiago 3:2, 5.
5, 6. (a) Ano ang kinakailangan pagka bumangon ang di-pagkakaunawaan? (b) Ano ang dapat gawin upang malunasan ang di-pagkakaunawaan?
5 Pagka may bumangong mga kagipitan sa pag-aasawa, papaano natin makokontrol ang situwasyon? Papaano natin mahahadlangan ang isang di-pagkakaunawaan upang hindi mapauwi sa isang pag-aaway at ang isang pag-aaway ay hindi mapauwi sa pagkasira ng relasyon? Dito may epekto ang puwersang nagpapakilos sa isip. Ang nagpapakilos na espiritung ito ay maaaring maging positibo o negatibo, nagpapatibay at nakahilig sa espirituwal o nagpapababa ng uri, pinaghaharian ng mga hilig ng laman. Kung ito ay nagpapatibay, ang isa ay kikilos upang malunasan ang pagkakasirâ, upang ang kaniyang pag-aasawa ay mapawasto. Ang mga pagtatalo at mga di-pagkakasundo ay hindi dapat maging sanhi ng paghihiwalay ng mag-asawa. Ang gayong maigting na kalagayan ay maaaring malunasan at mapasauli ang paggalang sa isa’t isa at ang pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Bibliya.—Roma 14:19; Efeso 4:23, 26, 27.
6 Sa ganitong mga kalagayan angkop na angkop ang mga salita ni Pablo: “Kaya nga, gaya ng mga hinirang ng Diyos, na mga banal at minamahal, magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kahinahunan, at ng pagtitiis. Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo. Ngunit, bukod sa lahat ng bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”—Colosas 3:12-14.
7. Anong suliranin ang maaaring mapaharap sa mag-asawa?
7 Ang tekstong iyan ay madaling basahin, subalit sa ilalim ng kagipitan ng buhay sa ngayon, hindi laging napakadaling ikapit. Ano kaya ang isang pangunahing suliranin? Kung minsan, bagaman hindi natatalos iyon, ang isang Kristiyano ay maaaring mamuhay na sumusunod sa dalawang nagkakaibang mga takdang simulain. Sa Kingdom Hall, siya ay kasa-kasama ng mga kapatid, at siya’y kumikilos nang may kabaitan at konsiderasyon. Pagkatapos, pagka nasa tahanan, sa rutinang pambahay, baka makalimutan niya ang kaniyang espirituwal na kaugnayan. Doon ay mag-asawa lamang sila, “ang lalaki” at “ang babae.” At pagka may alitan, ang lalaki (o ang babae) ay maaaring magpalitan ng masasakit na salita na kailanman ay hindi masasambit sa Kingdom Hall. Ano ba ang nangyari? Sa isang saglit, nawala ang kaniyang pagkataong Kristiyano. Ang isang lingkod ng Diyos ay nakalimot na siya (lalaki man o babae) ay isa pa ring kapatid na Kristiyano kung nasa tahanan. Ang puwersang nagpapakilos sa isip ay naging negatibo sa halip na positibo.—Santiago 1:22-25.
8. Ano ang maaaring maging resulta kung ang puwersang nagpapakilos sa isip ay negatibo?
8 Ano ba ang resulta? Ang lalaki ay baka hindi na ‘makipisan sa kaniyang asawa ayon sa kaalaman, na binibigyan siya ng karangalan gaya ng isang marupok na sisidlan, ang babae.’ Ang babae naman ay maaaring hindi na gumagalang sa kaniyang asawa; nawala na ang kaniyang “tahimik at mahinahong espiritu.” Ang puwersang nagpapakilos sa isip ay naging pisikal sa halip na espirituwal. Isang “makalamang kaisipan” ang humalili. Kaya, ano ang magagawa upang ang nagpapakilos na puwersang iyon ay mapanatiling espirituwal at positibo? Kailangang patibayin natin ang ating espirituwalidad.—1 Pedro 3:1-4, 7; Colosas 2:18.
Patibayin ang Puwersa
9. Anong mga pasiya ang kailangang gawin natin sa araw-araw na pamumuhay?
9 Ang nagpapakilos na puwersa ay yaong hilig ng isip na gumaganap ng bahagi pagka tayo’y kailangang gumawa ng mga pasiya at ng mga pagpili. Sa buhay ay palaging may napapaharap na dapat pagpilian—mabuti o masama, mapag-imbot o di-mapag-imbot, moral o imoral. Ano ang tutulong sa atin upang gumawa ng tamang mga pasiya? Ang puwersa na nagpapakilos sa isip kung iyon ay nakatutok sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Ang salmista ay nanalangin: “Ituro mo sa akin, Oh Jehova, ang daan ng iyong mga palatuntunan, upang aking masunod hanggang wakas.”—Awit 119:33; Ezekiel 18:31; Roma 12:2.
10. Papaano natin mapatitibay sa positibong paraan ang puwersang nagpapakilos sa isip?
10 Ang matibay na kaugnayan kay Jehova ay tutulong sa atin na palugdan siya at lumayo sa masama, kasali na ang pagtataksil sa pag-aasawa. Sa Israel ay ipinayo na “gumawa ng mabuti at matuwid sa paningin ni Jehova [na kanilang] Diyos.” Subalit nagpayo rin ang Diyos: “Oh kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama.” Sa liwanag ng ikapito sa Sampung Utos: “Huwag kang mangangalunya,” kailangang kapootan ng mga Israelita ang pangangalunya. Ipinakita ng utos na iyan ang pagka-istrikto ng Diyos kung tungkol sa pagtatapat ng mag-asawa sa isa’t isa.—Deuteronomio 12:28; Awit 97:10; Exodo 20:14; Levitico 20:10.
11. Papaano natin higit na mapatitibay ang puwersang nagpapakilos sa ating isip?
11 Papaano pa natin higit na mapatitibay ang puwersang nagpapakilos sa isip? Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga gawain at mga pamantayan. Iyan ay nangangahulugan na kailangang tupdin natin ang pangangailangan na mag-aral nang palagian ng Salita ng Diyos at matuto tayong malugod sa sama-samang pagtalakay sa mga kaisipan at payo ni Jehova. Ang ating taos-pusong mga damdamin ay dapat na katulad ng sa salmista: “Hinanap kita ng aking buong puso. Huwag nawa akong malihis sa iyong mga utos. Ang salita mo’y aking iningatan sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa iyo. Ituro mo sa akin, Oh Jehova, ang daan ng iyong mga palatuntunan, upang aking masunod hanggang wakas. Bigyan mo ako ng unawa, upang aking maingatan ang iyong kautusan at masunod ko ng aking buong puso.”—Awit 119:10, 11, 33, 34.
12. Anong mga bagay ang may magagawa upang pagkaisahin tayo sa pagpapabanaag ng isip ni Kristo?
12 Ang ganitong uri ng pagpapahalaga sa matuwid na mga simulain ni Jehova ay napananatili hindi lamang sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya kundi sa pamamagitan rin ng palagiang pakikibahagi nang magkasama sa mga pulong Kristiyano at sa ministeryong Kristiyano. Ang dalawang malalakas na impluwensiyang ito ay palaging makapagpapatibay sa puwersang nagpapakilos sa ating isip na anupat sa ating walang-imbot na pamumuhay ay laging mababanaag ang isip ni Kristo.—Roma 15:5; 1 Corinto 2:16.
13. (a) Bakit ang panalangin ay mahalagang tulong sa pagpapatibay sa puwersang nagpapakilos sa isip? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa bagay na ito?
13 Ang isa pang tulong na itinatampok ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso ay: “Sa pamamagitan ng lahat ng anyo ng panalangin at pagsusumamo . . . ay magsipanalangin kayo sa bawat pagkakataon sa espiritu.” (Efeso 6:18) Ang mag-asawa ay kailangang manalanging magkasama. Kadalasan ang mga panalanging iyon ay nagbubukas ng puso at umaakay tungo sa prangkahang pag-uusap na lumulutas ng anumang di-pagkakaunawaan. Sa panahon ng pagsubok at tukso, kailangang lumapit tayo sa Diyos sa panalangin, humingi ng tulong, para magkaroon ng espirituwal na lakas na gawin ang bagay na kasuwato ng isip ni Kristo. Maging ang sakdal na si Jesus ay lumapit sa kaniyang Ama sa panalangin sa maraming pagkakataon, humingi ng lakas. Ang kaniyang mga panalangin ay taos-puso at puspusan. Gayundin sa ngayon, sa panahon ng tukso, tayo’y magkakaroon ng lakas upang gumawa ng tamang pasiya sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova upang tulungan na mapaglabanan ang hangaring magbigay-daan sa pita ng laman at sirain ang panata sa pag-aasawa.—Awit 119:101, 102.
Nagkakaibang mga Halimbawa ng Paggawi
14, 15. (a) Papaano gumawi si Jose sa harap ng tukso? (b) Ano ang tumulong kay Jose upang paglabanan ang tukso?
14 Papaano natin haharapin ang tukso? Sa bagay na ito tayo’y makakakita ng malinaw na pagkakaiba sa iginawi ni Jose at ni David. Nang sikapin ng asawa ni Potipar na akitin ang magandang lalaking si Jose, na marahil ay binata pa noon, ito’y sumagot sa kaniya ng ganito: “Walang sinumang dakila kaysa akin sa bahay na ito, at walang ipinagkait sa akin na anumang bagay [ang iyong asawa] kundi ikaw lamang, sapagkat ikaw ay kaniyang asawa. Kaya papaano ngang aking magagawa ang malaking kasamaang ito at kasalanan laban sa Diyos?”—Genesis 39:6-9.
15 Ano ang tumulong kay Jose upang gumawi nang nararapat gayong magiging napakadaling padala sa tukso? Siya’y may taglay na malakas na puwersang nagpakilos sa kaniyang isip. Damang-dama niya ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Batid niya na ang pakikiapid sa haling na babaing ito ay isang kasalanan hindi lamang laban sa kaniyang asawa kundi, lalo pang mahalaga, laban sa Diyos.—Genesis 39:12.
16. Papaano gumawi si David sa harap ng tukso?
16 Sa kabaligtaran, ano ang nangyari kay David? Siya ay isang lalaking may-asawa, bumibilang ng mga asawang babae ayon sa ipinahintulot ng Kautusan. Isang gabi kaniyang natanaw buhat sa kaniyang palasyo ang isang babaing naliligo. Iyon ay ang magandang si Bath-sheba, asawa ni Uriah. Malinaw na nagkaroon si David ng dapat pagpilian—ang magpatuloy ng pagmamasid samantalang bumabalong sa kaniyang puso ang pita ng laman o umalis at tanggihan ang tukso. Ano ang pinili niyang gawin? Ang babae ay kaniyang ipinadala sa kaniyang palasyo, at siya’y nagkasala ng pangangalunya sa piling niya. Ang lalong masama, nagpatuloy siya hanggang sa pangyarihin niya ang kamatayan ng asawang lalaki nito.—2 Samuel 11:2-4, 12-27.
17. Ano ang mahihinuha natin tungkol sa espirituwalidad ni David?
17 Ano ba ang naging suliranin ni David? Buhat sa kaniyang pinagsisihang kasalanan sa Awit 51, ating mahihinuha ang ilang katotohanan. Sinabi niya: “Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos, at ilagay mo sa loob ko ang isang bagong espiritu, na may katatagan.” Marahil noong sandali ng pagtukso sa kaniya, hindi niya taglay ang isang malinis at matatag na espiritu. Marahil ay nagpabaya siya sa kaniyang pagbasa ng Kautusan ni Jehova, at ang resulta, nanghina ang kaniyang espirituwalidad. O maaaring dahil sa kaniyang posisyon at kapangyarihan bilang hari ay pinayagan niyang ilihis nito ang kaniyang kaisipan hanggang sa siya’y padala sa pita ng laman. Tunay, ang puwersa na nagpapakilos sa kaniyang isip nang panahong iyon ay mapag-imbot at makasalanan. Kaya naman, kaniyang natalos na nangangailangan siya ng “isang bagong espiritu, na may katatagan.”—Awit 51:10; Deuteronomio 17:18-20.
18. Ano ang ipinayo ni Jesus tungkol sa pangangalunya?
18 Ang ilang pag-aasawang Kristiyano ay napahamak dahilan sa ang isa o kapwa sa mag-asawa ay pumayag na sila’y mahulog sa kalagayan ng panghihina ng espirituwalidad katulad ng nangyari kay Haring David. Ang kaniyang iginawi ay dapat na magsilbing babala sa atin laban sa patuloy na pagtingin sa ibang babae, o lalaki, taglay ang silakbo ng damdamin, sapagkat baka sa bandang huli ay humantong iyon sa pangangalunya. Ipinakita ni Jesus na kaniyang nauunawaan ang damdamin ng tao sa bagay na ito, sapagkat sinabi niya: “Narinig ninyong sinabi na, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Datapuwat sinasabi ko sa inyo na bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” Sa ganiyang kaso, ang puwersang nagpapakilos sa isip ay mapag-imbot at makalaman, hindi espirituwal. Ano, kung gayon, ang magagawa ng mga Kristiyano upang makaiwas sa pangangalunya at mapanatiling maligaya at kasiya-siya ang kanilang pag-aasawa?—Mateo 5:27, 28.
Patibayin ang Buklod ng Pag-aasawa
19. Papaano mapatitibay ang pag-aasawa?
19 Si Haring Solomon ay sumulat: “Kung ang isang tao ay manaig laban sa kaniya na nag-iisa, ang dalawa na magkasama ay makalalaban sa kaniya. At ang panaling tatlong ikid ay hindi madaling mapapatid.” Tiyak, ang dalawa na magkasuwato sa pagiging mag-asawa ay mas maigi kaysa isa na makatatayong magkasama sa kahirapan. Subalit kung ang kanilang buklod ay katulad ng isang panaling tatlong ikid dahil sa sumasakanila ang Diyos, ang pag-aasawa ay magiging matatag. At papaanong sa pagsasama ng mag-asawa ay sasakanila ang Diyos? Kung ikakapit ng mag-asawa ang kaniyang mga simulain at payo sa pag-aasawa.—Eclesiastes 4:12.
20. Anong payo ng Bibliya ang makatutulong sa isang asawang lalaki?
20 Tunay, kung ikakapit ng asawang lalaki ang payo ng sumusunod na mga teksto, ang kaniyang pag-aasawa ay magkakaroon ng isang lalong mainam na saligan upang magtagumpay:
“Kayong mga asawang lalaki, patuloy na makipamahay kasama nila ayon sa pagkakilala, na pakundanganan sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae, yamang kayo rin naman ay mga tagapagmanang kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.”—1 Pedro 3:7.
“Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung papaanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon. Sa ganitong paraan nararapat sa mga lalaki na ibigin ang kani-kanilang mga asawa gaya ng kanilang sariling katawan. Ang lalaking umiibig sa kaniyang asawa ay umiibig sa kaniyang sarili.”—Efeso 5:25, 28.
“Ang kaniyang [asawang lalaki] ay bumabangon, at pinupuri siya. Maraming anak na babae na nagpakitang sila’y mahuhusay, subalit ikaw—nakahihigit ka sa kanilang lahat.”—Kawikaan 31:28, 29.
“Makalalakad ba ang isang tao sa mga baga at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso? Ganiyan ang sinuman na sumisiping sa asawa ng kaniyang kapwa, sinumang humihipo sa kaniya ay hindi maaaring di-maparusahan. Sinumang nangangalunya . . . ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.”—Kawikaan 6:28, 29, 32.
21. Anong payo ng Bibliya ang makatutulong sa isang asawang babae?
21 Kung bibigyang-pansin ng isang asawang babae ang sumusunod na mga alituntunin ng Bibliya, ito’y may magagawa sa ikapananatili ng kaniyang pag-aasawa:
“Kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, upang, kung ang sinuman ay hindi tumatalima sa salita, sila’y mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa nasaksihan nila ang inyong wagas na pag-uugaling may kalakip na taimtim na paggalang [at ang inyong] tahimik at mahinahong espiritu.”—1 Pedro 3:1-4.
“Ibigay ng lalaki sa kaniyang asawa ang sa kaniya’y nauukol [tungkol sa sekso]; ngunit gayundin sana ang gawin ng babae sa kaniyang asawa. . . . Huwag ninyong pagkaitan ang isa’t isa nito, maliban sa pinagkasunduan sa loob ng takdang panahon.”—1 Corinto 7:3-5.
22. (a) Ano pang ibang mga bagay ang makabubuti sa pag-aasawa? (b) Ano ang pangmalas ni Jehova sa paghihiwalay?
22 Ipinakikita rin ng Bibliya na ang pag-ibig, kabaitan, pagkamaawain, pagtitiis, pagkaunawa, pampatibay-loob, at papuri ang iba pang mahalagang elemento ng hiyas ng pag-aasawa. Ang isang pag-aasawang wala ng mga ito ay katulad ng isang halamang hindi nasisikatan ng araw at nadidilig—ito’y bihirang mamukadkad. Kaya hayaang ang puwersang nagpapakilos sa ating isip ay magtulak sa atin na magpatibay-loob at magpalakas sa isa’t isa sa ating pag-aasawa. Alalahanin na si Jehova ay ‘napopoot sa paghihiwalay.’ Kung pag-ibig Kristiyano ang sinusunod, hindi dapat magkaroon ng dako ang pangangalunya at ang pagguho ng pag-aasawa. Bakit? “Sapagkat ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—Malakias 2:16; 1 Corinto 13:4-8; Efeso 5:3-5.
Maipaliliwanag Mo ba?
◻ Ano ang kailangan sa isang maligayang pag-aasawa?
◻ Papaano maaapektuhan ang pag-aasawa ng puwersang nagpapakilos sa isip?
◻ Ano ang magagawa natin upang mapatibay ang puwersang nagpapakilos sa ating isip?
◻ Papaano may pagkakaiba si Jose at si David nang nasa harap ng tukso?
◻ Anong payo ng Bibliya ang tutulong sa mga mag-asawa upang patibayin ang buklod ng pag-aasawa?
[Mga larawan sa pahina 18]
Mayroon ba tayong dalawang pamantayan ng asal—mabait sa kongregasyon at mabagsik naman sa tahanan?