Naaalaala ni Jehova ang Maysakit at ang May Edad
ANG pagharap sa isang “panahon ng kasakunaan” ay maaaring maging napakahirap. (Awit 37:18, 19) Ang gayong panahon ay maaaring dumating bilang mga taon ng katandaan at may kalakip na mga kahinaan. Ang ilan ay pumapasok sa panahon ng kasakunaan pagka sila’y dumaranas ng malulubhang sakit, na may katagalan. Marahil kanilang nadarama na para bang ang kanilang pagkakasakit na lamang ang tanging bagay sa kanilang buhay, nangingibabaw sa lahat ng kanilang kaisipan at mga kilos.
Datapuwat, nakabubuhay ng loob na alalahanin na si Jehova’y laging nakatitig sa lahat ng kaniyang mga lingkod. Pinagagalak ang kaniyang puso pagka ang kaniyang tapat na mga lingkod ay nagpatuloy ng pagpapakita ng katapatan at karunungan sa kabila ng katandaan, sakit o iba pang kalagayan na nagsisilbing pagsubok. (2 Cronica 16:9a; Kawikaan 27:11) Binibigyan tayo ni Haring David ng katiyakan: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, . . . at ang kanilang daing ng paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin.” Oo, alam niya ang kanilang pakikipagpunyagi; kaniyang pinalalakas-loob sila sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. “At kaniyang ililigtas sila.” Naaalaala niya sila at tinutulungan sila na magtiis. (Awit 145:18, 19) Ngunit kumusta naman tayo? Tayo ba, tulad ni Jehova, ay nakaaalaala sa maysakit at sa may edad?
Ang mga kahinaan na likha ng sakit o katandaan ay mga katotohanan ng buhay sa kasalukuyang pamamalakad na ito. Ang mga ito ay mga pangyayaring kailangang bakahin natin hanggang sa matupad ni Jehova ang kaniyang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan. Sa ngayon, parami nang paraming tao ang nabubuhay hanggang sa lubhang katandaan, kaya marami ang nakaaalam ng mga kahinaan na kaugnay nito. Isa pa, samantalang bata pa, marami ang dinaratnan ng mapanganib o nagbibigay-kapansanang mga aksidente o mga sakit. Hangga’t narito ang matandang sanlibutang ito, ang sakit at katandaan ay magpapatuloy na maging pangunahing mga hamon.
Anong laki ng ating pagpapahalaga sa ating mga maysakit at mga may edad na nagpapatuloy bilang mga halimbawa sa “pagbabata at pagtitiis”! Oo, “tinatawag nating maligaya ang mga nagtiis.” (Santiago 5:10, 11) Maraming may edad na hindi na gaanong malalakas ngayon na sa lumipas na maraming taon ay nakibahagi sa pagtuturo, pagsasanay, at paghubog sa mga nangunguna ngayon sa kongregasyon. Marami rin sa mga may edad ang nagagalak na makita ang kanilang mga anak na nakibahagi sa buong-panahong ministeryo.—Awit 71:17, 18; 3 Juan 4.
Sa nahahawig na paraan, pinahahalagahan natin yaong iba sa atin na may malulubhang karamdaman ngunit, sa kabila ng kanilang mga pagdurusa, nagagawa pa rin na patibayin ang ating loob sa pamamagitan ng kanilang katapatan. Pagka ang mga ito ay nagbigay ng katunayan ng kanilang pag-asa nang hindi nag-aalinlangan, ang resulta ay totoong nakapagpapasigla at nagpapatibay-pananampalataya. Ang kanilang kapayapaan ng isip at kasiyahan ay nagsisiwalat ng isang pananampalataya na talagang karapat-dapat tularan.
Isang kabiglaanan kung sinuman ay biglang dapuan ng sakit na kanser, dumanas ng atake serebral (stroke), o iba pang karamdaman na lubusang bumabago sa buhay ng isang tao. Isa ring mahirap na pagsubok para sa mga magulang na makitang ang kanilang mga anak ay nagkakasakit o nahihirapan na resulta ng isang aksidente. Ano ang maaaring magawa ng iba upang makatulong? Ang gayong panahon ng kasakunaan ay isang pagsubok para sa buong kapatirang Kristiyano. Isang pagkakataon iyon upang ipakita na ‘ang isang tunay na kaibigan ay isang kapatid na ipinanganak pagka may kagipitan.’ (Kawikaan 17:17) Mangyari pa, hindi lahat ng maysakit at may edad ay makaaasa ng personal na tulong buhat sa bawat miyembro ng kongregasyon. Ngunit pangyayarihin ni Jehova na sa pamamagitan ng kaniyang espiritu marami ang makadama ng pangangailangang makatulong sa sari-saring paraan. At ang matatanda (elders) ay maaaring maging listong magmasid upang matiyak na walang sinuman na nakakaligtaan.—Tingnan ang Exodo 18:17, 18.
Sikaping Makaunawa
Sa pagsisikap na makatulong sa kaninuman, mahalaga na magkaroon ng mabuting ugnayan, at iyan ay nangangailangan ng panahon, pagtitiyaga, at pakikiramay. Bilang isang katulong, natural na ninanais mong ‘makapagpatibay sa pamamagitan ng mga salita’; subalit maingat na makinig ka muna bago ka magsalita o kumilos, o kung hindi ay baka ang kalabasan mo’y isang ‘nakayayamot na mang-aaliw.’—Job 16:2, 5.
Ang maysakit at ang may edad ay paminsan-minsan mahihirapan na ikubli ang kanilang kabiguan. Marami ang may pinakaiibig na pag-asang mabuhay upang makatawid sa malaking kapighatian, at ngayon inaakala nilang sila ay nakasangkot sa pakikipag-unahan sa panahon, isang karera na inaakala nilang hindi sila nakatitiyak na sila’y mananalo. Gayundin, dahilan sa kanilang kalagayan ay malimit na sila’y nahahapo at nababahala. Ang pagpapanatiling buháy at matibay ng pananampalataya ay isang pakikipagpunyagi, lalo na kung ang isa ay hindi na makasunod sa hangarin ng puso na lubusang makibahagi sa ministeryong Kristiyano. Isang Kristiyanong matanda ang dumalaw sa isang may edad na sister; nang nananalangin kasama niya (ng sister), hiniling ng matanda na harinawang patawarin ni Jehova ang ating mga kasalanan. Pagkatapos ng panalangin napansin niya na ang sister ay umiiyak. Ipinaliwanag ng sister na inaakala niyang nangangailangan siya ng pantanging kapatawaran buhat kay Jehova dahil sa hindi na siya makabahagi sa pangangaral sa bahay-bahay. Oo, ang pagkadamang ang isa’y wala na o kulang na ng kakayahan, bagaman kalimitan walang batayan, ay maaaring lubhang magpalungkot sa isang tao.
Kilalanin na ang pagkabalisa at pagkahapo ay maaaring makaapekto sa katinuan ng isip. Dahilan sa mga kahinaan ng isa dulot ng katandaan o ng kaigtingan na likha ng nagpapahinang sakit, baka madama ng isang tao na siya’y pinabayaan na ni Jehova, marahil ay sasabihin pa niya: “Ano ba ang aking nagawa? Bakit ako pa?” Tandaan ang mga salita ng Kawikaan 12:25: “Ang kabigatan ng puso ng isang tao ay nagpapahukot, ngunit ang mabuting salita ay nagpapasaya.” Mag-isip ng mabubuting salita na nakaaaliw. Ang mga may edad na nahihirapan sa kanilang kalagayan ay maaari pa ngang, tulad ni Job, magpahayag ng pagnanais na mamatay. Ito’y hindi kailangang makabigla; sikaping maunawaan iyon. Ang gayong mga reklamo ay hindi naman laging katunayan ng kakulangan ng pananampalataya o pagtitiwala. Si Job ay nanalangin na ‘mapakubli sa Sheol,’ gayunman ang kaniyang mga salita pagkatapos na pagkatapos na sabihin iyan ay nagsisiwalat ng kaniyang matatag na pananampalataya na sa pagtatagal ay bubuhayin siya ni Jehova. Ang matibay na pananampalataya ay nagpapangyari na dumanas ng kadalamhatian at panlulumo at makapanatili pa ring malapit kay Jehova.—Job 14:13-15.
Pagpaparangal sa mga Maysakit at mga May Edad
Napakahalaga na ang mga maysakit at may edad ay pakitunguhan nang may karangalan at dignidad. (Roma 12:10) Kung sila’y hindi nakakikilos na kasimbilis ng dati o hindi nakagagawa ng gaya ng nagagawa nila noong una, huwag kang mawawalan ng tiyaga. Huwag kang dagling makikialam at gagawa ng mga pasiya para sa kanila. Gaano man kabuti ang ating pakay sa kanila, kung tayo’y aasta na may pagkadominante o mistulang diktador, sa lahat ng pagkakataon ay pinagkakaitan niyaon ang taong iyon ng pagpapahalaga sa sarili. Sa isang thesis sa pagkadoktor na inilathala noong 1988, isang mananaliksik, si Jette Ingerslev, ang nagpaliwanag kung ano ang itinuturing na pinakamahalaga ng isang grupong nasa mga edad na 85-anyos ukol sa kanilang kaurian ng buhay: “Tatlong pitak ang binigyan nila ng higit na pagpapahalaga: kung kasama ng mga kamag-anak; mabuting kalusugan; at ang huli ngunit kasinghalaga rin, ang kanilang kakayahan na gumawa ng kanilang sariling mga pagpapasiya.” Pansinin na ang patriyarkang si Jacob ay pinakitunguhan nang may pagpapakumbaba ng kaniyang mga anak nang siya’y tumanda na; ang kaniyang mga kagustuhan ay iginalang.—Genesis 47:29, 30; 48:17-20.
Ang mga maysakit ay kailangan ding pakitunguhan nang may dignidad. Isang matanda ang nawalan ng kakayahan na magsalita, bumasa, at sumulat dahilan sa isang pagkakamali na nangyari noong siya’y inoopera. Ito’y isang matinding dagok, ngunit ang kaniyang kapuwa mga matatanda ay nagpasiyang gawin ang anuman na maaari upang hindi niya isipin na siya’y walang-silbi. Ngayon ay kanilang binabasa sa kaniya ang lahat ng liham sa kongregasyon at isinasali siya sa pagpaplano ng ibang mga bagay na ukol sa kongregasyon. Sa mga pulong ng matatanda, sila’y nagtatangkang alamin kung ano ang kaniyang opinyon. Ipinaaalam nila sa kaniya na kanila pa ring itinuturing siya bilang isang kapuwa matanda at pinahahalagahan ang kaniyang pagkanaroroon. Sa kongregasyong Kristiyano, lahat tayo ay makapagsisikap upang huwag isipin ng mga maysakit o mga may edad na sila’y ‘itinapon na’ o nakalimutan na.—Awit 71:9.
Pagtulong Upang Makamit ang Espirituwal na Lakas
Lahat tayo ay nangangailangan ng espirituwal na pagkain upang panatilihing buháy at matatag ang ating pananampalataya. Kaya naman tayo ay hinihimok na magbasa ng Bibliya at ng mga publikasyon sa Bibliya sa araw-araw at makibahagi nang buong sigasig sa mga pulong Kristiyano at sa gawaing pangangaral. Kadalasan, ang mga maysakit at mga may edad ay nangangailangang tulungan sa paggawa nito, at mahalaga na gawin kung ano ang makatotohanan sa kanila. Nakatutuwa naman, marami ang nakadadalo pa rin sa mga pulong kung binibigyan ng transportasyon at kaunting tulong sa Kingdom Hall. Ang kanilang pagdalo sa gayong mga pulong ay malaking pampatibay-loob sa kongregasyon. Ang kanilang pagtitiis ay nakapagpapasigla at nakapagpapatibay ng pananampalataya.
Sa maraming kaso ang mga maysakit at may edad ay maaari ring magkaroon ng makabuluhang bahagi sa ministeryong Kristiyano. Ang ilan ay maisasali sa isang grupong nakakotse para magpatotoo, at tiyak na sila’y natutuwa pagka sila’y nakagawa ng ilang mga pagdalaw. Kung ito’y hindi na posibleng magawa, makasusumpong sila ng kagalakan sa impormal na pagpapatotoo sa mga taong kanilang nakakausap. Isang sister na dinapuan ng kanser ang nagpasiyang gugulin ang natitira pa ng kaniyang buhay sa pantanging pagsisikap na mapasulong ang mabuting balita. Ang kaniyang lakas-loob na pangangaral ay isang pampatibay sa lahat. Kaniya pa man ding isinaplano ang kaniyang sariling libing upang isang mainam na patotoo ang maibigay sa di-kapananampalatayang mga kamag-anak, kamanggagawa, at mga kapitbahay. Ang dinaranas niyang mahihirap na kalagayan ay “nangyari ukol sa lalong ikasusulong ng mabuting balita,” at ang kaniyang determinasyon na maipahayag ang pananampalataya at pagtitiwala ang nagbigay ng natatanging kabuluhan sa huling mga araw ng kaniyang buhay.—Filipos 1:12-14.
Mabuti na tulungan ang mga maysakit at may edad upang lumakas sa espirituwal. Maaari silang anyayahan ng mga pamilya upang makibahagi sa isang gabi ng kalugud-lugod na pakikisama, o ang isang bahagi ng kanilang pampamilyang pag-aaral ay paminsan-minsan ilipat sa tahanan ng isa na hindi makalabas. Isang ina ang nagdala sa kaniyang dalawang pinakabatang mga anak sa tahanan ng isang nakatatandang sister upang kanilang mabasa nang sama-sama Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Ito’y nagpaligaya sa sister na may edad, at ang mga bata naman ay nasiyahan sa kaniyang pag-aasikaso sa kanila.
Gayunman, may mga panahon na ang isang taong may karamdaman ay hindi dapat gambalain nang matagal, at ang pinakamagaling ay ang manaka-nakang basahin na lamang nang malakas sa kaniya ang isang materyal. Subalit, tandaan na kung totoong mahina ang isa upang makaya ang makipag-usap, ang isang ito ay maaaring nangangailangan pa rin at nagnanasa ng kaunting espirituwal na pakikihalubilo. Tayo’y makapananalangin na kasama ang gayong mga tao, basahan natin sila, o maglahad tayo ng mga karanasan; ngunit pakaingat tayo na huwag pakakahabaan ang ating pagdalaw kaysa makakaya nila.
May isa pang banal na paglilingkuran na magagawa pa rin ng mga maysakit at mga may edad: ang pananalangin alang-alang sa iba. Ang sinaunang mga alagad ay nagpahalaga sa ministeryong ito. Minsan, kanilang binaha-bahagi ang trabaho sa kongregasyon upang ang mga apostol ay makapagbuhos ng buong atensiyon sa pananalangin. Ang tapat na si Epaphras ay binanggit na ‘laging nagsisikap alang-alang sa iba sa kaniyang mga panalangin.’ (Colosas 4:12; Gawa 6:4) Ang gayong panalangin ay pinakamahalaga at kapaki-pakinabang.—Lucas 2:36-38; Santiago 5:16.
Naaalaala ni Jehova ang mga maysakit at mga may edad at inaasikaso sila sa kanilang panahon ng kasakunaan. May katuwiran siyang asahan na iisipin natin kung ano ang magagawa natin upang tumulong at alalayan sila. Ang ating pagkabahala ay nagpapakita ng ating pagkadesididong ingatan ang ating sariling katapatan. At nagagalak tayo na pag-isipan ang mga salita ni Haring David: “Nalalaman ni Jehova ang mga araw ng mga sakdal, at ang kanilang mana ay magpapatuloy hanggang sa panahong walang-takda.”—Awit 37:18.
[Kahon sa pahina 28]
Pagbibigay ng Praktikal na Tulong Nang May Unawa
ANG mga kaibigan at mga kamag-anak ay dapat magkaroon ng isang panimula ngunit tamang kaalaman sa pangangalaga ng mga maysakit at mga may edad. Higit sa lahat, sila’y mahihimok na manatiling may positibong saloobin sa buhay, kanilang madama na sila’y kinakailangan at pinahahalagahan, at nakadarama ng pagpapahalaga-sa-sarili. Sa gayon, ang kanilang kaurian ng buhay ay mananatiling nasa kalagayan na naiingatan ang kanilang kagalakan kay Jehova, sa kabila ng kanilang mga sakit at kalungkutan. Napansin na marami sa mga Saksi ni Jehova ay umaabot sa sukdulang katandaan at hinahangaan sila dahil dito. Tiyak na ang isang matatag na dahilan ay ang kanilang masiglang interes sa pag-asang nasa unahan, ang kanilang masayang disposisyon ng isip, at ang kanilang pakikibahagi sa mga gawaing pang-Kaharian sa sukdulang magagawa nila. Ang yumaong pangulo ng Samahang Watch Tower na si Frederick W. Franz, na namatay nang mapayapa noong kaniyang ika-100 taon pagkatapos ng isang mabungang buhay na may kagalakan, ay isang magandang halimbawa nito.—Ihambing ang 1 Cronica 29:28.
Pangkaraniwan, ang pagbibigay-pansin sa saligang mga bagay ng araw-araw na pangangalaga ay malaki ang magagawa: kalinisan, tamang pagkain, sapat na mga likido at asin, katamtamang pag-eehersisyo, sariwang hangin, banayad na pagmamasahe, at nakapagpapasiglang pag-uusap. Ang tamang pagkain ay may magagawa sa ikahuhusay ng pakinig, paningin, pag-andar ng isip, at ikabubuti ng katawan, at magkakaroon din ng mas matatag na paglaban sa sakit. Sa mga may edad kahit na lamang ang wastong pagkain at maraming likido ay maaaring mangahulugan ng pagkakaiba ng mabuting kalagayan at pagkaulianin. Maaaring pag-isipang mabuti upang makasumpong ng isang anyo ng pag-eehersisyo na angkop sa maykatawan. Isang sister na nagpupunta upang basahan ang isang may edad na at halos bulag nang sister ang nagsisimula at tumatapos sa bawat lingguhang pagdalaw sa pamamagitan ng dahan-dahang pagsasayaw sa palibot ng kuwarto kasama ang matandang sister. Ang tape recorder ay laging handa na may piniling musika, at kapuwa sila natutuwa sa ganitong “ehersisyo.”
Sa maraming bansa, ang katulong na mga organisasyon ay makapagbibigay ng mahalagang praktikal na tulong at ng impormasyon at payo tungkol sa espesipikong mga kondisyon at kung papaano ikakapit ang mga iyon. (Mangyari pa, ang isang Kristiyano ay dapat na laging pakakaingat na huwag mahihila sa mga gawain na maghihiwalay sa atin sa ating tunay na ministeryong Kristiyano.) Kung minsan ay tumutulong sa pamamagitan ng pagpapahiram ng kamang pang-ospital, mga andador, saklay, silyang de gulong, hearing aid, at iba pa. Yamang maraming may edad ang naniniwalang hindi na nila kailangan ang anuman o na walang kabuluhang magkaroon ng gayong bagong mga bagay, ang mga kamag-anak ay dapat na laging magbigay ng mainam na payo o gumagamit pa man din ng panghihikayat. Ang isang praktikal na hawakán para sa pinto ng banyo ay maaaring magdulot ng higit na kagalakan kaysa isang pumpon ng mga bulaklak.
Ang pag-aasikaso sa mga may edad ay maaaring pagmulan ng malaking kaigtingan ng isip, lalo na kung ang taong iyon ay nagiging ulianin. Malimit na mapanlinlang ang pagkaulianin. Maaaring subukan na hadlangan ito sa pamamagitan ng pagsisikap na tulungan ang pasyente na huwag magsawalang-kibo kung hindi naman kailangan. Ang isang taong ulianin ay maaaring biglang magtampo sa kaninuman na totoong mahal niya. Tantuin ng mga kamag-anak na ang isang taong tumatanda ay maaari pa ngang makalimot sa lahat ng bagay na may kinalaman sa katotohanan—isang malungkot na resulta ng pagkakasakit, hindi ebidensiya ng pagkawala ng pananampalataya.
Kung ang isang pasyente ay nasa isang ospital o isang tahanan para sa mga may edad, kailangan ang mainam na pakikipag-ugnayan sa mga manggagawa roon upang alam ng mga naroroon kung ano ang gagawin kung tungkol sa mga kompleanyo, Pasko, o iba pang makasanlibutang mga kapistahan. Kung kinakailangan ang isang operasyon, ang mga kamag-anak ay makapagpapaliwanag at makapagsasaayos ng mga dokumento tungkol sa habang-buhay na mga paniniwala ng pasyente tungkol sa pagsasalin ng dugo.